SA GITNA ng katahimikang namamayani sa pagitan nila ay umisip si Karadine ng dahilan upang magawang lusutan ang isyung narinig ng kaniyang dalawang nakatatandang kapatid.
"A-ah, mga ate, hindi naman totoo ang narinig n'yo. Masyado lang ma-issue itong si Rosanna." Matapos niyang sabihin iyon ay pinandilatan niya ng tingin ang matalik na kaibigan upang matuto itong sumakay sa rason niya.
"Ah-- o-oo, ano kasi, e, alam n'yo naman na ako itong excited na magka-boyfriend na ang best friend ko!" katwiran pa ni Rosanna.
Doo'y bahagya namang napataas ang kilay ng dalawang sina Tamara at Margaret. "At sino naman itong lalaking tinutukoy ni Rosanna, Karadine?"
"Si--" Bago pa makapagsalita si Rosanna ay inunahan niya na ito.
"Si Renzo," pagsisinungaling niya, para wala nang marami pang tanong. Isabay pa ang pangako niya kay Tamara na tutulungan niya itong mapalapit kay Yvo.
"Whatever, let's go, Margaret," taas kilay na wika ni Tamara.
Mukhang naging effective naman ang kaniyang naging palusot kaya hindi na nagtanong pang muli ang kaniyang dalawang kapatid. Subalit hindi niya naman akalain na bibwelo nang pagbulong sa kaniya si Tamara bago pa ito tumuloy sa paglalakad. "'Yung usapan natin, hah?" Wala siyang ibang choice kundi ang mapatango. At kahit labag ang kaniyang kalooban sa kailangang gawin ay inisip niya na lang na para ito sa kabutihan ng lahat.
Saka niya tinitigan si Rosanna na ngayo'y nagtataka pa rin sa ikinikilos niya. "Alam mo, best, hindi talaga kita maintindihan, e. Bakit kailangan mong ilihim sa lahat ang tunay na nararamdaman mo para kay Yvo. At saka ano naman kung gusto rin siya ng Ate Tamara mo? May magagawa ba siya para pigilan ang nararamdaman n'yo para sa isa't isa?"
"Oo," sinserong sagot niya na ikinabigla naman ni Rosanna. Doon naman niya sinikap na pakalmahin ang sarili upang makiusap kay Rosanna. "Best, kayā kung p'wede lang, walang p'wedeng makaalam ng feelings ko para kay Yvo." Dahan-dahan namang napatango si Rosanna kahit na hindi pa rin nito maintindihan ang p'wedeng gawin ni Tamara.
Kinabukasan ay inaral at pinaghandaan talaga nilang tatlo ang lugar na pupuntahan bago sumalang sa kanilang misyon. Sa tulong ng matinding research ay nalaman nila ang pasikot-sikot sa mismong property ng mga Benitez na hinihilaan nilang pinagtataguan ng lahat ng armas at kaperahan nito.
"Dito ang k'warto ni Mr. Benitez, at siguradong dito natin makikita ang lahat ng pera at ari-arian," wika ni Yvo habang itinuturo ang direksyon na kanilang nagsilbing mapa para sa misyon.
"E, paano tayo makakapasok diyan kung maraming bantay?" tanong ni Renzo na ikinatango naman ni Karadine. Pabor din kasi siya sa katanungang iyon ni Renzo.
"May nakita akong maliit na tunnel sa likod na p'wede nating daanan," sagot ni Yvo na hindi niya maiwasang hangaan dahil sa pagiging matalino't maparaan nito.
"Kung ganoon ay maghanda na tayo," wika niya.
"Hindi tayo p'wedeng sumugod na gising pa ang mga tao sa property na 'yon, Kara, mas delikado," katwiran ni Yvo, at ang labis na na-appreciate niya ay ang pagtawag nito sa kaniya mula sa nakasanayan nitong itawag.
Napatingin siya sa orasan. Mayroon pang mahigit limang oras bago ang hatinggabi, kung saan ay doon lamang sila p'wedeng sumugod. Naisip niya rin na baka biglang magtaka ang kaniyang ina sa kaniyang hindi pag-uwi kaya naman agad niya na itong sinabihan na sa pabrika siya magpapalipas ng gabi, bagay na hindi niya alam ay pinaghandaan nang gawan ng paraan ng kaniyang ama bago pa siya magsabi.
Kaya naman nagpalipas na muna sila ng oras sa loob ng pabrika habang hinihintay ang oras ng kanilang paglusob. Pinili niyang doon na muna mag-stay sa may silid habang nakikita niyang seryosong magkausap sina Yvo at Renzo. Kamukat-mukat ay nakarinig siya ng mga hakbang palapit sa kaniyang kinaroroonan.
"Sino 'yan?"
"Ako, Karadine." Sa tinig at sa paraan nang pagtawag sa kaniyang pangalan ay batid niyang si Renzo ito. At ewan ba niya kung bakit parang umaasa siya na si Yvo ang magtutungo sa kaniyang silid ng mga oras na 'yon.
"Pasok, Renzo," utos niya.
Ilang sandali pa'y pumasok na ito dala ang tray ng pagkain. "Ipinaghanda ka namin nang makakain, Karadine, para naman mas maging malakas ka sa misyon mamaya."
"E, paano ka? Paano kayong dalawa ni Yvo?"
"'Wag kang mag-alala dahil sabay kaming kakain sa may living area. Kabilin-bilinan din kasi ng ama mo na hindi kami p'wedeng sumabay sa pagkain sa'yo kapag wala siya rito sa pabrika at ang iba pa nating mga kasama."
"Gano'n ba? Sige, Renzo, salamat, hah?"
Napangiti ito. At bago pa man ito tuluyang makaalis ay may pahabol itong sinabi, "Hindi ka dapat sa akin nagpapasalamat, kay Yvo. Kasi siya ang nakaisip na ipaghanda ka nang masarap na hapunan."
Tipid siyang napangiti. Kahit papaano ay nararamdaman niyang may pakialam pa rin sa kaniya si Yvo kahit na hindi naging maganda ang kanilang naging huling pag-uusap. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at nagawa niya nang kainin ang pagkain na inihanda para sa kaniya. Pagkatapos ay saka niya tinawagan si Renzo na kuhanin na nito ang kaniyang pinagkainan. Dahil nais niya na munang umidlip sandali. Kamukat-mukat ay hindi niya akalaing hindi si Renzo ang bubungad sa kaniya-- kundi si Yvo.
"Sandali, nasaan si Renzo?"
Nakita niyang napailing ito at simpleng bumulong, "Nandito na nga ako, iba pa ang hinahanap mo."
"Anong sinabi mo?"
"Ah, ang sabi ko, ako na ang pinapunta ni Renzo rito para kunin ang pinagkainan mo."
Napatango siya at tipid na napangiti. Subalit parang ayaw magpatalo ng emosyon niya ng sandaling iyon. Kaya naman kahit hindi dapat ay napahawak siya sa kamay nito habang sinasabi. "Yvo, salamat, hah?" Nakita niya kung paano ito natigilan sa ikinilos niya. At wari ang kuryenteng dumadaloy sa kaniyang katawan ay unti-unting nawala nang magdesisyon na itong bumitiw at umalis na wala man lang ibinibigay na sagot.
Hindi naman na siya nagtaka sa ikinilos nito dahil batid niya na hindi naging maganda ang kanilang huling pag-uusap. Pero bakit parang nasasaktan siya sa ikinikilos nito?
"Ano ba, Karadine! Wala kayong relasyon kaya hindi ka dapat mag-expect na bigla siyang manunuyo sa'yo!" pagkausap niya sa sarili na hindi niya alam ay malinaw palang narinig ni Yvo. Pinili kasi nitong mag-stay pa sa labas ng kaniyang silid matapos nitong pigilan ang tunay na nararamdaman.
Walang kamalay-malay si Karadine na napangiti si Yvo sa mga sinabi niya. Wari ay lihim itong kinikilig sa mga narinig.
Hindi naglaon ay pinasok na nilang tatlo ang private property ng mga Benitez kung saan ay itinatago ang lahat ng mga armas at pera nito. Nakahanda na ang kanilang mga armas maging ang earphone na magsisilbi nilang hearing device sa gitna ng ingkwentro. Hindi rin sila makikilala sa suot nilang bonet at itim na sumbrero. Sa suot naman nilang itim na leather jacket ay may nakapaloob doong protection jacket na kanilang magsisilbing proteksyon sa katawan. Bukod doon ay nagdala na rin sila ng itim na backpack na magsisilbi nilang lagayan ng mga makukuhang armas at pera.
"Handa ka na?" tanong sa kaniya ni Yvo at napatango naman siya bilang pagtugon. Hindi niya maiwasang kabahan ngunit inisip niya na lang na para ito sa kapayapaan ng buong bayan ng Eldefonso. At para mabawasan ang krimen sa buong bayan dulot ng kasamaan.
Maingat nilang pinasok ang maliit na tunnel sa likod ng property na iyon. Bale ang naging sistema nila ay si Renzo ang magsisilbing look out sa labas habang isinasagawa nila ni Yvo ang operasyon. At habang tulog ang mga bantay ay sinamantala nila ang pagkakataong iyon upang maghanap ng susi na kakasya sa mismong doorknob ng silid na pinanghihinalaan nilang nakatago ang lahat ng mga armas at ari-arian ng mga Benitez.
"Doon tingnan mo kung may susi," utos sa kaniya ni Yvo sa gawing paroon habang patuloy din ito sa pagsubok na may magkakasyang susi sa doorknob. At doon nga'y may nakita siyang susi na nakapatong sa may divider. Kaya sinubukan nila iyon at napangiti sila pareho nang maramdaman nilang gumalaw ang pagkaka-lock nito. Hindi na sila nagpatumpik-tumpik pa at dali-dali nilang pinasok ang silid na iyon nang may ingat. Pagkatapos ay saka rin sila naghanap ng panibagong susi para sa mga cabinet na posibleng pagtaguan ng mga armas at ari-arian. Habang sinusubukang hanapin ni Karadine ang susi para sa cabinet ay naghahanap naman si Yvo ng mga dokumento na magpapakita ng listahan ng mga ka-business partnership ng mga Benitez. Sa pareho nilang paghahanap ay pareho silang natigilan nang marinig nila ang timbre ni Renzo mula sa linya.
"Yvo, Karadine, may paparating, dalian n'yo." Doon namuhay ang kanilang kaba. At dali-dali nga ni Karadine na kinuha at inilagay sa bag ang mga baril na bumungad sa kaniya. At habang isinasagaw niya iyon ay tagumpay namang nahanap ni Yvo ang dokumentong hinahanap niya. Kaya nagawa niya itong kuhanan ng litrato upang magsilbing pruweba na ilegal din ang negosyong pinasok ng mga Benites. Bukod pa ro'n ay magsisilbi rin itong ebidensya na sila ang dahilan nang pagdami ng krimen sa bayan ng Eldefonso.
Matapos mailagay lahat sa bagpack ni Karadine ang mga baril ay nakita niya naman ang ilang litrato na nagsisilbing target linggo-linggo ng mga Benitez. Nakita niya roon ang litrato ng kaniyang ama habang ang karamihan naman sa litrato ay hindi niya kilala.
"Para saan kaya ang mga litratong 'to at bakit may litrato sila ni papa?" tanong niya kay Yvo sa kawalan. Hanggang sa makatunog sila ng mga hakbang palapit sa silid.
"Kailangan na nating magtago, Kara," pabulong na wika sa kaniya ni Yvo habang pinagmamasdan nito ang lulusutang daanan sa may kisame.
"Pero, hindi pa tayo tapos--" katwiran niya.
"Wala na tayong oras. Kaya mo bang umakyat sa kisame? Ipapasan kita at bubuksan mo ang daanan," pakiusap ni Yvo na ikinatango naman niya. Doo'y pumatong nga si Yvo sa may upuan na halos katapat lamang ng lagusan patungo sa may kisame at doon siya ipinasan ito upang tuluyang mabuksan ang lagusan at makapasok doon.
Matapos niyang makapasok ay tinulungan niya namang makaakyat doon si Yvo. At bago pa tuluyang makapasok si Mr. Benitez at ang kanang kamay nito na si Jovani ay hingal na hingal silang nakapagtago sa may kisame.
Doo'y bumalik sa isip niya na ibalik sa pinagkuhaan ang susi ng silid na iyon, maging ang susi ng cabinet na pinagkuhaan niya ng mga armas. Kaya naman hindi iisipin ni Mr. Benitez na walang ibang tao roon maliban sa kanila.
At dahil masikip sa may kisame ay hindi maiwasang magdikit ng katawan nila habang namamaluktot sila sa posisyon. Tiniis nila ang marumi at maalikabok na kisame. At isang beses pa ay narinig nilang muli ang tinig ni Renzo, "Masyado nang delikado kung makita pa nila ako, mauuna na akong umalis at babalikan ko na lang kayo kapag safe na ulit, hah?"
Doo'y mahina at hinihingal na sumagot si Yvo, "S-sige."
Hindi nila maiwasang magkatitigan dala nang matinding kaba subalit ipinapahiwatig ng mga tingin nila na pareho silang bilib sa isa't isa. At habang nakikita nila ang mukha ng mga taong nasa likod ilang mga mga krimen sa bayan ng Eldefonso ay hindi maiwasang mabuo ang galit ni Karadine sa kawalan. Lalo na nang malinaw nilang narinig ang pinag-uusapan ng mga ito.
"Boss, sigurado po ba kayong gusto n'yong kalabanin si Renato Monteza? Hindi ba't sa kaniya tayo kumukuha ng mga suplay ng baril?"
"Bakit? Anong masama ro'n? Hindi naman p'wedeng siya lang ang yayaman." Pinagmamasdan pa nito ang mamahaling uri ng baril na tila pinag-aaralan nito kung sa paanong paraan nito ipuputok ang bala niyon. "Bilog ang mundo, Jovani. At sinisiguro ko sa'yong darating ang araw at ako naman ang titingalain ng lahat ng mga grupo ng sindikato. At mamamatay sa kamay ko si Renato Monteza," natatawa pang sabi nito.
Hindi mapigilan ni Karadine ang magalit ngunit to the rescue naman si Yvo para pagaanin ang kalooban niya sa pamamagitan ng yakap. At kahit na may hatid na kapahamakan ang kanilang pinasok na ingkwentro ay tila gumagaan iyon sa kalooban lalo na't kasama niya ngayon si Yvo. Hindi nila maiwasang magkatitigan matapos nilang bumitiw pareho sa yakap. Mahigit isang sentimetro lamang ang pagitan ng kanilang mukha kaya naman hindi nila maiwasan na parehong mapatitig sa mukha ng isa't isa. Tagaktak na rin ang kanilang pawis subalit hindi naging hadlang iyon para mangibabaw ang nagkukubling nararamdaman nila para sa isa't isa. At sa unang pagkakataon ay pareho silang naging totoo sa sarili. Kung saan ay pinagtagpo nila ang kanilang labi. Malambot ang kanilang mga labing na ngayon lang nakaranas na lapatan ng ibang labi. At aaminin niyang parang dinadala siya nito sa alapaap habang pareho nilang pinagsasaluhan ang halik na 'yon. Ang kanilang nagsilbing unang halik na nagpapahiwatig na pareho nilang mahal ang isa't isa. Ilang segundo rin ang katahimikang namayani bago tuluyang maghiwalay ng kanilang mga labi. At wari ay pareho silang hindi makapagsalita sa nangyari.
Ligtas na sana sila subalit napansin naman ni Jovani na parang nagkakagulo ang mga dokumento sa may lamesa.
"Mukhang may ibang taong nakapasok dito, boss."
Doon napasigaw si Mr. Benitez na siya namang ikinagising ng mga tauhan nito.
"Boss, may problema po ba?" tanong ng isang tauhan.
"Oo! Halughugin ninyo ang buong kabahayan. Siguraduhin n'yo na hindi makakauwi ng buhay ang taong makikita n'yo. Masyado kasing mahihimbing ang tulog ninyo kaya pinasok tayo nang walang kamalay-malay!"
Matapos sabihin iyon ni Mr. Benitez ay saka na ito umalis kasama ang kanang kamay na si Jovani. At nang matunugan nila na wala nang katao-tao sa silid na iyon at saka sila maingat na bumaba roon.
Nakita nilang nakaalis na rin si Mr. Benitez dala ng chevrolet nitong sasakyan habang problema pa rin nila ay kung paano sila makakaalis nang hindi makikita ng mga bantay doon. Nang makalabas sila ng silid ay handa na sila sa anumang posibleng mangyari. At nang makabuwelo ay mabilis nilang napatumba ang isang bantay doon. Dahilan para matunugan sila ng dalawang natitirang bantay. Palabas na sana sila nang pareho silang natigilan sa boses ng mga ito.
"Sino kayo?"