NAALIMPUNGATAN si Jamelia sa sunud-sunod na katok buhat sa labas ng kanyang silid. Kahit tinatamad pa siyang bumangon ay napilitan siyang tumayo at buksan ang pinto.
"Ipinatatawag ka ni Señora Vera. Nasa study room siya," anang katulong na napagbuksan niya.
"Nariyan na si Ma'am Vera?" gulat na sabi niya. Nawala sa kanyang isip na ngayon nga pala ang balik nito.
"Oo. Kadarating nga lang, eh. Bumaba ka na roon." Tinalikuran na siya nito.
Dali-dali siyang naghilamos at nagsepilyo. Pagkatapos ay nagbihis siya at nagtungo sa study room. "Good morning po," magalang na sabi niya kay Ma'am Vera.
"Kumusta? Ano'ng balita sa ipinapagawa ko sa iyo?" Nakataas ang isang kilay nito habang nakatingin ito sa kanya.
Sinabi niya rito kung ano ang nangyari sa loob ng dalawang linggo na wala ito sa mansiyon. Habang tumatagal ay umaasim ang mukha nito.
"Tumahimik ka na!" malakas na sabi nito.
Tumigil nga siya sa pagsasalita.
Bumuga ito ng hangin. "Ikaw ang napili kong pakiusapang gawin ito dahil ang akala ko ay kayang-kaya mo itong gawin. Pero nagkamali pala ako."
"I'm sorry, Ma'am. Hindi ko po kasi alam kung ano ang gagawin ko. Naging mailap ho kasi sa akin ang pamangkin ninyo."
"Gusto mo bang maniwala ako riyan sa sinasabi mo? Jamelia, kilala ko ang pamangkin ko at alam ko kung ano ang ugali niya. Baka naman hindi ka lang talaga gumagawa ng paraan para ilayo siya kay Norraine?"
Hindi siya sumagot.
"Hindi ko maintindihan kung bakit hindi mo makuha ang atensiyon niya. Nasa iyo naman ang halos lahat ng tipo niya sa isang babae. Kaya bakit? Akala ko nga dati, nanliligaw na siya sa iyo."
Hindi nga siya nanligaw. Nakipagkaibigan lang siya sa akin noon. Masyado ko lang ding binigyan ng ibang kahulugan ang ginagawa niya noon, tulad ninyo. Hindi niya ako kayang mahalin o pagtuunan ng pansin dahil hawak na ni Norraine ang puso niya! Napakadali naman n'ong intindihin, 'di ba? ngalingaling sabihin niya dito.
"Ano na ngayon ang gagawin ko? Diyos ko! Ang kaawa-awa kong pamangkin. Paano na kapag natuloy ang kasal? Ano na ang mangyayari sa kanya?" wika nito na halatang labis-labis ang pag-aalala.
"Sa tingin ko naman ho, mahal ni Norraine ang pamangkin ninyo at mukha hong nagsasabi siya ng totoo na anak nga ni Adrian si Adrianna."
Tiningnan siya nito nang matalim. "Pati pala ikaw ay napaikot na rin ng babaeng iyon. Kaya siguro hindi mo na ginagawa ang iniutos ko sa iyo."
"H-hindi naman ho," mabilis niyang sabi.
"Mas kilala ko si Norraine kaysa sa pagkakakilala mo sa kanya. At sa tingin mo ba, hahadlangan ko ang kaligayahan ng pamangkin ko kung alam kong makakabuti naman sa kanya ang babaeng 'yon?"
Hindi siya nakakibo. May punto ito roon. Namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Ilang beses na huminga ito nang malalim.
"Wala akong ibang hangad kundi ang mapabuti at maprotektahan ang pamangkin ko sa mga mapag-samantalang tao. Mahal na mahal ko si Adrian, Jamelia."
"Paano ho kung talagang mahulog ang loob niya sa akin?"
Matagal siya nitong tinitigan na waring pinag-iisipan nito ang sasabihin. Hindi pa man ito nagsasalita ay alam na niya ang nasa isip nito. Isa rin siyang mapagsamantalang tao. Sinamantala niya ang pagkakataong iyon para maipagamot ang kapatid niya at magkapera sila.
"May panahon pa naman ho tayo, Ma'am," sabi na lamang niya. Malaki ang pagkakautang niya rito kaya kailangan ay magawa niya ang lahat para makabayad dito.
"At siguro naman po ay magtatagumpay tayo sa huli nating gagawin."
Huminga ito nang malalim. "Sana nga, Jamelia. Nakikiusap ako sa iyong gawin mo ang lahat para mailayo siya sa babaeng iyon. Ikaw lang ang tanging pag-asa ko."
Tumango siya. "Ipinapangako ko ho sa inyong walang kasalang magaganap."
Ngumiti ito.
"Babalik muna ho ako sa kuwarto ko," paalam niya rito.
Malapit na siya sa pinto nang muli itong magsalita. "Siyanga pala, maayos naman ang naging operasyon ni Jenny kahapon," wika nito.
Napaharap uli siya rito.
"Under observation pa siya ngayon. Kapag kaya na niya ay sisimulan na agad ang therapy niya."
Sumilay ang ngiti sa mga labi niya. "Talaga ho? Salamat po, Ma'am Vera."
"Nagpapahanap na rin ako ng bahay sa kaibigan ko sa Maynila para sa inyong magkakapatid."
Nawala ang ngiti niya at kumunot ang kanyang noo.
"Kailangan ninyong lumayo rito pagkatapos ng plano natin. Naiintindihan mo naman siguro kung bakit," paliwanag nito.
Tumango siya nang marahan.
"Bibigyan ko kayo ng sapat na halaga para makapagsimula kayo ng bagong buhay. Bukod pa iyon sa perang ibibigay ko sa iyo para sa pag-aaral ni Lester at sa pagpapa-therapy ng ate mo."
Magsasalita pa sana siya nang may kumatok sa pinto. Nang bumukas iyon ay pumasok sa loob si Norraine. Kapwa sila natigilan ni Ma'am Vera.
"Good morning, Tita," nakangiting bati ni Norraine. Lumapit ito kay Ma'am Vera at hinagkan ito sa pisngi. Walang reaksiyon ang ginang. "Kadarating ko lang din ho. Doon kasi ako sa bahay ng dati kong kaibigan nagpalipas ng gabi. I heard dumating ka na at narito ka sa study room kaya dito ako tumuloy."
Binalingan siya ni Norraine. "Kumusta si Adrianna? Natutulog pa ba siya?"
"Siguro gising na siya. Si Adrian ang natulog sa tabi niya, eh," tugon niya.
"Siguro nga ay ginising na ni Adrian ang bata. May usapan kasi kami na ipapasyal namin si Adrianna ngayon. Pero hindi na ako makakasama sa kanila kaya ikaw na lang ang sumama sa kanila, Jamelia," sabi ni Norraine.
"Ha?" parang wala sa sarili na sabi niya.
"Puwede ba? May aasikasuhin pa kasi ako, eh," pakiusap pa sa kanya ni Norraine.
Wala na siyang nagawa kundi tumango.
Ngumiti si Norraine at muling humarap kay Ma'am Vera. "Tita, magpapatulong ho ako sa inyo sa pagpili ng mga pagkain na ise-serve sa reception."
Tumango si Ma'am Vera. "Sige, pupunta tayo sa restaurant para makakuha tayo ng suggestion sa chef ko."
"Magpapalit lang ako ng damit, Tita. At sasabihin ko na rin kina Adrian at Adrianna na si Jamelia na lang ang sasama sa kanila," ani Norraine bago sila iniwan nito.
"Sige na, Jamelia," sabi sa kanya ni Ma'am Vera. Tiningnan siya nito nang makahulugan. "Maghanda ka na para sa lakad ninyo nina Adrian."
Tumango lang siya nang marahan at saka siya lumabas ng pinto.
TAHIMIK lang si Jamelia habang nakaupo siya sa passenger's seat. Si Adrian ang nagmamaneho at nasa backseat naman si Adrianna at abala sa pagsusuklay ng buhok ng Barbie doll nito.
"Saan mo ba gustong mamasyal, anak?" tanong ni Adrian.
"Gusto ko po doon sa lugar na ikinuwento sa akin ni Tita Jam. Maganda raw po roon. Mayroon daw pond at malalaking cage ng mga butterflies," tugon ng anak nito.
"Saan 'yon?" ani Adrian na sinulyapan pa siya.
"Sa kabilang bayan. Sa Villa Romano," matipid na sagot niya.
Kumunot ang noo nito. Mayamaya ay tumango ito. Marahil ay naalala na nito ang lugar na tinutukoy niya.
Ilang sandali lang ay narating na nila ang Villa Romano. Namilog ang mga mata ni Adrianna habang inililibot nito ang tingin sa paligid. Halatang gandang-ganda ito sa nakikita.
"Tita Jam, talaga bang maraming butterflies dito?" tanong nito.
"Oo," nakangiting sagot niya. Tinutulungan niya si Adrian na ibaba ang mga gamit at picnic basket na dala nila.
"Nasaan? Bakit wala akong nakikita?"
"Nakakulong kasi sila sa isang cage. Mamaya, pagkatapos nating mag-lunch, pupuntahan natin sila," ani Adrian sa anak nito.
Isang katamtaman ang laking cottage ang nirentahan nila. Iniayos niya sa loob niyon ang kanilang mga dala. Si Adrian naman ay agad na naglagay ng uling sa barbecue grill na nasa tabi ng cottage.
"Daddy, sumakay tayo sa bangka na 'yon." Itinuro ni Adrianna ang makukulay na bangka na nasa gilid ng malaking pond.
"Mamaya na, anak. Magluluto pa ako ng barbecue," sagot ni Adrian.
"Sige na, Daddy. Ngayon na. Gusto kong sumakay roon," pamimilit pa ng bata.
"Pagbigyan mo na ang anak mo. Ako na ang bahala rito," singit niya.
Tiningnan siya ni Adrian. "Sigurado ka? Nakakahiya kasi."
"Parte rin ito ng trabaho ko. Sige na."
Nginitian siya nito bago nito kinarga ang anak nito at naglakad patungo sa kinaroroonan ng mga bangka.
Habang abala siya sa pagluluto ay hindi niya maiwasang sulyapan ang mag-ama. Panay ang tawa at paglalaro ni Adrianna habang si Adrian ay sige ang pagsasagwan. Napahinga siya nang malalim. Hindi niya maiwasang mainggit kay Norraine. Napakasuwerte nito dahil ito ang napiling mahalin ni Adrian. Tiningnan niya ito.
Patawarin mo ako sa gagawin kong pagsira sa kaligayahan mo, Adrian. Pero para din naman sa `yo ang gagawin ko, naisaloob niya.
Pagkatapos niyang ihanda ang kanilang tanghalian ay hinanap niya ang mag-ama para yayaing kumain. Nakita niya ang mga ito na pinanonood ang mga pato na lumalangoy sa pond. Tinawag niya ang mga ito. Patakbong lumapit sa kanya si Adrianna nang makita siya nito. Iniabot nito sa kanya ang mga dalang bulaklak nito.
"That's for you, Tita Jam. Pinitas namin iyan ni Daddy para sa iyo."
"Hindi ba dapat, sa mommy mo ito ninyo ibigay?" Tinanggap pa rin niya ang mga bulaklak para hindi ito mapahiya.
"Hindi naman mahilig sa flowers si Mommy, eh."
"Nakahanda na ba ang lunch natin?" tanong ni Adrian sa kanya nang makalapit na ito sa kanila.
Tumango siya. "Kaya ko nga kayo hinahanap para makakain na tayo."
"Let's go, Tita. Gutom na ako." Humawak si Adrianna sa isang kamay niya.
Hinawakan ni Adrian ang isa pang kamay ng anak nito at magkakasama silang bumalik sa kanilang cottage. Kung titingnan silang tatlo ay para silang isang masayang pamilya. Gusto niyang mapangiti sa naisip niyang iyon pero agad din niyang sinaway ang sarili.
Nang makakain sila ay nagyaya si Adrianna na pumunta sa butterfly sanctuary. Magkatulong nilang inayos ni Adrian ang kanilang mga pinagkainan bago nila pinagbigyan ang bata. Nang magsawa si Adrianna sa pagtingin sa mga paruparo ay nagyaya itong maglakad-lakad. Napatigil ito nang mapadako sila sa lugar para sa wall climbing. Titig na titig si Adrianna sa mga umaakyat doon.
"Tita Jam, kaya mo rin bang umakyat diyan?" kapagkuwan ay sabi nito.
"Ha?" Gulat na napatingin siya rito.
"Subukan mo, Tita. Sige na, gusto ko, umakyat ka riyan."
Tiningnan niya si Adrian para magpasaklolo rito.
"Anak, baka kung mapaano ang Tita Jam mo kaya huwag na lang," sabi nito.
"May tali naman po, Daddy, eh. At saka ikaw rin, gusto ko umakyat ka rin," pilit nito.
"Pero, Adrianna-"
"Sige na, pagbigyan na lang natin siya," putol niya sa pagsasalita ni Adrian. Binalingan niya si Adrianna. "Pagbibigyan kita pero hanggang doon lang sa gitna ang aakyatin ko, ha? Ayokong umakyat hanggang sa dulo. Takot ako sa matataas na lugar, eh."
Nakangiting tumango ang bata.
Huminga siya nang malalim bago siya lumapit sa guide na naroon. Tinulungan siya nitong isuot ang mga safety gadgets. Nang handa na siya ay sinimulan niya ang pag-akyat. Limang talampakan pa lang ang layo niya mula sa lupa ay nanginginig na ang kanyang mga tuhod. Napapikit siya at ipinilig ang kanyang ulo na para bang mawawala ang takot na nadarama niya sa pamamagitan niyon.
"Tita Jam, kaya mo 'yan!" narinig niyang sigaw ni Adrianna.
Nagdasal siya habang patuloy siya sa pag-akyat. "Ayoko na! Bababa na ako!" kapagkuwan ay sabi niya. Hindi na niya maitago ang takot nang makarating siya sa kalahatian ng wall. Inumpisahan niyang bumaba. Maingat siyang nakababa pero dahil sa takot ay pasalampak siyang naupo sa lupa. Pakiramdam niya ay hindi lang ang mga tuhod niya ang nangangatog kundi pati ang buong katawan niya. Agad siyang nilapitan ni Adrian.
"Are you all right?" Bakas ang pag-aalala sa boses nito.
Tumango siya. Nang tingalain niya ito ay saka lang niya nalamang halos isang pulgada na lang ang layo ng mukha niya sa mukha nito. Lumakas ang kabog ng kanyang dibdib. Nag-iwas siya ng tingin at tumayo. "Iinom lang ako ng tubig," pagdadahilan niya para makalayo siya rito. Ayaw niyang mahalata nito ang pagkailang niya.
PAGKAGALING ni Jamelia sa palengke kung saan namili siya ng mga prutas para kay Adrianna ay naisip niyang dumaan sa restaurant para kausapin si Ma'am Vera. Kailangan nilang pag-usapan ang gagawin niya sa makalawa sa stag party ni Adrian. Hindi kasi nila magawang mag-usap sa mansiyon dahil baka may ibang makarinig sa kanila.
"Uy, Jamelia, napadalaw ka!" sabi ng isang waitress pagpasok niya sa restaurant.
Nginitian niya ito. "Kumusta na kayo rito?" tanong niya.
"Okay naman. Kumusta iyong alaga mong anak ni Sir Adrian?"
"Ayos naman," sagot niya. "Mabait naman si Adrianna."
"Ang suwerte naman ni Norraine, 'no? Good catch si Sir Adrian. Guwapo na, mayaman pa!"
Ngumiti lang siya nang tipid.
"Kumusta na nga pala ang ate mo? Pumunta ako noong isang linggo sa bahay ninyo pero walang tao. Ang sabi n'ong kapitbahay ninyo, magtatatlong linggo na raw walang tao roon."
"Nasa Quezon sila, eh. Doon sa tiyahin namin. Doon muna sila ni Lester dahil mas makakabuti iyon sa kalagayan ni Ate," pagsisinungaling niya.
Tumangu-tango ito. "Ganoon ba? Ikumusta mo na lang ako sa kanya kapag pinuntahan mo sila."
"Okay. Si Ma'am Vera, nariyan ba?"
"Naroon sa opisina niya," tugon nito.
"Sige, kakausapin ko pa kasi siya, eh. Mamaya na lang uli tayo magkuwentuhan." Tinalikuran niya ito. Nagtungo siya sa opisina ni Ma'am Vera.
Kakatok na sana siya sa pinto nang marinig niya ang malakas na halakhak ni Ma'am Vera. Tila may kausap ito kaya naisip niyang mamaya na lang ito kausapin pagkaalis ng bisita nito. Akmang lalayo na siya sa pinto nang marinig niya ang sinabi nito sa kausap.
"Sisiguruhin kong hindi matutuloy ang kasal ni Adrian. Makakatulong ang nangyari noon para mapigilan ko iyon. Kung hindi magtatagumpay si Jamelia, iyon ang gagamitin ko."
Na-curious siya. Tahimik na pinakinggan niya ang pag-uusap ng mga ito. Habang tumatagal ay humihigpit ang pagkakakuyom ng kanyang kamay. Nang sa tingin niya ay sapat na ang mga narinig niya, lumayo siya at umalis.