Chapter Thirteen

2361 Words
HUMUGOT nang malalim na hininga si Jamelia bago siya kumatok sa pinto ng opisina ni Ma’am Vera. Dalawang araw pa lang ang nakakalipas mula nang kausapin siya nito tungkol sa iniaalok nito sa kanya. Dalawang gabi niya iyong pinag-isipan at ngayon nga ay nakapagdesisyon na siya. Tatanggapin niya ang iniaalok nitong trabaho hindi lang para sa kapakanan ng mga kapatid niya kundi dahil mahal niya si Adrian. Kahit alam niyang puwede siya nitong kasuklaman ay gagawin pa rin niya iyon para protektahan ito.  “Tuloy!” narinig niyang sabi ni Ma’am Vera mula sa loob ng opisina nito.  Pinihit niya ang seradura at tahimik siyang pumasok sa pinto. Nag-angat ito ng tingin pero agad din nitong ibinalik ang mga mata sa mga papel na binabasa nito.  “May kailangan ka ba, Jamelia?” tanong nito.  “Opo,” sagot niya. Lumapit siya rito. “Mayroon na ho akong nabuong desisyon tungkol sa iniaalok ninyong tulong sa akin.”  Nag-angat uli ito ng tingin at sa pagkakataong iyon ay tinitigan siya nito. “Talaga? Maupo ka, hija.” Tumalima siya. “Tinatanggap ko na ho ang alok ninyo. Gagawin ko po ang lahat para mailayo kay Norraine ang pamangkin ninyo.”  Lumuwang ang ngiti nito. Halatang tuwang-tuwa ito sa naging pasya niya. “Thank you, hija. Maganda ang naging desisyon mo.”  Ngumiti lang siya nang tipid.  “Tatlong buhay ang matutulungan mo sa gagawin mong ito—ang dalawang kapatid mo at ang pamangkin ko.”  “Paano ko ho ba magagawa ang iniuutos ninyo?” tanong niya.  “Madali lang, hija. Naghahanap ng tutor at yaya si Adrian para kay Adrianna. Graduate ka naman ng Education, 'di ba? Ikaw ang irerekomenda ko sa kanya.”  Hindi siya umimik. Sa pakiwari niya ay naplano na nito ang lahat.  “Stay in ang kailangan nila kaya doon ka titira sa mansiyon.”  Tumango siya. “Kailan ho ninyo paooperahan si Ate?”  “Kailangan pa siyang matingnan ng mga espesyalista bago siya i-schedule for operation. Kapag nasa mansiyon ka na ay saka ko ipapadala sa Maynila ang ate mo.”  “Bakit ho sa Maynila pa? Puwede naman ho sigurong dito na lang sa atin siya operahan para maaalagaan pa rin siyang mabuti ni Lester.”  “Nasa Maynila ang magagaling na espesyalista. Papasamahin ko na rin si Lester sa kanya roon.”  “P-pero hindi ho ba mas malaki ang gagastusin ninyo roon?” Ngumiti ito. Inabot nito ang kamay niya na nakapatong sa ibabaw ng mesa at bahagyang pinisil nito iyon. “Huwag mo nang intindihin ang bagay na iyon. Kulang pa ngang kabayaran iyon sa pabor na hinihingi ko, eh. Kinabukasan ng nag-iisa kong pamangkin ang magiging kapalit ng kaunting halagang iyon.”  Hindi siya kumibo. Kung tutuusin nga naman ay mas mahirap ang pabor na gagawin niya para dito. “May isa nga ho pala akong ipapakiusap sa inyo, Ma’am Vera,” sabi niya nang biglang may maalala.  “Ano 'yon, hija?”  “Kung puwede ho sana ay tayong dalawa lang ang makaalam ng kasunduan nating ito. Ayoko hong malaman ng mga kapatid ko ang kapalit ng tulong na ibibigay ninyo sa amin. Tiyak ho kasing magagalit si Ate Jenny sa akin kapag nalaman niya ito.”  “Sige, kung iyan ang gusto mo. Wala akong sasabihin sa kanila tungkol sa kasunduan natin.”  Ngumiti siya. “Maraming salamat ho.”  “Sasabihin ko kay Adrian na may nakuha na akong tutor ni Adrianna at sa makalawa ay dadalhin na kita sa mansiyon. Kapag naroon ka na, ikaw na ang bahalang gumawa ng paraan para mapalapit ka sa kanya.”  Nakagat niya ang ibabang labi niya. Hindi pa man ay kinakabahan na siya sa kanyang gagawin.  “Huwag kang mag-alala. Tinitiyak kong hindi ka mahihirapan sa gagawin mong pang-aakit sa kanya,” kampanteng sabi ni Ma’am Vera.  “Sana nga ho.” Pero kung talagang malaki ang pagmamahal ni Adrian kay Norraine ay mahihirapan talaga tayong paglayuin sila, dugtong niya sa kanyang isip.  “Marami kang katangian na tiyak kong magugustuhan ni Adrian. Hindi nagkakalayo ang karakter ninyo ni Norraine noon. Isa pa’y maganda ka. In fact, mas maganda ka pa nga sa babaeng iyon.”  Pero magkaiba kami ni Norraine. Siya ang mahal ni Adrian, hindi ako, mapait na sigaw ng kanyang puso. “Ihanda mo lang ang sarili mo. Naniniwala akong kayang-kaya mong agawin ang atensiyon ni Adrian mula kay Norraine. Pero kung hindi naman ay may isa pa akong plano.”  Napakunot-noo siya.  “Magkakaroon ng stag party si Adrian at iyon ang huling pagkakataon natin. Sisiguruhin kong malalasing siya at iyon ang pagkakataon mo para pasukin siya sa kanyang silid.”  “A-ano ho?” Namilog ang kanyang mga mata sa narinig. Bigla ay gusto niyang umatras sa kanilang kasunduan.  “Relax. Huwag kang mag-alala. Tatabihan mo lang naman siya, eh. Palalabasin lang natin kay Norraine na may namagitan sa inyo ni Adrian,” maagap namang paglilinaw ni Ma’am Vera. Marahil ay nakita nito ang pagtutol sa kanyang mukha.  Hindi siya nagsalita pero parang nais niyang magduda rito. Tila handa itong gawin ang lahat para matupad ang mga plano nito.  “Tiyak na masisira sila n’on. Siguro naman ay hindi na gugustuhin ni Norraine na matuloy pa ang kasal kapag nakita niya kayong dalawa ni Adrian na magkatabi sa kama. Kapag hindi naman siya natinag sa makikita niya, tiyak na maghihinala na rin si Adrian sa tunay niyang pakay.”  Hindi siya kumibo. Hinayaan lamang niya na ito ang magsalita. Pagkatapos nilang pag-usapan ang iba pang detalye ng plano nito ay lumabas na siya ng opisina nito. Pag-uwi niya ay sasabihin na niya sa kanyang mga kapatid ang pagpunta ng mga ito sa Maynila.  MAAGANG umuwi si Jamelia para makasabay niya sa hapunan ang dalawa niyang kapatid. Kakausapin at sasabihin niya sa mga ito ang tungkol sa pagluwas ng mga ito sa Maynila. “Ate, kinausap ako ni Ma’am Vera kanina,” simula niya pagkatapos nilang kumain.  Tiningnan siya ng Ate Jenny niya. Si Lester naman ay tumayo at isa-isang dinala sa lababo ang mga pinagkainan nila.  “Tutulungan daw niya tayo sa pagpapagamot mo,” patuloy niya.  “Humingi ka ba ng tulong sa kanya?”  Umiling siya. “Kusa siyang nag-alok ng tulong, Ate. Matagal ka naman daw nagtrabaho sa restaurant at napalapit ka na sa kanya kaya gusto ka niyang tulungan.”  “Ang bait pala talaga ni Miss Vera, ano?” ani Lester na muling naupo sa harap ng hapag.  “Sana’y tinanggihan mo. Nakaka—”   “Ate, ito na ang pagkakataon para gumaling ka. Tinanggap ko ang alok niyang tulong dahil kahit pa ano ang gawin natin ay hindi tayo makakalikom ng sapat na halaga para ipagamot ka. Lalo pa’t ayaw mo namang pumayag na ibenta natin ang lupa,” aniya.  Nasabi na nila ni Lester dito ang plano nilang ibenta ang maliit na lupa nila bago pa man siya inalok ng trabaho ni Ma’am Vera pero tumanggi ito. Nagalit pa ito nang malaman nitong huminto sa pag-aaral si Lester.  “Malaking halaga ang gagastusin para sa akin,” kapagkuwan ay sabi nito. “Paano natin 'yon mababayaran kay Ma’am Vera?”  “Hindi naman utang 'yon, Ate. Tulong 'yon,” ani Lester.  “Oo nga naman, Ate,” segunda niya.  “Kailan daw dadalhin sa Maynila si Ate Jenny?” tanong sa kanya ni Lester.  “Sa susunod na linggo siguro,” tugon niya. “Sasama ka kay Ate. Ikaw ang mag-aalaga sa kanya.”  Namayani ang katahimikan sa kanilang pagitan. Hindi niya alam kung paano sasabihin na sa makalawa ay pupunta na siya sa mansiyon ng mga Benitez. Humugot siya ng malalim na hininga at nag-ipon ng lakas ng loob. “Ate, sa makalawa ay pupunta ako sa mansiyon ng mga Benitez.”  Tiningnan siya nito. “Ano’ng gagawin mo roon?”  “Doon muna ako pansamantalang titira,” tugon niya.  “Bakit?” tanong pa rin nito.  “Kailangan kasi nila ng stay-in na yaya at tutor para sa anak ni Adrian,” aniya. Ininom niya ang natitirang tubig sa kanyang baso. “Ano’ng sinabi mo? Si Kuya Adrian, may anak?” ani Lester na halatang nabigla sa sinabi niya.  Tumango siya. “Bumalik na rito sa San Felipe ang dati niyang nobya kasama ang anak nila. Ikakasal na nga raw sila, eh.”  “Pero ang akala ko ay nanliligaw siya sa iyo.”  Nainis siya sa bunsong kapatid niya. Kailangan pa ba nitong ipaalala sa kanya ang ginagawa ni Adrian noon? “Sinabi ko naman kasi sa inyo na magkaibigan lang kami ni Adrian. Ikaw lang naman itong nag-iisip na nanliligaw siya sa akin.” Nagkunwari siyang hindi apektado.  “Para kasing nanliligaw siya sa iyo sa mga ginagawa niya, eh,” sabi pa nito.  Pakiramdam niya ay may kumurot sa kanyang puso. Hindi siya nakapagsalita.  “Sino’ng mapapangasawa ni Sir Adrian?” tanong naman ng kanilang ate.  Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko kilala, eh. Pangalan lang niya ang alam ko. ‘Norraine’ daw sabi ni Ma’am Vera.”  “Pamilyar sa akin ang pangalang 'yon. Parang naririnig ko nga noon kay Ma’am Vera ang pangalang 'yon.”  Hindi siya kumibo.  “Kung ganoon ay maiiwan ka namin dito ni Lester?”  Tumango siya. “Naisip kong tanggapin ang trabahong 'yon tutal ay wala naman akong makakasama rito sa bahay. Ang sabi ni Ma’am Vera, hinihintay na lang niya ang tawag ng kaibigan niya sa Maynila. Kapag may nahanap na raw na doktor ang kaibigan niya para sa iyo ay dadalhin na niya kayo sa Maynila.” Nagtinginan ang mga ito at saka tumango.  “HINDI kaya mas maganda ang gown na ito?” tanong ni Norraine kay Adrian.  Hindi siya sumagot. Nakatitig lang siya kay Adrianna habang kinukuha ng designer ang sukat ng bata. Lumilipad ang isip niya habang naghahanap sila ng design ng mga isusuot ng buong entourage para sa kanilang kasal.  “Nakikinig ka ba sa akin?” tanong sa kanya ni Norraine.  Biglang bumalik sa kasalukuyan ang kanyang diwa at tiningnan niya ito. “May sinasabi ka ba?” tanong niya.  Ilang sandali siyang tinitigan nito bago ito nagsalita. “Ang sabi ko, tingnan mo itong gown na ito. Mas maganda yata ito kaysa doon sa una nating napili.”  Tiningnan niya ang gown na itinuturo nito. “Masyado yatang simple.”  “Simple at mura lang naman talaga ang gusto ko, eh.”  Nagkibit-balikat siya. “Sige, ikaw na ang bahala. Kung alin ang gusto mo, iyon ang sabihin mo sa gagawa ng gown. Excuse me. Kukuha lang ako ng tubig na maiinom.” Tumayo siya. Ramdam niyang sinusundan siya ng tingin nito. Mula nang araw na dalhin niya ito sa mansiyon ay laging malalim ang iniisip niya. Madalas din siyang tahimik. Napahinto at napalingon siya sa gawi nito nang marinig niya itong nagsalita. “Hi, Tita Vera,” bati nito sa bagong dating na tiyahin niya.  Nang tingnan niya ang tiyahin ay nagulat siya pagkakita sa babaeng nasa likuran nito. Walang kaimik-imik si Jamelia.  “Adrianna, mag-bless ka sa Lola Vera mo,” tawag ni Norraine sa kanilang anak. Tumalima si Adrianna. Lumapit at nagmano ito kay Tita Vera na halatang napilitan lamang na mag-abot ng kamay. Pagkatapos magmano ay bumalik ito sa harap ng mananahi.  “Nasaan si Adrian?” tanong ni Tita Vera.  “I’m here, Tita,” aniyang muling bumalik sa sala. Tiningnan niya si Jamelia. Nagtama ang kanilang mga mata.  “G-good afternoon, Ad— S-Sir,” magalang na bati nito sa kanya.  “Ano’ng ginagawa mo rito? Bakit may dala kang malaking bag?”  Si Tita Vera ang sumagot. “Hijo, siya iyong sinasabi ko sa iyo na puwedeng maging tutor ni Adrianna.” Kumunot ang kanyang noo. “Hindi ba’t may karamdaman ang ate mo? Sino ang makakasama niya?” Binalingan niya ang kanyang tiyahin. “Hindi ba ang sabi ko, Tita, stay in ang kailangan namin para may nag-aalaga kay Adrianna habang abala kami ni Norraine sa paghahanda ng kasal namin?”  “Gano’n nga po ang gagawin ko, Sir Adrian,” ani Jamelia. Tiningnan uli niya ito. Kaswal ang ekspresyon ng mukha nito pero parang may nababanaag siyang lungkot sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya. Bigla ay tila hindi niya makayang salubungin ang tingin nito.  “Si Lester ho ang mag-aalaga sa kapatid namin habang nagtatrabaho ako rito,” dagdag pa nito. Tumangu-tango siya. “Okay lang ba kina Jenny na dito ka titira?”  Tumango uli ito bilang tugon.  “Anyway, this is Norraine Aboga. She’s my fiancée,” pakilala niya sa mga ito.  “Hi,” magiliw na bati ni Norraine kay Jamelia.  Isang tipid na ngiti lang ang iginanti ni Jamelia.  “And this is my daughter Adrianna,” sabi pa niya. Tinawag niya ang kanyang anak at ipinakilala kay Jamelia. “Baby, she will be your tutor. Her name is ‘Jamelia Salazar.’ She will take care of you while Mom and I are busy preparing for our wedding.”  “Hi, Miss Jamelia!” nakangiting sabi ng kanyang anak.  “Hello, Adrianna,” matipid na sabi ni Jamelia.  “Maiwan muna namin kayo ni Jamelia,” sabad ni Tita Vera. “Busy pa yata kayo sa pagpili ng gown ni Norraine. Ako na ang magtuturo sa kanya ng magiging silid niya.” Nauna itong umakyat sa hagdan. Tahimik namang sumunod dito si Jamelia.  Kahit nananabik na siyang makita si Jamelia ay pilit niyang pinipigilan ang kanyang sarili na puntahan ito. Ginawa niya ang lahat para umiwas dito at muling ibaling kay Norraine ang atensiyon at pagmamahal niya pero nahihirapan siyang gawin iyon dahil napamahal na sa kanya si Jamelia. Kahit anong pigil niyang isipin ito ay parang lalo itong dumidikit sa kanyang isip. At ngayon ay lalo pa siyang mahihirapang kalimutan ang damdamin niya para dito dahil makakasama niya ito sa iisang bubong.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD