Chapter Sixteen

2471 Words
NAPAHINGA nang malalim si Jamelia habang iniisip pa rin ang mga narinig niya sa restaurant. Isinubsob niya ang kanyang mukha sa kanyang mga palad. Diyos ko! Ano ba itong gulong napasukan ko?  naisaloob niya. Napaangat ang kanyang tingin nang may kumatok sa labas ng kanyang silid. Tumayo siya at binuksan ang pinto.  “Ang sabi n’ong isang waitress ay pumunta ka raw sa restaurant kanina. Bakit? Ano’ng kailangan mo sa akin?” agad na tanong sa kanya ni Ma’am Vera.  Hindi siya sumagot. Niluwangan niya ang pagkakabukas ng pinto at pinatuloy ito roon. Agad na kumunot ang noo nito nang makita ang kanyang mga gamit.  “Ano’ng ibig sabihin nito? Bakit naka-empake ang mga gamit mo?”  “Aalis na ho ako,” sagot niya. Pagkadating niya mula sa restaurant ay agad niyang inayos ang kanyang mga gamit. Hinihintay lang niyang dumating sina Adrian at Norraine dahil sasabihin din niya sa mga ito ang narinig niya. Malas nga lang at naunang dumating si Ma’am Vera. Mabuti na rin siguro iyon para makausap niya ito.  “Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong nito nang balingan siya nito.  “Hindi ko talaga kayang gawin ang ipinapagawa ninyo sa akin. Ayoko nang maging kasangkapan para matuloy ang mga binabalak n’yo,” aniya na bakas sa tinig ang galit dito.  “Ano ba’ng sinasabi mo?” nakakunot ang noong tanong nito.  Tiningnan niya ito nang diretso sa mga mata. “Alam ko na ang lahat. Narinig ko ang usapan ninyo ng bisita n’yo sa restaurant kanina. Alam ko na ang totoong dahilan kung bakit ayaw n’yong matuloy ang kasal nina Adrian at Norraine.”  Natigilan ito at halatang nagulat.  “Pumayag ako sa gusto ninyo dahil bukod sa kagustuhan kong maipa-opera si Ate, ang akala ko ay gusto n’yo lang talagang protektahan ang pamangkin n’yo. Kung alam ko lang na kasinungalingan lang ang lahat ng mga sinabi n’yo, hindi na sana ako pumayag.”  Nawala ang pagkabigla sa mukha nito. Ngumisi ito. “Hindi kita pinilit na gawin ito. Pumayag ka kapalit ng isang malaking pabor.”  “Kahit pa kailangang-kailangan namin ng pera ay hindi ko tatanggapin iyon kung alam ko lang ang totoong pinaplano n’yo!”  “Hindi ko na kasalanan na ganyan ka katanga at kung napakadaling mabilog ng ulo mo!”  Umiling-iling siya. “Ang akala ko ay mabuti kayong tao pero hindi pala. Pati ang sarili n’yong pamangkin ay magagawa n’yong saktan para sa pera.”  “Dapat lang na mapunta sa akin ang perang iyon dahil ilang taon ko ring pinaghirapan 'yon!” pasigaw na sabi nito sa kanya. “Walang karapatan si Norraine at ang anak niya sa perang iyon!”  “Anak ni Adrian ang bata at ma—”  “Wala akong pakialam kahit anak nga talaga niya ang batang 'yon!”  Tinitigan niya ito. “Napakasama n’yo pero sisiguruhin ko na hindi kayo magtatagumpay sa gusto n’yong mangyari!” Tinabig niya ito para kunin ang mga bag niya. Pero hinawakan siya nito nang mahigpit at marahas siya nitong iniharap dito.  “Ano’ng gagawin mo? Sasabihin mo kay Adrian ang mga nalalaman mo? Hah! Tingnan ko lang kung paniwalaan ka niya!”  Hindi siya nakakibo.  “Sa tingin mo, sino ang mas paniniwalaan sa atin ni Adrian? Ako na tiyahin niya o ikaw na isang oportunista?”  Natural na ito ang paniniwalaan ng pamangkin nito at siya ang lalabas na masama. Pahila niyang binawi ang kanyang braso mula sa pagkakahawak nito. “Hindi ko sasabihin kay Adrian ang mga nalaman ko pero tulad ng sinabi ko, hindi na ako papayag na maging kasangkapan sa mga plano n’yo.” Tinabig niya ito at nilagpasan niya ito. Nasa pinto na siya nang magsalita ito.  “Hindi ka na puwedeng umatras sa usapan natin, Jamelia. Wala kang ibang pagpipilian kundi sundin ang gusto ko.”  Tumaas ang isang kilay niya. “Hindi n’yo ako mapipilit sa—”  “Baka nakakalimutan mong hawak ko ang dalawa mong kapatid,” putol nito sa kanya.  Natigilan siya.  “Malaki na ang nagastos ko sa kanila kaya hindi mo ako puwedeng basta na lang talikuran,” wika nito. Ngumiti ito nang tila nakakaloko. “Kapag hindi ka tumupad sa usapan natin ay pasensiyahan na lang tayo, Jamelia. Tiyak na hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa mga kapatid mo.”  Nagtagis ang mga bagang niya sa galit.  “Hindi mo naman siguro gugustuhing may mangyaring masama sa kanila, 'di ba?” anito at sinundan pa iyon ng halakhak.  “Napakasama mo!” mangiyak-ngiyak na sabi niya. Natatakot siya sa puwedeng mangyari sa mga kapatid niya. Gusto niyang kasuklaman ang kanyang sarili. Kung bakit kasi pumasok pa siya sa ganoong sitwasyon. Pati tuloy ang dalawang kapatid niya ay inilagay niya sa alanganin.  Humalakhak ito. “Oo, talagang masama ako kaya mag-iingat ka. Hindi mo alam kung ano ang kaya kong gawin.”  “Hayop ka! Huwag na huwag kang magkakamaling saktan ang mga kapatid ko!”  Biglang bumagsik ang mukha nito. Lumapit ito sa kanya at bago pa siya nakaiwas ay isang malakas na sampal ang pinadapo nito sa kanyang pisngi. Nasapo niya ang nasaktang pisngi. “Ako ba ang tinatakot mo? Hindi mo ako kaya, Jamelia. Sige, umalis ka. Pero ito ang tandaan mo. Subukan mong hindi sundin ang lahat ng iniuutos ko sa iyo at talagang hinding-hindi mo na makikita ang mga kapatid mo!” Tinalikuran siya nito at pabalibag na isinara nito ang pinto.  Para siyang kandilang nauupos. Napaluha na lamang siya.  NAKAGAT ni Jamelia ang ibabang labi niya habang iniisip si Adrianne at ang mag-ina nito. Sa susunod na araw ay sisimulan na niyang sirain ang samahan ng mga ito. Lalo siyang nakonsiyensiya nang maisip niya si Adrianna. Uminit ang kanyang mga mata. I'm sorry, Adrianna. I'm really sorry. Alas-onse na pero hindi siya makatulog. Sa susunod na gabi ay stag party na ni Adrian. Masisira na ang relasyon nito at ni Norraine at makukuha naman ni Vera ang gusto nito. Napabangon siya at naisip niyang magtungo sa hardin para magpahangin. Ilang minuto pa lang siyang nakaupo sa garden set nang may magsalita mula sa kanyang likuran.  “Hindi ka rin ba makatulog?”  Pagharap niya ay si Norraine ang nakita niya. Nginitian niya ito nang tipid.  “Mukhang malalim ang iniisip mo. Nakakaistorbo ba ako?” Lumapit ito sa kanya at umupo ito sa harap niya.  Umiling siya. “Hindi naman. Naalala ko lang ang mga kapatid ko.”  Tiningnan siya nito. “Oo nga pala, may sakit ang ate mo. Bakit hindi mo man lang yata sila dinadalaw sa bahay ninyo?”  “Wala sila ngayon dito. Nasa kabilang bayan sila... doon sa bahay ng tiyahin namin,” pagsisinungaling niya.  Tumangu-tango lang ito.  “Ikaw, bakit gising ka pa?” tanong niya rito.  “Hindi ako makatulog sa kakaisip ko sa kasal namin ni Adrian.”  Hindi siya nakakibo sa sinabi nito.  “Alam mo bang mahal na mahal ko siya at wala akong ibang hinangad kundi ang magkasama kami at maging buo ang pamilya namin?”  Parang may tumarak na punyal sa kanyang dibdib. Patawarin mo ako, Norraine. Hindi matutuloy ang pangarap mong `yin dahil sa akin, sa amin ni Vera, bulong ng isip niya.  “Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang mangyayari na `yon.”  “Kung talagang mahal mo si Adrian, bakit mo siya iniwan noon?” biglang tanong niya.  Tinitigan siya nito nang ilang sandali bago ito nag-iwas ng tingin at tumingin sa karimlan. “Ang saya-saya namin noon ni Adrian. Mahal na mahal namin ang isa’t isa. Labag naman talaga sa kalooban ko na iwan siya.”  “Ang ibig mo bang sabihin, may taong nag-utos sa iyo na iwan siya?” hindi na nakapagpigil na tanong niya. Naisip kasi niya kung tinangka ring hadlangan ni Ma’am Vera ang relasyon ng mga ito noon.  Umiling ito. “Walang kumontra sa relasyon namin noon. Kahit malaki ang agwat ng antas ng pamumuhay namin ay hindi kami tinutulan ng kanyang papa. Sarili kong desisyon na iwan siya.”  “Bakit?”  Huminga ito nang malalim. “Dahil naisip ko noon na iyon ang tama. Iyon ang alam kong makakabuti para sa kanya.”  Hindi niya maintindihan ang ibig sabihin nito.  “Mahirap ipaliwanag kung bakit. Siguro, kahit sinong babae ang nasa lugar ko noon ay gagawin din ang ginawa ko. Iiwan din nila ang taong pinakamamahal nila para sa ikabubuti nito.”  “Bakit ngayon mo lang naisip na bumalik kay Adrian?” usisa niya. Hindi nakatulong ang sinabi nito dahil lalo siyang naguluhan.  “Dahil ngayon lang ako naging handa. Ngayon lang ako nagkalakas ng loob na harapin siya. At dahil naghahanap na ng ama si Adrianna ay naisip kong panahon na nga siguro para magkasama-sama uli kami.”  Hindi siya umimik. Titig na titig lang siya rito.  “Alam mo, minsan, itinatanong ko sa sarili ko, tama bang magpakasal kami ni Adrian?”  “Bakit ka naman nag-iisip ng ganyan? Napaka-suwerte mo nga sa kanya, eh. Mahal na mahal ka niya.”  Ngumiti ito nang mapait. “Iyon nga ang sinasabi ng lahat. Actually, wala naman talaga kay Adrian ang problema. Nasa akin.” Nginitian siya nito. “Pasensiya ka na sa akin, ha? Siguro, masyado ka nang naguguluhan sa mga sinasabi ko. Ganito siguro ang mga malapit nang ikasal, kung anu-ano ang naiisip at sinasabi. Huwag mo na lang akong intindihin.”  Napatango na lang siya.  “Ilang taon ka na, Jamelia?” pagbabago nito sa usapan nila.  “Twenty-four,” sagot niya.  “Hindi pa ba sumasagi sa isip mo ang pagpapamilya?”  “Hindi pa. Bukod sa masyado pang maaga para isipin ko iyon, wala rin akong nobyo ngayon.”  “Wala ka ba talagang boyfriend? Ang akala ko, nagbibiro ka lang noong sabihin mo iyon sa designer ng gown ko. Ang ganda-ganda mo kasi kaya hindi kapani-paniwalang wala kang nobyo.”  “Wala talaga akong nobyo. Sa totoo lang, hindi pa ako nagkakaroon kahit isa.”  Tumawa ito nang mahina. “Siguro, masyado kang pihikan, ano?”  Umiling siya. Hindi ako pihikan, nagkataon lang na wala talaga akong nagustuhan noon. At ngayon naman na may nahanap na akong gusto kong mahalin, hindi naman puwede dahil pag-aari mo na ang puso niya. At sa gagawin ko sa inyo, natitiyak akong isusumpa niya ako at ni hindi na niya nanaisin pang makita ako, naisaloob niya.  “You know what? I think you’ll be a good wife and a mother.”  “Paano mo naman nasabi 'yon?”  “Nakikita ko kasi kung paano mo alagaan si Adrianna. Nakakatuwa nga, eh. Mabilis siyang napalapit sa iyo,” nakangiting sabi ni Norraine.  Hindi siya nagsalita.  Hinawakan nito ang kanyang kamay. “Salamat sa pag-aalaga mo sa anak ko.”  “Trabaho ko naman 'yon, eh.”  Tama na, Norraine. Huwag mo akong pasalamatan dahil lalo lang akong makokonsensiya sa gagawin ko. Biglang nawala ang ngiti nito. Tumahimik ito. Tila bigla rin itong namutla. “Ang mabuti pa’y pumasok na tayo sa loob,” wika nito. Tumayo ito. Muntik pa itong mabuwal. Mabuti na lamang at nakahawak agad ito sa upuan.  Napatayo siya at dinaluhan ito. “Okay ka lang ba?”  Tumango ito at pilit na ngumiti. “Oo,” sagot nito. “Napagod lang siguro ako sa lakad namin kanina. Mauna na akong pumasok sa iyo.” Iniwan siya nito.  Nagtatakang sinundan na lang niya ito ng tingin.  KINAUMAGAHAN, pagbaba ni Jamelia sa sala ay naabutan niyang may kausap na matandang babae at lalaki sina Adrian at Norraine. Ngumiti si Norraine pagkakita nito sa kanya.  “Jamelia, halika, ipapakilala kita kay Inay at sa kapatid ko,” tawag sa kanya ni Norraine.  Tahimik na lumapit siya sa mga ito.  “Inay, siya po ang nag-aalaga kay Adrianna habang abala kami ni Adrian.”  “Magandang umaga po,” kimi niyang bati sa inay nito.  “Magandang umaga, hija. Salamat sa pag-aalaga mo sa apo ko. Ang sabi nga ni Norraine, mabait ka raw talaga.”  Hindi siya nagsalita. Napaiwas ang tingin niya rito. “Paano, Adrian? Aalis na kami ni Inay. Bukas na lang ng umaga kami babalik ni Adrianna dito sa mansiyon,” ani Norraine.  “Sigurado ba kayong ayaw ninyong sa hotel tumuloy o kaya dito?” ani Adrian.  “Huwag na. Doon na lang kami sa bahay nina Tita Myrna,” tanggi ni Norraine.  “Pero nakakahiya kina Inay kung—”  “Ayos lang kami, hijo. Huwag mo kaming alalahanin,” putol ng ina ni Norraine.  Hindi na nagpumilit si Adrian. Tumango lamang ito.  “Hindi ka ba sasama sa amin, Tita Jam?” tanong sa kanya ni Adrianna.  “Hindi siya makakasama sa atin, baby. Tutulong siya sa preparation para sa party ng daddy mo mamaya,” ani Norraine sa anak.  Umalis ang mga ito. Inihatid nila ni Adrian ang mga ito hanggang sa labas. Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Adrian habang sinusundan ng tingin ang palayong kotse na kinalululanan nina Norraine. Pagkatapos ay walang imik na bumalik ito sa loob ng bahay.  Naisip niyang bumalik na lang sa kanyang silid dahil nawalan siya ng ganang mag-almusal at kinakabahan din siya sa mangyayari mamayang gabi. Nagulat pa siya nang makita niya roon si Ma’am Vera.  “Dinala ko itong nightdress na isusuot mo mamayang gabi pagpasok mo sa silid ni Adrian.” Ipinakita pa nito sa kanya ang dala nitong damit.  Gusto niyang mapangiwi. Napakanipis at napakaikli ng nightdress. Para na rin siyang walang saplot kapag suot na niya iyon.  “Anyway, kailangan maging totoo na ang lahat.” Ibinaba nito sa ibabaw ng kama ang damit.  “Ano’ng ibig mong sabihin?”  “Kailangan ay totoo nang may mangyayari sa inyong dalawa ni Adrian,” walang gatol na sabi nito.  Nanlaki ang kanyang mga mata. “P-pero wala sa usapan natin iyan. Ang sabi mo, tatabihan ko lang si Adrian at palalabasin natin kay Norraine na may nangyari sa amin.”  “Puwes, nagbago na ang isip ko,” pakli nito na para bang napakasimple lang ng gusto nitong mangyari. “Gusto ko, totoong may mangyari sa inyo para lalong lumaki ang g**o sa pagitan nila.”  “Hindi, ayoko. Hindi ako papayag sa gusto mo!”  “Bakit, may choice ka ba?” wika nito na nakataas ang isang kilay.  Nagtagis ang kanyang mga bagang.  “Hindi ka puwedeng tumanggi sa utos ko, Jamelia. Alalahanin mo, dalawa ang hawak kong alas,” anito na humalakhak pa. Kapagkuwan ay lumabas ito ng silid.  Naiwan siyang nagpupuyos sa galit dito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD