Ngayong alam na nina Tamara at Margaret ang kalakalan na nangyayari sa pabrika ng mga baril na pinatatakbong negosyo ng kanilang ama ay hindi maiwasan ni Karadine ang mag-alala lalo pa't hindi na siya nakahindi sa kondisyon ng kaniyang nakatatandang kapatid na si Tamara.
Malalim ang iniisip niya ng mga sandaling iyon, malapit na ring magdilim kung kaya't damang-dama na niya ang malamig na klima sa paligid. Animo'y sumasabay liparin ng malakas na hangin ang kaniyang itim at mahabang buhok na ngayo'y nakalugay lamang at mas lalong nagbibigay ng atraksyon sa iba bukod pa sa magandang hubog ng kaniyang katawan. Nakita niyang may tumayo malapit sa kaniyang kinatatayuan at sigurado siyang kahit hindi niya ito lingunin ay malakas ang kaniyang paniniwala na ito si Yvo.
"Mabuti naman at nilapitan mo rin ako, akala ko ay umiiwas ka, e." Nasambit niya sa kawalan, bagay na ikinabuntong hininga naman nito.
Maya-maya pa'y bigla siya nitong hinawakan sa mga braso at mabilis na hinila palayo sa mismong kinaroroonan nila. "Yvo.. s-saan mo ko dadalhin?" tanong niya. Subalit hindi man lang ito kumibo at sa halip ay mas naging mabilis pa ang naging pagtakbo nito na siyang sinusunod din ng katawan niyang ayaw magpapigil. Gustuhin man niyang pumigil ay hindi naman niya maintindihan ang sarili sa tila kuryenteng dumadaloy sa katawan niya ngayon. Aaminin niyang hindi ito ang unang pagkakataon na nagkadikit ang kanilang katawan. Pero bakit sadyang mas malakas ang epekto ni Yvo sa kaniya ngayon?
Dinala siya nito sa isang liblib na lugar na kung saan ay malabong palagian ng kahit sino. Napaliligiran ng matataas na damo ang paligid na kung iisipin ay p'wede nilang gawing lugar tagpuan kung sadyang nais niyang sumuway sa bilin ng ama. Pero kahit aminin niyang may espesyal na siyang nararamdaman para sa binata, sa kaibuturan ng puso niya ay hindi niya dapat suwayin ang kaisa-isang pabor sa kaniya ni Tamara, kung saan ay nakasalalay ang katahimikan at kapayapaan ng grupong Mochizet.
Ilang sandali pa ay pareho silang hingal na hingal mula sa pagkakatakbo. At nang sandali rin na iyon ay namuo ang kanilang mga pawis sa katawan. Nang sandaling humupa ang hingal ay pareho silang napalingon sa isa't isa. At kahit wala pang mga katagang lumalabas sa kanilang mga bibig ay tila nais ipabatid no'n na sadyang na-miss nila ang isa't isa. Hindi niya alam kung bakit nang sandaling iyon ay tila nakikipagkarerahan ang puso niya sa pagtibok lalo na nang magawa siyang sentruhin ng tingin ni Yvo at sinabi, "Sa wakas ay solo rin kitang makakausap, Kara."
"A-ano bang nais mong sabihin? At bakit kailangan na lumayo pa tayo kila papa? Baka makahalata ang lahat na tayo lang ang wala sa mga sandaling ito."
"P'wede bang 'wag mo na muna silang isipin, Kara? Gusto ko lang na makasama ka." Napalunok siya ng ilang ulit. Hindi niya alam kung dapat ba niyang maramdaman ang kilig na nararamdaman ngayon gayong simula ngayon ay kinakailangan niya nang mas pigilan pa ang nararamdaman para sa binata, alang-alang sa kaniyang kapatid na si Tamara.
Pinilit niyang umiwas ng tingin ngunit sadyang ayaw magpatinag ng kaniyang nararamdaman ngayon. "A-ano ba kasing sasabihin mo? Akala ko ba ay bigla kang nagbago sa akin?"
Hinuli nito ang kaniyang tingin. "Paanong nagbago? Manhid ka ba talaga, Kara?" Doo'y kumorte nang pagkunot ang noo niya habang hinihintay ang sunod na sasabihin nito, "Alam mo bang nasasaktan ako sa mga narinig ko kaya ginusto kong makausap ka nang masinsinan?" Pinagdiinan ni Yvo ang mga katagang sinabi nito kung kaya't hindi maiwasang manginig ng katawan niya sa kaba. Katumbas nang pag-aasam niyang narinig nito ang usapan nila kanina nina Tamara at Margaret. Doo'y hinawakan pa siya nito sa magkabilang balikat habang sinesentro ng tingin. Tipong para siyang icing sa cake na p'wedeng matunaw anytime. "Akala ko ba ay gusto mo rin ako?" Bahagyang napataas ang kilay niya. "E, bakit pumapayag ka lang na mapalapit ako sa iba?" Doon na ito napalihis ng tingin. Habang mas naging klaro naman sa kaniya ang mga sumunod na narinig. "Narinig ko kayo kaninang magkausap ng kapatid mo, at pumayag ka sa kagustuhan niya na mapalapit ako sa kaniya."
"Yvo.. hindi mo naiintindihan--"
"Hindi ko maiwasang mainis sa'yo kasi gano'n lang kadali sa'yo na balewalain ang nararamdaman mo para sa akin. Pero mas naiinis ako sa sarili ko, kasi hindi ko mapigilang gawin 'to sa'yo." Sandali siyang natigilan sa biglang pagyakap nito sa kaniya. At tila ba ang bigat na nararamdaman niya ay unti-unting napawi, na tila ba mas pinararamdam nito na hindi niya dapat sukuan ang nararamdaman para rito.
Ilang sandali pa'y pareho silang napatitig sa isa't isa nang magawa niyang humiwalay sa yakap. At kasabay niyon ang unti-unting pagpatak ng luha niya. "Yvo kung hindi ko susundin ang kagustuhan ni Ate Tamara ay baka mauwi lang sa wala ang lahat nang pinaghirapan ni papa. Alam mo bang nagbanta siya sa akin na isusumbong niya ako kay mama dahil ilegal ang trabahong pinasok ko? At kapag nangyari 'yon, unang kikwestyunin ni mama si papa. At doon na magkakaroon nang gulo. Isa pa ay p'wede kayong madamay, Yvo, ayon ang ayokong mangyari.. at kahit gusto kita, mas gugustuhin ko na lang na magparaya para sa kapatid ko."
"Ano bang tingin mo sa akin, Kara? Na isang laruan? Na p'wede mong ibigay kung kani-kanino kapag ginusto mo lang?" Bahagyang napaawang ang kaniyang labi.
"Hindi mo talaga ako naiintindihan, Yvo--"
"Hindi talaga kita iintindihin dahil ikaw lang ang gusto ko, Kara! Ikaw lang!" Animo'y nagliparan na naman ang paru-paro sa kaniyang tiyan. Wari ay nakikisaya sa sandaling sila lamang ni Yvo ang magkasama.
Subalit kapantay ng mga katagang iyon ay ang unti-unti nitong paglayo sa kaniya. Doo'y sinubukan niya pa itong tawagin. "Yvo.."
At tila ba nagbago ang ihip ng hangin nang muli itong naging malamig sa kaniya. "Halika na, sigurado akong hinahanap na tayo ng iyong ama."
Tahimik sila pareho nang makabalik sa pabrika at dahil laman pa rin ng isip niya ang naging usapan nila ni Yvo ay hindi niya magawang intindihin ang panenermon ng kaniyang ama. "Hindi ka dapat umaalis nang walang paalam, Karadine! At isa pa, bakit pareho kayong wala ni Yvo kanina?"
Napapikit siya ng sandaling iyon. Tila ayaw na niyang marinig pa ang boses ng kaniyang ama. Hanggang sa bahagyang napanatag ang kalooban niya nang magawa siyang pagtakpan ni Yvo. "Ah, e, nagkataon lang, boss, na nakita ko si Ma'am Kara habang nagpapahangin sa labas. Kaya, isinabay ko na rin siya sa pagpasok kanina."
Binigyan sila nang magkapares na tingin ng kaniyang ama habang banayad nitong tinapik-tapik ang balikat ni Yvo at pasimpleng bumulong, "Ayus-ayusin mo lang na nagsasabi ka ng totoo, Yvo. At kahit pinahanga mo ako ngayong araw, ibang usapan na kapag tinalô mo ang sarili kong anak."
Lumipas pa ang mga araw at mas nagpursige si Karadine sa training ng kaniyang martial arts at shooting range. Pero dahil naging abala si Ken sa ibang kliyente nito ay sina Yvo at Renzo na muna ang ipinagkatiwalang makasama niya sa training. Na sa katunayan ay dapat lang talaga nilang magsanay tatlo bilang paghahanda sa kanilang nakatakdang misyon. Doo'y hindi naiwasang magpakitang gilas ni Renzo sa kaniya habang patuloy lamang na malamig ang pakikitungo sa kaniya ni Yvo.
Hindi niya nga alam kung saan ba nanggagaling ang galit nito dahil sa tuwing sila ang maghaharap sa paglaban ay sadyang makahulugan ang bawat tingin nito sa kaniya. Pero kahit gano'n ay hindi nawala ang focus niya sa pakikipaglaban at madalas pa nga ay siya ang nananalo sa kaniyang pakikipaglaban dito sa martial arts.
Hanggang sa nakahalata na si Renzo sa kanilang dalawa. "Sandali lang, bakit parang may galit kayo sa isa't isa? Parang totoo na magkalaban kayo, e," napapailing na anito matapos uminom ng maraming tubig.
Doon naman nagawang umiling ni Yvo. "Sadyang seryoso lang kami sa ginagawa, Renzo, hindi mo kailangang magbigay kahulugan."
"Gano'n ba 'yon? Pero hindi ba p'wedeng kunin natin ang pagkakataon na 'to para mas maging malalim pa ang pagkakaibigan natin kay Madam Karadine? Hindi ba, madam?"
Bahagyang napangisi si Karadine. "Alam mo, Renzo, hindi pa rin talaga ako sanay na tinatawag mo akong madam. Saka kung kaibigan pala ang turing mo sa akin ay bakit kailangan mo pa akong tawaging madam?" aniya habang tinatanggal na ang mga nakasuot na arm sleeve sa kaniyang braso. Tutal naman ay mamaya pa ulit sila magsisimula at nakadadagdag lamang iyon sa init na kaniyang nararamdaman.
"Kung ganoon ay ayos lang sa'yo na tawagin kita sa iyong pangalan lamang?"
Tipid siyang napangiti at napatango. "Oo naman." Animo'y bahagya siyang natigilan nang maaktuhan niyang nakatitig sa kaniya si Yvo habang gano'n din naman si Renzo na maganda ang ngiti sa kaniya.
"Wow! Salamat, Karadine! Alam mo, sa totoo lang, hindi talaga ako pabor sa kagustuhan ni boss na hindi dapat kami mapalapit sa'yo. Kasi sino ba naman ang hindi gugustuhin na mapalapit sa'yo, bukod sa maganda ka na, ang bait mo pa!"
Hindi niya maiwasang mapangisi sa taglay na kapilyuhan ni Renzo, samantalang si Yvo ay hindi man lang magawang makisali sa usapan nila, bagay na ikinababahala niya. Pero dahil ayaw niya naman na makaramdam ng awkwardness ay siya na mismo ang nagsimulang kumibo rito. "E, ikaw ba, Yvo? Hindi ka rin ba pabor sa kagustuhan ni papa?" Sandaling nagkaroon ng katahimikan habang pareho nilang hinihintay ni Renzo ang kasagutan ni Yvo.
Hanggang sa hindi niya inaasahan ang isasagot nito, "Pabor ako." Bahagya siyang nakaramdam ng kalungkutan. Pero agad naman iyong napawi nang muli itong magsalita, "Kahit naman anong maging desisyon ko, tumutol man ako o pumabor, karapatan kong sundin ang nararapat." Hindi niya maintindihan kung saan ba nagmumula ang pinaghuhugutang salita ni Yvo, ngunit sigurado siya na siya ang dahilan kung bakit bigla ulit itong naging malamig sa kaniya.
-
"Karadine! Nagtatampo na ako sa'yo, akala ko ba ay lalabas tayo kapag nag-rest day ka? Bakit hindi mo naman ako sinabihan noong mga nakaraang araw? Na kung hindi ko pa nabalitaan kay Isabel ay hindi ko pa mababalitaang nag-stay ka lang dito sa mansyon," may pagtatampong sabi ni Rosanna nang maabutan siya nitong pauwi na ng mansyon. Kung saan ay pinayagan siya ng ama't ina na makausap muna ito sa may sala.
"E, Rosanna, gusto ko lang kasi talagang magpahinga ng araw na 'yon. Parang lamog na lamog kasi ang katawan ko sa trabaho," aniya.
Doo'y hindi naman napigilang makaramdam ng awa ng kaniyang matalik na kaibigan. "Hay, ikaw naman kasi, masyado ka naman yatang nagpapakapagod sa trabaho mo, e. Kung tutuusin, hindi mo naman kailangang magpa-impress kay Tito Renato dahil heredera ka na."
Bahagya siyang napangiti. "Ano ka ba, Rosanna, kahit tagapagmana na ako ay gusto ko pa ring matutuhang paghirapan ang isang bagay. Isa pa, ginagawa ko 'to, hindi lang para mapa-impress sina mama't papa. Kundi para na rin sa ikabubuti ng lahat."
"Naks! Para namang nakasalalay sa'yo ang kapalaran ng inyong pamilya, hah? Pero maiba nga tayo, ano rin itong nabalitaan kong may nagugustuhan ka na raw? Ikaw, hah? Nakakatampo ka na talaga!"
"Hah? Sinabi sa'yo ni Isabel, 'no?" Doo'y bahagyang napataas pa ang kilay ni Rosanna habang ngingisi-ngisi. Bagay na inaasahan niya namang magiging reaksyon nito.
"Si Isabel talaga, o--"
"E, ano nga kasi? Totoo nga ba? At saka, sino?"
"Hay naku, Rosanna. Hindi na mahalaga 'yon. Isa pa, ay hindi lovelife ang priority ko ngayon."
Para namang nadismaya si Rosanna sa narinig. "So, gano'n lang 'yon? Hindi mo ba ipaglalaban ang lalaking 'yon?"
Doon siya tipid na natawa. "At bakit ko naman siya ipaglalaban, aber? E, gusto nga rin siya ni Ate Tamara."
"Ano? O, e, ano ngayon? E, kung ikaw din naman ang gusto ng lalaki, bakit hindi mo siya ipaglaban?" Sandali siyang napabuntong hininga sa katanungang iyon.
"Rosanna, hindi gano'n kadali ang sitwasyon namin ni Yvo--"
"Ay, Yvo pala ang pangalan niya! Naku! Kagwapo naman pala ng pangalan, sigurado akong gwapo rin 'yan!" Hindi na naiwasan pang mapalakas ng tinig ni Rosanna kaya naman agad niyang tinakpan ang bibig nito.
"Ano ka ba, 'wag kang maingay!"
"Sorry, excited lang talaga ako na magkaka-boyfriend na ang best friend ko!" Doon siya mas hindi napakali lalo na nang sandaling makita niya sina Tamara at Margaret na paparating.
At nang sandaling iyon ay hindi na sila nakaligtas sa tinugon ni Tamara, "Ano? Totoo bang magkaka-boyfriend ka na, Karadine?"