"PAPA, bakit naman bigla kang nagdedesisyon nang hindi ko alam? Sigurado ka po bang mapagkakatiwalaan si Ate Tamara?"
"Anuman ang napagkasunduan naming dalawa ay labas ka na ro'n, Karadine. Kung maaari nga ay pansamantala ka na munang mag-stay sa mansyon."
Napailing siya. "Papa--"
"Sinabi na sa akin nila Yvo ang matagumpay ninyong operasyon kagabi at doon pa lang ay masasabi kong hindi ako nagkamali nang pagpili sa'yo na maging isa sa kanang kamay ko."
Tipid siyang napangiti ngunit nangingibabaw sa kaniya ang pag-aalala. "Kung ganoon ay bakit mo po ako pinapag-stay sa mansyon, papa?"
Nakita niya kung paano napakunot ang noo nito. "Dahil balita ko'y masyado na kayong nalalapit sa isa't isa ng isa sa mga tauhan ko. Si Yvo, gusto mo ba siya?" Bumilis ang t***k ng puso niya sa kaba. At kung paano nalaman ng kaniyang ama ang tungkol sa bagay na ito ay hindi siya sigurado kung tama ba ang hinala niyang si Tamara ang trumaydor sa kaniya. "Silence means yes, Karadine." Sinentro siya ng tingin ng ama at banayad nitong hinawakan ang kanang bahagi ng balikat niya. "Para sa ikabubuti ng lahat at para maaga pa lang ay maunawaan mo nang hindi ka p'wedeng magkagusto sa isang katulad ni Yvo."
Doon na siya hindi nakapagtimping mangatwiran. "Bakit papa? Dahil ba sa mahirap lang siya at mayaman ang pamilya natin?"
Lumalim ang tingin sa kaniya ni Renato. "'Wag mo kong pagsasalitaan ng ganiyan! Anak pa rin kita."
"Iyon nga, e, anak mo ko, papa. Legal mong anak, pero bakit lumalabas na mas kinakampihan mo pa si Ate Tamara?" Bahagyang napahiya ang kaniyang ama sa mga sinabi niya. "'Di ba, tama ang hinala ko, papa? Na siniraan ako sa'yo ni Ate Tamara? Para lang mapalitan niya ang posisyon ko rito."
Doon bumalik sa isipan ni Renato ang pag-uusap nila ni Tamara. Mag-isa siyang umiinom no'n nang magawa siyang lapitan nito.
"Papa, p'wede ba tayong mag-usap?" Sandali siyang napatango. Aaminin niyang kapag nakikita niya si Tamara ay bumabalik lamang sa isipan niya ang pagsisisi kung paano siya naging batang ama noon kay Tanya. At kahit bunga lamang ng isang pagkakamali si Tamara, nais niyang maging pantay ang pagmamahal na ibinibigay dito katulad ng pagmamahal na ibinibigay niya sa legal na anak na si Karadine gayundin sa iba pa niyang anak na sina Margaret at Isabel.
Hinayaan niya itong makaupo sa tabi niya habang iniinom niya ang alak na nasa shot glass. "Ano bang sasabihin mo, anak?"
"Nais ko lang sanang magpaalam na magtrabaho sa iyong pabrika, papa." Doo'y bahagyang napakunot ang noo niya.
"Bakit naman?"
Nakita niya ang paggilid ng ngiti nito. "Sabihin na nating.. gusto ko ring maranasan na magtrabaho, papa. Parang si Karadine, papa. I mean, ayokong maging pabigat sa'yo, kaya gusto ko ring paghirapan ang manang makukuha ko balang araw." Lingid kay Renato ay lihim na napapangisi si Tamara dahil sa nakalatag nitong plano.
"Pero hindi mo kakayanin ang trabaho roon, Tamara. Mabuti pa't mag-stay ka na lang dito sa mansyon, mag-enjoy habang hindi ka pa nakakahanap ng magandang trabaho."
Doon na hindi nakapagtimpi si Tamara na sabihin ang kaniyang nalalaman. "Bakit ba ayaw mong magtrabaho ako sa pabrika, papa? Natatakot ka bang malaman ng lahat na ilegal ang pinatatakbo mong negosyo?"
Kinabahan siya at napatingin sa paligid. Sinigurado niyang walang ibang makakarinig sa usapan nila. "Ano bang sinasabi mo?"
Nakita niya ang pagngisi nito. "Well, para sa kaalaman mo, papa, alam ko na ang sikreto n'yo ni Karadine." Lalong namuhay ang kaniyang kaba sa sinabi ng panganay niyang anak. Ngunit ipinakita niya pa rin dito na hindi siya apektado kaya naman dahan-dahan siyang napailing bilang tanggihan ang inaakusahan nito. "O? Bakit parang hindi ka proud, papa? Ngayon na alam ko na kung bakit tayo yumaman at iyon ay dahil sa ilegal mong negosyo."
"Tumigil ka!" Nanlilisik ang mga mata niya ngunit sinikap niya pa ring maging kalmado ng sandaling iyon. "P'wede bang hinaan mo lang ang boses mo at baka may makarinig sa'yo!" pagsaway pa niya rito.
Ngunit, mahina lamang natawa si Tamara at sinabi, "Alam na alam ko ang tunay na kalakalan sa pabrika ng mga baril na pinapatakbo mo, papa. Kaya kung ayaw mong malaman 'to nina Tita Florida at mama at ng iba pang tao, hayaan mong magtrabaho ako sa pabrika." Nag-isip siya sandali. At ilang segundo lang ay mabilis na nabago ni Tamara ang pananaw niya tungkol kay Karadine. "Siya nga pala, papa. Napapansin ko na masyado nang nagiging malapīt si Karadine sa isa sa mga tauhan mo."
"Sino ang tinutukoy mo?"
"Hmm.. si Yvo? Well, papa, nakilala ko siya no'ng mismong araw na sinundan ka namin ni Margaret sa pabrika."
Nabigla siya sa naging paglalantad nito. "Kahit si Margaret ay alam ang tungkol sa negosyo ko?"
"Yes, papa. Pero 'wag kang mag-alala, kinausap ko na si Margaret at willing siyang manahimik basta, ibigay mo lang ang gusto ko. Kaya wala kang ibang choice kundi ang pumayag, papa, dahil hawak ko ang sikreto mo."
Napabuntong hininga siya at tinungga ang huling tagay ng alak. "Sige, pumapayag na ako."
"Salamat, papa!" Napayakap ito sa kaniya. Buong akala niya ay tapos na ang kasunduan nila ni Tamara ngunit hindi niya akalaing babanat pa ito ng isang kasunduan. "Well, may isa pa pala akong kahilingan, papa."
"Ano 'yon?"
"Mukhang hindi maganda kung mananatili sa pabrika si Karadine, papa, dahil nga sa pagkahulog ng loob niya sa isang tauhan mo. At baka, maging hadlang pa ito sa pag-unlad ng iyong negosyo."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Tanggalin mo sa kaniyang posisyon si Karadine, papa at hayaan mong ako na ang magpatuloy ng kaniyang misyon."
"Paano naman ako nakasisiguro na magaling ka kaysa kay Karadine?"
"Well, lahat naman ng bagay ay natutunan, papa. And yes, willing na akong mag-aral ng martial arts at-- gumamit ng baril." Tiningnan niya nang masinsinan si Tamara.
"Okay, but this is only a trial, Tamara. Once you failed, hindi ako magdadalawang isip na ibalik si Karadine sa posisyon niya."
Nabalik si Renato sa realidad kung saan ay nakita niyang dismayado ang mga tingin sa kaniya ni Karadine.
Sa katunayan ay nais ipakita ni Karadine sa ama na dismayado siya sa nangyayari. "Sayang lang, papa dahil may mahalaga pa naman sana akong sasabihin sa'yo. Pero mukhang hindi mo na kailangang malaman pa," wika pa niya at doo'y dali-dali siyang tumalikod dahil hindi na niya kayang pigilan ang luhang kanina pa gustong pumatak.
Hindi pa rin malinaw kay Karadine ang mga nangyayari. Kung bakit nagawa siyang traydurin ni Tamara. Ngunit nakasisiguro siya na may nakalatag itong plano kung bakit sinusubukan nitong magpa-impress sa kaniyang ama. Kaya naman nang magkaroon siya ng pagkakataon ay kinausap niya ito.
"Kailan ka pa nagkainteres pasukin ang negosyo ni papa, Ate Tamara? Sigurado naman akong ginagawa mo lang 'to para mapalapit ka kay Yvo."
"Bakit? Masama ba? E, tingin ko naman ay hindi mo kayang tuparin ang ipinangako mo sa akin, e, kaya kumilos na ako."
Nagpantig ang kaniyang tainga. "Kaya ba ginusto mong mapaalis ako rito?"
Nakita niya kung paano nagpalit ng ekspresyon ng mukha si Tamara mula sa galit nitong tingin hanggang sa pagiging maamo sa kaniya. "O, I'm so sorry, Karadine." At doo'y muling napataas ang kilay nito gayundin ang tono ng pananalita nito. "Pero hindi ko na kasalanan kung sadyang sinira mo ang tiwala sa'yo ni papa."
"Sinira? O baka naman may sumira." Bahagyang napaawang ang bibig nito. "'Wag ka nang mag-pretend na wala kang masamang sinabi tungkol sa akin sa harap ni papa. Dahil halata naman noon pa na malaki ang inggit mo sa akin, Ate Tamara."
Napangisi ito. "Wow, ako maiinggit sa'yo? Nagpapatawa ka ba? Para sa kaalaman mo, simula nang makatapak ako sa mansyon ay may karapatan na rin ako sa lahat ng yaman ni papa. At p'wede ba? Isiksik mo riyan sa kukote mo na hinding-hindi ako maiinggit sa'yo!" Natahimik siya ngunit namumuhay ang galit sa kaniya. Sa totoo lang ay kung wala sila sa teritoryo ng kanilang ama ay hindi siya magdadalawang isip na pagbutan ng kamay si Tamara kahit na nakatatanda ito sa kaniya. Hindi pa man siya nakakasagot ay may nakahanda na naman itong sasabihin, "At 'wag kang mag-alala, Karadine, hindi ko sasabihin kay Tita Florida ang trabahong pinasok mo at maging ang negosyong pinapatakbo ni papa. Basta 'wag mo lang akong pipigilan sa kung anong gusto ko!"
Noong araw din na iyon ay inilihim na muna ng kaniyang ama ang kaniyang huling araw na pananatili sa pabrika. Masakit para sa kaniya na baka iyon na ang huling sandali na magkakausap pa sila ni Yvo gayong aaminin niya sa sarili na higit pa sa pagkagusto ang nararamdaman niya para rito.
Kaya naman pinili niya munang mapag-isa ng mga oras na iyon. Subalit, mukhang ayaw yata ng tadhana na nag-iisa siya.
"Kara." Napalingon siya sa boses na iyon. Boses iyon ni Yvo at kahit hindi pa man siya lumilingon dito, batid niya na ito lang ang tumatawag sa kaniya sa ganoong paraan. "Sabi ko na at nandito ka lang, e. Hindi ka okay, 'no?" tanong sa kaniya ni Yvo nang magkaroon ulit sila ng pagkakataon na makapag-usap. Nadatnan kasi siya nito sa minsan na nilang pinuntahan, sa kabundukan na napaliligiran ng mga matataas na damo, kung saan ay walang ibang p'wedeng makakita kapag emosyonal ka at may dinadalang problema.
"Ang galing mo talagang manghula ng nararamdaman," kaswal na aniya sa kawalan.
"Paano ko naman hindi iisipin 'yon, e, 'di ba, nabanggit ko rin sa'yo na madalas akong nagpupunta rito sa tuwing may iniisip." Sandali siyang napatitig sa binata. Sa isip niya ay kung p'wede lang sana ay hindi na matapos ang sandaling ito, dahil sa tuwing kasama niya si Yvo ay gumagaan ang pakiramdam niya.
At ilang sandali pa, bago pa ito lumingon sa kaniya ay mabilis na siyang nakalihis ng tingin dito. "Ahm.. kung sasabihin ko ba sa'yo ang problema ko, makakatulong kaya na mabawasan ang sakit?"
"Dipende sa mararamdaman mo--" Sandaling nagsalubong ang mga mata nila kaya bahagya itong natigilan. "Pero kung sa tingin mo ay ikagiginhawa ng kalooban mo na sabihin sa akin, edi, go."
Napangiti siya nang tipid. "Nagtalo kasi kami ni papa at-- masakit para sa akin kasi hindi ako sanay na ganito kami.." Unti-unti na namang pumatak ang luha niya.
"I'm sorry."
"No, wala kang kasalanan. Okay lang na malaman mo 'to kasi hindi ka naman na iba sa akin.." Nagtagpong muli ang mga mata nila.
"Hindi ko alam kung paano ko mapapawi ang bigat na nararamdaman mo." Napayuko siya sa sinabing iyon ng binata. Pero agad din siyang napatingala sa sunod na sinabi nito, "Pero p'wede bang.. yakapin kita? Para naman kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam mo.."
Wala siyang pag-aalinlangan na tumango at doon nga'y hinayaan niyang yakapin siya ni Yvo. At minsan pa ay naramdaman niyang hindi siya nag-iisa.
Nang maghiwalay sila sa yakap ay pareho silang napatitig habang parehong speechless sa isa't isa. At dahil batid niya na baka ito na ang huli nilang pag-uusap ay hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa sa mga katagang nais niyang sabihin. "Yvo.. 'di ba, sinabi mo sa akin no'n na.. gusto mo ako?"
"Oo, Kara, gustung-gusto kita. At baka hindi nga lang ito gusto, e, mahal na yata kita." Napatitig siya sa mga mata nito matapos na sabihin nito iyon sa kaniya. At ewan ba niya kung bakit bigla na lang pumatak ang luha niya. Marahil ay nasasaktan siya gayong mapapalayo na siya rito. "O, bakit ka umiiyak?"
Agad siyang napalihis ng tingin at nagpunas ng luha. Saka napatingin sa kalangitan. "Alam mo, aaminin ko na masaya ako kapag kasama kita." Hinarap niya ito, at doon niya lang napagtanto na nakatitig lamang ito sa kaniya. "Yvo, ngayon lang ulit ako magpapakatotoo. Sa tingin ko kasi.. mahal na rin kita."
Hindi makapaniwala si Yvo sa narinig at talaga namang nagsasaya ang puso nito matapos na marinig iyon mula sa kaniya. Kaya naman nagawa nitong hawakan ang dalawang kamay niya at kusang inilapat iyon sa mukha niya. "Ibig sabihin ba nito ay tayo na?" Agad siyang napalihis ng tingin.
"Yvo, alam mo namang hindi p'wede na maging tayo--"
"Alam ko, pero handa kitang ipaglaban, Kara. Ngayon pa na alam kong mahal mo na rin ako."
Napailing siya na ipinagtaka nito. Kung gaano ito kadesidido na ipaglaban siya ay siya naman itong natatakot na ipaglaban ang binata. Lalo na ngayon at malabong masundan pa ang kanilang pagkikita.
Kaya naman nang sandaling iyon ay hindi ito nakapagsalita sa itinanong niya, "Yvo, paano kung.. ito na pala 'yung huli nating pagkikita?"