Makailang araw ang lumipas ay nalaman ni Tamara na inaapoy ng lagnat si Margaret. Sakto namang nadapo ang mga mata niya sa may bintana kung saan ay tila nahagip ng mga mata niya na may taong nagmamanman sa kanila.
"Hindi ka dapat nagkakasakit, Margaret, lalo na't buntis ka. Alagaan mo naman ang sarili mo."
"E-ewan ko ba, ate, ilang araw na rin kasi akong walang maayos na tulog," pagkik'wento nito.
"Ano? At bakit ka naman nagpupuyat? Lalong bawal sa'yo ang magpuyat!" may panenermong wika pa niya. At sa halip na sagutin siya nito ay napalihis lamang ito ng tingin. Wari ay malalim ang iniisip.
Kasalukuyan niyang inaalagaan noon si Margaret dahil inaapoy ito ng lagnat, mabuti na lamang at pahinga niya ngayon sa trabaho. Sa dami na kasi ng gusot na idinulot niya sa mga plano ay minabuti na muna ng kaniyang ama na magpahinga na muna siya sa mansyon. Hindi naman niya maiwasang magkimkim ng galit at inis kay Karadine na siyang laging napupuri ng kanilang ama.
Matapos niyang mahaplusan ng malamig na tubig si Margaret ay saka naman ito nagsalita kahit na nanghihina. "Ate, n-naisip ko lang, p-paano kaya kung nakaligtas noon si Philip? S-siguro ay magiging masaya siya ngayon na magkakaanak na kami." Bahagyang nakaramdam ng lungkot si Tamara, bagama't batid niya na tauhan ng ama nila ang nakapatay dito kaya naman sandali siyang humanap ng paraan para makapagpaalam dito sandali lalo na't kanina pa talaga niya napapansin na may taong nagmamanman sa kanila.
"Sandali at kukuha lang ako ng gamot sa may storage room," aniya. Doo'y dahan-dahang napatango si Margaret.
At sa halip na dumiretso sa may storage room ay sandali niyang hinagilap ang taong nahagip kanina ng mga mata niya. Nagtungo siya sa may garden kung saan ay may pinakamalapit na daan patungo mismo sa tapat ng bintana ng k'warto ni Margaret.
At doo'y hindi niya inaasahan ang taong madadatnan doon. At iyon ay ang kaibigan ni Philip na si Andrew.
"Andrew? Anong ginagawa mo rito? At saka, paano ka nakapasok?"
Sa halip na sagutin siya nito ay hinila agad siya nito patungo sa kakahuyan. Kung saan ay imposibleng may makakita sa kanila.
"Nandirito ako para maningil, Tamara!" may pagbabanta pang anito.
Bahagya siyang nakaramdam ng takot lalo na't kitang-kita sa mga mata nito ang panlilisik. "A-ano bang sinasabi mo, wala naman akong utang sa'yo." Pilosopo niya itong sinagot.
Kaya naman bahagya itong natawa. "'Wag ka na ngang magmaang-maangan, Tamara. Sa akin wala kang atraso pero ang ama mo, malaki ang atraso sa kaibigan ko at sa pamilya niya. Kaya naniningil ako ng hustisya para sa mga taong pinatay ng ama mo!" Bahagya siyang natameme sa sinabi nito hanggang sa hindi na siya nakapagsalita pa sa sumunod na sinabi nito. "Batid ko na ilegal ang negosyong pinatatakbo ng ama mo at siya rin ang nag-utos na patayin ang kaibigan ko at ang pamilya niya!"
Napapikit siya at napatakip sa magkabilang tainga. "Hindi totoo 'yan! Aksidente ang nangyari kay Philip at hindi 'yon parte ng plano, maniwala ka!"
"Aksidente man 'yon o hindi, pinapatay pa rin ng ama mo si Philip at ang pamilya niya. At sa tingin mo ay maniniwala ako sa palusot mo?" Nanlilisik pa rin ang mga mata ni Andrew. Tila nakalimutan na nitong minsan din siya nitong nagustuhan. Kinorner ni Andrew ang kabuuan ng mukha niya gamit ang palad nito hanggang sa marinig na niya ang bawat paghinga nito. "Kailangang magbayad ng ama mo sa batas kaya sabihin mo sa akin kung saan makikita ang kuta nila, pinapangako ko sa'yong hindi ka madadamay dito."
Napalihis siya ng tingin. "Wow, so anong ginagawa mo, hinahawakan mo ko sa leeg? At paano naman ako makasisiguro na hindi ako madadamay? Andrew, alam kong naghahangad ka ng hustisya para kay Philip at sa pamilya niya pero isipin mo rin sana na maraming mawawala sa pamilya namin kapag ginawa ko 'yon sa sarili kong ama!"
Naging mariin ang paghawak ni Andrew sa mukha niya kaya naman sandali siyang napaingit. "'Wag mo kong susubukan, Tamara. Dahil may isa akong salita. O, baka naman hindi mo pa alam na ako talaga ang ama nang ipinagbubuntis ng kapatid mo." Sandaling namilog ang mga mata niya sa narinig. Hindi niya iyon inaasahan. Nang mapangisi ito ay saka ito muling nagsalita. "Oo, tama ang narinig mo, inamin mismo sa akin ni Margaret na hindi naman natapos ang pagtatalik nila ni Philip dahil no'ng mismong gabing iyon ay natigilan sila pareho sa putok ng baril. Matapos ang pagkamatay ni Philip ay lihim kaming nagkikita ni Margaret, dahil siya naman talaga ang gusto ko, e. Nagpaubaya lang ako noong una kay Philip."
Doon lalong namuhay ang galit sa puso niya. Kaya naman binigyan niya agad ito ng isang malutong na sampal kasabay ng mga katagang, "Walang hiya ka! Pinaniwala mo ako no'n na ako ang gusto mo tapos pinaikot mo lang pala ako?" Napaluha siya sa katotohanang kahit sinong magustuhan niya ay hindi siya nagugustuhan. Katulad na lang ni Yvo. "At kaya ka ba nandito ay para sa mag-ina mo, hah?"
Nakita niya ang sandaling pagtango nito. "Oo, mahal ko si Margaret at alam kong mahal niya rin ako. Kaya nga ginusto namin pareho ang nangyari sa amin, e."
Isang malakas na sampal na naman sana ang pakakawalan niya subalit mabilis na nitong nasalag ang kamay niya. Pero hindi naging dahilan 'yon para masabi niya rito ang kaniyang nais sabihin. "Traydor! Mga traydor kayong dalawa! Ito ang tatandaan mo, wala kang magiging karapatan sa batang dinadala ni Margaret! Wala!" Nanggagalaiti na siya sa inis kung kaya't mabilis niya na itong tinalikuran. Sa kaniyang mga nalaman ay wala na silang dapat pang pag-usapan pa ni Andrew. Labis siya nitong sinaktan sa pag-aakalang siya ang gusto nito simula pa lang noong una.
Nang makabalik siya sa k'warto ni Margaret ay dala-dala niya na ang gamot na iinumin nito. Hindi niya alam kung paano ito muling haharapin ngayong may kinikimkim siyang inis at inggit dito. Ito pa naman ang pinaka-close niya sa kanilang apat na magkakapatid at nakakalungkot lang isipin na ito pa ang nagawang trumaydor at maglihim sa kaniya.
"A-ate, b-bakit ang tagal mo namang bumalik?" tanong nito.
Sinikap niya pa ring maging kalmado pagkatapos ng kaniyang mga nalaman. "Ah.. sinilip ko rin kasi si mama sa may kusina," pagsisinungaling niya. Napapikit siya sandali. Sadyang kay bigat sa dibdib ng mga nararanasan niya. Hindi niya alam kung ano ba ang mas mahirap, ang maghangad na maging paboritong anak o ang maghangad ng taong magmamahal din sa kaniya?
"K-kumusta pala ang trabaho mo sa pabrika? Okay naman ba?" Napalingon siya sa binuksang katanungan ni Margaret. Alam mo 'yung tipong nais niyang idaing ang lahat ng sakit na nararamdaman niya rito pero hindi niya magawa lalo na ngayon at nalaman niyang trinaydor at pinaglihiman siya nito. Hindi niya na alam kung dapat pa ba niya itong pagkatiwalaan pagkatapos ng kaniyang nalaman.
"O-okay naman, pinagpahinga lang muna ako ni papa dahil wala naman akong gagawin doon," aniya. "Ahm, inumin mo na itong gamot. 'Wag kang mag-alala dahil safe naman ito sa buntis." Bahagyang napatango si Margaret at sinunod nito ang bilin niya na inumin na ang gamot. Pagkatapos ay napabuntong hininga siya at sinubukan itong kausapin nang masinsinan. "Margaret, noong namatay ba si Philip ay may nagustuhan ka pa bang iba?"
Napaubo sandali si Margaret at nagawa siya nitong sentruhin ng tingin. "A-ate, a-ano ba namang tanong 'yan? Siyempre, w-wala." Napakuyom niya ang kaniyang kamao nang hindi nito alam. Sinubukan niya pa ring kumalma kahit na kasinungalingan lamang ang narinig niyang kasagutan mula rito.
Minabuti niyang magpahinga na muna si Margaret dahil kahit naman batid niya na may inililihim ito sa kaniya ay may pag-aalala pa rin siyang nararamdaman para rito. Iniwan niya ito sandali sa k'warto upang puntahan sandali ang kaniyang inang si Tanya. Doon niya ibinuhos ang lahat ng bigat sa kaniyang dibdib.
"Bakit pakiramdam ko ay lahat na lang ng mayroon ako ay inaagaw ng iba? Sa ama, sa taong nagugustuhan ko. Kulang na lang ay kunin ka na rin sa akin, e."
"Anak, ano bang sinasabi mo? Hindi ako mawawala sa'yo, magkasama tayo sa lahat ng bagay, 'di ba?"
"Alam ko naman 'yon. Kaya nga mas mabuti na lang na magkakaiba kami ng ina nila Margaret, dahil kung hindi, baka nag-aagawan din kami sa atensyon at pagmamahal ng sarili naming ina.." Hinarap siya ng ina at nagawa nitong punasan ang mga namuong luha sa kaniyang mga mata.
"Ano ba talagang nararamdaman mo? P'wede mo naman 'yan sabihin sa akin."
Napahikbi siya. "Naglihim at nagtraydor sa akin si Margaret, ma. Pero hindi ko magawang magalit sa kaniya ngayon dahil may sakit siya, isa pa ay nagdadalang tao siya, ayokong magdulot ng kahit anong stress sa kaniya."
"Sa paanong paraan siya naglihim at nagtraydor sa'yo?"
"Nalaman kong may relasyon sila ngayon ng lalaking inakala kong nagkagusto rin sa akin. At alam mo ba kung ano ang mas masakit, ma? Ay no'ng malaman kong ito pa ang ama nang dinadala niya." Parang tinik ang bumabara sa kaniyang dibdib at wala siyang magawa kundi ang lunukin ito.
At habang pumapatak ang luha sa kaniyang mga mata ay sinubukan pa rin siyang patahanin ng kaniyang ina. "'Wag kang mag-alala, susubukan kong bigyan ka ng isang buong pamilya. Anak, katulad mo ay minsan na rin akong inagawan ng minamahal. Kaya hindi ko hahayaang iparanas sa'yo 'yon."
"Anong ibig mong sabihin, mama?" Sa halip na sagutin siya ni Tanya ay napangisi lamang ito habang iniisip ang pinaplano.
Kinagabihan ay hindi inaasahan ni Renato na si Tanya ang mabubungaran niya sa kanilang k'warto ng asawang si Florida. "Tanya, gabi na, at anong ginagawa mo rito sa k'warto naming mag-asawa?"
"O, bakit parang bago lang sa'yo na madatnan ako sa k'warto? Hindi ba't madalas naman tayong maglambingan noon sa k'warto?" may pang-aakit na wika pa ni Tanya.
Doo'y nagsimulang manlisik ang mga mata ni Renato subalit hindi pa rin tumigil sa pinaplano ni Tanya. Simula kasi nang malaman nito na ilegal ang negosyong pinatatakbo niya at inililihim niya iyon kay Florida ay nagkaroon ito ng ideya na lituhin lalo ang isipan niya.
"Ano bang sinasabi mo? Matagal na 'yon, Tanya at ayaw ko nang balikan pa." Naghubad siya ng coat at inilagay iyon sa may laundry basket. At doo'y sinimulan naman siyang haplusin ni Tanya sa kaniyang braso at balikat.
"Niloloko mo na rin lang naman si Florida, edi, pagtaksilan mo na rin siya. Tutal naman ay magagalit din naman siya sa'yo kapag lumabas ang totoo," wika ni Tanya na sadyang minamahal pa rin siya ngayon.
"Tumigil ka, Tanya. Mahal ko si Florida, kaya ko nga siya pinakasalan, 'di ba?" Tila sinampal si Tanya ng mga katagang 'yon.
"Pero aminin mo man o hindi, hindi naibibigay ni Florida nang buo ang pangangailangan mo bilang isang lalaki. At sigurado akong sa akin mo lang mararanasan 'yon."
Doo'y sinunggaban siya nito ng halik subalit mabilis niya naman itong naitulak. Kaya naman napatihaya ito sa may kama.
"Umalis ka na at baka hindi ako makapagtimpi ay mapagbuhatan na kita ng kamay!" bulalas niya at doo'y dali-daling lumabas ng kanilang k'warto si Tanya habang maluha-luha ito.
Hindi naman sinasadyang makikita ni Karadine ang senaryong iyon kaya naman naisip agad niya na nagtataksil ang kaniyang ama sa kaniyang ina.
Pagkarating ng kanilang ina ay inalalayan ito ni Karadine. Katulad ng dati ay hapong-hapo ito sa maghapong pagbabantay sa tindahan. "Ma, sinabi ko naman kasi sa'yo na uso ang pahinga. Nagsisikap naman si papa para maibigay ang lahat ng pangangailangan natin, e." Batid niya na may halong kirot sa puso niya ang kaniyang nakita kanina pero hindi dahilan 'yon para siraan niya ang sariling ama rito. Mas mabuti nang sarili niyang ina ang makakita.
"Anak, nabuburyo ako rito sa bahay kapag walang ginagawa. Ayaw naman akong pakilusin ng mga katiwala natin sa kusina."
"Ma, asawa ka ni papa, kaya gano'n ka na lang nila kung igalang. Pero hayaan mo, kapag nag-day off ulit ako, mamamasyal tayo, para naman makapag-relax ka."
"Naku, salamat, anak. Pero hindi naman na mahalaga 'yon, ang mahalaga sa akin ay ang makita kong buo tayo at ligtas palagi ng ama mo." Napangiti siya. At sandali niyang niyakap ang ina habang laman pa rin ng isipan ang kaniyang nakita kanina. Isabay pa ang paglilihim ng kaniyang ama sa ina tungkol sa pinasok nitong negosyo. Pakiramdam niya ay napakalaki na ng kasalanan niya sa ina dahil sa pagtatago niya ng katotohanan. At ang nakita niya kanina, tunay nga kayang magagawang pagtaksilan ng kaniyang ama ang kaniyang ina?
Bago pa siya magdesisyon na sabihin iyon sa ina ay nais niya munang humanap ng ebidensya, at kapag napatunayan niya na talagang nagtataksil ang kaniyang ama ay siya na mismo ang gagawa ng paraan para malaman ito ni Florida.
Pero paano naman ang katotohanang itinatago nila ng sariling ama alang-alang sa ikabubuti ng kanilang pamilya? May balak pa kaya siyang sabihin sa ina ang tungkol sa mga nalalaman niya o hahayaan niya na lang na ang mismong pagkakataon na ang magdikta?