Chapter Seventeen

2281 Words
PAROON at parito si Jamelia sa loob ng kanyang silid. Dinig niya ang ingay nina Adrian at ng mga kaibigan nito sa ibaba ng bahay. Lalong nagpapa-nerbiyos iyon sa kanya. Diyos ko, patawarin po ninyo ako sa gagawin ko, dasal niya. Aaminin niya na mahal niya si Adrian pero hindi iyon sapat na dahilan para ibigay niya rito ang kanyang sarili. Lalong hindi tama na gawin niya iyon dahil iyon ang utos ni Ma’am Vera. Pero wala siyang ibang pagpipilian.  Napapitlag siya nang bumukas ang pinto ng kanyang silid. Pumasok doon si Ma’am Vera. May dala itong isang kopita at isang bote ng alak.  “Lasing na sina Adrian. Ilang sandali na lang at aalis na ang mga kaibigan niya at aakyat na siya sa silid niya. Handa ka na ba?”  Hindi siya sumagot. Napaupo siya sa kama.  Tinitigan siya nito. Kapagkuwan ay umiling ito. Ibinaba nito sa bedside table ang kopita at sinalinan nito iyon ng alak. Pagkatapos ay iniabot nito sa kanya ang kopita.  “Ano 'yan?” tanong niya.  “Alak,” sagot nito. “Inumin mo ito.” Inilagay nito sa kamay niya ang kopita. “Pampalakas-loob 'yan.” Tiningnan niya ito nang matalim pero ininom din niya ang alak na ibinigay nito.  “Alisin mo iyang kaba sa dibdib mo. Ang mga kapatid mo ang isipin mo. Nakasalalay sa iyo ang kaligtasan nila,” nagbabanta ang tinig na sabi nito.  “Napakasama mo! Hayop ka!” asik niya rito. Humalakhak ito at hinawakan nito ang kanyang mukha. Halos bumaon ang mga daliri nito sa magkabilang pisngi niya. “Tandaan mo, hawak ng hayop na kaharap mo ngayon ang buhay at kinabukasan ninyong magkakapatid!”  Galit na tinabig niya ang kamay nito.  Ngumiti ito at saka nagtungo sa pinto. “Tatawagin na lang kita mamaya kapag nasa kuwarto na niya si Adrian. Uminom ka niyang alak pero huwag mong dadamihan. Baka naman mas malasing ka pa mamaya kaysa kay Adrian.” Iyon lang at iniwan na siya nito.  Humugot siya ng malalim na hininga bago napipilitang ininom niya ang alak. Lakasan mo ang loob mo, Jamelia. Tonta ka kasi. Basta ka na lang pumasok sa isang kasunduan na hindi iniisip ang magiging consequences nito, kastigo sa kanya nang isang bahagi ng isip niya. Hindi naman siguro masamang isipin ko ang ikabubuti ng mga kapatid ko, depensa niya sa sarili. Hindi ko naman ini-expect na ganito ang kahihinatnan nito.  Nakailang shot na siya ng Chivas Regal bago siya tumigil sa pag-inom. Madali siyang tinamaan ng alak dahil hindi siya sanay uminom. Tumayo siya at pumasok sa banyo na nasa loob din ng kanyang silid. Naghilamos at nag-toothbrush siya. Kalalabas lang niya ng banyo nang siya namang pagpasok uli ni Ma’am Vera sa pinto. May dala itong palangganita na may lamang tubig at bimpo.  “Magbihis ka na. Isuot mo ang ibinigay kong damit sa iyo. Nasa kuwarto na si Adrian.” Ibinaba nito ang dala sa ibabaw ng mesa.  Walang kibo na sumunod siya. Muli siyang bumalik sa banyo at nagpalit ng damit. Paglabas niya ng banyo ay iniabot sa kanya ni Ma’am Vera ang isang maliit na botelya ng pabango.  “Bukas, kapag nakita na kayo ni Norraine, umalis ka na kaagad. May kotseng maghihintay sa iyo sa labas ng mansiyon. Iyon ang maghahatid sa iyo sa kinaroroonan ng mga kapatid mo.”  Tumango lang siya nang marahan.  “Hindi ka dapat makita o makausap pa ni Adrian pagkatapos ng mangyayaring ito sa inyo,” dagdag na sabi nito.  “Hindi mo na kailangan pang sabihin 'yon.”  Kinuha niya ang palangganita. Nasa pinto na siya nang magsalita uli ito.  “Good luck.”  Pigil ang galit na hindi na niya ito inintindi. Tuluy-tuloy na siyang lumabas patungo sa silid ni Adrian. Maingat at walang ingay na pumasok siya sa silid ng binata. Naabutan niya itong nakahilata sa kama. Bakas sa anyo nito ang kalasingan at pagod. Lalong nangatog ang kanyang mga tuhod habang palapit siya rito. Ibinaba niya ang dala sa ibabaw ng bedside table at saka maingat na naupo sa gilid ng kama.  “A-adrian, pupunasan kita ng maligamgam na tubig para mawala ang kalasingan mo,” mahina at kinakabahang sabi niya habang binabasa niya ang bimpo. Piniga niya iyon at saka maingat na ipinunas sa mukha ng nakapikit na lalaki. Umuungol ito habang pinupunasan niya ang mukha nito. Patuloy naman sa panginginig ang kanyang mga kamay.  Inilagay niya sa palangganita ang bimpo bago sinimulang alisin ang pagkakabutones ng suot na polo shirt nito. Lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib habang unti-unting nahahantad sa kanya ang matipunong dibdib nito. Napahugot siya ng malalim na hininga bago niya pinunasan ang dibdib nito. Umungol uli ito. Sa pagkakataong iyon ay dumilat ito. Napatigil tuloy siya sa ginagawa.  “Jamelia?"  Hindi siya sumagot. Nanatili lamang siyang nakatingin dito.  “What are you doing here?”  “Pinupunasan kita para mawala ang kalasingan mo,” aniya na pilit ikinukubli ang kaba sa tinig.  Iniiwas niya ang tingin sa mukha nito at itinuloy niya ang pagpunas sa dibdib nito. Hinawakan nito ang kamay niya. Nang tingnan niya ito ay nakita niyang titig na titig ito sa kanya. “Ddo you want me to leave you?” aniya na binawi ang kamay mula sa pagkakahawak nito.  Hindi ito sumagot.  Tumayo siya. Tatalikod na sana siya para umalis pero pinigil siya nito sa kamay. Tiningnan uli niya ito. "Akala ko gusto mong iwan kita?”  “Please stay.”  Napalunok siya sa sinabi nito. Kinuha uli niya ang bimpo at pinunasan niya ang leeg nito. Tahimik naman itong nakatitig sa kanya. Mayamaya ay nagulat siya nang hawakan nito ang kanyang mukha.  “Tell me it’s not just a dream, Jamelia. Tell me this is for real... that you’re really here.”  Hindi siya makasagot. Pakiramdam niya ay umurong ang kanyang dila. “I knew it. Panaginip lang ito.” Umiling ito. Magsasalita sana siya para sabihin dito na totoo ito pero naunahan siya nito. “But it doesn’t matter kung panaginip lang ito. Ang mahalaga sa akin ay narito ka." Hindi ako panaginip, Adrian. Isa akong bangungot na wawasak sa buhay mo at ng iyong mag-ina, naisaisip niya. Bumangon ito at muli nitong hinaplos ang kanyang mukha. “Do you want to sleep with me tonight? Okay lang ba?” he asked in a very husky voice.  Gustuhin man niyang tumanggi ay hindi puwede. Buhay ng mga kapatid niya ang nakasalalay roon. “Jamelia?”  Tumango siya nang marahan.  Ngumiti ito at muling nahiga. Hinila siya nito pahiga sa tabi nito. Then he hugged her tenderly. Pumikit siya para maitago ang kabang nadarama. Naramdaman niyang lalong humigpit ang pagkaka-yakap nito sa kanya at lalo pang nagkalapit ang kanilang mga katawan. Sa sobrang nipis ng damit niya ay damang-dama niya ang init ng katawan nito. Ipinihit siya nito paharap dito. Pakiramdam niya ay naninigas ang buong katawan niya nang unti-unting lumapit ang mga labi nito sa mga labi niya. He kissed her softly.  “I want you, Jamelia,” masuyong sabi nito.  Hindi siya sumagot. Sa halip ay ikinawit niya ang isang kamay niya sa batok nito at hinagkan niya ito. Natatakot siyang kapag ibinuka niya ang mga labi niya ay kung ano ang masabi niya at hindi matuloy ang gagawin niya. Ilang sandali pa ay naramdaman niya ang bigat nito. Lalong naging mapusok ang paraan ng paghalik nito sa kanya. Gumapang ang mga kamay nito sa kanyang katawan. Tila bolta-boltaheng kuryente ang inihahatid niyon sa kanya. Nang titigan siya nito ay napapikit siya.  “Do you want me to stop?” tanong nito.  “No.”  Hinagkan uli siya nito sa mga labi. Bumaba pa nang bumaba ang halik nito.  Napapikit siya. At least, mahal mo ang lalaking ito, pampalubag-loob niya sa sarili.  NAPABALIKWAS ng bangon si Adrian nang makilala niya kung sino ang babaeng katabi niya sa kama. Hindi siya makapaniwala. Ang akala niya ay panaginip lang ang lahat ng iyon. Napasabunot siya sa kanyang sarili. Oh God! Ano `tong nagawa ko?  Umungol si Jamelia at saka ito dahan-dahang nagmulat ng mga mata. Natigilan din ito nang makitang nakatingin siya rito. Kapwa sila hindi nakakibo sa loob nang ilang minuto.  Siya na ang nag-iwas ng tingin. Inabot niya ang boxer shorts at T-shirt niya at isinuot ang mga iyon. Tiningnan uli niya si Jamelia na nakabangon na rin. Nakatakip sa katawan nito ang kumot. Naupo siya sa tabi nito. “Jam—” Hindi niya naituloy ang anumang sasabihin niya dahil biglang bumukas ang pinto at pumasok doon si Norraine.  “Good morn—” Natigilan ito nang makita nito si Jamelia.  “Norraine...” Bakas ang pagkataranta sa tinig niya.  “Ano’ng ibig sabihin nito?” Nagpalipat-lipat ang tingin ni Norraine sa kanila ni Jamelia.  “I can explain everything. Please listen to me first,” aniya. Lalapitan na sana niya ito pero tumakbo ito palayo sa kanya. Sinundan niya ito. “Makinig ka sa akin, magpapaliwanag ako!”  Parang wala itong naririnig. Tuluy-tuloy itong bumaba ng hagdan. “Ano’ng nangyayari dito?” tanong ng Tita Vera niya na napatakbo sa sala nang marahil ay narinig nito ang malakas na boses niya. “Norraine?” Hindi ito pinansin ni Norraine. Mabilis itong nakalabas ng gate. Doon na niya ito naabutan. Hinawakan niya ang braso nito.  “Pakinggan mo muna ako.”  “Ayoko!” malakas na sabi nito. “Hindi ko na kailangan ang paliwanag mo. Sapat na sa akin ang nakita ko.” Hinila nito ang braso nito sa pagkakahawak niya at itinulak siya nito. Sumakay ito sa tricycle na eksaktong dumaan sa kanilang harap. Patakbo siyang bumalik sa mansiyon. “Iabot mo sa akin ang susi ng kotse ko. Bilisan mo!” utos niya sa boy nila na kasalukuyang naglilinis ng kotse niya.  Tumalima ito. Pagbalik nito ay hinablot niya rito ang susi at agad siyang sumakay sa kanyang kotse. Pinaandar niya nang mabilis iyon at sinundan niya si Norraine.  Nasuntok niya ang manibela. Ano ba ang kalokohang nagawa niya? Bigla siyang napapreno nang sumagi sa isip niya si Jamelia. Noon lang niya naalalang naiwan ito sa silid niya.  Bigla siyang naguluhan kung ano ang unang dapat gawin. Naisubsob niya ang kanyang mukha sa manibela. Naguguluhan siya. Si Norraine ang babaeng pakakasalan niya pero magiging sinungaling siya kung itatanggi niyang si Jamelia ang laman ng kanyang puso at isip. Dahil ito talaga ang mahal niya. Pumasok din sa isip niya si Adrianna. Napahinga siya nang malalim. Pinaandar uli niya ang kotse at tinahak niya ang daan patungo sa bahay ni Tita Myrna.  HINDI maawat ang pagtulo ng mga luha ni Jamelia habang isinusuot niya ang kanyang mga damit. Alam niyang ganoon ang mangyayari pero hindi pa rin niya maiwasang masaktan. Nang habulin ni Adrian si Norraine ay halos madurog ang kanyang puso.  Damn it, Jamelia! Ano ba ang iniiiyak mo? Dapat nga matuwa ka dahil tapos na sa wakas ang kalbaryo mo. Makakalayo ka na kay Vera. Ligtas at makakasama mo na ang mga kapatid mo, aniya sa sarili.  Pinahid niya ang kanyang mga luha bago siya lumabas ng silid ni Adrian at nagtungo sa tinutuluyan niyang silid. Pagbukas niya ng pinto ay ang malakas na palakpak ni Ma’am Vera ang sumalubong sa kanya.  “Bravo! Napakagaling mo! Congratulations!” Abot-tainga ang pagkakangiti nito.  Tiningnan niya ito nang matalim. Isinara niya ang pinto at lumapit siya sa bag niya na nasa ibabaw ng kama. Nang nagdaang gabi pa niya inihanda ang lahat ng gamit niya para sa pag-alis niya sa mansiyon. “Bakit ganyan ang mukha mo? Hindi ka ba masaya at nagtagumpay tayo sa plano natin?” tila nakakalokong tanong nito sa kanya.  Hindi siya sumagot. Binuksan niya ang isang bag niya at naglabas ng isang pares ng pantalon at T-shirt. Pumasok siya sa banyo at nagbihis.  “Tiyak na hindi na matutuloy ang kasal nila ngayon,” wika nito na sinundan pa nito ng malakas na tawa. “Kaawa-awang Norraine! Akala ba niya, makukuha niya ang forty percent ng kayamanan na naiwan ng hangal kong kapatid?”  Lumabas siya ng banyo. “Huwag mong itulad sa iyo si Norraine. Mabuti siyang babae, hindi katulad mo! I don’t think she’s interested in that money. Mahal niya si Adrian kaya siya nagbalik dito.”  Nagkibit-balikat lang ito.  Napailing-iling siya. “Wala ka ba talagang konsiyensiya? Hindi ka na ba naaawa kay Adrianna? Sa apo mo?”  Humalakhak ito. “Kapag pinairal ko ang awa, malaking pera ang mawawala sa akin,” kapagkuwan ay sabi nito.  Hindi siya makapaniwala na ganoon talaga kasama ito. Maamo ang mukha nito pero isa lamang palang maskara iyon na nagkukubli sa makamandag na pagkatao nito.  “Hindi naman ako ganoon kasama, 'di ba? Malaki rin naman ang naitulong ko sa iyo at sa mga kapatid mo.”  Tiningnan niya ito. “Hindi tulong iyon, Vera. May kapalit ang lahat ng iyon at sobra-sobra pa nga ang naging kapalit, 'di ba?” aniyang nilangkapan din ng sarkasmo ang boses.  Hindi ito umimik.  Binitbit niya ang kanyang mga bag. Palabas na sana siya ng pinto nang tawagin siya nito. Humarap uli siya rito. Lumapit ito sa kanya at iniabot sa kanya ang isang passbook. “Nakadeposito na sa pangalan mo ang bayad sa serbisyo mo. Nasa labas na ang sasakyang maghahatid sa `yo sa Maynila. Tandaan mo, huwag na kayong babalik ng mga kapatid mo sa bayang ito.”  “Huwag kang mag-alala dahil hindi na talaga kami babalik dito. Ayoko na ring makakita ng demonyong katulad mo!” galit na galit na sabi niya bago siya tuluyang umalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD