NAKAPAG-ISIP-ISIP na si Karadine bago man sumapit ang kinabukasan. Kailangan niyang pigilan ang ama na makipag-meeting sa mga Benitez, dahil kung hindi, siguradong mapapahamak ang buhay nito.
Marahan siyang kumatok sa silid ng kaniyang magulang. Sa isip niya'y 'di bale nang masermunan siya nito ngayon ang mahalaga naman ay masabi niya rito ang dapat nitong malaman.
"Sino 'yan? Pasok." Narinig niya ang boses ng ama na lalong nagpalakas ng kaniyang kaba. Sa sarili ay hindi niya maintindihan kung dapat bang manaig ang kaniyang takot sa ama o ang pagseselos kay Tamara. Oo, hindi niya maitatangging nakararamdam siya ng selos gayong nakuha na nga ni Tamara ang tiwala ng kanilang ama. Ngunit hindi dahilan 'yon para mas gumawa siya ng bagay na lalong ikasisira niya sa harap nito. Sa ugali ba naman ni Tamara, posibleng gumawa ito ng eksena na magmumukha pa siyang masamâ.
Bumungad sa kaniya ang seryosong tingin ng ama at bago pa man siya bumigkas ng mga salita ay naunahan na siya nito. "O, Karadine, anong ginagawa mo rito? Oras na ng pahinga, hah?"
Nagkarerahan na naman sa bilis ang pagtibok ng puso niya. Ganito pala ang pakiramdam kapag may nalalaman kang katotohanan at gustung-gusto mong sabihin. Pero hindi niya maintindihan kung bakit pinangungunahan siya ng takot. "Ah.. papa--"
"P'wede bang diretsahin mo na ako, Karadine, masyado nang malalim ang gabi at kailangan ko na rin magpahinga." Hindi pasigaw ngunit ramdam niya ang pagkainis ng ama sa mga binitawang salita nito.
Kaya naman kahit gusto ng puso niya na sabihin ang katotohanan ay tila umurong ang kaniyang dila. "G-gusto ko lang po sanang mag-goodnight, papa." Bahagyang napangiti ito.
"Akala ko naman kung ano na, o, siya sige, aaminin ko, masama pa rin ang loob ko sa'yo dahil sa pagsuway mo sa akin. Pero dahil anak kita, hindi pa rin kita matitiis." Hindi niya inaasahan ang sumunod na ginawa nito. Kung saan ay nagawa siyang yakapin ng sarili niyang ama. "Goodnight, anak." Sa muling pagkakataon ay tila sumaya ang puso niya dahil naramdaman niya muli ang pagmamahal ng kaniyang ama. Tunay nga na hindi kayang tiisin ng magulang ang kaniyang anak. Dahilan para sumagi sa isip niya na hindi na siya dapat magsayang pa ng oras para sabihin sa ama ang katotohanan. Kaya naman sa isip niya'y handa na siyang sabihin sa ama ang nalalaman bukas.
Ilang sandali lang ay pareho na silang bumitiw sa yakap at nang sandali rin na iyon ay nakita niyang isinara na ng ama ang pinto ng silid na iyon.
Saka naman siya nagdesisyong dumiretso na rin patungo sa kaniyang silid. Subalit hindi pa man siya tuluyang nakapapasok ng kaniyang k'warto ay narinig na niya ang mapang-insultong sabi sa kaniya ni Margaret.
"Iba ka rin tumira, Karadine, 'no? Patalikod," sarkastikong wika sa kaniya ni Margaret.
Doon siya bahagyang napalingon dito. "Malalim na ang gabi, Margaret, kaya p'wede ba, kung aawayin mo lang ako ay ipagpabukas mo na lang?"
Narinig niya ang mahinang pagtawa nito. "E, paano kung gusto ko ngayon? May magagawa ka ba?" Doon niya ito tuluyang hinarap at sinamaan ito ng tingin. "Alam ko na ang totoo, Karadine, na hindi ka tumupad sa usapan n'yo ni Ate Tamara. Kaya tama lang siguro na tinanggalan ka na ng posisyon sa pabrika para hindi na mas lumalim pa ang feelings mo kay Yvo."
"Alam mo ang tungkol sa pagkakatanggal sa akin ni papa?"
Mahina itong natawa. "Of course, Karadine. Because that's part of our plan. Plano naming siraan ka kay papa para tuluyan nang makuha ni Tamara ang gusto niya. Si Yvo. At hindi niya 'yon magagawa kung mananatili ka sa pabrika."
Doon sumabog ang kaniyang galit. Handa na sana ang palad niya para sampalin ito subalit mabilis itong nakapalag. "Ang samâ n'yo! Sariling kagustuhan n'yo lang ang iniisip n'yo! Hindi n'yo ba alam na nanganganib ngayon ang buhay ni papa sa mga Benitez? Pero dahil sinira ninyo ang diskarte ko ay parang tinanggalan n'yo na rin ako ng karapatan na maayos ang problemang kinakaharap ng pamilya natin!" Doon na napalakas ang boses niya. Wala na siyang pakialam kung makaistorbo man siya sa mga taong nagpapahinga na ng mga oras na 'yon. Basta, gusto n'ya lang ilabas ang samâ ng kalooban niya.
Tipid na napangisi si Margaret. Pero lingid sa kaniya ay masaya itong may nakuhang impormasyon na mula sa kaniya. "Wow, so, hindi ka lang pala ambisyosa? Feeling hero ka rin. At kung nanganganib nga ang buhay ni papa. Ano sa tingin mo ang magagawa ng isang babaeng katulad mo para masolusyunan 'yon? E, baka nakakalimutan mo, nabubuhay sa armas ang posibleng katunggali ni papa kaya hindi malabong mamatay ka sa paraang 'yon."
"So, sinasabi mo ba na wala akong kakayahang lumaban?" Bahagya siyang napangisi. "Kung alam mo lang ang buwis buhay na pinasok ko bago pa man ako matanggal sa posisyon ay hindi mo masasabi 'yan, Margaret." Doo'y tila natameme si Margaret, hanggang sa magdesisyon na siyang talikuran ito. At sa sobrang inis niya ba naman ay hindi niya na ito kayang galangin pa.
Sumapit ang kinabukasan at nagmamadali siyang bumangon upang maabutan pa ang pag-alis ng kaniyang ama. Subalit nadismaya siya nang malamang nakaalis na ito.
"Mama, kanina pa po ba nakaalis si papa?" tanong niya sa ina nang maabutan niya ito sa may kusina at tinutulungan ang mga katiwala na maghanda ng kanilang almusal.
Doon nama'y sandaling tumigil sa ginagawa ang kaniyang ina para siya'y kausapin. "Oo, kani-kanina lang, sabay nga silang umalis ni Tamara, e, bakit, anak?"
"Mama, k-kailangan ko po siyang makausap!" tarantang pagkakasabi niya.
Sandali namang nagdulot iyon ng katahimikan sa buong kusina. At habang nakatuon ang tingin sa kaniya nina Maria at Tanya na siyang magulang nina Margaret at Tamara ay pasimple ang mga itong umalis ng kusina upang magbigay ng impormasyon kay Margaret. Lingid sa kaalaman niya ay may nakahanda na namang plano sina Tamara at Margaret, at kasabwat nito ang kanilang mga ina.
Nilapitan siya ng ina matapos nitong magpaalam kay Aleng Francia na kakausapin lamang siya nito. "Anak, ano ba 'yung sasabihin mo sa ama mo, importante ba 'yan?"
"Oo, mama, mahalagang malaman ni papa 'to dahil nanganganib ang buhay niya." Doon nagsimulang mag-alala ni Florida para sa asawa.
"Diyos ko, bakit hindi mo kasi agad sinabi sa kaniya? Balita ko'y nagkausap pa kayo kagabi."
"Iyon nga ang mali ko, ma, e. Pinangunahan ako ng takot, kasi.. feeling ko, malayô na ang loob sa akin ni papa at posibleng hindi niya agad ako paniwalaan."
"Pero, teka, bakit naman manganganib ang buhay ng papa mo? May nakaaway ba siya?" Sandali siyang natigilan. Hindi naman p'wedeng manggaling sa kaniya ang tunay na negosyong pinasok ng kaniyang ama. Aniya'y may karapatan din naman ang kaniyang ina na malaman ang tungkol doon ngunit wala siya sa posisyon para sabihin ang katotohanang iyon. Lalo na ngayon at unti-unti niya pa lang ulit kinukuha ang tiwala ng ama.
"Basta, mama, ipaliliwanag ko na lang sa'yo mamaya. Ang importante ay makausap ko ngayon si papa."
"Pero hindi ka p'wedeng lumabas ng mansyon, iyon ang kabilin-bilinan ng 'yong ama," katwiran ng kaniyang ina.
Subalit hindi siya nagpatinag. "Wala akong pakialam, mama, kaya nga gusto ko sanang tulungan mo akong makalabas dito. Dahil nanganganib ang buhay ngayon ni papa at kailangan ko 'yong pigilan!"
"Hindi na kailangan, Karadine." Sandali silang napalingon sa boses na iyon na mula kay Margaret. Sa likuran nito ay naroon ang ina nitong si Maria at ang ina ni Tamara na si Tanya. "Dahil si Ate Tamara na ang magsasabi kay papa tungkol sa bagay na iyon. Habang ikaw, mananatili ka rito sa mansyon ayon sa bilin ni papa." Doo'y nagsalubong ang kilay niya.
"Walang hiya kayo. Plano n'yo talagang tuluyang kuhain ang tiwala ni papa, 'no? Habang ako rito ay nagmumukhang masamâ sa paningin ni papa!"
Sa sinabi niya ay lalo lamang lumabas ang sungay sa pag-uugali ni Margaret. "Whatever, Karadine. Whether you like it or not, wala ka nang magagawa dahil nakakulong ka naman dito sa mansyon, e." Doon na ito tuluyang umalis matapos sabihin iyon habang malalim pa rin ang tingin sa kaniya nina Tanya at Maria.
Sa pabrika, kung saan ay nagawa munang ihatid ni Renato si Tamara pero aalis din agad ito dahil may mahalaga siyang dadaluhang meeting kasama ang mga Benitez. Doon na sinimulang gawin ni Tamara ang kanilang planong mag-iina.
Pero bago ang lahat, siniguro muna ni Tamara na hindi makakalabas ng mansyon si Karadine. "That's good, mama. Hangga't maaari ay i-lock n'yo siya sa k'warto. Dahil hangga't malaya siyang nakakalibot sa mansyon ay malaki ang chance na makatakas siya riyan," wika pa niya mula sa kabilang linya, kung saan ay lihim niyang kausap ang inang si Tanya matapos nitong mag-report sa kaniya.
"'Wag kang mag-alala, anak. Sisiguraduhin naming hindi makalalabas ng mansyon si Karadine," sagot nito. Para sa kaniyang ina ay pabor ang ginagawa niya lalo na't nabigo ito noon na mapakasalan ng kaniyang ama. Paniniwala nito'y ito ang unang nakilala ng kaniyang ama kaya ito dapat ang pinakasalan. Pero ang ending, si Tita Florida pa niya ang pinakasalan nito na siyang ina ni Karadine. Kaya ganoon na lamang ang kanilang galit sa mag-inang Florida at Karadine dahil paniniwala nila'y inagaw ng mga ito ang karapatan na dapat ay para sa kanila.
Nang sandaling iyon ay siyang sulpot naman ni Yvo mula sa likuran niya at lingid sa kaniya ay narinig nito ang kaniyang mga sinabi. "O, Yvo? Kanina ka pa riyan?"
"Ahm, hindi. Siya nga pala, pinapasabi ni boss na aalis na siya."
"Ano? Aalis na siya?"
Bahagya namang napakunot ang noo ni Yvo. "Bakit?"
"May mahalaga kasi akong sasabihin sa kaniya, e," aniya. Para kay Yvo ay mukhang alam na nito ang sasabihin niya sa ama pero nagkunwari lamang itong patay malisya sa pinaplano niya.
"Okay sige, sasamahan na kita," wika ni Yvo. Naninigurado kasi ito na tama ang hinala sa dalaga, na posibleng kinukuha lamang ni Tamara ang buong tiwala ni Renato at kapag lubos na tiwala na ito ay malabo na nitong ibalik pa sa posisyon si Karadine.
Doon nga'y nakita ni Yvo na hinabol pa ni Tamara ang ama habang naglalakad na ito patungo sa sasakyan. Hinayaan niya na munang mag-usap ang mag-ama pero sinigurado niya na maririnig niya ang pag-uusap ng dalawa.
"Papa, hindi ka p'wedeng tumuloy sa meeting dahil nanganganib ang buhay mo sa mga Benitez," pagsisiwalat ni Tamara habang nanatiling lihim na nakikinig si Yvo.
"Anong sinasabi mo?"
"Nalaman ko na tinatraydor ka lang ng mga Benitez, papa. Kaya hindi p'wedeng makipag-meeting ka sa kanila."
"Kung ganoon ay salamat sa pagpapaalala, Tamara." Lumapad ang ngiti ni Tamara gayong umaasa ito na tuluyan nang makukuha ang buong tiwala ng kaniyang ama. Subalit mabilis na napawi ang ngiti nito sa sunod na sinabi ni Renato, "Pero sandali, paano mo pala nalaman ang tungkol sa bagay na 'yan? E, 'di ba, hindi ka pa naman sumasabak sa ingkwentro? Paano mo nakilala ang mga Benitez?" Doon binalot ng kaba si Tamara at bago pa man ito gumawa nang pagpapalusot ay nagawa nang makisali ni Yvo sa usapan.
"Totoo ang sinabi niya, boss, na nanganganib ang buhay mo sa mga Benitez. Pero nalaman niya lang naman ang bagay na iyon dahil kay Karadine." Doo'y nanlisik ang mga mata ni Tamara sa sinabi niya.
"And who are you para makisali sa usapan naming mag-ama?" pagtataray pa ni Tamara.
Habang hindi pa rin makapaniwala si Renato sa nalaman na kay Karadine magmumula ang mahalagang impormasyon na 'yon. "So, tama ba ang pagkakaintindi ko, kinuha mo ang impormasyon na nalalaman ng kapatid mo at para ikaw itong magsabi sa akin? Bakit, Tamara? Sa tingin mo ba ay hindi ko iisipin na hindi nanggaling sa'yo ang impormasyon na 'yon?"
"Papa--"
"You really disappoint me, Tamara. At anong inaakala mo, na tuluyan akong bibilib sa'yo? E, sa pag-aaral pa nga lang ng martial arts ay wala ka nang tiyaga, e." Doo'y napalingon si Tamara kay Yvo. Sa sinabi ni Renato ay naniniwala ito na nag-report si Yvo tungkol sa bagay na iyon. Hindi na maitago pa ni Tamara ang inis sa kabila ng pagkakapahiya niya.
"So, sinabi mo talaga kay papa ang tungkol sa bagay na 'yon?" giit niya kay Yvo.
"'Wag mo nang isisi kay Yvo ang mga pagkakamali mo, Tamara. O baka nga tama sila, na nagkamali ako ng desisyon na palitan mo sa pwesto si Karadine, dahil kung ikukumpara ka sa kaniya ay higit na mas magaling siya sa'yo at may pagmamahal sa trabaho." Doon na nagsimulang sumabog ang galit ni Tamara. Napasigaw pa ito sa inis kaya naman padabog itong umalis sa harapan ng ama at ni Yvo.
Dahil dito ay nagawang kausapin nang masinsinan ni Renato si Yvo, "Yvo, kailangan nating mag-usap."
Napatango si Yvo. At sa nangyari ay doon nga niya napatunayan na talagang pinaplano lamang na sirain ni Tamara ang image ni Karadine sa harap ng kaniyang amo.