Chapter 19
Grandfather
Tahimik na nakaupo na lamang sila sa bench ng cottage at parehas na tinatanaw ang magagandang bulaklak.
Magkatabi silang nakaupo at magkahawak-kamay. Pagkatapos nang yakapan nila kanina ay inaya siya ng binata na umupo at manatili na muna sa garden habang tanaw ang magandang view.
Wala silang imikang dalawa. Paminsan-minsan ay nararamdaman ni Ross ang pagpisil nito sa mga kamay niya.
Sobrang higpit ang pagkakahawak nito sa kamay niya. Na para bang mawawala siya at ayaw siyang pakawalan nito.
Napatingin siya kay Jorden. Seryoso ang guwapo nitong mukha. Kitang-kita niya ang matangos nitong ilong. Ang mahahaba nitong pilik mata.
"Guwapo ba ako, Ross?" tanong nito sa kanya na hindi man lang nakatingin. Diretso ang tingin nito sa mga bulaklak.
'Guwapo, means handsome.'
Napangiti siya at gamit ang kanyang daliri ay pinausdos niya ito sa matangos na ilong ni Jorden.
Napangiti ito at napatingin sa kanya. Ginantihan niya rin ito ng matamis na ngiti. Sobrang guwapo naman talaga nito kapag nakangiti. Ibang-iba ito kumpara sa unang beses na nakita niya ito.
Patuloy pa rin ang daliri niya sa paglandas sa ilong nito pababa sa labi nito. Tinitigan niya ito sa mga mata at ibinaba na niya ang kanyang kamay nang mabilis na inagaw ni Jorden ang kamay niya.
"Oops..."
***
Nakangiting naglalakad si Rie patungo sa direksyon ng garden. Nagdala siya ng pagkain para sa kanila ni Ross. Sigurado siyang nagugutom na ito sa kakahintay sa kanya.
Pero nasa pintuan pa lamang siya ng garden nang makita niya si Ross na may kasamang lalaki.
Gulat ang kanyang reaksyon nang makilala ang kasama nito. Napatakip siya sa kanyang bibig at hindi makapaniwala. Namimilog ang kanyang mga mata.
"S-si kuya Jorden, iyon ah," mahinang sambit niya at bahagyang umatras. Nagtago siya sa gilid ng pintuan at muling tiningnan sina Ross.
"Paano sila nagkakilala? Wah! Anong mayroon?"
Mas nagulat pa siya nang masaksihan ang pagngiti ni Ross.
Si Ross na paminsan-minsan lamang itong ngumiti at parang binibili pa sa presyong pinakamahal.
Hinahawakan ni Jorden ang kamay ni Ross at mukhang close nga ang dalawa.
Napangiti siya at tahimik na lumabas. Kinikilig siya kina Ross at Jorden. Hindi niya alam kung ano na nga ba ang status ng dalawa. Talagang may something ang mga ito.
Excited siyang malaman ang relasyon ng dalawa at gusto niyang tanungin ang ate Ross niya kung saan ba ang mga ito nagkakilala.
Masaya siya dahil bukod sa kanila ay may isang tao pa ang kayang magpangiti kay Ross. Pasayahin ito.
***
Tumayo si Jorden at dahil magka-holding-hands sila ni Ross ay napatayo na rin ito. Nagulat pa ito sa kanyang ginawa.
"You can't escape again," sambit niya at hinapit niya sa baiwang ang dalaga saka niya inayang maglakad palabas.
Hindi patungo sa cottage, hindi sa labas ng bahay-bakasyunan, hindi sa pool. Kundi sa kuwarto niya. Gusto niyang ma-solo ang dalaga at tanungin ito kung bakit hindi na niya ito nakikita pa.
Gusto niyang malaman kung iniiwasan ba siya nito o nagalit ba sa kanya noong nakita siya nito na may kahalikang ibang babae. May pakiramdam kasi siya na iyon ang isang rason kung bakit nawala ito ng ilang mga araw.
Pero naisip niya na hindi pala nakakapagsalita si Ross. Napabuntong-hininga na lamang siya. May paraan kaya na puwede niyang makausap ang dalaga?
***
Pagkapasok nila sa loob ng kuwarto ni Jorden ay pinaupo siya kaagad nito sa maliit na sofa. Sinunod na lamang niya ang kagustuhan nito.
Hindi na lumabas si Jorden para magpadala ng pagkain. Tinawagan na lamang niya ang staff nila na naka-assign sa kusina.
Mahirap na kasi baka aalis na naman ang dalaga. Iiwan na naman siya nito. Mawawala na naman ito at hahanapin na naman niya ito.
Nilibang na muna ni Ross ang kanyang sarili sa pagtatanaw ng mga magagandang paintings. Habang si Jorden ay nakatayo malapit sa pintuan at hawak ang cellphone nito.
Sinulyapan niya saglit ang binata at medyo nagulat pa siya nang makitang nakatingin pala ito sa kanya.
Kinindatan siya nito at napangiti na lamang siya.
Muling pinasadahan niya nang tingin ang isang malaking painting. Ang painting na unang nakaagaw ng kanyang atensyon pagkapasok pa lamang niya sa loob ng silid ng binata.
Gusto niyang mahawakan ulit ang painting. Para kasing may naaalala siya. Pamilyar ito sa kanya. Parang nakita na niya na ewan.
She stood up from the sofa and slowly walk towards the wall. Bawat hakbang niya ay sumasabay ang mabilis na pintig ng puso niya.
Humugot siya ng isang malalim na hininga at bahagyang tinapik-tapik ang kanyang dibdib. Walang tigil ito sa pagtibok nang mabilis. Bumibigat ang kanyang mga hakbang, hanggang sa makalapit siya sa pader na kung saan nakasabit ang painting.
Naninimbang na tiningnan niya ito at inangat niya ang kanyang kanang kamay para abutin ang painting.
Gulung-g**o ang isip niya. Malakas ang pakiramdam niya na nakita na niya ito sa kung saan.
Hinaplos niya ang painting at naroon pa rin sa puso niya ang pagpintig nang mabilis.
Kung siya ang tatanungin kung ano ang masasabi niya sa painting na ito ay ang masasabi niya.
Isa itong inspirasyon sa bawat tao, kitang-kita niya sa mga mata nito ang pighati, paghihirap, at lungkot ngunit nangingibabaw sa mga mata nito ang matagumpay.
Isang matagumpay ang nababasa niya sa mga mata nitong kumikislap. Kahit na ganito ang ayos at pananamit ng lalaki ay alam niya na pagkatapos ng paghihirap nito sa buhay ay nagtagumpay pa rin ito.
Hindi siya sigurado pero iyon ang nakikita at naradamdaman niya.
Isang lalaki na may luma at sirang damit na itim ang kasuotan nito.
Magulo ang mga buhok pero hindi nabawasan ang kagandahang lalaki nito. Nakatayo ang lalaki sa painting at tanging asul na karagatan lang ang paligid nito.
Kung pagmamasdan lamang ito sa malayo ay para siyang isang pulubi. Pulubi na nakatira sa lansangan.
Ngunit kung pagmamasdan mo sa malapitan at pagmamasdan mo nang maigi ay mababasa at makikita mo kung ano ang nasa likod ng painting na ito.
Sigurado siyang tagumpay sa buhay ang nakikita niya sa mga mata nito. Lalo pa ang busilak na luha nito sa mga mata. Ang mapait na ngiti at malamlam na mga mata.
'He looks...'
"It's my grandfather."