Chapter Fourteen

2655 Words
“MAMAYANG gabi na ang biyahe namin ng mga kapatid mo patungo sa Maynila,” pagbibigay-alam ni Ma’am Vera kay Jamelia nang matiyempuhan siya nito na mag-isa sa kusina.  Tumigil siya sa pagtitimpla ng juice ni Adrianna at tiningnan niya ito.  “Huwag mong kakalimutan ang mga bilin ko. Huwag na huwag mo ring mababanggit kay Adrian kung saan talaga ako pupunta.”  Hindi siya nagsalita.  “Ang alam niya ay pupunta ako sa kaibigan ko sa Laguna. Tandaan mo, walang dapat makaalam sa usapan natin.”  “Opo,” aniya na sinundan pa ng pagtango.  “Ikaw na ang bahala rito. Mga dalawang linggo siguro akong mawawala para maasikaso ko nang mabuti ang ate mo.”  “Paano ho sila kapag umuwi na kayo rito?”  “May kaibigan ako sa Maynila na siyang mag-aasikaso sa kanila kapag bumalik na ako rito. Doon na rin muna kami sa bahay ni Jackie titira habang hinihintay naming mai-schedule ang operasyon ng kapatid mo.”  Napanatag ang isip at kalooban niya sa narinig. “Puwede ko ho bang makausap sina Ate bago kayo umalis? Pupuntahan ko ho sila.”  Umiling ito. “Huwag na. Baka maghinala sina Adrian at Norraine kapag magkasabay tayong nawala rito sa mansiyon. Patatawagin ko na lang sila sa iyo pagdating namin sa Maynila.”  Gusto pa sana niyang ipilit na makita ang mga kapatid pero naisip niyang may punto ito.  “Huwag mo nang alalahanin ang mga kapatid mo. Ako na ang bahala sa kanila. Ang misyon mo ang intindihin mo.” Tinapik siya nito sa balikat. “Tatawag ako para alamin ang nangyayari dito habang wala ako.”  Tumango siya.  Sabay silang napalingon sa pinto ng kusina nang biglang bumukas iyon at pumasok doon si Adrianna. Lumapit ito sa kanila.  “Hi, Lola Vera,” nakangiting bati rito ng bata.  Pilit na ngiti lang ang ibinigay rito ni Ma’am Vera. Bakas sa mukha nito na mabigat ang loob nito sa apo nito.  “Bakit sumunod ka pa rito sa kusina?” tanong niya. “Tapos mo na ba iyong ipinapagawa ko sa iyo?”  “Hindi pa po, Miss Jamelia. Ang tagal po kasi ninyo, eh. Nauuhaw na po ako,” sabi nito.  Noon lang niya naalala ang dahilan kung bakit naroon siya sa kusina. Dali-dali niyang nilagyan ng asukal ang juice na tinitimpla niya. Pagkatapos niya iyong haluin ay iniabot na niya kay Adrianna ang baso.  “Maiwan ko na kayo at may aayusin pa ako sa restaurant. Ang usapan natin, Jamelia.” Makahulugan ang tingin na ibinigay sa kanya ni Ma’am Vera bago sila nito iniwan.  Huminga siya nang malalim nang wala na ito.  NATANAW ni Adrian si Norraine na nakatayo sa terrace at nakatingin kina Adrianna at Jamelia na nasa hardin. Lumapit at tumayo siya sa tabi nito. “Mukhang malalim ang iniisip mo, ah,” pukaw niya rito. “Pinapanood ko lang si Adrianna.” Nilingon siya nito at nginitian. “Napakabilis ng panahon. Parang kailan lang noong umalis ako rito at ipinanganak ko siya. Ngayon ay ang laki-laki na niya.”  “Mabuti ka nga at nasubaybayan mo ang paglaki ng anak natin,” aniyang hindi maitago ang hinanakit dito.  Yumuko ito. “I’m sorry. Hindi ko naman sinadyang ipagkait sa iyo si Ad—”  “Huwag na natin iyong pag-usapan,” maagap na sabi niya. “Ang mahalaga ay nandito na kayong mag-ina.”  Nag-angat ito ng tingin sa kanya. “Sigurado ka ba sa naging desisyon mo?”  “Aling desisyon ko ang tinutukoy mo?”  “Na pakasalan ako.” Tiningnan siya nito. “Bukal ba talaga sa loob mo na pakasalan ako o napipilitan ka lang? Baka ang kapakanan lamang ni Adrianna ang naiisip mo?”  Ilang segundo ang lumipas bago siya nakasagot. “Mamadaliin ko ba ang lahat kung hindi ako desididong pakasalan ka?” Lihim siyang nagalit. Pati ba naman ang kanyang sarili ay pinagsisinungalingan niya? Hindi ito umimik.  “Tigilan mo na ang pag-iisip. Ilang linggo na lang at ikakasal na tayo.”  Ibinaling nito ang tingin sa hardin. “Matagal mo na bang kilala si Jamelia?” kapagkuwan ay tanong nito.  Napatingin siya kay Jamelia. “Magkaibigan kami. Matagal nang nagtatrabaho ang ate niya sa restaurant ni Tita Vera bago ito maaksidente.”  Tumangu-tango ito.  “Bakit mo naitanong?” tanong niya. Baka may napapansin na ito sa mga ikinikilos niya. Kapag nagkakaharap silang tatlo o nasa malapit si Jamelia ay hindi siya mapalagay. Tuwina kasi ay hindi niya mapigilan ang sarili na pinagmamasdan si Jamelia. Madalas siyang nakakaramdamnng panghihinayang kapag nakikita niya ang dalaga. “Wala naman,” sagot nito. “Natutuwa lang ako dahil nagkakasundo sila ni Adrianna. Mahirap hulihin ang loob ni Adrianna. Siguro naman ay napapansin mong ilag siya sa iba nating mga kasama rito. Pero si Jamelia, ilang araw pa lang siya rito ay nagkalapit na agad sila.” Hindi siya nagsalita.  “Sabagay, unang kita ko pa lang kay Jamelia pagdating niya rito ay magaan na agad ang loob ko sa kanya.”  Nailang siya sa usapan nilang iyon. Hindi niya maintindihan kung bakit si Jamelia ang naisip nitong pag-usapan nila. “Bukas nga pala ay darating na iyong mga imbitasyong ipinagawa natin. Ikaw na ang bahalang mag-distribute ng mga iyon. Marami kasi akong aasikasuhin sa opisina,” pagliligaw niya sa usapan.  Tumango lang ito. “ANO? MAGDADALAWANG linggo ka na riyan pero wala ka pa ring nagagawa?” pagalit na tanong ni Ma’am Vera kay Jamelia nang tumawag ito sa kanya. “Hindi po kasi ako nakakakuha ng tiyempo,” katwiran niya.  “Jamelia, paubos na ang panahon natin. Mahigit isang linggo na lang at ikakasal na sila.”  Hindi siya umimik.  “Sa isang araw ay uuwi na ako riyan.”  “Sina Ate ho?" “Okay lang sila rito. Mamayang hapon ay ia-admit na sa ospital ang ate mo. Bukas ang schedule ng operasyon niya.”  “Talaga ho?” Bakas sa tinig niya ang tuwa sa narinig.  “Oo, maayos ang lahat dito sa Maynila. Ginagawa ko ang parte ko sa usapan natin kaya dapat ay ganoon ka rin. Gawin mo ang lahat para mailayo ang pamangkin ko sa babaeng iyon.” “Oho.”  Nawala na ito sa kabilang linya. Ibinaba niya ang kanyang cellphone sa bedside table bago siya lumabas ng guest room na inookupa niya. Napatigil siya sa pagbaba ng hagdan nang makita niya si Norraine na nasa sala at kausap ang baklang designer na naabutan din niya noong araw na dumating siya sa mansiyon. Babalik na sana siya sa silid niya nang eksakto namang mapatingala si Norraine.  “Jamelia,” tawag nito sa kanya.  Napaharap siya rito. “B-bakit?”  “May hihingin sana akong pabor sa iyo. Puwede bang ikaw ang mag-fit ng gown ko?”  “Ha?” Nagulat siya sa sinabi nito.  “Alam mo naman ang pamahiin ng matatanda, 'di ba? Masama raw isukat ng bride ang wedding gown niya. Sige na, please?”  “Pero—”  “Magkasingkatawan tayo kaya naisip kong ikaw na lang ang pagsukatin nito,” putol nito sa kanya.  Napilitan siyang pagbigyan ito. Iniabot nito sa kanya ang gown. Bumalik siya sa kanyang silid at doon isinuot ang gown. Pagbalik niya sa sala ay suot na niya iyon. Nakangiti si Norraine habang nakatingin sa kanya. Hindi naman maitago sa mukha ng baklang designer ang paghanga habang bumababa siya ng hagdan.  “Ang ganda-ganda mo sa gown na 'yan. Bagay na bagay sa iyo!” Pumalatak pa ang designer.  Ngumiti lang siya nang tipid. “Puwede bang umikot ka, hija?”  Sinunod niya ito.  Pumalakpak ito. “Ang ganda! Para talagang isinukat sa iyo!”  Sabay-sabay silang napalingon sa pinto nang biglang sumulpot doon sina Adrian at Adrianna. Napansin agad niya ang pagsasalubong ng mga kilay ni Adrian nang dumako ang mga mata nito sa kanya. Lumapit si Norraine sa mga ito at hinalikan ang mga ito sa pisngi.  “Wow! Miss Jamelia, ang ganda-ganda mo naman!” papuri sa kanya ni Adrianna.  Nginitian lang niya ito.  “Saan mo po iyan isusuot?” tanong pa rin nito.  “Hindi naman ito sa akin,” sagot niya. “Ipinasukat lang nila ito sa akin.”  “Iyan ba iyong gown na ipinagawa mo?” tanong ni Adrian kay Norraine pero ang mga mata nito ay nananatiling nakatutok sa kanya.  “Oo,” sagot ni Norraine. “Ipinasukat ko lang kay Jamelia para makita ko kung ano ang hitsura kapag nakasuot. Ayoko kasing ako ang mag-fit. 'Di ba, may pamahiin tayo na bawal magsukat ng trahe-de-boda ang bride?” Tiningnan siya nito. “Ang ganda ng tabas, 'di ba?”  “Magpapalit na ako,” mahinang sabi niya at saka niya iniwan ang mga ito.  Halos takbuhin niya ang hagdan pabalik sa kanyang silid. Nakita niya sa mga mata ni Adrian na hindi nito nagustuhan ang nasaksihan nito. Mula nang dumating siya sa mansiyon ay hindi siya kinikibo nito. Hindi na katulad ng dati ang pakikitungo nito sa kanya. Nauunawaan niya ito. Marahil ay nag-iingat lang ito na magselos sa kanya ang mapapangasawa nito. At doon pa lang ay kitang-kita na niya ang pagmamahal nito kay Norraine. Pagkatapos niyang magbihis ay bumalik siya sa sala.  “May boyfriend ka na ba, Jamelia?” tanong sa kanya ng designer habang iniaayos nito sa kahon ang gown na ibinigay niya rito.  “W-wala pa,” tugon niya.  Tumaas ang isang kilay nito. “Kung ganoon, matatagalan pa pala bago ka ikasal. Magpiprisinta pa naman sana ako na ako na lang ang gagawa ng gown mo.”  Hindi siya umimik. Dama niyang nakatutok pa rin sa kanya ang mga mata ni Adrian.  “Paano, Norraine? Ibabalik ko na lang ito sa makalawa kapag naikabit ko na ang mga beads,” anang designer nang balingan nito si Norraine. “Jamelia, balitaan mo na lang ako kapag nakahanap ka na ng Prince Charming na kasingguwapo nitong si Adrian, ha? Promise, bibigyan ko kayo ng discount! Sige, bye!” huling hirit nito bago ito pakembut-kembot na umalis.  KAHIHIGA pa lang ni Jamelia sa kama nang may kumatok sa pinto ng kanyang kuwarto. Bumangon siya at binuksan ang pinto. Si Norraine ang napagbuksan niya.  “Natutulog ka na ba?” tanong nito.  Umiling siya. “Hindi pa. Bakit?”  “Pasensiya na sa istorbo. May ipapakiusap sana kasi ako sa iyo. Puwede bang samahan mo si Adrianna sa kuwarto naming mag-ina? At kung puwede ay doon ka na rin matulog." “Bakit?” Napakunot-noo siya.  “May pupuntahan kasi ako at baka bukas na ako makauwi. Hindi kasi nakakatulog si Adrianna kapag walang katabi.”  “Hindi mo ba siya puwedeng isama?”  Umiling ito. “Hindi puwede, eh. Sige na, Jamelia. Ngayong gabi lang naman. Importante kasi talaga ang pupuntahan ko.”  Noon lang niya napansin ang boses nito. Parang nanghihina ito at hirap itong magsalita. Nang titigan niya ito ay napansin niyang namumutla ito. “Okay ka lang ba? Bakit parang namumutla ka? May problema ba?” nag-aalalang tanong niya. Kahit paano ay magaan ang loob niya rito. Minsan nga ay napapaisip siya kung bakit ayaw ni Ma’am Vera na maikasal dito si Adrian. Mukha namang totoo ang kabaitang ipinapakita ni Norraine.  “Okay lang ako. Pagod lang siguro ako. Ikaw na ang bahala kay Adrianna, ha? Pakisabi na lang kay Adrian na pasensiya na’t hindi ko siya nahintay para magpaalam.”  “Sige.”  “Salamat. Aalis na ako. Nasa kuwarto si Adrianna. Hinihintay ka na niya roon.” Pagkasabi niyon ay nagmamadali na itong umalis.  Pinuntahan niya si Adrianna. Naabutan niya ito na nakaupo sa kama at yakap-yakap ang teddy bear nito. “Hi, Miss Jamelia,” nakangiting bati nito sa kanya. “Ang sabi ni Mommy ay ikaw raw po muna ang katabi kong matulog ngayong gabi.” Tumango siya. Isinara niya ang pinto at saka siya lumapit dito. Umupo siya sa tabi nito. “Nakainom ka na ba ng milk mo?”  “Opo,” sagot nito. “Pinainom na po ako ni Mommy bago siya umalis.”  “Kung ganoon, matulog na tayo.” Inayos niya ang pagkakahiga nito bago siya nahiga sa tabi nito. Yumapos ito sa kanya. “Miss Jamelia, puwede ba kitang tawaging ‘Tita Jam’?” mahinang sabi nito.  “Ha?” gulat na sabi niya.  “Please,” wika nito na tiningnan pa siya.  “Sige, ikaw ang bahala.”  Ngumiti ito at pagkuway ay pumikit.  May sumundot sa kanyang konsiyensiya habang sinusuklay niya ang buhok nito. Alam niyang sabik ito sa isang buong pamilya pero hayun siya at nakatakdang hadlangan iyon. Napahinga siya nang malalim. Anak ka nga ba talaga ni Adrian? tanong ng kanyang isip.  Kapag tinititigan niyang mabuti si Adrianna ay nakikita niya ang kaunting pagkakahawig nito kay Adrian. Pero naguguluhan siya dahil kung anak ito ni Adrian, bakit hindi ito matanggap ni Ma’am Vera? Siguro ay may alam ito na hindi nito sinasabi sa pamangkin dahil ayaw nitong masaktan ang lalaki.  Iwinaksi niya iyon sa kanyang isip. Pumikit na rin siya. Ilang minuto pa lang siyang naiidlip nang maalimpungatan siya. May kumakatok sa pinto. Pupungas-pungas na bumangon siya ng kama at binuksan ang pinto.  “Naabala ko ba ang tulog—” Natigilan si Adrian. “Jamelia?” gulat na sabi nito. Noon lang siya parang nagising talaga.  “Ano’ng ginagawa mo rito sa kuwarto ni Norraine?”  “Umalis siya. May lakad daw siya kaya pinaki-usapan niya akong samahan ko muna si Adrianna ngayong gabi. Ipinapasabi niya sa iyo na pasensiya na raw kung hindi ka na niya nahintay para magpaalam. Nagmamadali kasi talaga siya, eh.” “Saan daw siya pupunta?" “Hindi niya sinabi, eh,” kibit-balikat na sagot niya.  Tumangu-tango ito. “Puwede ba akong pumasok sa loob?”  Niluwangan niya ang pagkakabukas ng pinto para makapasok ito. Lumapit ito kay Adrianna at hinaplos ang mukha ng natutulog na bata. Walang imik na nakatayo lang siya sa pinto.  “Sa susunod, huwag kang basta-basta magbubukas ng pinto kapag ganyan ang ayos mo,” kapagkuwan ay sabi nito.  Napatingin siya sa kanyang sarili. Ganoon na lang ang pag-iinit ng kanyang pisngi nang makita ang ayos niya. Manipis na pantulog lang ang kanyang suot. Nakalimutan na kasi niyang magpalit ng damit bago siya lumipat ng kuwarto. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit tila nag-iiwas ng tingin si Adrian.  “I-ikaw muna ang bahala kay Adrianna. Magpapalit lang ako ng damit.” Kulang na lang ay tumakbo siya patungo sa kanyang silid. Pagpasok niya sa pinto ng guest room ay napasandal siya sa dahon niyon at napahinga nang malalim. Kay bilis ng t***k ng kanyang puso. Nais niyang batukan ang sarili. Bakit nakalimutan niyang magpalit ng damit gayong alam niyang maaaring pumunta sa silid nina Norraine at Adrianna si Adrian?  What's the big deal kung makita ka niyang ganyan? Hindi ba't iyan nga mismo ang dahilan kung bakit ka narito? Para akitin si Adrian at nang hindi matuloy ang pagpapakasal nito kay Norraine, anang isang bahagi ng kanyang isip.  Napabuga siya ng hangin. Nagbihis na siya at nagbalik sa silid nina Norraine. Pagpasok niya sa loob ay naabutan niya si Adrian na inaayos ang pagkakakumot kay Adrianna. Naka-boxer shorts at puting sando na ito.  “Ako na lang ang matutulog dito sa tabi ni Adrianna,” sabi nito sa kanya. “Bumalik ka na sa silid mo.”  Tumango siya at nagmamadaling bumalik sa silid niya. Pabagsak na humiga siya sa kama. Laman ng kanyang isip si Adrian. Ano kaya ang pakiramdam kapag nakulong siya sa mga bisig nito? Ipinilig niya ang kanyang ulo.  Tigilan mo nga ang kalokohan mong 'yan, Jamelia. Kung sakali ngang magtagumpay kang pigilan ang kasal nila ni Lorraine, sa tingin mo ba ay makukuha mo pa rin ang puso niya lalo na kapag nadiskubre niya na plinano mo ito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD