Chapter Eighteen

2197 Words
SUNUD-SUNOD na pagbusina ang ginawa ni Adrian paghinto niya sa tapat ng gate nina Tita Myrna. Humahangos naman itong lumabas at pinagbuksan siya ng gate. “Tita, nasaan ho si Norraine?” tanong niya pagbaba niya ng sasakyan.  “Naroon siya sa itaas,” sagot nito. “Ano ba ang nangyari?”  “Mamaya ko na ho ipapaliwanag sa inyo.” Tumuloy siya sa loob ng bahay. Papunta na sana siya sa hagdan nang harangin siya ng kapatid ni Norraine.  “Mamaya mo na kausapin si Ate,” sabi nito sa kanya. “Nasa itaas si Inay at kausap siya.”  “Pero—”  “Kuya Adrian, nakikiusap ako. Hayaan mo muna si Ate.”  Napahinga siya nang malalim. Hindi na siya nagpilit pang umakyat. Naupo na lang siya sa sofa at isinubsob ang mukha sa kanyang mga palad. Nag-angat siya ng tingin nang may maliliit na kamay na humawak sa kanyang braso.  “Daddy, ano po ang nangyayari?” inosenteng tanong sa kanya ni Adrianna.  Hindi siya sumagot. Niyakap lang niya ito.  “Bakit umiiyak si Mommy? Nag-away po ba kayong dalawa?”  “Nagkaroon lang kami ng kaunting misunderstanding, baby.” Hinagkan niya ito sa noo. Lalo siyang na-guilty. Natitiyak niyang lubha itong maaapektuhan sa anumang kalalabasan ng nangyayari sa kanila ni Norraine.  Ilang sandali pa siyang naghintay sa sala kasama ang kanyang anak. Napatingin siya sa hagdan nang may narinig siyang mga yabag na pababa roon. Tumayo siya nang makita ang inay ni Norraine. Blangko ang ekspresyon nito kaya hindi niya masabi kung galit ba ito o hindi. Lumapit ito sa kanya.  “Puwede ko na ho bang kausapin si Norraine?” agad na tanong niya.  Tumango ito. “Sige na. Handa na rin siyang kausapin ka. Umakyat ka na. Naroon siya sa silid sa bandang kanan.”  Nagtungo siya sa silid na itinuro nito. Naabutan niya si Norraine na tahimik na nakaupo sa kama. Hindi ito umiiyak pero namumugto pa rin ang mga mata nito. Isinara niya ang pinto at lumapit siya rito.  “Norraine, I’m sorry.”  Hindi ito umimik.  “Lasing na lasing ako—”  “Hindi dahilan `yon para pagtaksilan mo ako," putol nito sa kanya. "Hindi ba’t noon ko pa sinabi sa iyo na baka nabibigla ka lang sa desisyon mong pakasalan ako?” “Hindi ako nabibigla lang.”  “Ang ibig mo bang sabihin, hindi nabawasan o nawala ang pagmamahal mo sa akin sa kabila ng ginawa kong pag-iwan noon sa iyo?”  Hindi siya nakasagot. Nanatili lamang siyang nakatitig dito.  Ngumiti ito nang mapait at umiling-iling ito. “Maging totoo ka sa sarili mo, Adrian. Alam ko namang hindi mo na ako mahal.”  “Norraine...”  “Alam ko namang kaya mo ako pakakasalan ay dahil lang kay Adrianna. Hindi ako tanga para hindi maisip iyon.”  Napayuko siya.  “Sinabi ko naman noong ipinakilala ko ang bata sa iyo na hindi mo ako kailangang pakasalan. Wala kang responsibilidad sa akin.” Nanatili lang siyang tahimik.  “Tawagan mo ang mga kaibigan natin at pati ang lahat ng mga imbitado sa kasal natin. Sabihin mo sa kanila na hindi na matutuloy ang kasal.”  Napatingin siya rito.  “Sa tingin mo ba, magpapakasal pa ako sa iyo pagkatapos ng nakita ko kanina?”  “Hayaan mo naman akong—”  “Adrian, please... Huwag mo nang ipilit. Ayoko na. Kung iniisip mo si Adrianna, huwag kang mag-alala. Hindi ko naman ilalayo sa iyo ang bata. Hindi kita tatanggalan ng karapatan sa kanya. Maaari mo siyang makita at makasama kung kailan mo gusto.”  Namayani ang katahimikan sa pagitan nila.  “Sige na, Adrian. Umalis ka na. I want to be alone.”  DUMIRETSO si Adrian sa silid ni Jamelia pagbalik niya sa mansiyon. Nang makitang wala ito roon ay nagbaka-sakali siyang naroon ito sa ibang bahagi ng mansiyon.  “Jam! Jamelia!” malakas na tawag niya rito habang pababa siya ng hagdan. Sa halip na ito ang makita niya ay ang tiyahin niya ang sumalubong sa kanya sa sala.  “Ano ba’ng nangyayari dito? Bakit—”  “Tita, nasaan si Jamelia?” putol niya sa pagsasalita nito.  “Nagmamadali siyang umalis kanina. Hindi na nga nakuhang magpaalam sa akin, eh. Tinatawag ko siya pero dire-diretso siyang umalis. Bakit ba? Ano’ng nangyayari? Bakit umiiyak si Norraine kanina?” “Mamaya ko na ipapaliwanag, Tita. Hahanapin ko muna si Jamelia. Kailangan naming magkausap.” Tinalikuran niya ito at bumalik siya sa kanyang kotse. Pagdating niya sa bahay nina Jamelia ay nalaman niyang matagal na palang walang tao roon. Umalis siya at inikot niya ang buong bayan sa pag-asang makita niya ito. Mahigit isang oras siyang naghanap pero bigo siyang makita ito. Umuwi siya sa mansiyon. Pagdating niya roon ay dumiretso siya sa kanilang bar. Kumuha siya ng mamahaling alak at nagsimulang uminom.  “Ano’ng nangyari? Nakita mo ba si Jamelia?” tanong ni Tita Vera nang lapitan siya nito.  Umiling lang siya bilang sagot.  “Ano ba'ng nangyari? Naguguluhan na ako.”  “Hindi na matutuloy ang kasal namin ni Norraine, Tita,” aniya bago inubos ang laman ng kanyang baso.  “Ano? Bakit?” gulat na gulat na sabi nito.  Huminga siya nang malalim bago tumugon. “Nahuli niya kami ni Jamelia sa kuwarto.”  Namilog ang mga mata nito. “What? Nagbibiro ka ba, Adrian?”  Hindi siya sumagot.  “Ano bang kalokohan ang pinaggagagawa mong bata ka? Hindi mo ba naisip kung gaano kalaking kahihiyan ang iaakyat nito sa pamilya natin kapag nalaman ng mga kakilala natin na hindi na matutuloy ang kasal mo dahil pinatulan mo ang isang katulong!”  Patuloy lang siya sa pag-inom.  “Kausapin mo si Norraine. Sabihin mo sa kanya na kailangang matuloy ang kasal ninyo.”  “I already did, Tita. Pero nakapagpasya na siya. Ayaw na niyang magpakasal pa sa akin.”  “Pero paano si Adrianna?”  “Hindi naman daw niya ipagkakait sa akin ang bata. Maaari ko pa ring makita at makasama si Adrianna.”  “Bakit mo ba naman kasi ginawa iyon? Alam mo namang ilang araw na lang ang kasal mo. At bakit si Jamelia pa? Kailan pa kayo nagkaroon ng relasyong dalawa?”  Umiling siya. “Wala ho kaming relasyon.”  “Kung ganoon, paano nangyari na—”  “Lasing na lasing ako kagabi, Tita. Hindi ko namalayang nakapasok si Jamelia sa kuwarto ko.”  “You mean, inakit ka ng babaeng 'yon?”  Hindi siya umimik pero nais sana niyang ipagtanggol dito si Jamelia. Hindi siya inakit ni Jamelia. Siya pa nga itong humiling dito na sipingan siya nito.  Hinawakan nito ang braso niya. “I’m sorry, hijo. This is all my fault. Kung alam ko lang na problema ang dadalhin ng babaeng iyon dito, hindi ko na sana siya inirekomenda para maging tutor ni Adrianna.” Tiningnan niya ito. “Don’t blame yourself, Tita. Wala kang kasalanan, ako ang meron. Naging mahina ako.”  Nakikisimpatyang tinapik siya nito sa balikat.  Kumuha siya ng panibagong bote ng alak na wala pang bawas at kinuha niya ang baso. “Excuse me, Tita. Aakyat na ho ako sa kuwarto ko.” Walang lingon-likod na iniwan niya ito.  Pumanhik siya sa kanyang silid. Natigilan siya nang mapadako ang kanyang mga mata sa kama. Hindi pa rin siya makapaniwala na naangkin niya ang babaeng akala niya ay hanggang sa pangarap lang niya mahahagkan. Naupo siya sa kama at nagsalin ng alak.  I have to find Jamelia. Pero saan ako magsisimula? naisaloob niya.  TAHIMIK na nakatanaw si Jamelia sa madilim na kalangitan. Dalawang linggo na ang nakararaan mula nang umalis siya ng mansiyon ng mga Benitez. Isang linggo lang silang tumira ng mga kapatid niya sa bahay na inupahan ni Ma’am Vera para sa kanila at naghanap agad siya ng malilipatan nila. Gusto niyang tuluyan nang makalayo mula rito. Ayaw niyang magkaroon pa ng koneksiyon dito. Napapitlag siya nang biglang may magsalita buhat sa kanyang likuran.  “Malalim na naman ang iniisip mo.”  Nilingon niya ang kanyang Ate Jenny. Palapit ito sa kanya sakay ng wheelchair nito. Agad niya itong nilapitan. “Bakit ka lumabas, Ate? Baka mahamugan ka rito.”  "Mula nang dumating ka rito sa Maynila ay hindi pa tayo nagkakausap nang masinsinan. Marami akong gustong itanong sa iyo, Jamelia,” wika nito sa seryosong tinig.  “Ano’ng itatanong mo sa akin?”  “Saan nanggaling ang perang ipinambayad mo rito sa apartment?”  Hindi siya nakasagot.  “At bakit ayaw mong umuwi tayo sa probinsiya? Ano ba talaga ang nangyari habang naroon ka sa mansiyon ng mga Benitez?” patuloy na pagtatanong nito.  “Wala, Ate. Naisip ko kasing mas makakabuti kung dito muna tayo sa Maynila para tuluy-tuloy ang therapy mo. Mas maganda rin ang quality ng education dito kaya dito na rin natin pag-aralin si Lester.” Tinitigan siya nito na para bang tinitimbang nito ang mga sinabi niya.  “Sigurado ka bang iyon talaga ang dahilan?”  Tumango siya.  May dinukot ito mula sa bulsa ng daster na suot nito. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang hawak nito ang passbook na ibinigay sa kanya ni Ma’am Vera. “Saan nanggaling ang isa’t kalahating milyon na nakadeposito rito sa pangalan mo?” Napalunok siya at nag-iwas ng tingin.  “Jamelia?”  “K-kay Ma’am Vera,” mahinang tugon niya sa kapatid.  “Para saan ang perang ito? Huwag mong sabihing tulong lang ito?”  Nanatili siyang tahimik. “Ano ang kapalit ng perang ito, Jamelia?”  Napahugot siya ng malalim na hininga bago sumagot. “May pabor lang siyang hiningi sa akin.”  “Anong klaseng pabor?”  Napayuko siya. “Inutusan niya akong paghiwalayin sina Adrian at Norraine.”  Namilog ang mga mata nito sa sinabi niya.  Ikinuwento niya rito ang naging kasunduan nila ni Ma’am Vera at ang mga nangyari habang nasa mansiyon siya. Tinutop nito ang bibig nito. Alam niyang hindi ito makapaniwala sa kanyang ginawa. Sinabi rin niya rito ang nadiskubre niyang totoong dahilan kung bakit gusto ni Ma’am Vera na huwag matuloy ang kasal ng pamangkin nito.  “Bakit ka pumayag sa gusto niya?”  “Dahil ang akala ko talaga ay hindi nga anak ni Adrian si Adrianna. Huli na nang malaman ko ang totoong dahilan kung bakit gusto ni Ma’am Vera na hindi matuloy ang kasal,” tugon niya. “At bukod pa roon ay gusto kong maipagamot ka at masiguro ang kinabukasan ni Lester.” Bumakas sa mukha nito ang pagka-guilty. “Kung alam ko lang na iyon ang kapalit nito, mas gugustuhin ko pang malumpo habang-buhay.”  “Ate—”  “Hindi tama ang ginawa mo, Jamelia. Kahit ano pa ang sabihin mo, isang pamilya ang sinira mo. Hindi mo ba naisip ang kapakanan n’ong bata?” “Mababagabag ba naman ako nang ganito kung bale-wala lang sa akin ang mga nangyari? Kahit paano ay napalapit din sa akin iyong mag-ina. At nakokonsiyensiya ako sa ginawa ko sa kanila.”  Tinitigan siya nito bago ito nagsalita. “Kung talagang nakokonsiyensiya ka, bumalik ka roon.”  “A-ano’ng ibig mong sabihin?”  “Bumalik ka roon at ayusin mo ang gulong ginawa mo. Humingi ka ng tawad sa kanila.”  Umiling siya. “Hindi na tayo puwedeng bumalik doon, Ate. Hindi natin puwedeng kalabanin si Ma’am Vera.”  “Hindi ako makapaniwalang ganoong klase pala siyang babae. Ang akala ko’y mabait siya. Iyon pala ay tuso siya.”  Tumango lang siya bilang pagsang-ayon dito.  “Pero paano naman sina Adrian?”  “Lalo nang wala akong mukhang maihaharap kay Norraine. At kay Adrian, hindi pa ako handang makita at harapin siya.”  Kumunot ang noo nito. “May nangyari ba sa inyo ni Adrian o pinalabas lang ninyo ni Ma’am Vera na mayroon?” tanong nito pagkaraan ng ilang sandali.  Hindi siya sumagot pero sa emosyong nakalarawan sa mukha niya ay nasagot na rin niya ang tanong nito.  “Kasama ba iyon sa usapan ninyo ni Vera? Hayop talaga ang babaeng iyon!”  “Hindi ko iyon ginawa dahil lang iniutos iyon sa akin ni Ma’am Vera. Ginusto ko rin 'yon,” pag-amin na niya.  “Anong—”  “Mahal ko si Adrian, Ate,” aniyang uminit ang mga mata. “Isa iyon sa mga dahilan kung bakit ako pumayag sa gusto ni Vera.”  “Jamelia...”  “Pumayag ako para kahit sa isang saglit lang ay makapiling ko siya.” Tuluyan nang pumatak ang kanyang mga luha. “Siguro nga ay mali ang ginawa ko pero iyon ang pinakamasayang sandali ng buhay ko, Ate.”  Matagal na nawalan ito ng kibo. Mayamaya ay hinawakan nito ang isa niyang kamay. Nagtama ang kanilang mga mata. “Naiintindihan kita,” anito at mapang-unawang ngumiti. “Pero, Jam, unfair para kina Norraine at Adrianna ang mga nangyari. Sa tingin ko, kailangan mong ayusin ang gulong ginawa mo. Maawa ka sa tatlong buhay na ginulo mo.”  Hindi siya nagsalita. Napahikbi na lamang siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD