Chapter 36: Malas Parang binagsakan ng langit ang mundo ni Lori nang makita niya ang nagkalat na bote ng mga alak sa sahig. Nakakapanlumo makita na sa kama ninyong mag-asawa ay natutulog ang iyong kabiyak, katabi ang iyong kapatid, kapwa sila hubo't hubad. Isang malaking pagkakamali na bumalik pa si Lori sa Hacienda. O baka tadhana na mismo ang nagdala sa kanya para masaksihan mismo ng kanyang mga mata ang kababalaghan na ginagawa ng dalawa. Ayaw na niyang mag-isip pa. Hindi na kayang iproseso ng kanyang utak kung ano ang kanyang nakita. Hindi na kayang i-justify ng puso't isip niya ang eksena. Paano ito itatanggi ni Ivan at bibigyan ng palusot? Wala nang kailangan pang ipaliwanag. Sapat na ang nakita niya. Hindi na siya nag-abala pang manugod, magwala, o gisingin man lang ang dalawa.

