Chapter 3

1631 Words
Three years later New York   “NAAKSIDENTE sina Ninong Robert at Miro?” ulit ni Margaux sa sinabi ng kanyang ama. Agad siyang nakadama ng pag-aalala para sa ninong niya at maging sa kababata na rin. Tumango ang papa niya. “Okay na sila, anak, huwag kang mag-alala.” “P-paanong naaksidente sila, Papa?” “Car crash. Pero maayos na nga sila ngayon.” Tumango-tango si Margaux. Hindi niya maunawaan kung bakit parang bigla siyang natakot sa aksidenteng iyon. “How old are you, hija?” mayamaya ay tanong ng kanyang ama. Kumunot ang kanyang noo. “Papa, para namang hindi ninyo alam kung ilang taon na ako. I’m nineteen years old now.” “Nineteen... Pero ni hindi ka pa nagkakaroon man lang ng boyfriend. Aba, may balak ka bang maging old maid, hija?” Natawa siya. “Old maid? Grabe naman kayo, Papa! I’m nineteen; ‘teen’ pa ako. Saka bakit parang minamadali mo na yata ako ngayon na magka-boyfriend?” “You know why, hija. Dinapuan ng cancer ang mama mo bago siya umedad ng treinta. Pagdating naman ng late twenties, nahirapan na siyang mabuntis. Kaya nga hindi ka na nasundan. Ako naman, who knows, baka mamaya ay kunin na rin ako ng Panginoon at—” “`Pa!” saway niya rito. “May balak ka bang mag-asawa, hija?” ayaw paaawat na tanong pa nito. Natawa si Margaux. Nawi-weird-an na siya sa mga sinasabi ng ama. “`Pa, paano ako mag-aasawa, wala nga akong boyfriend. At paano ako magbo-boyfriend kung wala akong matipuhan sa mga manliligaw ko? Ayoko naman pong pumasok sa isang relasyon na wala naman akong nararamdamang pagmamahal sa puso ko,” pahayag niya. Batid niya ang katotohanang sa angkan nila ay mahirap na ang magkaanak kapag tumuntong na ang isang babae sa edad na beinte-nuwebe pataas. Kaya nga hindi malaki ang pamilya nila. “Mag-ampon ka na lang kaya, anak? Para sa sandaling wala na ako, may makakasama ka?” mungkahi ng kanyang ama. Muntik na siyang matawa, pero mukhang seryoso ito sa bagay na iyon. “`Pa! Last option ko na ang pag-aampon. Siyempre, mas gusto ko ang sariling dugo ko.” “How about artificial insemination?” Napamulagat si Margaux. Ganoon ba ito kaseryoso tungkol sa pagkakaroon niya ng anak? “`Pa…?” Sa pagkamangha niya ay may mga papeles na inilapag sa study table niya ang kanyang ama. “Seryoso ako, Margaux. Consider artificial insemination. Here, I’ve made the necessary arrangements sa isang sperm bank. Heto ang mga dokumento, i-check mo.” “Seriously?” nanlalaki ang mga matang bulalas niya. “I’m very serious, hija.” Awang ang bibig na napatitig na lang siya sa kanyang ama.   NAKANGITI si Margaux habang palabas siya ng gusali ng Cryos International Clinic. Maayos na naisagawa sa kanya ang procedure ng artificial insemination. Ang kailangan na lamang niyang gawin ngayon ay maghintay ng at least three months para malaman kung matagumpay iyon. She crossed her fingers. Nasasabik na siyang magkaroon ng anak. Ang totoo ay nakuha niya ang ideyang iyon sa kanyang ama. Marahil iyon ang tinatawag na premonition. Isang linggo pagkaraan ng pag-uusap nilang iyon ay binawian ng buhay ang papa niya dahil sa heat stroke. At tila pinagtitiyap ng pagkakataon dahil nalaman niyang pumanaw na rin ang Ninong Robert niya. Hindi siya nakauwi ng Pilipinas dahil nagdadalamhati rin siya sa pagkawala ng ama. Noon siya natakot tungkol sa pag-iisa niya. Kaya naman pinagtuunan niya ng pansin ang mga dokumentong iniwan sa kanya ng papa niya. Tama ito, naisaayos na nga nito ang mga bagay sa sperm bank at nakapangalan iyon sa kanya. Pinag-isipan niya nang mabuti ang lahat. Sa huli ay nagpasya siyang gawin iyon. Hinintay muna niyang makapagbabang-luksa siya bago siya sumailalim sa procedure. “Successful,” simpleng wika niya kay Roy nang marating niya ang kinapaparadahan ng kotse nito sa parking lot. Walang pasok sa Juilliard ang kaibigan niya nang araw na iyon kaya nagpasundo siya rito. Alam nito ang plano niya. Bukod sa mga kamag-anak niya ay isa ito sa mga naging sandalan niya nang mamatay ang kanyang ama. Ngumiti si Roy. “Ano ang sunod na plano? Itutuloy mo ba ang pag-uwi sa Pilipinas?” Tumango siya. Parte iyon ng plano niya. Pagkatapos ng apat na taon ay ngayon lang uli siya makakauwi sa Pilipinas. “Paano ang insemination? I mean, hindi ba may mga follow-up checkup ka dapat?” “Nagawan ko na ng paraan `yan. May affiliate ang Cryos sa Singapore. Malapit lang iyon sa Pilipinas, doon na lamang ako magpapa-checkup. Ipo-forward na lang doon ang files ko.” “So, wala na talagang makapipigil sa pag-uwi mo?” Umiling si Margaux. “Wala na.” “Kailan ang uwi mo?” “Next week ang balak ko. Aasikasuhin ko na mamaya ang pagbu-book ng flight ko.”   ILANG ulit na bumuga ng hangin si Margaux nang ianunsiyo ng piloto ng De Luna Airlines na maaari na silang bumaba ng eroplano. Their flight encountered turbulence because of bad weather. Pero hindi iyon ang dahilan kung bakit siya kinakabahan. Kinakabahan siya dahil sa pagbabalik-Pilipinas niya. Naranasan niya ang buhay kung saan tila nagmamadali ang lahat. Maunlad ang Amerika at naroroon ang lahat ng magagandang bagay sa mundo, gayunman ay hindi siya nasanay sa ganoong buhay. Pakiramdam niya ay hindi siya nabibilang sa mundong iyon dahil laging nasa isip niya ang Pilipinas. Kaya nga bumalik siya. Bumuntong-hininga siya bago siya tumayo mula sa kanyang upuan para bumaba ng eroplano. Mainit ang hangin at matingkad ang sikat ng araw. She was home. Pagod ang katawan niya sa biyahe pero hindi niya magawang ipikit ang mga mata para matulog. Abala siya sa pagtingin sa labas ng bintana ng kinalululanan niyang taxi. Walang gaanong ipinagbago ang Pilipinas, maliban sa nadagdagan ang matataas na gusali. Gayunman, magaan ang pakiramdam niya. Nakaramdam siya ng katiwasayan ng kalooban, bagay na hindi niya naramdaman sa Amerika. I’m home… Umayos siya ng upo nang mangawit ang leeg niya sa pagtingin sa labas. Pagbaling niya sa rearview mirror ay biglang kumabog ang dibdib niya. Hindi siya sigurado kung tinititigan siya ng driver, pero nahuli niyang tila bigla itong nagbawi ng tingin. Hindi niya gaanong mabistahan ang mukha nito dahil nakasuot ito ng baseball cap. Binale-wala na lamang niya iyon. Batid niyang maganda siya at magaling magdala ng sarili kaya marahil hindi napigilan ng driver na titigan siya. Safe naman ang taxi na sinakyan niya dahil kasama iyon sa serbisyong ibinibigay ng De Luna Airlines sa mga pasahero niyon. Tumunog ang telepono niya. Mabilis na kinuha niya iyon nang maalala niyang dapat nga pala niyang tawagan si Roy sa sandaling makalapag ang eroplano sa Pilipinas. Tiyak na hindi na ito makapaghintay sa tawag niya kaya ito na ang tumatawag. “Roy,” aniya sa kaibigan. Napakunot-noo siya nang marinig niya ang driver na tila umungol sa pagkadisgusto. Hindi na lang niya iyon pinansin, baka nagkamali lang siya ng dinig. “Sorry hindi agad ako nakatawag. I’m fine. Yeah… I’m in a cab right now. Have you eaten? Good.” Masiglang tawa ang pinakawalan niya. Napailing siya. Ilang oras pa lang ang lumilipas nang maghiwalay sila pero kung magkuwento ito ay animo isang dekada na silang hindi nagkikita. “Take care of yourself, darling. I’m missing you already. Call me often, okay? I love y—” Muntik na siyang mapasubsob nang bigla na lang pumreno ang driver ng taxi. “Jesus! Manong, may pasahero po kayo. Baka puwedeng maghinay-hinay naman kayo sa pagpreno,” naiinis na sita ni Margaux sa driver. May dapat siyang ingatan sa sinapupunan niya kaya ayaw niyang ma-stress. Tila hindi man lang natinag ang driver sa sinabi niya dahil hindi ito umimik. Pinalampas na lamang niya iyon. Unang araw niya sa Pilipinas kaya hindi niya hahayaang masira iyon. Sa wakas ay narating na niya ang bahay na titirhan niya. Bahay iyon ni Roy. Nang sabihin niya rito na uuwi na siya sa Pilipinas ay iginiit nito na sa bahay nito siya tumira. Wala na siyang nagawa sa kakulitan nito. Kunsabagay, pansamantala lang naman iyon dahil balak niyang bumili ng sariling bahay. Ang dating bahay nila ng kanyang ama ay matagal nang naibenta. Nang pumanaw ang kanyang ama, sa kanya napunta ang lahat ng ari-arian nila sa New York at pera sa bangko dahil nag-iisang anak lamang siya. Roy would later join her in the Philippines para damayan daw siya sa kabaliwan niya. Sa ngayon ay plano muna niyang ituloy ang pag-aaral niya para may pagkaabalahan siya habang hinihintay niya ang resulta ng artificial insemination. Kapag naging matagumpay iyon ay titigil din siya sa pag-aaral. Mabilis na nakababa ang driver at ipinagbukas siya ng pinto ng sasakyan. Nakayuko ito kaya hindi pa rin niya gaanong makita ang mukha nito. Pero hindi niya napigilan ang pagtaas ng isang kilay niya nang makita ang sapatos na suot nito. Nasisiguro niya na original ang leather shoes na iyon at mamahaling klase. Halatang hindi rin basta-basta ang pantalong suot nito. Kupas na polo shirt ang pang-itaas nito na may logo ng De Luna Airlines. Matangkad ito at maliban sa pagkakayuko nito ay tila matatag naman ito kung tumayo. Hindi rin nakaligtas sa kanya ang nakalitaw nitong mga braso—mapuputi at kutis-mayaman. Nahalata marahil nito ang ginagawa niyang pagmamasid dito kaya dumako na ito sa likuran ng taxi at ibinaba ang mga bagahe niya. Binayaran niya ito at pasimpleng sinilip uli ang mukha nito pero bigo pa rin siyang mabistahan ito nang husto dahil tila lalo itong umiwas. Ipinagkibit-balikat na lamang niya iyon. Baka dati itong may sinasabi sa buhay, pagkatapos ay biglang naghirap kaya nagta-taxi na lamang ngayon. Nahihiya pa siguro ito kaya ganoon na lang kung umiwas.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD