Chapter 2

3454 Words
MAALIWALAS ang langit at kumikinang ang mga bituin. Iyon na ang gabi ng seniors’ ball—isang kasayahan na pinaghalong prom night, congratulatory party, at farewell party para sa mga magtatapos. Pero wala si Margaux sa pagtitipon kundi nasa bubong ng kanilang bahay at binubusog ang mga mata sa pagtitig sa kalangitan. Isang buwan na lang at aalis na sila ng papa niya ng Pilipinas. Hindi niya alam kung ano ang buhay sa New York, pero dahil doon na madedestino ang papa niya ay wala siyang magagawa kundi ang sumama rito. Nanayo ang mga balahibo niya nang may maramdaman siyang kakaiba; na para bang may mga matang nakatutok at nagmamasid sa kanya. Kinalma niya ang sarili at palihim na hinanap ang may-ari ng mga matang iyon. Muntik na siyang mapatili nang makita niya ang isang lalaki na nakatayo rin sa bubong. Napasapo siya sa kanyang dibdib. “Inom ka kasi nang inom ng kape, nagiging nerbiyosa ka tuloy. Tug, tug, tug… Ang lakas ng kabog ng dibdib mo,” nakakalokong wika ni Miro bago ito dahan-dahang naglakad palapit sa kinaroroonan niya. “Buwisit ka talaga! Kulang ba ang araw mo kung hindi mo ako maaasar, ha? Ano’ng ginagawa mo rito? Umalis ka sa teritoryo ko, bawal ka rito!” asik niya rito. Ano ang ginagawa nito sa bubong ng bahay nila gayong dapat ay naroon na ito sa hotel kung saan idinaraos ang seniors’ ball. Lihim na pinagmasdan niya ito. Nakasuot ito ng formal suit at maayos din ang pagkakasuklay ng buhok nito. Ayaw man niyang aminin pero guwapo ito sa ayos nito ngayong gabi. Mamang-mama na itong tingnan. Tila naging mas malaman nang tingnan ang katawan nito at napakagaling na rin nitong magdala ng sarili. “Ano’ng ginagawa mo rito?” sita niya nang makabawi. “Date dapat kita, `di ba? Kaya narito ako,” sagot nito. Isa pa pala ang boses nito sa napansin niyang nag-iba na. Mababa at malagom na iyon ngayon, iyong boses na nakapagpapatayo ng mga balahibo. Jeez! What am I thinking? Inirapan niya ito. “Hindi ko natatandaan na pumayag akong sumama sa `yo.” “Hindi ko rin natatandaan na tinanggap ko ang pagtanggi mo,” sagot naman nito. “Aba’t—! Puwede ba, umalis ka na rito, Miro. Naaalibadbaran ako sa pagmumukha mo!” Pinagkrus ni Margaux ang kanyang mga braso sa tapat ng dibdib niya para ipakita ritong hindi welcome sa kanya ang presensiya nito. Ngunit tila wala iyong epekto rito. Umupo ito sa bubong at saka humiga. “Ikaw lang ang nakakapagsabi sa akin niyan. Either sinungaling ang female population sa eskuwelahan o may diperensiya ang mga mata mo. Ikaw lang yata ang naaalibadbaran sa kaguwapuhan ko. Iyong iba nga, eh, nagtitiis pumila, makadaupang-palad lang ako.” “Huh! You’re so annoying! Wala ka bang ibang makulit sa ball kaya ginugulo mo ang pananahimik ko rito?” nakairap na tanong niya. “Actually, hindi ko pa ipinaparada roon ang kakisigan ko at hindi ako a-attend kung hindi kita kasama,” nakangising sagot nito. “Huh, manigas ka! Pakialam ko ba kung hindi ka maka-attend. Sayang lang ang effort mo sa pagbibihis, mukha ka pa namang tao ngayon,” hindi niya napigilang bulalas. Maging siya man ay nagulat sa sinabi niya pero huli na para bawiin pa niya iyon. “Talaga? Guwapo ako ngayon sa paningin mo?” abot-tainga ang ngising tanong nito. Napangisi rin siya. “Naniwala ka naman agad? Utu-uto ka pala,” aniya bago tumawa nang malakas upang pagtakpan ang pagkailang niya. Muli itong tumayo at humarap sa kanya. “Excuse me, mula nang magkaisip ako ay alam ko nang guwapo ako,” nakaliyad ang dibdib na wika nito. “O siya sige, guwapo ka na kung guwapo. Ngayon, puwede bang umalis ka na?” Dinampot niya ang teleskopyong ginagamit niya kanina at muling inabala ang sarili sa pagmamasid sa kalangitan. Ilang sandali pa ang lumipas pero wala pa siyang naririnig na papaalis na mga yabag kaya muli niyang nilingon si Miro. “What?” tanong niya nang makitang nakatingin pa rin ito sa kanya. “Hindi ka talaga dadalo sa seniors’ ball? Hindi ba kita mapipilit kahit lumuhod ako sa harap mo?” Umawang ang mga labi niya. Hayun na naman ang boses nito na tila ba close friend niya ito at may karapatan itong umakto nang ganoon. Hindi niya tuloy alam kung paano ito sasagutin. “Hindi. Walang makapagpapabago ng isip ko. Now, get lost,” pagtataboy niya rito. Humugot ito ng malalim na hininga. “Okay, hindi na kita pipilitin. Pero may gusto sana akong ibigay sa `yo,” wika nito bago tuluyang lumapit sa kanya. Dumukot ito mula sa loob ng suot nitong suit. May inilabas itong maliit na box. “A-ano `yan?” tanong ni Margaux kahit may ideya na siya kung ano iyon. Iyon ang ibinibigay ng mga lalaki sa kanilang kapareha sa ball. “Corsage,” sagot ni Miro na alanganing ngumiti. “Sa `yo ko lang kasi gustong ibigay ito...” anito bago iyon inilabas mula sa lalagyan. Napasinghap siya nang makitang gawa iyon sa mga bulaklak ng stargazer, ang paborito niyang bulaklak. “Puwede ko bang isuot ito sa wrist mo?” “A-ayoko niyan, hindi `yan nakakain,” tanggi niya sa kawalan ng masabi, pero ang totoo ay kinakabahan siya sa ipinapakita nitong kabaitan. “Sige, pagagawaan din kita ng nakakain na corsage,” sabi nito bago muling iniumang sa kanya ang kumpol ng stargazers. Hindi niya alam kung paano nangyari, pero namalayan na lang niyang iniuumang ang braso niya rito. Agad nitong isinuot sa kanya ang corsage. Hinayaan niya itong hawakan ang kamay niya. Ni hindi siya nakapag-react kahit nang hulihin nito ang mga mata niya at titigan siya. May sinasabi ang mga mata nito ngunit hindi niya mahulaan kung ano iyon. Naroon lamang sila, nakatayo sa bubong, sa ilalim ng mabituing langit, habang nasa galanggalangan niya ang kumpol ng paborito niyang bulaklak at hawak ni Miro ang kamay niya. Walang salitang namutawi sa kanilang mga labi at dinig na dinig niya ang pagdagundong ng kanyang puso. Ilang sandali pa ang lumipas at kusa nang binitiwan ni Miro ang kamay niya. Itinaas nito ang kamay patungo sa pisngi niya. Napapitlag pa siya nang tuluyang dumikit ang palad nito sa pisngi niya at marahang haplusin iyon. Pagkatapos ay tumalikod na ito at iniwan siya. GRADUATION day. Kanina pa palihim na tinitingnan ni Miro ang upuang nakalaan kay Margaux. Bakante pa rin iyon. Ang upuan na lang yata nito ang bakante dahil halos lahat ng graduating students ay naroroon na. Lahat ay kababakasan ng kasiyahan at excitement para sa pagtatapos ng high school. Magsisimula na ang programa pero wala pa rin si Margaux at ang papa nito. Tumugtog na ang graduation march at nagsipulasan na ang mga estudyante para pumila at magmartsa kasama ng kanya-kanyang mga magulang. “O, bakit ganyan ang mukha mo, hijo? Smile, son. Sa `yo ang gabing ito,” wika ng mama niya nang lapitan niya ito; nakaakbay rito ang papa niya. Larawan ng pagmamalaki ang mga magulang niya para sa kanya. Of course he knew why. He would be sitting on stage near the guest of honor and other school officials. Magtatapos siya ng high school nang may pinakamataas na karangalan. “What’s bothering you, Miguel Robert? Ikaw lang yata ang nakita kong valedictorian na hindi masaya,” anang daddy niya. “Kagabi lang ay halos magtatalon ka sa tuwa nang malaman mong makukuha mo na ang kotseng gustong-gusto mo?” “W-wala pa po ba sina Tito Anton at Margaux? Have you called Tito Anton, Dad? Magsisimula na ang ceremony, baka ma-late sila. Puwede nating pakiusapan si Principal Santos na magbigay ng kaunti pang oras, hindi po ba?” Posible naman ang hinihingi niya dahil ang mga Lagdameo ang isa sa mga stockholder ng eskuwelahang iyon. Nagkatinginan ang mga magulang niya, “Ikaw na ang magsabi,” wika ng mama niya sa papa niya. Tumikhim ang papa niya. “Ngayon na ang flight nina Tito Anton mo. Hindi na makakadalo si Margaux sa graduation ceremony. Nasa bahay ang regalo ng Tito An— Miro! Saan ka pupunta?” Hindi na niya pinakinggan ang ama. Dali-dali niyang tinungo ang parking lot. Kinuha niya ang susi sa driver at mabilis na pinaandar ang sasakyan papunta sa bahay nina Margaux. Bakit hindi niya alam na ngayon ang flight ng mga ito papunta sa New York? Tumunog ang telepono sa sasakyan. It was his father. Tinanggap niya ang tawag at inilagay sa loudspeaker ang telepono habang minamaniobra ang manibela ng sasakyan. “Sa De Luna Airlines ka na dumeretso. Alas-siyete ang flight nina Margaux, aabot ka pa. Be careful, Miro, wala ka pang lisensiya.” “T-thanks, Papa.” Muli niyang minaniobra ang sasakyan at tinahak ang daan papunta sa De Luna Airlines. Sinulyapan niya ang orasan sa sasakyan. Twenty minutes before seven in the evening ang naka-display roon. Ah, he could still make it. He would make it! “Jesus!” bulalas niya nang muntik na siyang makabangga ng sasakyan. Nanlalabo ang paningin niya. At nalaman niya ang dahilan nang makapa niya ang pamamasa ng mga pisngi niya. Umiiyak ba siya? Ibinaba niya ang car window at sinigawan ang driver ng sasakyan na muntik na niyang mabangga. “Take the slow lane!” nanggigigil na sabi niya bago ito nilampasan. Nasa fast lane ito gayong halos usad-pagong lang ang takbo ng sasakyan nito. Isa pa naman iyong flashy expensive sports car. Sa pagkagulat niya ay biglang bumilis ang takbo ng sports car at kulang na lang ay makipaggitgitan sa kanya. Tila hindi man lang ito natatakot na magasgasan ang sports car nito. “Mind your own business, crybaby!” ganting-sigaw nito bago idinikit uli sa kotse niya ang sasakyan nito. Namukhaan niya ang sakay niyon—si Lance Pierro Alvarez. Nakilala na niya ito sa isang youth camp na pareho nilang dinaluhan. “Miro Lagdameo?” wika nito nang marahil ay makilala rin siya. Dagling naglaho ang kaarogantehan sa mukha nito. “Man, what’s with the tears?” malakas ang boses na tanong nito. Parang nahimasmasan siya dahil doon. Unti-unti na kasing nag-iinit ang ulo niya. “I’m chasing my happiness,” wika niya at marahil ay naunawaan nito ang ibig sabihin niyon. “Saan?” “Sa De Luna Airlines,” sagot niya. “Follow me,” anito bago pumuwesto ang sports car sa unahan ng kotse niya. Ilang sandali lang ay narating na niya ang paliparan. Mabilis siyang umibis ng kotse at patakbong pumasok sa airport. “Hey, watch it!” wika ng isa ring binatilyo. Nabangga niya ito at sa sobrang lakas ng impact ay sumadsad ito sa sahig. Nagulat na lang siya nang may isang lalaking tila bouncer sa laki ng katawan ang humawak sa magkabila niyang braso habang ang isa pang lalaki ay kinapkapan siya. “Bitiwan ninyo ako!” Nagpupumiglas niya. Hindi dapat magkaroon ng hadlang sa kanyang daraanan. “Clear,” anang lalaking kumapkap sa kanya na marahil ay tinitingnan kung may dala siyang anumang armas. “Bitiwan n’yo siya,” wika ng binatilyong nakatayo na. Nakangiwi ito, halatang iniinda ang balakang na nasaktan sa pagkakasadsad. “Pero, Sir Randall, nasaktan ka at—” “Hindi niya sinasadya. At huwag ka ring magkakamaling sabihin ito kay Daddy, understand?” maawtoridad na wika nito. Kung gayon ay bodyguard ng binatilyo ang dalawang lalaki. Sino ang Randall na ito? Isa pang binatilyo ang lumapit na sa hinuha niya ay kaibigan ni Randall. “Randall, ano ang nangyayari dito?” “Wala ito, Mike. Minor accident lang,” sagot ni Randall sa bagong dating. Binalingan siya nito at inilahad ang kamay. “Hi, ako si Randall Clark. Ito naman si Mikael Henric Villamor, kaibigan ko. Ikaw si Miguel Robert Lagdameo, tama ba? We saw you at the Math Olympiad in Singapore last month.” Ngumiti ito. “I’m a fan; you aced that tournament big time.” Nakipagkamay siya rito pati na kay Mike. “Nice to meet you, guys.” Kung hindi siya nagkakamali, anak si Randall ni Senator Clark. Kaya siguro may bodyguards ito. “Bakit nakasuot ka ng toga? Ang aga naman ng graduation ninyo, kami ay next week pa,” ani Mike. Nanlaki ang mga mata niya. Noon lang uli niya naalala kung bakit siya naroon. Paanong nalimutan niyang hinahabol niya ang flight nina Margaux? Hindi na niya nagawang sagutin si Mike. Dali-dali na siyang tumalikod at tinangkang pumasok sa departure lounge. Pero hindi siya pinayagan ng guwardiyang nakabantay roon. Hanggang sa umalingawngaw sa buong paliparan ang huling pagtawag para sa mga pasaherong patungo sa New York. Nanlamig si Miro. Aalis na si Margaux, hindi na niya ito makikita. Hindi na nito makikita ang inihanda niyang peace offering na dinner sa isang espesyal na lugar na pinagkaabalahan niyang pagandahin. Nagsisisi siya kung bakit inasar pa uli niya ito kinaumagahan pagkatapos ng moment nila sa bubungan. Hindi kasi niya alam kung paano uli ito haharapin pagkatapos ng gabing iyon kaya kinulit uli niya si Margaux hanggang sa halos isumpa na siya nito sa sobrang inis. Wala kasi siyang maisip na ibang paraan kung paano ito lalapitan. Kung hindi siya mang-aasar, siguradong uurong ang dila niya sa harap nito. Pang-aasar lang ang paraan na alam ni Miro para malapitan ito. Nilinlang niya ang guwardiya pagkatapos ay agad na siyang lumiban ng counter. Nagkagulo ang mga guwardiya sa paghabol sa kanya. Pati ang ibang pasahero na naroroon ay nagulo rin at nakiusyoso sa nangyayari. Determinado siyang lampasan ang lahat ng hadlang, pero nahuli siya ng guwardiya at ngayon ay pinipilipit na nito ang mga braso niya sa likod. Saglit lamang iyon, pinakawalan din siya nito. Paglingon niya ay nakita niya kung bakit binitiwan siya ng guwardiya. Hawak na pala ito ni Pierro sa kuwelyo at pinipitserahan. Malaking bulas din si Pierro at sa pagkakatanda niya ay palaban talaga ito. Napansin niyang naroroon din sina Randall at Mike na napapailing sa ginagawa ni Pierro, bagaman mababakas sa mukha ng mga ito ang pagkaaliw. Dalawang guwardiya pa ang parating na marahil ay para hulihin si Pierro, pero nakita niya nang senyasan ni Randall Clark ang mga bodyguard nito  para tulungan si Pierro. Lalong lumaki ang komosyon dahil doon at nakakatawag na rin ng pansin ang taglay na kaguwapuhan nina Pierro, Randall, at Mike. Mabilis na siyang tumalilis patungo sa departure gates. Pero hindi pa siya nakakalayo ay isang malamig na tingin naman ang humarang sa kanya. Seryoso ang mukha nito at mariing magkalapat ang mga labi sa pagkadisgusto. “Ikaw ang dahilan ng kaguluhang ito,” maawtoridad na sabi nito. Sa tingin ni Miro ay kaedad lang niya ito pero hindi na maitatanggi ang maturity sa tindig, pananalita, at paraan ng pagtingin nito. There was also a glint of arrogance and superiority in his eyes, just like Pierro, Randall, and Mike. Hindi niya personal na kilala ang binatilyo pero alam niyang ito si Arthur Franz de Luna, ang nag-iisang anak ng mga de Luna at solong tagapagmana ng De Luna Airlines. Ilang beses na kasi itong na-feature sa mga magazine kaya alam niya. “Easy, Art, I know him.” Nakahinga nang maluwag si Miro nang sumulpot doon si Jared Montecillo, ang binatilyong nakilala rin nila ni Pierro sa youth camp. Binalingan siya nito. “Sige na, Miro, gawin mo kung ano ang sadya mo rito sa airport. We’ll see you later,” anito bago siya tinapik sa balikat. Tumango siya at tinakbo na ang pakay niyang lugar. Pero huli na siya dahil nasa runway na ang eroplano. Ilang saglit pa at tuluyan na iyong umangat sa lupa. Nag-init ang mga mata niya at namalayan na lang niyang pumapatak na ang kanyang mga luha. Nakaalis na si Margaux. Yuko ang ulong napaupo siya sa sahig. Wala siyang pakialam kung may makakita man sa kanya na umiiyak. Pinalipas muna niya ang bugso ng damdamin bago tumayo. Muntik pa siyang mapaatras nang pagtayo niya ay nakita niya ang limang binatilyong prenteng nakaupo sa waiting lounge—sina Pierro, Randall, Art, Jared, at Mike.   “HE’S HURTING, Robert,” naiiyak na wika ng kanyang asawang si Rose habang pinanonood nila ang kanilang anak na si Miro. Nagawan nila ng paraan na maantala ang graduation rites hanggang sa makabalik ito. Bumalik si Miro na laglag ang mga balikat at hindi na nila kailangang magtanong para malaman na hindi nito naabutan si Margaux. Pero mas ikinagulat niya ang limang binatilyong kasama nitong dumating na sa hinuha niya ay mga kaedad nito. Kilala ni Robert ang mga ito, lalo na at mula ang mga ito sa maiimpluwensiyang pamilya sa bansa. Hindi siya nagkomento. Ginagap lamang niya ang kamay ng kabiyak. Nakita nilang tumayo si Miro mula sa kinauupuan nito at tinungo ang kinaroroonan ng mikropono para ibigay ang talumpati nito. “Before anything else, I’d like to say thank you to my parents. Mom, Dad, this is for you… and to the very special girl who took my heart with her. We may be miles apart but we’re still under the same sky. Titingin na lang muna ako sa mga bituin…” Tuluyan nang nalaglag ang mga luha ni Rose sa sinabing iyon ng kanilang anak. Marahang yumugyog ang mga balikat nito. “R-Robert, gumawa ka ng paraan,” wika nito sa kanya. Muli ay hindi siya umimik, bagaman nang mga sandaling iyon ay may naglalaro na sa kanyang isipan. Natapos ang talumpati ni Miro. Ilang sandali pa ay tapos na rin ang graduation rites. Walang kislap ang mga mata nito. Napailing si Robert. Sa simula pa lamang ay alam na niya kung ano ang damdamin ng anak niya para kay Margaux. Kung bakit kasi umuurong ang dila ni Miro kapag kaharap na ang dalagita. Nagmadaling lumapit sa kanila si Miro, nakasunod sa likuran nito ang limang binatilyo. Ipinakilala sa kanila ni Miro ang lima, kapagkuwan ay agad nang nagpaalam ang mga ito. Sila naman ay nagpasyang umuwi na rin. Sa kotse ay tahimik lamang si Miro habang nakatanaw sa labas ng sasakyan. Panay ang buntong-hininga nito. “Puwede kang magkolehiyo sa New York, hijo, tutal, naroon ang karamihan sa mga pinsan mo,”  ani Robert sa anak. Ang gusto talaga niyang sabihin ay sundan nito si Margaux sa New York. “Oo nga, hijo. Huwag mo kaming alalahanin ng daddy mo rito sa Pilipinas,” sabi naman ni Rose. “Dito na lang po ako, Dad, Mom,” maikling sagot ni Miro. Nagkatinginan silang mag-asawa. Namayani ang katahimikan hanggang sa makauwi sila sa bahay. Sa susunod na linggo pa ang handaan sa hacienda pero dapat ay may dinner celebration sila, hindi na lamang nila iyon itinuloy. “What now, Robert?” tanong ng kanyang asawa nang nasa kuwarto na sila. “Hon, relax. Para namang hindi lalaki `yang anak mo kung mag-alala ka.” Hinubad niya ang suot na necktie. “Mahal na mahal ni Miro si Margaux, sigurado ako roon. Huwag mo ring kalilimutan na iisang babae lang ang nagmamay-ari ng puso ng isang Lagdameo. Once it’s given, it’s for eternity…” Napangiti siya. Totoo iyon. Nasa dugo nila ang pagiging faithful—iisang babae lamang ang kinikilala ng kanilang puso kaya walang broken family sa kanilang angkan. “Hon, Miro is an intelligent young man. Alam niya ang ginagawa niya. Huwag natin siyang pangunahan. Trust me, sila ni Margaux ang magkakatuluyan.” “Paano nga? Umalis na si Margaux na alam nating galit kay Miro dahil sa mga kalokohan ng anak natin. At ayaw namang pumunta ni Miro sa New York. Paano kapag may nanligaw roon kay Margaux? Hindi imposible iyon dahil napakaganda niyang bata.” Bumuntong-hininga si Robert. Ang totoo ay may naisip na siyang paraan. “Gusto mo talagang magkatuluyan ang dalawang bata? Hindi ba natin pangungunahan si Miro sa bagay na ito? Honey, huwag mong kalilimutan na mga teenager pa lang ang pinag-uusapan natin dito. Ni hindi pa sila tumutuntong sa edad na disiotso.” Umingos si Rose. “Basta, gumawa ka ng paraan. At para sabihin ko rin sa `yo, si Margaux lang ang gusto ko para kay Miro.” “Okay. Here’s what I have in mind. Pababantayan natin nang husto si Margaux kay Anton. Dapat walang makalapit na manliligaw rito.” “That’s not enough,” hindi kumbinsidong wika ni Rose. “I know. First stage pa lamang iyon, hihintayin nating dumating si Margaux sa tamang edad. Kapag nasa tamang edad na sila, saka natin ayusin ang plano. “Anong plano ang iniisip mo?” “Marriage. Arranged marriage,” aniya bago ikinuwento rito ang ideyang naisip niya.        
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD