PIC- Chapter 15

2032 Words
NAGKARERAHAN sa bilis nang pagtibok ang kaniyang puso at walang alinlangang napayakap sila sa isa't isa ng binata. Gayunma'y kahit bago lamang kay Isabel ang nakita ay hindi pa rin nito maiwasang maging masaya para sa kaniya. "Masaya akong makita kang muli," naluluhang wika ni Yvo sa kaniya habang pinagmamasdan nito ang kabuuan ng mukha niya. Kapagkuwa'y bahagya siyang natigilan sa sunod na sinabi nito, "Pero hindi ka na dapat nagpunta rito, masyadong delikado, Kara." Ilang minuto pa ay mas dumistansya pa si Yvo sa kaniya kasabay nang katanungan sa mga mata nito nang lingunin nito si Isabel. "Ah, siya si Isabel, half sister ko rin, mas matanda lang siya ng buwan sa akin kaya.. halos magkaedaran lang kami." Nakita niyang napangiti sina Yvo at Isabel sa isa't isa. At bago pa man magsalita si Yvo ay inunahan na ito ni Isabel. "Mukhang tama si Yvo, Karadine, hindi na dapat tayo nagpunta pa rito. Ngayon pa na mahigpit kang pinagbabawalang lumabas ngayon." Bago pa man siya sumang-ayon sa sinabi ni Isabel ay narinig niya naman ang pahayag ni Yvo. "Hindi ba't sinabi ko rin sa'yo na ako ang gagawa ng paraan para magkita tayo?" "Pero hindi ko maiwasang mag-alala para sa'yo, Yvo.. lalo na ngayon at mas mapapalapit ka pa kay Ate Tamara.." "Anong ibig mong sabihin, Karadine?" takang katanungan ni Isabel. Kaya naman hinarap niya ito at sinagot, "Ang totoo niyan, si Ate Tamara ang pumalit sa posisyon ko sa pabrika, Isabel." Laking gulat ni Isabel sa nalaman. "Kaya ba nanatili ka sa mansyon ngayon?" Nang sandaling napatango siya ay hindi na napigilan pa ni Isabel ang magalit para kay Tamara. "Pambihira, ano na namang kasinungalingan ang sinabi ni Ate Tamara para siraan ka kay papa?" napapailing na wika nito. "Isabel, hindi ko rin alam, basta isang araw, bigla na lang nagdesisyon si papa na tanggalin ako sa posisyon." Sandali pa siyang napahikbi. "Kung alam niya lang, masyadong delikado ngayon ang buhay niya sa mga Benitez." "Kara, hindi mo pa pala nasasabi iyan kay boss?" singit ni Yvo sa usapan. "Hindi pa. Paano ko sasabihin kung malamig na ang pakikitungo niya sa akin? Kung mas pinapanigan niya na ngayon si Ate Tamara?" patanong na katwiran niya. "Kung gano'n, dapat gumawa tayo ng paraan para maibalik ang tiwala sa'yo ni papa. At-- payagan ka na niya ulit na magtrabaho sa pabrika. Pero, teka, hindi ko maintindihan, e, sino 'yung mga Benitez? At ano ang relasyon nila kay papa at nanganganib ang buhay niya sa kamay nito?" Hindi maiwasan ni Karadine ang kabahan sa naging katanungan ni Isabel. Pero sa sarili ay naniniwala siyang baka panahon na para malaman na rin nito ang katotohanan. "Isabel, hindi ka maniniwala pero.. isang ilegal na negosyo ang pinasok ni papa at.. sadyang buwis buhay ang trabahong pinasok ko hanggang sa matuklasan ko na isang traydor na tao ang namumuno sa mga Benitez. At ngayon ay nagbabalak silang pabagsakin si papa. At alam mo ba kung ano ang kaya nilang gawin? Kaya nilang pumatay ng inosenteng tao!" Naluluha siya nang sabihin 'yon. Hindi makapaniwala si Isabel sa mga nalaman. Hanggang sa huli ay kaligtasan pa rin ng kanilang ama ang nais nitong mangyari. "Kung gano'n ay bakit hindi mo 'to sabihin kay papa nang sa gano'n ay maging alerto siya? Karadine, kailangan malaman ni papa na delikado ngayon ang buhay niya!" "'Wag kang mag-alala, Isabel, balak ko naman talagang sabihin iyon kay papa, e, at humahanap lang ako ng tamang tsempo para sabihin 'yon. Pero sa tingin mo ba ay maniniwala siya gayong nawala na ang tiwala niya sa akin?" "Bakit ka naman niya hindi paniniwalaan? E, ikaw itong legal na anak. Sa ating apat, ikaw ang higit na mas may karapatan sa pagmamahal at pagtitiwala ni papa." Maluha-luha niyang hinarap si Isabel. "Salamat, Isabel.. hindi ko talaga alam ang gagawin ko kung wala ka." Doon niya binalikan ng tingin si Yvo at mukhang kabado na rin ito dahil medyo matagal na rin silang nag-uusap. "O, sige na, Kara, mukhang kailangan n'yo nang umalis. Mahirap na at baka may iba pang makakita rito sa inyo." Pinagmasdan nila ang isa't isa ni Yvo. "Mag-iingat ka palagi, hah?" maluha-luha niyang wika sa binata. Nakita niyang napatango si Yvo habang ginagawaran nito ng halik ang kaniyang kamay. "Mag-iingat ako palagi para sa'yo, Kara." Doon na siya unti-unting dumistansya sa binata habang nanatili silang nakatitig sa isa't isa. "O, sige na, kailangan n'yo nang umalis. Tutulungan ko kayong makaalis nang walang ibang makakakita sa inyo." Napatango sila pareho ni Isabel at kagaya nga nang ipinangako ni Yvo ay ligtas silang nakaalis ng lugar na iyon. Habang naglalakad sila ni Isabel pabalik ng mansyon ay hindi nito naiwasang usisain ang tunay na namamagitan sa kanilang dalawa ni Yvo. "Karadine, umamin ka nga sa akin, boyfriend mo na na si Yvo?" Bahagya siyang napangiti. "Isabel, alam mo namang hindi p'wedeng maging kami ni Yvo, masyadong delikado ang mundong ginagalawan namin." "E, para saan pala 'yung paghalik niya sa kamay mo kanina? Pati 'yung malagkit na titigan n'yo sa isa't isa? May magkaibigan bang gano'n ka-sweet?" Sandali siyang natawa. "Isabel, mahal namin 'yung isa't isa ni Yvo, pero sa sitwasyon namin ngayon, mas uunahin pa ba namin ang nararamdaman namin sa isa't isa?" "Bakit hindi? E, ikaw na nga itong nag-effort para makita siya, 'di ba? Hindi ba't pahiwatig lang 'yon na handa n'yong hamakin ang lahat para sa nararamdaman n'yo sa isa't isa?" "Isabel, hindi ganoon kadali 'yon. Kapag nalaman ni papa na nakikupagrelasyon ako kay Yvo, tiyak na mas hihigpitan niya ako. Kaya nga patago lang kaming nagkikita, e." "Iyon na nga, e. Patago kayong nagkikita, kaya bakit hindi n'yo na lang itago ang inyong relasyon?" "Hindi p'wedeng maging kami, dahil gusto siya ni Ate Tamara," pagpapahayag niya na ikinagulat ni Isabel. "So, porque gusto siya ni Ate Tamara ay magpapaubaya ka na? Karadine, hindi mo ba nakikita? Pilit inaagaw ni Ate Tamara ang lahat nang dapat ay para sa'yo. Una ay ang tiwala ni papa, ngayon naman ay maski kasiyahan ng puso mo ay ipauubaya mo sa kaniya? Iyon ba ang dahilan kaya hindi mo pa rin sinasagot si Yvo?" Sandali siyang natigilan hanggang sa ma-realize niya na tama ang sinasabi ni Isabel. Pero naisip niya, para saan pa ang nararamdaman niya para kay Yvo kung sadyang bawal na pag-ibig ang nakatakda para sa kanila. "Pero, Isabel, nakapangako na ako kay Ate Tamara at ayokong baliin ang pangakong 'yon." "Kailangan ba sa lahat ng pagkakataon ay iisipin mo ang kapakanan ng iba? Karadine, nasa tamang edad ka na, alam mo na 'yung mga bagay na nakakapagpasaya para sa'yo at alam kong si Yvo 'yon. Kaya isipin mo na lang, 'ni minsan ba ay nagpaubaya para sa'yo si Ate Tamara? Hindi, 'di ba? Inagaw pa nga niya 'yung posisyon na dapat sa'yo, e. Gayundin ang tiwala ni papa. E, sa totoo lang, madalas ka nga niyang awayin-- silang dalawa ni Margaret. Kaya hindi tama na pagdating sa kaniya ay napakadali lang humingi ng pabor. Tandaan mo na puso na ang usapan dito, hahayaan mo bang mapunta si Yvo sa kaniya kahit na mahal mo siya?" Sandali siyang nakapag-isip-isip at sa sarili ay isang desisyon ang kaniyang pinag-isipan. Kinagabihan ay nadatnan ni Yvo ang amang si Dominador na sinisikap makatayo mula sa higaan. "Pa, hindi mo pa kaya, 'wag mong pilitin!" "Anak, nandiyan ka na pala." "Opo, nagpasalamat na rin ako kay Aleng Nenita sa pagbabantay niya sa'yo. Pasensya na po kung medyo natagalan ako, marami pa po kasing inasikaso sa pabrika, siya nga po pala, bumili na rin akong lutong pagkain, sabay na po tayong kumain," aniya habang inihahanda ang binili niyang lutong ulam at kanin. Sa trabaho niya kasi ay wala na talaga siyang oras para magluto. At sa kondisyon naman ng kaniyang ama ay wala na rin itong kakayahang magluto simula nang ma-paralyzed ang katawan nito sa sakit na stroke. Kaya naman kahit ayaw niyang mapalayo sa ama ay sinikap niyang magtrabaho kahit sa ilegal na paraan, matustusan lamang ang pangangailangan nito sa gamutan. Dati siyang tindero sa palengke pero dahil sumasapat lang ang kita niya noon ay nagpasya siyang maghanap ng ibang trabaho. Kung saan ay napadpad siya sa mundo ng sindikato. Kaya naman sa maghapon ay pinapabantayan niya ang ama sa kanilang kapitbahay na si Aleng Nenita, dahil wala naman siyang aasahan na magbabantay dito lalo pa't silang dalawa na lang ng ama ang magkasama sa buhay. "Pa, naiinom mo po ba sa tamang oras ang mga gamot mo?" "Oo, mabuti nga at asikaso ako ni Nenita." Napatango siya. Sa katunayan, araw-araw ay iaabutan niya ito ng dalawang daang piso si Aleng Nenita sa maghapong pagbabantay at pag-aalaga nito sa kaniyang ama. Sa tingin niya ay sapat naman na iyon dahil araw-araw niya naman itong sinasahuran. Maliban na lang kapag day off nito kung saan ay day off niya rin at siya ang nakatokang magbantay at mag-alaga sa ama. "Mabuti naman po at inaalagaan ka niya nang maayos, siya nga po pala, pa. Baka sa mga susunod na araw, hindi ulit ako makauwi." "Gano'n ba?" may tonong lungkot na wika ng kaniyang ama. "E, ano ba kasi talaga 'yang trabaho mo? E, mas lamang pa 'yung oras ng serbisyo mo kaysa sa pahinga mo." Bahagya siyang natigilan. Lingid kasi rito ang trabahong pinasok niya. "Pa, ang mahalaga ay may pangsuporta na tayo sa maintenance mo. Saka, sa isang linggo ay isang beses lang naman akong natutulog sa pabrika. Alam mo na, isa ako sa pinagkakatiwalaan ng amo ko." "Hay, pasensya ka na, anak kung kinakailangan mo akong pagsilbihan. Kung p'wede nga lang sana ay mawala na lang ako para matapos na rin ang paghihirap mo." "Pa, 'wag mo namang sabihin 'yan. Hindi ako umaangal sa responsibilidad ko sa'yo, saka, tayong dalawa na lang ang magkasama, o, iiwan mo pa ba ako? Kaya, pa, magpagaling ka na para lumakas ka na ulit." "Para makapambabae na ba ulit?" pabirong sabi pa ng kaniyang ama. "Pa naman, nagbiro ka pa, e. Baka naman maski si Aleng Nenita ay pinopormahan mo, hah? 'Di porque biyuda na 'yung tao ay sasamantalahin mo." "E, bakit? Anong masama kung pormahan ko si Nenita? E, pareho lang naman kaming walang asawa," natatawa pang wika ng ama. Doo'y napapailing na lamang siyang pinagmasdan ang ama. "Mukhang magaling ka na, nagbibiro ka na, e." - "Mabuti naman, anak at pinili mong mag-stay na rito sa mansyon. Edi matutulungan mo na ulit ako niyan sa tindahan natin?" wika ng ina niyang si Florida nang madatnan siya nito sa mansyon kinagabihan. "Ma, ayoko pong mangako tungkol sa bagay na 'yan. Saka, bakit ka pa po kasi nagtitindahan kung may trabaho naman si papa?" "Anak, ayokong umasa lang sa kinikita ng papa mo. Isa pa, nasa negosyo ang puso ko at sa paraan din na ito binuhay ang pamilya namin noon." Tipid siyang napangiti. "Naiintindihan kita, ma. Pero ang iniisip ko lang ay ang kalusugan mo. Kumikita ka nga nang malaki, e, wala ka namang sapat na pahinga. Hindi ba dapat ay nag-i-stay ka lang dito sa mansyon kasama namin nila Isabel?" "Alam mo, anak, kapag nagkapamilya ka na, mauunawaan mo na rin ang sinasabi ko. O, siya sige, para mapanatag 'yung kalooban mo, magpapahinga ako bukas at ipagluluto ko kayo ng masarap na ulam." "Talaga, ma? Yehey!" Hindi niya naiwasang mapayakap sa ina lalo na't ngayon lang ulit sila magkakaroon ng bonding bilang isang buong pamilya. Pero dahil mayroon pa silang hindi pagkakaintindihan ng kaniyang ama ay mas pinili na lamang niyang manahimik nang dumating na ito at ibahagi ng kaniyang ina rito ang kanilang plano para bukas. "Well, mabuti 'yon. Pero susubukan kong humabol sa dinner natin bukas, hah? May mahalaga lang kasi akong meeting sa kliyente ko." Doon siya inumpisahang kabahan sa narinig. Sigurado siya na ang tinutukoy nitong kliyente ay ang mga Benitez. Kaya naman halos tawagin niya na ang lahat ng santo sa kaligtasan na kaniyang hinahangad para sa ama. At sa kabila ng kaniyang pagtatampo sa ama, mas pipiliin niya bang sabihin dito ang kaniyang nalalaman nang sa gano'n ay maging alerto ito sa nanganganib nitong buhay? O sasarilinin niya na lang, tutal naman ay mas may tiwala na ito kay Tamara kaysa sa kaniya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD