Title: My Love for you is Real
written by: Miss_Choi
Genre: Romance
CHAPTER 2
Makalipas ang halos sampung taon mula nang mamatay ang ama ni Rafael ay isa na siyang ganap na pulis. Nagkataon na siya ang naka-duty nang may biglang pumasok na babae sa station para humingi ng tulong.
"Mamang pulis, kailangan ko po ng tulong niyo! Pinasok po ang boarding house ko at hindi ko po alam kung safe pa ba akong matutulog doon. Ano po ba ang dapat kong gawin?" tanong ng babae na nagrereklamo.
Pasimpleng pinasadahan ng tingin ni Rafael ang babae na ang hinuha niya ay nasa dalawampung taong gulang mahigit na. Kulot at mahaba ang buhok, maganda ang kurba ng katawan kahit na hindi katangkaran, mahaba ang pilik mata, at parang hugis puso ang mukha. Napaisip siya saglit dahil parang may kamukha ito, hindi niya lang matandaan.
Tumikhim muna siya bago bumaling sa kasama niyang pulis. "Mark, mabuti pa siguro umuwi ka na at hinihintay ka na ng asawa mo. Ako na ang bahala sa kanya," wika ni Rafael.
"Sige po, sir, mauna na po ako. Salamat po,” wika ni Mark, sumaludo muna ito sa kaniya bago magmartsa palabas ng pinto. Nang tuluyan nang makaalis ang kaibigan ay hinarap niya ang babae,
"Ano ba ang problema mo, Miss?" tanong ni Rafael habang tinitingnan ang mukha ng babae.
"Pinasok po kasi ng magnanakaw ang boardng house ko, sir. Nakabukas na ang pinto nang dumating ako, pagtingin ko sa loob ay nagkalat na ang lahat ng gamit ko. Pati sa kuwarto ay gano’n din,” salaysay nito.
"Mabuti pa ho na sumama ako sa boarding house niyo ngayon para makita ko ang lugar. Baka may makuha tayong ebidensiya laban sa nanloob sa inyo,” saad niya. Maaaring hindi lang pagnanakaw ang pakay nito, kailangang pumunta siya mismo roon para masiguro ang lahat.
"Kung ganoon, tayo na po," pagyaya ng babae.
"May sasakyan ka ba?".
"Wala po, magco-commute lang po ako, sir," nahihiyang sagot nito.
"Mabuti pa sumabay ka na lang sa akin. Parehas lang naman tayo ng pupuntahan," suhestiyon niya, lihim siyang napangiti.
"Bakit, ano ba ang dala mong sasakyan?" asik ng babae.
"Motor, parang ako, single,” pagpapahiwatig ni Rafael. “At isa pa, wala ka nang masasakyan dahil gabi na. Kung magta-taxi ka naman, sayang naman ang pamasahe. Mas maganda kung sa akin ka sasabay, makakatipid ka na, safe ka pa,” dugtong niya.
Kinuha ni Rafael ang motor saka tumigil sa harap nito. "Sakay na. ‘wag kang mag-alala, walang magagalit. Single ako," wika niya.
"Ang kapal naman ng mukha ng lalaking ‘to! Akala mo naman kung type ko siya. Excuse me, ayoko ng pulis, ‘no!" wika ng babae sa kanyang isip.
Nanlaki ang mga mata ng babae nang isuot ni Rafael ang helmet sa kaniyang ulo, nagtakang napatingin ito kay Rafael, inilahad ni Rafael ang palad niya upang alalayan ang babae na makasakay ng kaniyang motor.
"Bakit kasi ang taas ng motor mo? Hindi tuloy ako makasampa," reklamo nito.
"Kasalanan ba ng motor ko kung napakaliit mo?" pangangatwirang naman ni Rafael, pilit na itinatago ang kaniyang pagtawa.
"Nang-iinsulto ka ba?" galit na turan nito.
"Hindi naman, nagsasabi lang ako ng totoo," depensa niya sa sarili habang tumatawa nang palihim. Nang makasakay na ito ay hinawakan ni Rafael ang dalawang kamay ng babae at inilagay sa kaniyang beywang.
"Kumapit ka ng maigi para hindi ka mahulog,” bilin niya. “Sabagay, kapag nahulog ka, sasaluhin kita," dugtong niya pa.
"Ang corny mo!" asik ng babae sa kaniya na ikinatawa niya na lang.
Pinaandar ni Rafael ng matulin ang motor kung kaya’t napakapit ito ng mahigpit sa kanya.
Diyos ko naman! Gusto na yata nitong magpakamatay, pati ako dinamay pa!" nag-aalalang wika ng babae sa kaniyang isip.
Hindi nito napansin na nakarating na sila sa boarding house dahil mahigpit pa rin ang kapit nito sa beywang ni Rafael.
Napangisi siya. "Nandito na tayo, na-enjoy ka na yatang yakapin ako," tukso niya dito.
Mabilis naman itong napamulat nang marinig iyon. Paasik nitong itinulak ang binata dahil sa pinaghalong inis at hiya.
"Nag-enjoy ka dyan? Hoy! Ikaw lalaki, ha! Kung plano mong magpakamatay ‘wag mo akong idamay dahil may mga pangarap pa ako na gusto kong tuparin,” bulyaw nito sa mukha ni Rafael.
Dali-dali itong pumasok ng bahay. Napangiti na lamang siya at nasabi sa sarili na, ‘Ang sungit, pero ang cute niya kapag nagsusungit. At isa pa ngayon lang ako nakaharap ng kagaya niya," wika niya sa kanyang isipan.
Sumunod na rin siya sa loob at sinimulan ang pagsusuri sa pinto.
"Mukhang pinilit pumasok ng magnanakaw dito, ah? May nawala ba sayo?" tanong ni Rafael nang mapansin ang sirang doorknob na tanda ng pagpupumilit makapasok sa loob.
"Wala namang nawala. Sadyang magulo at nagkalat ang mga damit ko sa kuwarto. Mabuti na nga lang at dala ko itong laptop, kung hindi ay baka ito ang kinuha.”
Sunod na tinungo ni Rafael ang kuwarto. Nahagip ng kaniyang mata ang isang picture frame, nakasulat doon ang pangalan na Angela.
‘Angela siguro ang pangalan ng babaeng ito,’ bulong ni Rafael sa kaniyang isip.
"Angela?" pagtawag niya habang nakangiti. Gulat itong bumaling sa kaniya.
“Paano mo nalaman ang pangalan ko?" kunot-noong tanong ni Angela.
"Hindi na mahalaga ‘yon, ang mahalaga ay nalaman ko na ang pangalan mo, Angela.
Bagay ang pangalan mo sa ‘yo, mukha kang angel na bumaba sa lupa."
"Hoy, bolero! Hindi mo ako madadala sa pambobola mo!" Pagsusungit ni Angela sa kaniya.
"May pangalan ako, Rafael Del Rosario ang pangalan ko,” pagpapakilala niya, inilahad niya pa ang kaniyang palad.
‘Del Rosario? Kung gano'n, siya nga yata ang hinahanap kong tao,’ wika ni Angela sa kanyang isipan. Hindi nagpahalata si Angela sa kaniyang nalaman.
"Alam mo na ang pangalan ko, 'di ba? Kaya hindi mo na kailangan pa ng shakehands,” asik ni nito.
"Ganyan ka ba talaga?"
Walang nagawa si Angela at napipilitang inabot ang kamay na nakalahad. "Ayan na, ah! Hinawakan ko na para wala kang masabi, baka mamaya masabihan mo pa akong bastos.”
Tatanggalin na sana ni Angela ang palad niya mula kay Rafael ngunit mas lalo lamang na hinigpitan ni Rafael ang pagkakahawak dito.
"Ano ba?" pagtataray nito.
"Sorry, napahigpit ang hawak ko. Ang lambot kasi ng palad mo," wika ni Rafael nang may ngiti sa labi.
"Paano na nga pala 'yan? Ano’ng gagawin ko? Mag-isa pa naman ako dito sa loob ng boarding house ko. Paano ‘yong pintuan ko? Sira pa naman ang lock, baka mamaya pasukin ako ulit ng magnanakaw," sunod-sunod na tanong ni Angela, bakas ang pag-aalala para sa sarili.
"Huwag kang mag-alala, nandito naman ako, hindi kita pababayaan. Babantayan kita hanggang umaga,” sinserong usal ni Rafael. “Mabuti pa ay ayusin mo na iyang gamit mo para makapagpahinga ka na. Doon lang ako sa labas, sumigaw ka lang at darating ako agad. Huwag mo kakalimutang i-lock ang pinto sa iyong kuwarto.”
Pagkasabi no'n ay lumabas na ito ng pinto para magbantay sa labas. Saglit itong umalis sa kaniyang puwesto para bumili ng kape sa tindahan.
Sinilip naman ni Angela si Rafael sa bintana.
‘Infainess, ah! Ang bait niya, pero ayoko pa rin sa pulis. Pero kailangan ko pa ring mapalapit sa kaniya para makahingi ng tawad,’ wika ni Angela sa kanyang isipan.