Ang tahimik na kuwarto na nababalutan ng puting pintura ay nagsilbi na niyang selda. Kahit marahil paggapang ng ipis—kung meron man—ay kaya nang umabot sa kanyang pandinig. Nakakasuka ang malinis na paligid na nangangamoy kemikal...o gamot, hindi niya alam. Ang TV na tanging pag-asa para man lang makalikha ng kaunting ingay ay ipinagkait sa kanya. Hindi man lang niya nasilayang nakabukas iyon simula nang napunta siya roon. Nakakasakal. Ano'ng oras na ba? Ano'ng araw na? Napatitig si Allen sa labas ng bintana. Dahil mataas ang kanyang kinaroroonan, mula sa kamang kanyang kinalalagmakan, ang tanging naaabot ng kanyang paningin ay ang iilang sanga ng punong-kahoy sa unahan ng building. Ano kaya ang hitsura ng paligid sa ilalim niyon? Marami bang tao? May mga tindahan? O isang tahimik na

