"NAKAKAINIP!" bulalas ni Karadine sa kaniyang silid gayong wala siyang ibang choice kundi ang magmukmok sa k'warto. Ngayon na nalaman niyang magkakasabwat ang mag-iina ay mas lalong tumindi ang galit na nararamdaman niya para kina Tamara at Margaret. "Paano kaya ako makakaalis dito? Puno ng bantay sa labas, e," nawawalang pag-asang aniya.
At dahil sa hindi niya na alam kung ano ba ang dapat na gawin dala nang pagkainip ay sandali niyang kinuha ang kaniyang lapis at sketch pad. Doo'y sinimulan niya muling iguhit ang mukha ni Yvo na talaga namang nami-miss niya na ngayon. Mahigit isang oras din ang iginugol niya sa pagguhit hanggang sa mapangiti siya nang matapos iyon. "Sigurado akong magugustuhan niya ito," wika pa niya sa sarili at nagawa pa niyang iyakap ang papel na iyon mula sa kaniyang dibdib.
Ilang sandali lang ay natigilan siya nang makarinig ng malakas na sigaw. Hindi siya sigurado ngunit sa tingin niya ay boses iyon ni Margaret. Kaya naman sa labis na pagtataka ay sandali siyang lumabas ng kaniyang silid upang alamin kung tama ba ang pag-aakala niyang kay Margaret nanggaling ang sigaw na 'yon. Humakbang siya palapit sa silid nito subalit hindi na sigaw ang kaniyang narinig kundi mahinang pag-iyak. Ilang sandali pa ay narinig pa niya ang pagdadabog nito kaya naman kahit may nararamdamang galit para sa nakatatandang kapatid ay hindi niya rito maiwasang mag-alala.
"Margaret? Anong problema? May nangyari ba sa'yo?"
"It's none of your business, kaya p'wede ba, hayaan mo na lang ako!" Napailing siya. Hindi siya 'yung tipo ng taong susuko na lang basta-basta. Kailangan niyang malaman ang problemang kinakaharap ni Margaret dahil kung wala itong mapagsasabihan ng problema nito ay baka bigla na lang itong magpakamatay. At kahit hindi niya man nakikita ang reaksyon ng mukha nito ay batid niya na may kinikimkim itong problema, sa paghikbi ba naman nito at sa narinig niyang pagsigaw kanina ay imposibleng wala lang iyon. At kahit nuknukan ng kamalditahan itong si Margaret ay hindi niya pa rin gugustuhing mapariwara ang buhay nito. Kaya naman sinubukan niya ulit itong tawagin habang kinakatok ang pinto.
"Margaret, buksan mo itong pinto, at anuman 'yang problema mo, p'wede naman natin 'yang pag-usapan, e."
"Hindi! Wala kang maitutulong sa problema ko, kaya umalis ka na!" Napangiwi siya at sinunod nga ang sinabi nito. Pero hindi siya umalis doon para tuluyan na itong hayaang nagmumukmok sa k'warto, kundi para humingi ng tulong kay Aleng Francia.
"Manang, pahiram ng duplicate na susi sa k'warto ni Margaret," pabor niya rito na sinunod naman agad nito.
At pagkaabot nito niyon sa kaniya ay hindi nito napigilang magtanong. "Diyos ko, anong nangyari kay Margaret?" tanong nito habang nakasunod sa kaniya.
"Hindi ko nga alam, manang, kaya nga kailangan nating mabuksan ang k'warto niya para malaman ko kung ano ba talagang nangyayari sa kaniya."
Pagkarating nila sa tapat ng k'warto ni Margaret ay wala na siyang pinalampas na pagkakataon para mabuksan iyon. At pagkabukas niya ng pinto ay bumungad sa kanila ang nakakalat na mga gamot sa sahig. At habang sinusubukang pakalmahin ni Aleng Francia si Margaret ay hindi niya naman maiwasang mapatitig sa mga nagkalat na gamot sa sahig. "Mga pampalaglag 'to, hah? So, buntis ka nga, Margaret?" Hindi makapaniwala si Aleng Francia sa narinig.
"Diyos ko, Margaret, malaking kasalanan sa Diyos ang ginagawa mo.."
Napatango siya sa sinabi ni Aleng Francia habang nakita niya naman ang dismayadong mukha ni Margaret. "Ano bang pakialam n'yo kung gusto kong ipalaglag ang batang nasa sinapupunan ko? At saka, Karadine, p'wede ba, kung hindi mo rin lang naman ako kayang igalang, wala kang karapatan na mag-alala para sa batang dinadala ko!"
"Mayroon! Dahil pamangkin ko 'yan. At kahit galit ako sa'yo ay hindi ko siya kayang idamay sa anumang alitan natin!" katwiran niya na ikinatamemem nito. Kapagkuwa'y muling bumuhos ang luha nito at nagsisigaw.
"Pero dahil sa batang 'to ay p'wedeng masira ang lahat ng pangarap ko!" pasigaw na sagot nito. Doon nanlaki ang mga mata niya para gantihan din ito ng pasigaw na kasagutan.
"Tama na, Margaret! Walang kasalanan ang bata sa kalokohang ginawa n'yo ng Philip Baltazar na 'yon! At kahit ano pang gawin mo, hindi mo na mababago ang itinadhana sa'yo. Kailangan mong maging ina sa kaniya anuman ang sasabihin ng iba!"
Matapos niyang sabihin iyon ay sinubukan pa rin itong pakalmahin ni Aleng Francia habang isinama niya na sa pag-alis ng silid na iyon ang mga gamot na iinumin sana ni Margaret. Saka naman bumungad sa kaniya ang nag-aalalang ina ni Margaret na si Maria. Na kung iisipin ay isa rin sa dahilan kung bakit mas humigpit ang pagbabantay sa kaniya sa mansyon. Kaya naman kahit mas nakatatanda ito sa kaniya ay hindi niya ito matawag na tita bilang paggalang, dahil walang pinagkaiba ang ugali nito kay Margaret at sa mag-inang Tamara at Tanya.
Napabuntong hininga siya habang hawak-hawak pa rin ang mga gamot na iyon para itapon sa basurahan. Hindi man siya sigurado kung talaga bang nakainom nang pampalaglag ang nakatatandang kapatid pero ang mahalaga naman ay napigilan niya ang dapat sanang gagawin nito.
Samantala'y seryosong nag-usap sina Yvo at Renato na lingid sa kanila ay nakikinig lamang si Tamara.
"Yvo, ngayon na napatunayan kong walang makahihigit kay Karadine, panahon na siguro para tuluyan mo nang kalimutan ang nararamdaman mo para sa anak ko."
"Ano pong koneksyon ng feelings ko sa sinasabi mo, boss?"
"Dahil hindi magtatagal ay ibabalik ko na sa posisyon si Karadine. At siguro naman ay nagkakaintindihan na tayo tungkol dito. Hindi ka p'wedeng magkarelasyon sa anak ko." Napalunok si Yvo sa narinig. Kung alam lang nito ay nobya niya na si Karadine. Pero dahil mahigpit na ipinagbabawal ng kaniyang amo ang pakikipagrelasyon ng kahit sinong tauhan sa anak nito ay kinakailangan nila lalong mas mag-ingat ngayon ni Karadine.
"E, paano po si Tamara?"
"Mananatili siya rito hanggang sa siya na mismo ang sumuko sa posisyong ibinigay ko sa kaniya." Napatango si Yvo habang lingid naman sa kanila ay may nabubuong plano si Tamara.
"Hindi kita susukuan, Yvo, ngayon pa na alam kong magbabalik dito si Karadine. Hindi ako makapapayag na tuluyan ka niyang maagaw sa akin!" Matapos sabihin iyon ni Tamara sa sarili ay sandali itong natigilan sa narinig.
"Kumusta pala ang naudlot na meeting n'yo sa mga Benitez?"
"Ayon, mukhang nabigo ko sila sa kanilang pinaplano sa akin. Pero hindi pa rin dapat ako magpakampante, ngayon pa na nakatutunog na sila na may nalalaman na ako na tinatraydor lamang nila ako ay lalong mas manggigigil 'yon na pabagsakin ako."
"E, ano pong gagawin natin sa mga armas na nalimas mula sa kanila?"
Napangisi si Renato. "Siyempre, isasama ko sa mga koleksyon natin. Hindi ba't ang mga Benitez ang nalugi dahil naibalik lamang sa atin ang pinagkagastusan nila? Hayaan natin silang manggigil hanggang sa sila na mismo ang unti-unting titiklop sa kawalan ng kapangyarihan." Napatango si Yvo. "Kaya kinakailangan na talagang makabalik dito ni Karadine dahil may ipagagawa ulit ako sa inyo."
Muling napatango si Yvo, pero hindi dahil sa excited ito sa nakahandang misyon kundi dahil sa muli nilang pagkikita ng kasintahan. "Siya nga pala, boss, 'yung tungkol sa pagkamatay ng pamilya Baltazar, nabalitaan kong pinag-aaralan pa rin ng mga pulis ang mga posibilidad lalo na't malaki ang hinala nilang isang grupo lang ang pumatay kay Philip Baltazar at sa natirang kaanak nito."
"Hindi malabong isipin nila 'yon. Pero 'wag kang mag-alala, Yvo at nagawan ko na 'yan ng paraan noon pa."
"Anong ibig mong sabihin, boss?"
"Walang mati-trace ang mga pulis na galing mismo sa atin ang mga armas kung sakaling magkahulihan dahil iba namang mga baril ang ginamit ng grupo natin upang ipinangpatay sa kanila. Mula iyon sa binili kong mga baril sa ibang bansa."
"Pero nakakabahala pa rin, boss, paano kung matunton ang kuta natin ng mga pulis? Sigurado akong mauuwi lang sa wala ang lahat ng pinaghirapan mo at damay kaming lahat dito lalo na ang mga anak mo."
"Kung mangyari man iyon ay hindi ko hahayaang mangyari 'yon, Yvo. Handa kong ibuwis ang sarili kong buhay para sa mga anak ko. At kahit binuhay ko lamang sila sa ilegal na paraan, nais kong balang araw ay ipagmalaki pa rin nila ako."
"At bakit ko naman ipagmamalaki ang sarili kong ama na kriminal?" Natigilan sila pareho sa pagbungad ng boses ni Tamara.
"Anak, Tamara."
"Narinig ko lahat nang pinag-usapan n'yo, papa. At kayo pala ang dahilan kung bakit namatay si Philip Baltazar? Hindi ka pa nakuntento at pinapatay n'yo pa ang pamilya niya?"
"Anak, ginawa ko lang 'yon para sa ikabubuti ng lahat. Alam mo bang tauhan ko ang mismong nagligtas sa inyo ni Margaret noong gabing iyon?" Sandaling inalala ni Tamara ang nangyari mismo ng gabing iyon. At sariwa pa rin sa isip niya ang mga tunog ng baril na yumanig sa bayan ng San Miguel. "Kaya nga ayokong mauwi lang sa wala ang lahat nang pinaghirapan ko. Dahil lahat ng ginagawa ko ay para sa inyong mga anak ko.." katwiran ni Renato sa anak, subalit nanatiling sarado pa rin ang pang-unawa nito..
"Para sa amin ba talagang mga anak mo o para kay Karadine lang? Papa, alam kong siya ang paborito mong anak dahil siya lang naman ang hindi anak sa labas, e. Kaya bakit nga ba ako maghahangad ng mana mula sa'yo kung mula naman lahat ito sa ilegal na paraan?"
"Tamara, bawiin mo 'yang mga sinabi mo. Ama mo pa rin ako kaya hindi mo dapat sinasabi 'yan!"
"O, bakit? Totoo naman, 'di ba? Paborito mong anak si Karadine dahil wala nang ibang magaling sa'yo kundi siya lang. Si Karadine, lagi na lang si Karadine!"
"Ahm, boss, maiwan ko na po muna kayo," pagpapaalam ni Yvo ngayong mas tumataas na ang tensyon sa pagitan ng mag-ama.
"Hindi, hindi ka aalis, kailangan mong marinig ang lahat ng sasabihin ko, Yvo!" pagpigil ni Tamara na ikinatigil naman ni Yvo. "Ngayon, papa, sabihin mo sa akin na mali ako!"
"Tamara, anak, mali 'yang iniisip mo, wala akong paborito sa inyong mga anak ko, dahil pantay-pantay ang pagmamahal ko sa inyong lahat. Magkakaiba man kayo ng naging nanay, mga anak ko pa rin kayo at iisang dugo ang dumadaloy sa atin."
Napailing si Tamara. "Oo nga, anak mo ako. Pero bakit ramdam kong mas pinapaburan mo palagi si Karadine? Noon pa man, siya na ang laging pinupuri mo. Habang ako, o kahit si Margaret ay parang balewala lang sa'yo sa tuwing may nagiging achievements kami sa buhay! Dahil ba sa anak siya ng babaeng pinakasalan mo? Paano naman kami ni mama? Hindi ba kami p'wedeng ipagmalaki?"
"Anak, 'wag mong isipin 'yan.. mahal kita at minahal ko rin noon ang mama mo. Kaya nga kahit anong sabihin ng iba ay pinatira ko pa rin kayo sa mansyon, dahil ang gusto ko ay mabigyan ko kayo ng pantay-pantay na pagmamahal. At bilang ama n'yo, masakit para sa akin na makitang nag-aaway-away kayo. Lalo na kayo ni Karadine.. Tamara, anak, hindi mo dapat kainggitan si Karadine dahil pareho ko kayong anak, pareho ko kayong mahal." Doon na naiwang mag-isa si Tamara at sabay na umalis sina Renato at Yvo upang harapin ang ilan pa nilang mga kasama.
Sa pagsapit ng gabi ay malamig pa rin ang pakikitungo ni Tamara sa ama kaya naman napansin ng lahat ang kawalang kibo nito nang makauwi sila ng mansyon. Hanggang bumungad sa kanila ang balita tungkol sa pagdadalang tao ni Margaret.
"Ano? Paanong--" natigilang sabi ni Renato.
"Dahil may nangyari sa kanila no'ng Philip Baltazar na 'yon, at alam mo ba kung ano ang nakakainis, papa? Na balak niya pa sanang ipalaglag ang bata!" pagsisiwalat ni Karadine na lalong ikinagalit ni Margaret at ikinasamâ naman ng tingin ni Tamara kay Karadine.
Doon nakatanggap ng malakas na sampal si Margaret mula sa ama. Habang to the rescue naman si Tamara para i-comfort si Margaret. "Margaret, bakit hindi mo agad sinabi sa akin ang tungkol sa bagay na ito, hah?"
"Sorry, ate.. nawalan ako nang lakas ng loob.. ayoko sanang matuloy 'tong pagbubuntis ko dahil siguradong masisira ang buhay ko.."
"Masisira talaga ang buhay mo dahil nag-iwan ka pa ng bakas mula sa mga taong muntikan nang sumira sa buhay natin!" bulalas ng kanilang ama na ipinagtaka ni Margaret.
"A-anong ibig mong sabihin, papa?"
"Oo nga, anong sinasabi mong muntikan nang masira ang buhay natin?" tanong ni Florida sa asawa.
Magsasalita pa lamang si Renato nang maunahan na ito ni Tamara. "Dahil masamang tao ang pamilya ni Philip at balak sana nitong sampahan ng kaso ang pamilya natin!" Natigilan ang lahat sa sinabi ni Tamara lalo na ang kanilang ama. Dahil hindi ito makapaniwala sa pagsisiwalat niya.
"Pero kailan lang ay lumabas sa balitang pinagpapatay sila, paano n'yo nasabing masasamang tao sila kung biktima lang din naman sila rito?" katwiran pa ni Margaret.
Habang doon naman namuhay ang hinala ni Karadine na may kinalaman ang mga Mochizet sa pagpatay sa pamilya ni Philip gayong noon pa man ay nalaman na nitong isa sa Mochizet ang nakapatay kay Philip.
"Pero hindi mo maaalis ang pagdududa na posibleng plinano nilang sirain ang buhay natin," sagot ni Tamara na lalong mas nagpapatibay sa baluktot na kasinungalingan.
"At bakit naman nila sisirain ang buhay natin, Ate Tamara? Matapos ang gabing 'yon, sinabi n'yong biktima lang sila Philip at pinagtatanggol n'yo pa nga siya kay papa, e. Bakit parang kinalimutan n'yo na na biktima lamang sila?"
"Anak, Karadine, hindi mo na kailangang ungkatin pa 'yan. Ang mahalaga ngayon ay malinis ang pangalan natin mula sa mga taong nagbabalak na sirain ito," wika ni Renato sa anak. Napailing lamang si Karadine, ramdam niya na may hindi tamang nangyayari. Kaya kinakailangan niyang makabalik sa pabrika upang malaman ang totoo.
At kung sinusuwerte nga naman ay bahagya siyang nakaramdam ng kasiyahan nang bumulong sa kaniya ang ama, "Maaga kang magpahinga ngayon dahil maaga tayong aalis bukas. Babalik ka na sa pabrika simula bukas." Hindi maipaliwanag ang sayang nararamdaman ni Karadine gayong hindi lang katotohanan ang maaari niyang matuklasan sa pagbabalik niya sa pabrika kundi ang muling makita ang kasintahang si Yvo.
Gayunpama'y lihim na nagpapasalamat si Renato sa sinabing iyon ni Tamara dahil kung hindi nito sinabi iyon ay baka nabuking na ng kaniyang asawa ang ilegal na negosyong pinasok niya. Subalit anuman ang dahilan ni Tamara para pagtakpan ang kaniyang krimeng kinasangkutan ay nais niya iyong malaman. Lingid sa kaniya ay may plano na naman itong hawakan siya sa leeg upang maging pabor ulit dito ang kaniyang mga desisyon.