"Saan ka nanggaling?" Natigilan siya sandali sa pagbungad na iyon ni Tamara nang magpasya sila pareho ni Yvo na bumalik sa pabrika. Pero dahil ayaw nilang makahalata ang lahat ng kanilang pagtatagpo ay sa magkaibang daan sila pumasok.
Napansin niyang pinagmamasdan lamang ni Tamara ang kilos niya kaya hindi na siya nagdalawang isip pa na komprontahin ito. "At bakit? Kailangan bang i-report ko sa'yo palagi kung saan ako nagpupunta, ate? O baka naman humahanap ka na naman ng butas para siraan ulit ako kay papa?" Biglang natameme si Tamara. Pahiwatig lamang na tama ang mga akusasyon niya.
Kapagkuwa'y humakbang ito palapit sa kaniya nang may pagngisi. "Sabihin na nating oo, dahil simula't sapul nang bumalik ka rito ay wala na akong tiwala sa mga ikinikilos mo."
Bahagya rin siyang napangisi. "At kailangan ko pa bang patunayan ang sarili ko sa'yo, ate? At bakit? Sa tingin mo ba ay puchu-puchu lang ang mga ginagawa ko sa misyon para lang makuha ang buong tiwala ng mga Benitez? Ah, alam ko na, gusto mo talagang sirain ang plano, kaya nga nagawa mong lumantad sa mga kaaway nang walang paalam."
Nakita niya ang pagkunot ng noo ni Tamara at akma sana siyang susugurin ng sampal. Mabuti na lang at dumating ang kanilang ama para sawayin ito. "Tamara, tumigil ka!"
"Papa." Tila naging maamo itong pusa sa pagdating ng kanilang ama.
"Nag-aaway na naman ba kayo? Ilang beses ko bang sasabihin na hindi dapat kayo nag-aaway lalo na't nandito kayo sa teritoryo ko," kalmado ngunit makikita ang inis na pagkasabi ng kanilang ama. Magsasalita na sana si Karadine upang magpaliwanag ngunit naunahan na naman siya nito. "At ikaw, Karadine, kanina ko pa kayo hinihintay ni Yvo, kumusta ang plano?" Bahagya silang nagkatinginan ni Tamara dahil posibleng sabihin nito sa ama na kanina pa siya nakaalis galing sa mga Benitez at nagkausap pa nga sila kanina bago siya ulit umalis.
"Papa, ang totoo niyan--"
"Maayos ang plano, papa. At wala kang dapat alalahanin." Napatitig siya sa sinabing iyon ni Tamara dahil hindi siya ibinukô nito.
Kaya naman wala rin siyang dahilan para sabihin sa ama na bahagyang nagbago ang plano nang dahil kay Tamara. "Sandali, bakit alam mo ang tungkol sa bagay na ito, Tamara?" takang tanong ng kanilang ama.
"Ahm, sinabi sa akin ni Karadine. Well, kung hindi mo naitatanong, papa, kahit aso't pusa kami minsan, may mga mahahalagang bagay na sinasabi sa akin si Karadine. 'Di ba, Karadine?" Hindi niya alam kung ano ba talagang tumatakbo sa isip ngayon ni Tamara pero nakasisiguro siya na may kinalaman iyon sa plano at nais nito na mabigyang credit ang magiging papel nito.
Dahan-dahan siyang napatango bilang pagsang-ayon at kapagkuwa'y napanatag na rin si Tamara na hindi niya ito basta-basta ilalaglag sa ama, gayundin ang mithiin niya na hindi siya nito isusumbong sa kaniyang sandaling pagkawala kanina.
"Tamara, iwan mo na muna kami saglit ng kapatid mo," pakiusap ni Renato sa anak. Kaya naman no choice si Tamara kundi ang umalis doon at para hanapin na lamang si Yvo na kaniyang sinisinta.
Nang sila na lamang dalawa ng ama ang naiwan doon ay bahagya siyang kinabahan. Pero laking pasasalamat niya pa rin na hanggang ngayon ay wala pa ring nakakaalam ng kanilang lihim na relasyon ni Yvo at maging ang kanilang lihim na pagtatagpo. Pero anuman ang kapalit ng nagawang pagtatanggol sa kaniya ni Tamara ay naisip niya na hindi makakatulong iyon s misyon kung kukunsintihin niya ang ginagawa nito. "So, kaya ba kayo natagalan ay dahil sadyang mahirap magpanggap na kakampi sa ating mga kalaban?"
Napabuntong hininga siya. "Isa nang dahilan 'yon, papa. At aaminin ko pong hindi madali pero kinakaya namin ni Yvo, ang sa akin lang ay dapat bigyan mo ng magiging trabaho rito si Ate Tamara nang hindi siya nangingialam sa plano."
"Anong ibig mong sabihin?"
Pinagmasdan niya ang ama. Mukhang gusto talaga nitong malaman ang totoo mula sa kaniya. Habang siya naman ay desidido na ring sabihin ang totoo. "Papa, may pagbabago sa plano, dahil nagpakilala na rin si Ate Tamara sa mga Benitez." Bahagyang natigilan si Renato sa mga sinabi niya.
"So, nagsisinungaling lang pala ang kapatid mo?" Nakita niya kung gaano kadismaya ang ama sa mga sinabi niya. "Sinasabi ko na nga ba, kahit kailan talaga ay padalus-dalos ng desisyon iyang kapatid mo."
"Papa, hindi ko sinasabi 'to para siraan si Ate Tamara kundi dahil alam kong ito ang mas makabubuti para sa misyon namin ni Yvo. Papa, paano na ang plano? Tiyak na masisira ang mga nakalatag nating plano kapag nalaman nilang may koneksyon kami ni Ate Tamara."
"'Wag kang mag-alala, may naisip na akong paraan, kailangan lang nating lituhin ang mga Benitez. At kung sadyang nakapasok na rin si Tamara sa buhay nila, edi hayaan natin, kailangang maging panglito si Tamara para hindi lang sa inyong dalawa ni Yvo ang focus nila."
"Pero paano ka po makasisiguro na makikipag-cooperate si Ate Tamara sa plano, papa?"
"Ako na ang bahala. Kailangan lang natin iparamdam sa kaniya ang ating suporta. 'Wag kang mag-alala, hindi ko sasabihin sa kaniya ang mga sinabi mo. Kilala ko ang kapatid mo, the more na napapansin siya, the more na makukuha mo ang tiwala niya."
Napabuntong hininga siya. "Hindi ako tiwala sa pinaplano mo, papa. Pero sana nga ay hindi maging hadlang si Ate Tamara sa nakalatag nating plano."
Ilang segundo ang lumipas at kung kailan naman nagkasundo na sila ng ama para sa panibagong plano ay saka naman sumagi sa isip niya ang sinabi noon sa kaniya ng ama matapos niyang alalahanin ang gusot na kinakaharap ng kanilang pamilya.
"Oo nga pala, papa, bigla ko lang naalala. 'Di ba minsan ka nang umamin sa akin na plano mong patahimikin ang pamilya ni Philip Baltazar sa paraang pagpatay? Paano kung nagsasabi ng totoo si Margaret na posibleng Mochizet ang nasa likod nang pagkamatay ng pamilya ni Philip Baltazar?" Sandaling natameme ang kaniyang ama. Naisip niya na baka iyon ang tamang sandali para komprontahin ito lalo na't malaking isyu ito sa kanilang pamilya para gano'n na lang pagtakpan ang katotohanan.
"Anak, alam mo namang handa kong gawin lahat para sa ating pamilya."
"So, totoo nga? Na nagawa mong pumatay para lang pagtakpan ang gusot na ginawa ng grupo natin?" may kirot sa dibdib nang sabihin niya iyon.
"I'm so sorry, anak.. wala na akong ibang maisip na paraan dahil kung hindi ko ginawa 'yon ay posibleng damay ang lahat ng mayroon tayo. Babagsak ang negosyo at posibleng iwan ako ng mama mo."
"Pero, papa, hindi ba't mas dinagdagan n'yo lang ang kasalanan n'yo sa batas? Oo, tanggap ko pa no'ng una dahil pinagtakpan mo lang ang kasalanan ni Florencio dahil p'wedeng maituring na self defense lamang ang ginawa niya laban kay Philip Baltazar dahil sa ginawa nito kay Margaret, higit pa ro'n ay parte siya ng Mochizet. Ang grupong iniingat-ingatan mo sa loob ng maraming taon. Pero, papa, iba 'yong kaso ngayon, e, inutos mo na ipapatay sila. Ang pamilyang wala namang kalaban-laban at naghahangad lang din ng hustisya." Binabalot na ng luha ang kaniyang mga mata nang hindi sinasadyang maabutan ni Yvo ang kanilang pag-uusap.
At habang sinusubukan siyang yakapin ng kaniyang ama ay siya rin namang pagkalas niua rito. "Anak, patawarin mo ako. Alam ko, mahirap tanggapin at walang kapatawaran ang ginawa ko pero alam mo namang wala akong hindi kayang gawin para lang ipaglaban ang pamilya natin. Alam mo 'yan."
"At sana alam mo rin kung anong mararamdaman ko, ni Ate Margaret, ni Ate Tamara, ni Isabel at maging si mama. Alam mo, tanggap ko pa na ilegal ang negosyong pinatatakbo mo, e, pero ang hindi ko matanggap ay isang kriminal ang sarili kong ama!" Lalong bumuhos ang luha sa kaniyang mga mata at tila napaluhod na siya sa sahig nang biglang dumating si Yvo para patahanin siya. At nang sandaling iyon ay nagawa na muna silang iwan doon ni Renato upang pormal na makapag-usap.
"Kara, hindi tama na makipagtalo ka sa iyong ama."
"At bakit? Pagkatapos ng mga nalaman ko? Sa tingin mo ay kaya kong sikmurain ang ginawa niya? Yvo, pinagtatanggol ko siya kahit kanino, tinitingala ko siya dahil alam ko na hindi biro ang maging isang lider ng sindikato. Pero 'yung maging kriminal siya at para magpapatay ng mga taong walang kalaban-laban, Yvo, hindi ko kayang tanggapin. Sabihin mo, paano ko ulit ipagtatanggol ang sarili kong ama sa kaniyang mga kapwa kriminal? Paano ko ipaglalaban ang isang katotohanan kung wala akong ibang choice kundi ang pagtakpan ito? Dahil ayokong masira ang pamilyang mayroon ako.." Sinikap siyang yakapin ni Yvo habang basang-basa pa rin ng luha ang kaniyang mga mata.
"Naiintindihan kita, masakit isipin na pamilya n'yo ang maaapektuhan kapag lumabas ang totoo. Kaya nga ang tanging magagawa mo na lang ay sundin ang iyong ama lalo na kung ito ang mas makabubuti."
"Yvo, napakasakit isipin na 'yung tinitingala ko ay ang taong p'wedeng kamuhian ng lahat. Na ang taong pinagtatanggol ko ay walang pinagkaiba sa kaniyang kapwa kriminal. Kaya para saan pa ang misyon na 'to kung may dungis din namang itinatago ang pamilya namin? Paano ko masisikmurang ipaglaban ang sarili kong ama kung sa bandang huli ay batid ko na siya pa rin ang talo? Na p'wede siyang mawalan ng lahat, ng pamilya at mga ari-arian."
"Kaya nga kahit labag sa kalooban mo ay kailangan mong pagkaingatan ang reputasyon ng inyong pamilya. Dahil kahit hindi mo gustuhin sa bandang huli ay damay kayo rito." Napailing siya at napasubsob ang mukha sa dibdib ni Yvo habang wala pa ring tigil sa pagbuhos ang kaniyang mga luha.
At ang senaryong iyon ang nadatnan ni Tamara kung saan ay lalong sumiklab ang selos at galit na nararamdaman nito para kay Karadine.
Lumipas pa ang ilang araw at mas lalong nabuhay ang pag-asa ni Karadine na mababago niya ang nakatakdang mangyari sa hinaharap. Kung kinakailangang mas galingan niya ang pagpapanggap ay gagawin niya para lang hindi masira ang pamilyang ipinaglalaban niya. Napagtanto niya na wala na siyang pakialam sa tama at mali, basta ang ginagawa niya lang ay pinoprotektahan niya ang reputasyon ng kaniyang pamilya. At dahil nga isang pagpapanggap lamang ang kanilang pagharap sa mga Benitez ay kilala sila ni Yvo bilang Atty. Simon Guevarra at Liza Revillano.
"Ms. Liza, hindi ba't masyadong malaki ang handa mong i-share para sa aking kompanya?"
"Mr. Benitez, gusto ko lang talagang makatulong, besides, napag-alaman kong pabagsak na sana ang iyong negosyo." Sandali silang nagkatinginan no'n ni Yvo na nagpapanggap bilang kaniyang magaling na lawyer. "That's why nandito si Atty. Guevarra para tulungan kang ibalik sa dati ang sigla ng iyong kompanya."
"Ano pa lang alam mo sa negosyo ko, Ms. Liza? At bakit interesadong-interesado ka na maiahon ito?" tanong ni Mr. Benitez na bahagyang ikinakaba niya.
Mabuti na lang at biglang dumating si Tamara para sandaling kuhanin ang atensyon nito. Nagpakilala si Tamara bilang si Megan Locsin, isang ring malaking investor na willing din magbigay ng malaking share sa kompanya. "O, Ms. Megan, you're here." Mukhang mas pabor si Mr. Benitez na inihaing proposal ni Tamara, pero ang hindi nito alam ay magkakasabwat lamang sina Ms. Liza Revillano, Atty. Simon Guevarra at Ms. Megan Locsin ayon sa pagkakakilala niya.
"Wait, are you saying na hindi mo tatanggapin ang proposal ko, Mr. Benitez? Sayang naman ang nakalatag kong plano para mas madali mong mabawi ang sigla ng inyong kompanya," pagbibigay pa ni Karadine ng dahilan para lituhin si Mr. Benitez. Pero mukhang desidido na talaga ito na tanggapin ang proposal ni Tamara.
Bahagyang napasulyap sa kanila si Tamara at tila ipinapahiwatig nito na ipagkatiwala na nila rito ang plano.
"I'm sorry, Ms. Liza, but my decision is final. Mukhang mas maganda ang kahihinatnan nang ipinakita sa aking proposal ni Ms. Megan." Nang pagmasdan niya ang ipinakita ni Tamara na proposal ay nanlaki ang kaniyang mga mata dahil napagtanto niyang ninakaw ni Tamara ang kaniyang ideya.
Naalala niya ng araw na gumagawa siya ng proposal project ay sandali niyang iniwan ang laptop sa kaniyang k'warto dahil bigla siyang naihi ng mga oras na 'yon. Pagkabalik niya ay naluha siya sa inis dahil sa pag-aakalang aksidente niyang nabura ang kaniyang pinaghirapang proposal. Kaya wala siyang ibang choice kundi ang umulit, subalit nabura na sa kaniyang isipan kung paano makakapagsimulang muli. Bukod sa inaantok na siya ay dismayado siya sa sarili. Kaya ang ending ay hindi kaaya-ayang proposal ang naisip niya kung saan ay kinakailangan niyang kumbinsihin si Mr. Benitez na makipag-deal sa kaniyang proposal kahit na wala itong sapat na hypothesis para mapaniwalang desidido talaga siyang maging investor ng kompanya. Tapos ngayon ay malalaman niyang ninakaw pala ni Tamara ang ideya niyang iyon. Mukhang handa talagang sirain ni Tamara ang nakalatag nilang plano.
"O, bakit, Ms. Liza? Bakit parang nagulat ka sa proposal ni Ms. Megan? Actually, bago pa man magpunta rito si Ms. Megan ay in-email niya na ang proposal niya sa akin, that's why nakapag-decide na ako bago ka pa man mag-alok sa akin ng deal."
Napabuntong hininga siya. "Okay, well, kung hindi mo matatanggap ang proposal ko, magsimula ka nang magsisi, Mr. Benitez," may pangkokonsensya pa niyang sabi bago pa man sila magpasyang umalis doon ni Yvo.
Hindi niya alam kung ano ba talagang pinaplano ni Tamara at talagang tinatraydor siya nito. Pagkaalis na pagkaalis nila roon ay sinabi niya kaagad kay Yvo ang ginawang iyon ni Tamara kaya naman labis ang pagkadismaya ni Yvo sa nalaman. "Siguraduhin niya lang na malulusutan niya itong ginawa niyang pagtatraydor sa mga plano, Kara, dahil kung hindi ay tiyak na mapapahamak tayo rito."