PAG-UWI ni Ariyah sa bahay nila ay hindi na siya mapakali dahil kanina pa niya iniisip ‘yong sinabi sa kaniya ng Mommy ni Zac.
“Ariyah?” tawag sa kaniya ng Mama niya at napatingin naman siya rito.
“Bakit, Ma?” Nagsalubong naman ang kilay nito sa tanong niya.
“Anong bakit? Kanina pa ko nagtatanong sa ‘yo kung anong nangyari sa lakad niyo pero hindi mo pala ko pinapakinggan. Ano bang nangyayari sa ‘yo? Napapansin ko na ilang linggo ka nang parang wala sa sarili mo.”
“Hindi, Ma, masama lang talaga ang pakiramdam ko,” walang emosyon namang sagot niya. “Sige na, Ma, aakyat na po muna ako sa taas.”
“Hay naku! Tigilan mo ‘ko sa ganiyan mo, Ariyah, bukas na bukas ay pumunta ka ng ospital para makapagpa-checkup. Mamaya kung ano na pala ‘yang dinaramdam mo na ‘yan.”
“Sige, Ma, titingnan ko kung wala kaming lakad ni Zac bukas,” sagot na lang niya para matapos na ang usapan nila.
Pag-akyat niya ay nahiga na siya, pero hindi rin naman siya makatulog dahil sa iniisip pa rin niya na paano nga kaya kung buntis siya. Nang bilangan kasi niya ilang linggo na rin siyang delay. Kaya naman bago siya nakatulog ay buo na ang desisyon niya na magpa-checkup. Kailangan niyang mapanatag na ang isip niya pero siyempre umaasa pa rin siyang negative at mali ang iniisip niya.
KINABUKASAN pagkagising niya ay hiniling niya kay Zac na huwag na muna nilang ituloy ang lakad para sa araw na iyon. Aasikasuhin kasi sana nila ng invitation at mag-iimbita na rin ng mga pupunta sa engagement party nila.
Pagbaba niya ay sinalubong agad siya ng Mama niya at bihis na bihis na rin ito.
“Saan ang punta mo, Ma?”
“Sasamahan ka, saan pa ba? Sinabihan kasi ako ni Zac na tumawag ka raw at nakiusap na huwag muna kayong tumuloy ngayon dahil masama ang pakiramdam mo. Kaya naman nagbihis na ‘ko para sana akyatin ka at masamahan kang magpa-doctor.”
“Huwag na, Ma!” mariing tanggi naman niya kaya nagulat ito. “Kaya ko naman pong mag-isa hindi niyo na ‘ko kailangang samahan.”
“No! Kung may nangyayari sa ‘yo, ako ang pinakaunang dapat na makaalam no’n. Tara na, since nakabihis ka na rin naman,” aya na nito sa kaniya pagtapos ay nauna pa sa kaniyang lumabas ng bahay nila.
At dahil wala naman siyang ibang magagawa kung hindi ang isama ito. Gusto sana niya na kung ano man ang magiging resulta ay siya lang muna ang makakaalam pero mukhang hindi iyon mangyayari ngayon.
Sa driver’s seat sumakay ang Mama niya kaya sa passenger’s seat na siya naupo. Pagdating nila sa ospital ay inasikaso rin naman kaagad siya. Ang Mama niya ay tahimik lang na nakamasid sa lahat ng ginagawa sa kaniya.
Maraming test ang pinagawa sa kaniya at hindi maiwasang kabahan siya habang naghihintay ng resulta. Pero panay pa rin ang dasal niya na sana walang problema at normal lang ang lahat. Lalo at kasama niya ang Mama niya.
“Ms. Medrano?” tawag sa kaniya ng nurse na siyang nagpapapasok sa mga patient sa loob ng doctor’s clinic. Agad naman siyang tumayo at lumapit dito, kasunod lang din niya ang Mama niya. “This way po,” magalang na wika nito pagtapos ay sinamahan siya sa loob ng doctor’s clinic. “Good morning, Doc, ito na po si Ms. Medrano.” Napatingin naman sa kaniya ang doctor.
“Maupo ka, Ms. Ariyah Medrano, right?” paniniguro pa nito.
“Yes po,” kinakabahan pa ring tugon niya. Naupo naman ang Mama niya sa upuang nasa gilid ng pinto.
“I’m Dr. Elizabeth Young,” nakangiting pagpapakilala nito sa kaniya pagtapos ay tumingin sa mga lab result na nasa harapan nito. “Based on your lab test, normal naman ang lahat at sa tingin ko wala namang ibang problema sa katawan mo,” wika nito habang nakatingin pa rin sa mga resultang hawak na nito at medyo nakahinga naman siya ng maluwag sa sinabi nito. “Actually, there is a good news.”
“Ano po ‘yon, Doc?”
“Congrats because you are six weeks pregnant!” Parang bomba sa pandinig niya ang sinabi nitong iyon.
Iyong ngiti sa labi niya ay unti-unting nawala at parang gusto niyang maiyak dahil doon.
“Teka, Doc! Hindi ka ba nagbibiro sa sinabi mo?” Gulat na tanong ng Mama niya. Ni hindi niya magawang tumingin dito dahil natatakot siya.
“Yes, Ma’am, this is only based on the result.” Lumapit naman dito ang Mama niya at agad na kinuha ang resulta na hawak-hawak nito.
Kitang-kita niyang nanginginig ang kamay nito habang hawak ang kapirasong papel na iyon. Pagtapos ay galit na galit itong tumingin sa kaniya at ni hindi nangiming sampalin siya ng malakas sa harap ng doctor. Napatayo pa ang doctor sa sobrang lakas ng sampal na iyon at siya naman ay nanginginig rin ang kamay na hinawakan ang pisngi niya.
“Sabihin mo sa aking si Zac ang ama nito?” Kahit nakikiusap ang tinig na iyon ay nanginginig pa rin.
“Ma’am, kung gusto niyong mag-usap pwedeng sa labas na lang dahil marami pa akong pasyenteng kailangang kausapin. Saka hindi maganda na sinasaktan niyo siya dahil buntis siya, pwedeng makasama sa kaniya at sa bata ‘yan,” mahinahong wika ng doctor.
“Anak ko ‘to kaya may karapatan akong saktan siya!” Galit na wika rito ng Mama niya.
“Pero huwag dito sa clinic ko dahil kung hindi tatawag ako ng security,” banta nito kaya bahagyang huminahon ang Mama niya at tumingin sa kaniya. “Sumunod ka sa ‘kin, Ariyah, dahil kailangan nating magtuos!” Nang tumalikod ito ay wala siyang ibang nagawa kung hindi ang sumunod dito.
Gustung-gusto niyang umiyak pero pinipigilan niya dahil ayaw niyang maeskandalo.
Pagdating nila sa parking lot akala niya ay sasakay na ito nang sasakyan pero nilingon siya ulit nito.
“Magtapat ka sa ‘kin, Ariyah? May nangyari na ba sa inyong dalawa ni Zac?” Hindi siya makasagot sa tanong nito dahil alam niyang alam nito na imposibleng may mangyari sa kanila ng binata, bukod kasi sa dalang nilang magkita ay palagi nilang kasama ang Mommy nito. “Sumagot ka, Ariyah!”
“W-wala po!” Doon ay mas nagulat ito sa sagot niya at halos malaglag ang panga nito.
“Sino?! Sino ang ama, Ariyah!?” Galit na galit na sigaw nito. “Bakit ba puro kahihiyan na lang ang dala mo sa pamilya natin!? Sumagot ka kung sino ang ama ng batang ‘yan!”
“H-hindi ko alam… h-hindi ko kilala.”
“Hindi mo kilala? Paanong nangyaring hindi mo kilala? Ano nagpahatak ka lang diyan sa tabi-tabi ay nagpabuntis ka! Anong sasabihin natin kay Zac!? Anong mukhang ihaharap natin sa mga magulang niya!?” Doon ay tuluyan na siyang nag-breakdown at napaiyak dahil hindi niya rin alam kung anong gagawin niya. “Alam mo kung nasaan ‘yang lalaking ‘yan? Alam mo kung saan mo hahanapin?”
“O-opo,” tanging naisagot na lang niya sa pagitan ng paghikbi niya.
“Kailangan ko siyang makausap! Kailangan niyang malaman kung anong ginagawa niya at kailangan ka niyang panagutan!” sigaw nito sa kaniya at saka sumakay ng sasakyan kaya napilitan na naman siyang sumunod. “Siguradong hindi ka pananagutan ni Zac dahil hindi papayag ang Mommy niya na akuin no’n ang hindi naman niya anak! At ayokong dalhin ‘yang kahihiyan na ‘yan, Ariyah!” sigaw nito sa kaniya. “Kailangan bago lumaki ‘yang tiyan mo at bago ka makapanganak mahanap mo ang lalaking ‘yon at makaalis ka sa bahay natin!”
“Pero, Ma, paano si Zac?” umiiyak na tanong niya rito.
“Anong paano? Baka nakakalimutan mong ikaw ang gumawa niyan! Kung hindi mo kayang sabihin sa kaniya na buntis ka umalis ka ng walang paalam! At ayoko nang kahihiyan! Dalawa lang naman ang pagpipilian mo, Ariyah,” seryosong wika nito. “Aalis ka at hindi na magpapakita pa sa amin o aalis ka kasama ng lalaking nakabuntis sa ‘yo!”
Hindi niya akalaing maririnig niya ang lahat ng iyon sa mismong ina niya. Parang nauubusan siya ng lakas dahil sa mga nangyayari.
“Saan natin hahanapin ‘yang lalaking ‘yan!? Bilis!” sigaw nito sa kaniya.
“S-sa Hotel Strata po…” napipilitang sabi niya. “Pero, Ma, siguradong hindi niya ‘ko pananagutan dahil pagkakamali lang naman ‘yong nangyari!”
“So, anong gusto mo hayaan na lang natin na takasan niya ang ginawa niya sa ‘yo!” Pagtapos ay bigla itong natigilan. “Ang ibig mo bang sabihin, Ariyah, nangyari ‘yan ng mismong 10th anniversary ninyo ni Zac?” tanong nito nang maalala na nagpunta siya ng araw na iyon sa Hotel Strata. Napilitan siyang tumango dahil iyon naman ang totoo. “God! Ano bang ginagawa mong bata ka! Anong sasabihin ng mga kaibigan namin ng Papa mo? Na hindi ka man lang namin napalaki ng maayos?” Naiiyak nang wika nito. At patuloy lang din ang pag-iyak niya dahil hindi niya alam ang gagawin niya. “Let’s go! Kailangan niyang malaman ang ginawa niya." Pagtapos ay pinaandar na nito ang sasakyan nila.