PIGIL HININGA sila ni Yvo bago magdesisyong harapin ang dalawang tauhan na iyon ni Mr. Benitez. At sa kanilang pagharap ay naging handa ang sarili nilang lumaban nang patas at walang hawak na kahit na anong armas.
Mabilis pa sa alas kwatrong nasipa ni Karadine ang hawak na baril nito habang nanatiling nakatutok ang baril kay Yvo ng isang tauhan.
"Lumaban kayo nang patas!" matapang na aniya. Wala na siyang choice kundi ang magsalita at posibleng makilala ang boses niya bilang isang anak at tagapagmana ng pamilya Monteza at kahit na natatakluban ng bonnet ang kaniyang mukha, hindi naging hadlang iyon para makita ang ganda ng kislap ng kaniyang mga mata.
"Sino ba talaga kayo?" tanong ng isang tauhan na nakatutok pa rin ang baril kay Yvo. Saka rin nito nagawang itutok ang hawak na baril sa kaniya.
"Kahit natatakluban ng bonnet ang inyong mukha, malinaw na babae ang isa sa inyo at hindi lang basta babae, maganda, hah?" Sa isip ni Karadine ay hindi maituturing na compliment ang narinig niya mula sa isang tauhan na may hawak pa rin na baril hanggang ngayon, dahil posibleng p'wedeng gawing paglalarawan ito sa kaniya kapag nagawa nitong isumbong sa boss nitong si Mr. Benitez ang kanilang itsura.
Kamukat-mukat ay napansin din ng isang tauhan ang nakasakbit na bagpack sa balikat niya. "Sandali, ano 'yang dala-dala mo?"
At bago pa man mahuli ang lahat ay nagkasundo ang kanilang tinginan ni Yvo na
ipagpatuloy ang laban. Walang anu-ano'y ginamit nila pareho ang kanilang kaalaman sa martial arts upang maipagtanggol ang sarili. Doo'y agad nilang napatumba ang dalawa kaya naman agad silang napatakbo paalis ng lugar na iyon. Subalit, hindi pa man sila tuluyang nakalalayo ay nakarinig naman sila nang malakas na pagputok ng baril. Na hindi nila akalaing manggagaling sa isang bantay kanina na nawalan ng malay matapos nilang patumbahin.
"Sige, subukan ninyong tumakas at sa katawan n'yo na tatama ang sunod na bala nito," may pagbabanta pang sabi nito.
Hindi maiwasang kabahan ni Karadine. Pero nakita niya kung paano naging matapang si Yvo na harapin ito. "Yvo, anong gagawin mo? Delikado kapag nilapitan mo pa siya," pagpigil niya rito.
"Tumakbo ka na, ako nang bahala rito," wika ni Yvo na hindi niya lubos na sinasang-ayunan. Bukod sa nag-aalala siya para rito ay nais niyang tuparin ang pangako sa ama na uuwi silang ligtas pareho.
Napailing siya, pero hindi naging rason 'yon para isugal mismo ni Yvo ang buhay nito sa isang kapahamakan. Kaya naman maluha-luha siya habang sinusuyod ang daan paalis. Samantala'y nakipagpalitan naman ng lakas si Yvo sa isang tauhan, kung saan ay sinikap niyang mabibitawan nito ang hawak na baril upang maging patas ang kanilang laban. Sa una ay napatumba niya na agad ito ng isang suntok sa mukha at dibdib pero agad din naman itong nakabawi. Kaya nang bibwelo na sana siya para sumipa ay mabilis din naman siyang nasikmuraan nito, dahilan nang kaniyang pagkahiga sa lupa. At habang nananatili ang kaniyang katawan na nakahiga sa lupa ay sinamantala nito ang pagkakataon para damputin ang baril at magawang itutok sa kaniya. Doble ang kaniyang kaba pero nanaig sa isipan niya na hindi siya dapat na mamatay nang gano'n-gano'n na lang. Kaya naman ginamit niya ang sariling mga binti upang patirin ang paa nito at ito naman ang mapatumba sa sahig. Nang makabwelo sa pagtayo ay nagkaroon na siya ng pagkakataon para pagsusuntukin ito hanggang sa tuluyan na itong mawalan ng malay. Napangiti siya ng sandaling iyon at patakbong sinundan si Karadine. Sa isip niya, kahit may pagkakataon na siya na patayin ito sa pamamagitan ng dahas ay ayaw niyang dungisan ang kaniyang sariling kamay dahil nais niyang lumaban nang patas.
Malayo-layo na rin ang kaniyang natakbo nang masilaw siya sa sumalubong na kotse sa kaniya. At wari ang kaniyang kaba ay unti-unting humupa nang makita niya si Renzo na bumaba ng sasakyan. "Yvo, mabuti at ligtas ka," anito habang inaalalayan siyang makasakay sa kotse. Doon niya lang din napuna na naroon na rin si Karadine at ligtas na ito. Pero mukhang napagod ito sa kanilang ingkwentro kaya naman nakaidlip ito. Bago pa siya magtanong ay inunahan na siya ni Renzo habang sinisimulan na nitong paandarin ang manibela. "Nakita ko siya kanina na pagod na pagod."
"Bakit ba kasi natagalan kang bumalik?"
"Sinigurado ko munang hindi ako mapapansin ni Mr. Benitez at ng kasama nito," sagot ni Renzo na bahagyang nakapagpanatag sa kaniya. Patunay lamang na hindi naman talaga sila iniwan sa ere ni Renzo.
Ligtas nga silang nakabalik sa may pabrika dala ang kanilang mga nalimas na armas mula sa property ng mga Benitez. Nang sandaling iyom ay mahimbing pa rin na natutulog si Karadine kaya nagpresinta siya na buhatin na lamang ang dalaga patungo sa silid nito.
"Renzo, ikaw na ang bahala sa bag, at ako na ang bahala kay Kara." Napatango naman si Renzo habang siya naman ay maingat na binuhat si Karadine. Doo'y hindi niya maiwasang mapatitig sa dalaga at magawang isipin ang nangyari kanina. Tila ba ramdam niya pa rin ang lambot ng mga labi nito na sa tuwina ay parang nais niya pang maulit.
Napailing siya sa isiping iyon habang tinatahak ang daan patungo sa silid nito. Wala itong kamalay-malay sa nangyayari sa paligid, dahil na rin sa kasarapan ng tulog nito.
"Nakita ko ang tingin mo kanina kay Karadine, hah?" may pununuksong pagbungad sa kaniya ni Renzo nang madatnan siya nito na humihithit ng yosi.
Napangisi siya sandali at nagkunwaring hindi apektado sa sinabi nito. "Anuman ang napansin mo, walang kahulugan 'yon, naaawa lang ako para sa kaniya dahil hindi naman siya dapat na magtrabaho para sa ama niya."
"Alam mo, Yvo, naisip ko rin 'yan, e. Bakit kaya pumayag siya na magtrabaho rito kahit na alam niyang delikado? Isama pa ang katotohanang babae siya."
"'Wag mong minamaliit ang kakayahan niya, Renzo. Magaling at matalino si Kara at napatunayan ko 'yon kanina sa ingkwentro," sinserong aniya.
Napabuntong hininga si Renzo. "Alam ko, kaya nga hangang-hanga ako sa kaniya, e. Isipin mo, anak siya at tagapagmana ng mga Monteza pero parang wala lang sa kaniya dahil ang gusto niya ay pinaghihirapan ang isang bagay bago makamit ito."
Bago pa man niya hithitin ang malapit nang maubos na yosi ay nagsalita siya. "Tama ka, at batid kong mas lalong magiging matapang si Kara matapos ang mga nalaman niya kanina."
"Na ano?"
"Na isang traydor si Mr. Benitez at balak nitong kalabanin ang ama niya." Natigilan si Renzo at hindi lubos na makapaniwala. "Kaya dapat lang na unahan na natin siya sa mga pinaplano niya."
"Anong plano mo? Ikaw na ba mismo ang magsasabi nito kay boss?"
"Hindi, hayaan nating si Kara mismo ang magsabi sa kaniyang ama. Nang sa gano'n ay mas lalo siyang pagkatiwalaan ni boss."
Napapaisip siya habang sinasabi ang mga katagang iyon. "Nasa kamay nga kaya ni Karadine ang lubos na pagbabago sa kanilang bayan? Sapat na ba ang mga nalaman nito para hindi ito tumigil sa mithiing mapawalang sala balang araw ang kaniyang ama? Pero paano kung dumating ang araw na malaman ni Mr. Monteza na mahal niya si Karadine?"
"Malamang ay tututol siya." Hindi niya akalaing masasabi niya sa kawalan.
"Ano? Sinong tututol?" Nabigla siya sa naging katanungang iyon ni Renzo. Huli na nang malaman niyang nasabi niya pala iyon sa kawalan.
"Ah-- w-wala.. 'wag mo na 'yon isipin." Napailing lamang si Renzo bago pa ito magdesisyong iwanan siyang mag-isa roon. Hanggang sa nagpasya na rin siyang magpahinga.
Kinabukasan ay laman pa rin ng isipan ni Karadine ang mga nalaman tungkol sa galit ni Mr. Benitez sa kaniyang ama. Ngunit ang hindi niya rin maintindihan ay kung bakit ginugulo rin siya ng kaniyang isipan tungkol sa pinagsaluhan nilang halik ni Yvo kagabi. Kaya naman hindi niya sinasadyang mapahawak sa sariling labi. At inisip kung gaano kasarap sa pakiramdam na maranasan iyon sa buong buhay niya.
Nasa ganoong posisyon siya nang makita niyang pumasok ng kaniyang silid si Yvo.
"Magandang umaga, Kara."
Doo'y tila napahiya siyang makita ang kaniyang posisyon. "Bakit ba bigla ka na lang pumapasok?" napapahiyant katanungan niya.
"Ahm, nakita ko kasi na bukas naman 'yung pinto kaya-- pumasok na ako." Napabuntong hininga siya at saka niya lang napansin na may dala pala itong pagkain para sa kaniya. "Siya nga pala, ipinaghanda kita ng almusal."
"Salamat," walang ganang aniya. Ayaw niya mang iparamdam kay Yvo na nanlalamig siya ngayon ay naisip niyang mas mabuti na ito para hindi na mas lumalim pa ang nararamdaman niya rito, isabay pa ang pagtupad niya sa pangako mula sa kapatid na si Tamara. "Ahm, makakaalis ka na," wika pa niya. Subalit ilang lang ang lumipas ay bumwelo agad siya ng katanungan dahilan nang pagkatigil nito. "Ah.. Yvo?"
"Bakit, Kara?"
"Paano pala ako.. nakarating ng k'warto kagabi? Wala kasi akong matandaan, e." Hindi mapigilang kabahan ni Yvo. Sasabihin kaya nito na binuhat siya nito kagabi?
"Ah.. ano kasi-- nakatulog ka na kagabi kaya.. hindi ka na namin inistorbo pa ni Renzo."
"So, paano nga ako nakarating dito?"
"Binuhat kita," anito na bahagyang nagbigay katahimikan sa pagitan nila. Sa sarili ay hindi maiwasang kiligin ni Karadine ngunit ayaw niya namang ipakita sa binata na apektado siya ngayon.
"Ahm, kung ganoon, pasensya ka na kung.. napagod ka pa," nahihiyang sabi niya.
"Ay, hindi, ayos lang 'yon, Kara," anito. "Gusto ko nga, e," bulong pa nito na hindi naman niya malinaw na narinig.
"Anong sabi mo?"
"Ah, wala, ang sabi ko, dapat ko lang 'yon gawin dahil anak ka ng amo ko." Dahan-dahan naman siyang napatango kahit sa tingin niya ay parang hindi naman gano'n ang pagkakarinig niya kanina. "Ahm, sige, balikan na lang kita pagkatapos mong kumain," wika pa nito. Napangiti't napatango naman siya kaya naman umalis na rin ito.
Matapos kumain ay nagpasya siyang magpahangin sa labas habang hinihintay ang pagdating ng kaniyang ama. Animo'y bumalik na naman sa isipan niya ang nangyari sa kisame ng k'warto ni Mr. Benitez. At doo'y hindi niya maitago ang kilig na nararamdaman lalo na nang bumalik sa isipan niya ang halik na iyon kagabi. "Ano ba, Kara! 'Wag mo nang ulit-uliting isipin 'yon dahil walang ibig sabihin 'yon, okay?" pagkausap niya sa sarili.
Ngunit sa isang banda ay para siyang sinilihan nang makita niyang muli si Yvo mula sa kaniyang harapan at sinasabi, "Wala nga ba?"
Bahagyang napakunot ang noo niya. "Ano bang sinasabi mo? Saka bakit ka ba bigla na lang sumusulpot? Kung may sakit ako sa puso ay baka inatake na ako nang dahil sa'yo!" may panenermon pang sabi niya.
Doo'y nakita niya ang mapang-asar na tingin ni Yvo. "Aminin mo na kasi na affected ka, Kara."
"Saan?" Nagkunwari siyang patay malisya sa sinasabi nito.
"'Wag ka na ngang magkunwari. Alam kong alam mo ang sinasabi ko." Napabuntong hininga pa ito bago muling nagsalita. 'Yung halik, alam kong kahit hindi mo aminin ay may ibig sabihin 'yon." Natigilan siya sa sinabing iyon ni Yvo. At kahit ilang beses niyang pigilan ang tunay na nararamdaman, batid niya sa sarili na may katotohanan iyon.
"Ano bang sinasabi mo, Yvo? Walang meaning ang halik na 'yon. Isipin mo na lang na, n-no choice tayo dahil masikip sa kisameng 'yon." Pilit niyang pagpapaintindi rito.
Hanggang sa pareho silang natigilan sa usapan nang makita nilang paparating ang sasakyan ng kaniyang ama. Handa na sana siyang ipagtapat sa ama ang masamang balitang nakalap kagabi subalit natigilan siya nang makita niyang sumunod na bumaba ng kotse si Tamara.
"Papa? B-bakit kasama mo po si Ate Tamara? "
Nakita niya kung paano siya bigyan nang mapang-asar na tingin ni Tamara. "Bakit, Karadine? Ikaw lang ba ang p'wedeng sumama rito kay papa?"
Binalikan niya ng tingin ang kaniyang ama at wari ay sang-ayon ito sa sinabi ng kaniyang nakatatandang kapatid. Sa sarili ay hindi niya maintindihan kung ano ba talaga ang nangyayari. Kaya naman mas lumapit pa siya sa ama para linawin dito kung ano ang nangyayari. "Pa, anong ibig sabihin nito?"
Sa halip na sagutin siya ng ama at kumustahin tungkol sa nangyari kagabi ay tinawag nito ang atensyon ng lahat. "Simula ngayon ay magtatrabaho na rin dito ang panganay na anak kong si Tamara." Pinagmasdan niyang muli si Tamara at nakita niya kung paano pumailalim ang tingin nito sa kaniya. At doon lang siya nagawang kausapin ng ama ngunit pabulong lamang nitong sinabi ang mga katagang, "Mag-uusap tayo mamaya." Napatango siya kahit lihim na nasasaktan. At patagong nagpunas ng luha sa kaniyang mga mata nang lampasan na siya ng mga ito.
Hindi niya maintindihan kung bakit bigla na lang nanlamig ang pakikitungo sa kaniya ng sariling ama. At para sa kaniya ay masakit isipin na imbes na iparamdam nitong proud ito sa tagumpay na operasyon nila kagabi ay parang ipinaramdam pa nitong hindi na siya kailangan sa grupo.