GALIT na galit ang Mama ni Ariyah nang makapasok sila ng hotel. Hinanap agad nito ang manager at nang makita siya nito ay parang agad naman siyang nakilala dahil dinala agad sila nito sa opisina nito.
“Ma’am, can you please calm down?” mahinahong awat ng manager sa Mama niya.
“Calm down? Nagpapatawa ka ba? Paano ako hihinahon kung ganito ang nangyari sa anak ko? Nasaan ba ang may-ari ng hotel na ‘to at gusto kong ireklamo ang kapalpakang ginawa ninyo!” sigaw ng Mama niya. Naikuwento na kasi niya ang buong pangyayari. At kahit anong galit nila pareho ay alam naman niyang hindi na noon maibabalik ang lahat. “Kung hindi niyo siya ipapakausap sa akin mapipilitan akong mag-report sa kahit saang ahensya ng gobyerno para lang matanggalan kayo ng permit!” banggit pa nito.
“Naka-out of town po kasi ang boss namin. Kung gusto niyo po pwede naman kayong bumalik dito bukas dahil bukas pa po ng umaga ang balik niya.”
“No! Gusto ko siyang makausap ngayon kaya ngayon mo siya papuntahin dito!” pagmamatigas ng Mama niya.
“Ma, kahit anong pilit natin hindi na rin naman maaayos ang lahat,” awat na niya rito dahil sa totoo lang ay nai-stress siya sa ginagawa nito. Hindi rin kasi niya alam kung paano niya haharapin ang lalaki.
“At ano hahayaan mo na lang na ganiyan ang mangyari sa ‘yo!?” Galit na namang baling nito sa kaniya. “Haharapin mong mag-isa ang kahihiyang ginawa niya sa ‘yo pagkatapos siya magpapakasarap na lang!? Huwag kang tanga, Ariyah!”
“Ano bang gusto mo maghintay tayo rito hanggang bukas pagdating niya?” salubong ang kilay na tanong niya rito. “Kahit anong pilit mo na gusto mong makausap ‘yong tao kung wala siya rito wala tayong magagawa.”
Pakiramdam niya ay gumuho na ang mundo niya at wala na siyang mukhang ihaharap pa kay Zac dahil sa nangyari.
“Malay ko ba kung itinatago lang nila ang boss nila!? Alam ko naman sa mga ganito talagang umiiwas sa gulo eh kaya hindi ako titigil! Saka Bakit kasi ngayon mo lang ‘yan sinabi? Bakit kung kailan nagbunga na ‘yang katangahan mo!? Eh di sana nabigyan na ng aksyon ‘yang nangyari sa ‘yo!”
“Paano ko sasabihin kung alam ko na ganiyan ang magiging reaksyon ninyo?” hindi mapigil na tanong niya rito.
“At ano wala kang balak sabihin kung hindi pa nangyari ‘yan? Sa tingin mo ba habang buhay mong maitatago kay Zac ‘yang nangyari sa ‘yo?”
“Excuse me, Ma’am...” singit na sa kanila noong manager. “Pwede ko po bang malaman kung anong pakay nila sa boss namin para masabi ko po sa kaniya.”
“Gusto kong makausap siya para malaman niya ang kapalpakan ng mga staff dito! Pangalawa, gusto kong paimbestigahan kung sino ang lalaking nanamantala dito sa anak ko—” pagtapos ay tumingin sa kaniya. “Ano ngang pangalan no’n?”
“Charleston Sebastian,” tugon niya dahil imposibleng makalimutan niya ang pangalan na iyon dahil bukod sa malapit sa pangalan ni Zac ay iyon ang pinakadahilan kung bakit naganap ang malaking pagkakamaling iyon.
“Ano pong kailangan niyo kay Sir Chase?”
“Chase ba ang pangalan ng lalaking kasama ng anak ko nang gabing ‘yon?” Napatingin pa sa kaniya ang manager at nag-aalangang tumango sa Mama niya. “Kung gano’n, gusto kong imbestigahan ng may-ari ng hotel na ‘to ang lalaking ‘yon! Dito rin ba siya nagtatrabaho?”
“Po? Si Sir Chase pa mismo ang may-ari ng hotel na ‘to,” tugon naman nito na pareho nilang ikinagulat. “Hindi ko po maintindihan kung ano ang mga nangyayari pero pwede niyo naman pong balikan bukas si Sir. Itatawag ko na lang din po sa kaniya.”
“Let’s go, Ma, bumalik na lang tayo. Saka gusto kong makausap muna si Zac bago ako gumawa ng anomang hakbang. Hindi ko siya kilala,” pagmamakaawa na niya sa Mama niya.
“Sige, sabihin mo sa amo mo na gusto ko siyang makausap! Bukas, ganitong oras babalik ako!” pagmamatigas pa rin ng Mama niya kaya hinila na niya ito palabas ng opisina na iyon.
“Ma, it’s useless,” nawawalan ng pag-asa na sabi niya sa ina habang palabas sila ng hotel.
“Anong useless ang pinagsasabi mo?”
“Dahil hindi ko naman hahayaan na panagutan ako ng lalaking ‘yon. Ni hindi ko nga ‘yon kilala, eh. Ni hindi ko nga matandaan ang mukha niya.”
“At anong balak mo?” salubong ang kilay na tanong nito sa kaniya. “Ako na nagsasabi sa ‘yo, Ariyah na kapag dinala mo ang bata na ‘yan nang walang ama, huwag na huwag ka ng magpapakita sa amin ng Papa mo.”
“Pwede ko naman sigurong kausapin si Zac, ipapaliwanag ko na lang sa kaniya ang lahat. Baka naman pumayag siyang panagutan itong bata,” naiiyak na sabi niya rito. “Si Zac ang mahal ko at hindi ko kayang makasal sa lalaking hindi ko naman mahal.”
“Mahal mo? Sa tingin mo ba gano’n na lang kadali para sa isang lalaki na tanggapin ang batang hindi naman sa kanila? Kung mayroon man iilan na lang sa mundo ang lalaking gano’n at hindi ko nakikita si Zac na kasama ro’n.” Pagtapos ay sumakay na ito ng sasakyan nila kaya sumunod na rin siyang sumakay sa passenger’s seat.
“Naniniwala pa rin ako na iba si Zac, Ma. Alam ko na mahal niya ako at kung ano man ang sasabihin ko alam kong pakikinggan niya ako. Saka na siguro ako mag-iisip ng ibang paraan kapag nalaman ko na kung ano ang sasabihin niya,” malungkot na wika niya. Alam niyang hindi magiging madali ang sitwasyon niya pero kailangan niyang kayanin ang lahat dahil kasalanan naman niya.
“Desidido ka na ba talagang buhayin ang batang ‘yan?” Gulat siyang napatingin sa ina sa tanong nitong iyon.