Present day
"Para akong hihimatayin sa kaba, Chloe," ani Hillary sa kaibigan.
“Parang hindi ko kayang tingnan ang anumang resulta.”
Kausap niya ito sa cell phone. Pinadaanan niya ng dila ang ibabaw ng mga labi para bawasan ang panunuyo niyon. Pagkatapos ay itinutok ang paningin sa ibabaw ng kitchen counter kung saan nakahilera ang tatlong pregnancy test kit na sinadya niya kanina sa isang drugstore.
"Nai-imagine ko nga. Take it easy, Hillary. Kalma lang. Pero isang buwan ka pa lang namang delay, ah. Hindi ba maaga pa para malaman kung preggy ka?"
"Isang buwan pa nga lang akong delay pero never pa akong na-delay," kumakabog ang dibdib na sabi niya.
"S-sa p-palagay ko b-buntis ako, Chloe." Binasa uli niya ang mga labi. Para siyang hihimatayin na hindi maintindihan.
"Gusto mong puntahan na lamang kita diyan?"
Umiling si Hillary kahit hindi nakikita ng kaibigan.
"H-hindi na. I can manage, I think. I h-hope. Babalitaan na lang kita.''
"Okay. Basta, I'm a phone call away lang, ha? Good luck!"
Tipid na ngiti ang pinakawalan ni Hillary bago pinutol ang tawag. Ilang sandali pa niyang pinagmasdan ang mga pregnancy test kit na nakabalot pa bago sinamsam ang mga iyon at dali-dali siyang nagpunta sa kanyang silid.
Oras na para malaman kung nagdadalang-tao ba siya o hindi. Inilapag niya ang cell phone sa ibabaw ng kama bago nagpunta sa banyo dala ang tatlong pregnancy test kit na binili niya.
Pagkaraan lang ng ilang minuto ay lumabas siya ng banyo bitbit ang mga pregnancy test kit, ipinatong niya iyon sa bedside table para hintayin ang resulta.
Pinayuhan siya ni Chloe na tatlong kit na magkakaiba ng brand ang bilhin niya para daw mapagkakatiwalaan ang makukuha niyang resulta.
Nagpalakad-lakad si Hillary habang kagat-kagat ang dulo ng kuko ng kanyang hintuturo.Parang sasabog ang kanyang dibdib sa paghihintay. Nagbunga nga kaya ang isang gabing pagsiping niya sa isang estranghero? Dahil, oo, nakipag-one-night stand siya sa isang estranghero. Sa estrangherong iyon niya ibinigay ang kanyang virginity. Isang gabi ng kapusukan sa piling ng lalaking noon din lang niya nakita. At hindi na muling makikita pa--sana.
Sinulyapan ni Hillary ang suot na wristwatch. Lumipas na ang ilang minuto. Oras na para tingnan kung ano ang resulta. Ilang beses na lumunok siya.
Calm down, Hillary. Calm down.
Nakapikit na tinungo niya ang bedside table. Ipinatong niya sa gilid ng mesa ang mga kamay na para bang kumukuha roon ng suporta. Yumuko siya para pagdilat ay ang pregnancy tests na ang unang bubulaga sa kanya. Sumagap siya ng hangin at pinuno ang kanyang mga baga.
Okay, I think I’m ready.
One... two... three..
At kabang-kaba niyang tiningnan ang bagay na nakapatong sa kanyang bedside table para makita ang resultang kanina pa nagpapakaba sa kanya.