DAHIL wala nang ibang mapuntahan pa si Zac ay bumalik na lang siya sa opisina niya, agad naman siyang sinalubong ni Denice na siyang acting secretary niya.
“So, what happened?” malambing na tanong nito sa kaniya pagtapos ay kumandong pa. Yes, acting secretary pero ang totoo ay matagal na niyang kasama ang babaeng ito.
“Can you please don’t talk to me for now?” walang ganang sabi niya sa dalaga.
“Baka kapag hindi talaga kita kinausap, eh, maglupasay ka riyan,” taas-kilay na wika nito pagtapos ay umalis sa kandungan niya pero bago ito tuluyang makaalis ay kinabig niya ito kaya naman napaupo ulit ito sa kaniya.
“See?” nakangusong wika nito. “So, what’s with that face?”
“That stúpid, Ariyah!” Galit na namang sigaw niya nang maalala. “Ayon ang nagpabuntis sa iba! Tapos no’ng 10th anniversary pa namin ‘yon nangyari.”
“Oh, ‘di ba? Sinasabi ko naman kasi sa ‘yo na matagal ka na ring niloloko niyang babae na ‘yan. Konsensiyang-konsensiya ka nang tayo ang magkasama no’ng anniversary niyo iyon naman pala ay may kasama rin siyang iba. Iba rin pala!” naiiling na wika nito. “So, anong plano niyo ngayon? Siguro naman hindi ka na magpapakasal sa kaniya?”
“Of course, bakit ko naman aakuin ‘yong batang hindi naman sa ‘kin. Saka siya na itong gumawa ng paraan para hindi matuloy ang kasal. Alam mo naman na kaya ko lang minamadali ang kasal ay dahil sa kondisyon ni Daddy na hindi ko makukuha ang kompanyang ito hangga’t hindi ako naikakasal sa anak ng kumpare niya.”
“Siguro naman magiging legal na ang relasyon natin niyan?” Doon na naging malapad ang ngiti nito at doon na rin tuluyang nawala ang inis niya. “Pero bakit galit na galit ka sa kaniya, eh, maganda nga ‘yon nagkaroon ka ng dahilan ngayon para hindi na matuloy ang kasal.”
“Siyempre! Ang tagal naming magkakilala tapos hindi naman siya nagpagalaw sa ‘kin ‘yon pala sa iba magpapagalaw! That’s bullshít, okay?” Nagbago na naman ang mood niya nang maalala ang lahat.
Kahit kailan naman hindi siya naging seryoso sa relasyon nila ni Ariyah kaya nga tumatagal siya na hindi naman sila nagkikita nito. Talaga lang na hindi niya gusto ang ideya na may ibang lalaking nakagalaw rito.
“MA, anong gagawin ko ngayon?” umiiyak na tanong ni Ariyah sa kaniyang ina. Kasalukuyan pa rin silang nasa loob ng hospital room kung saan siya iniwan nila Zac.
“Kaya nga tinatanong kita, ‘di ba, kung desidido ka talagang buhayin ang batang ‘yan? Kasi kung hindi naman may kakilala ko, in that way, kahit paano maisasalba natin ang kahihiyan m—”
“No, Ma!” putol niya sa sasabihin nito nang maintindihan kung ano ang ibig nitong sabihin. “Kahit hindi ko kilala ang ama ng batang ‘to o kahit hindi ko alam kung anong klase siyang tao, hindi ko ‘yan kayang gawin dahil wala namang kasalanan ang bata sa mga nangyayari. Kung mayroong dapat na sisihin ako lang ‘yon at hindi ko siya idadamay sa mga maling desisyon pa na gagawin ko sa buhay.”
“Kung gano’n naman pala, let’s go!” aya nito sa kaniya kaya nagsalubong naman ang kilay niya.
“At saan naman tayo pupunta, Ma?”
“Anong saan? Eh di, doon sa lalaking gumawa sa ‘yo niyan!” bulyaw naman nito sa kaniya. “Ngayong alam na ni Violeta ang tungkol sa pagbubuntis mo siguradong kakalat na ‘yan. Sopistikada lang ang babaeng ‘yon pero tsismosa rin ‘yon!” Galit pang dagdag nito. “Tama na ‘yong paulit-ulit na pangiinsulto na ginagawa niya sa amin. Kung dadagdagan mo pa, Ariyah, maawa ka naman sa amin.”
Alam naman niya iyon at hindi lingid sa kaniya kung paano laiitin ng ina ng fiancé niya ang buhay na mayroon sila. Although, hindi naman sila masasabing kapos at hirap sa buhay pero hindi sila kasing yaman ng pamilya nito. At ngayon lang niya nakikita kung gaano pala kalaking epekto noon sa mga magulang niya.
Kaya naman ng lumabas ang Mama niya ay sumunod na rin siya. Ayaw na niyang dagdagan pa ang sama ng loob ng mga ito. Katulad ng inaasahan niya ay sa hotel siya dadalhin nito.
“Mabilis lang kumalat ang tsismis kaya kailangan nating makausap ‘yang hayop na ‘yan at pananagutan ka niya sa ayaw niya at sa gusto!” matigas na wika ng Mama niya habang papasok sila ng entrance ng hotel.
Nang makita sila ng mga staff na nasa reception area ay agad na tumakbo ang isa papasok ng opisina at paglabas nito ay kasama na nito ang manager.
“Kanina pa po namin kayo hinihintay,” nakangiting salubong nito sa kanila.
“Huwag mo kong mangitingitian diyan baka sampalin kita!” mataray na wika ng Mama niya kaya bigla namang nawala ang ngiti sa mukha ng manager. “Nasaan ang gusto kong makausap?”
“Dito po muna tayo sa loob,” aya nito sa kanila kaya sumunod naman sila. “Maupo kayo, itinawag ko na po kay Boss na nandito na kayo may kausap lang daw siya sa taas kaya hindi pa siya makababa.”
“Baka pwedeng pakisabi na bilisan din niya dahil marami rin kaming kausap!” Naiinis na wika ng Mama niya kahit ang totoo wala naman siyang alam na kausap nila.
“Ano po palang pakay ninyo kay Sir?” tanong nito kaya salubong ang kilay niya na napatingin dito.
“Ano bang pakialam mo? Saka ‘di ba alam mo na naman ang nangyari dito sa anak ko kaya huwag nga kayong magpatay malisya!” Mas lalo yatang umusok ang ilong ng Mama niya dahil sa tanong nito.
“Oo nga po,” parang naiinis na ring tugon ng manager. “Kasi po kung gusto niyong manghingi ng danyos, ang advise ko lang po sabihin niyo na agad ng direkta kay Sir para hindi na rin mahaba ang usapan kasi marami rin naman pong naaabala sa mga nangyayari,” usal nito na halatang naiinis na rin pero pinipilit pa ring maging magalang sa harapan nila.
“Anong sabi mo?” Doon na napatayo ang Mama niya at lumapit sa manager. “Danyos? Baka hindi mo alam kung anong sinasabi mo! At baka gusto mong sampalin kita ng pera ngayon dito!” Napaatras naman ito sa bantang iyon ng Mama niya. “Kung pera ang habol namin hindi kami magsasayang ng oras na pumunta rito!”
“Pasensiya na po!” biglang paghingi naman nito ng paumanhin. “Karamihan kasi ng gustong makausap ang Boss namin ay gusto lang humingi ng malaking halaga!”
“Pwes ibahin mo kami, gaga ka!” Galit na mura dito na Mama niya. “Kung hindi nabuntis niyang amo mo itong anak ko hinding-hindi kami pupunta rito! At kung pera ang habol namin, eh di sana pagtapos pa lang ng may nangyari eh nagpunta na kami rito! Kasal ang habol ko para sa anak ko! Gusto kong panagutan niya ang anak ko at gusto kong isalba niya sa kahihiyan ang anak ko!” Alam niyang gustong-gusto nitong sampalin ang babaeng nasa harapan nito pero nagpipigil lang ito.
“Pananagutan ko ang dinadala ng anak mo,” isang baritonong tinig ng lalaki ang nagpalingon sa kanilang dalawa ng Mama niya.