Chapter 4

2759 Words
KINUHA ni Margaux ang towel at isinampay iyon sa balikat niya. Nasa veranda siya ng bahay dahil oras na ng pag-e-exercise niya. Mataas ang lugar na kinatatayuan ng bahay kaya mula roon ay tanaw niya ang halos kabuuan ng subdivision. Nakaharap sa silangan ang veranda na kinaroroonan niya kaya kitang-kita roon ang pagsikat ng araw. Isa ang sunrise sa mga bagay na hinahanap-hanap niya noong nasa ibang bansa siya. “One, two, thr—” Napasapo siya sa kanyang dibdib dahil sa pagkagulat nang bumaling siya sa gawing kanan ng bahay. Bumulaga sa mga mata niya ang hubad-barong lalaki na naglilinis ng sasakyan. Hindi niya makita ang mukha nito dahil bukod sa nasa ikalawang palapag siya ng bahay, medyo mahaba ang buhok ng lalaki at nakatalikod din ito sa kanya habang nakaumang sa kotse ang hawak nitong hose ng tubig. Ngunit kahit nakatalikod ito ay sapat na iyon para masabi niyang maganda ang pangangatawan nito. Malapad ang likod nito at walang katiting na taba na makikita. Prominente rin ang pagporma ng mga muscle nito sa balikat kapag gumagalaw ito. Naagaw rin ang pansin niya ng makurbang pang-upo nito. At dahil nakahubad-baro ito, medyo sumisilip na sa low-waisted nitong pantalon ang garter ng suot nitong panloob. Agad siyang bumalik sa silid niya pero hindi pa siya nakakalayo ay tila ayaw nang humakbang ng mga paa niya. Maingat siyang lumapit sa gawing bintana at dahan-dahang hinawi ang makapal na kurtina para doon sumilip. Muli siyang napasinghap. Naroroon pa rin ang lalaki at bahagyang kumikislap sa sinag ng araw ang balat nito dahil sa mga butil ng tubig na kumapit sa katawan nito. Sa isang linggong pananatili niya sa bahay na iyon ay wala siyang nakitang tao na nakatira sa kabilang bahay. Marahil ay nagbakasyon ito sa kung saan at ngayon ay nakabalik na ito. Napapitlag si Margaux nang tumunog ang doorbell. Dali-dali siyang bumaba at tinungo ang front door. Sinilip muna niya mula sa peephole kung sino ang tao sa labas. Napasinghap siya nang makita ang bouquet ng crimson red na stargazers—ang paborito niyang bulaklak. Mabilis niyang binuksan ang pinto. Sinulyapan niya ang delivery van na nakaparada sa gilid ng bahay nila. May tatak iyon ng isang kilalang flower shop sa Makati. “Miss Margaux Santillan?” tanong ng deliveryman. “Yes?” Iniabot nito sa kanya ang bulaklak na agad niyang tinanggap. “Sigurado kang para sa akin ito?” tanong niya habang inaamoy-amoy ang mga bulaklak. Wala siyang nakitang kalakip na card kaya hindi niya alam kung kanino iyon nagmula. “Sigurado pong para sa inyo iyan, Miss Santillan. Malinaw po ang instruction sa delivery address.” “Kanino ito galing?” tanong pa rin niya kahit duda siya kung sasabihin nito ang impormasyon. Kung walang kalakip na card, malamang ay ayaw ring ipaalam ng sender kung sino ito. “I’m sorry, Ma’am, hindi ko rin po alam kung kanino galing,” wika nito, kapagkuwan ay magalang nang nagpaalam. Nagkibit-balikat na lamang siya. Hindi na marahil mahalaga kung kanino galing ang mga bulaklak. Malamang ay pakana na naman iyon ni Roy. Mahilig itong magbigay ng mga bulaklak sa kanya, lalo na ng stargazer. Tatawagan na lamang niya ito para magpasalamat. Papasok na uli siya sa loob ng bahay nang matigilan siya. May narinig kasi siyang sumipol, tila humihimig ng kanta. At napakaganda ng dating niyon sa pandinig niya kahit na hndi siya sigurado kung anong kanta iyon. Hinanap niya kung saan iyon nagmumula at napanganga siya nang mapagtantong ang misteryosong kapitbahay niya ang sumisipol. Ang malapad na likod na lang nito ang natanaw niya dahil papasok na ito sa bahay. “Magandang magsimula ng umaga kapag may bulaklak kang kasingganda ng stargazer at may mala-Adonis na katawan kang makikita,” mahinang wika niya. Napahagikgik siya.   “WHAT?! Totoo ba `yan, girl?” nanlalaki ang mga matang tanong ni Clarice kay Margaux. Nakilala niya si Clarice sa isa sa mga fashion show ng modelong si Bianca Cusap na pareho nilang dinaluhan noon sa Amerika. Nagkataon na magkatabi ang mga upuan nila kaya nagkapalagayang-loob sila. Nang malaman nitong sa Pilipinas na niya itutuloy ang kanyang pag-aaral ay inengganyo siya nito na sa pinapasukan nitong school siya mag-transfer—sa St. Anthony’s Academy. Isa sa mga prominenteng eskuwelahan sa bansa ang St. Anthony’s kaya doon na rin niya piniling mag-aral. Hindi siya matahimik kaya naisip niyang ikuwento rito ang tungkol sa kanyang kapitbahay. Hindi kasi mawala sa isip niya imahe ng pigura ng lalaki. Hindi pa nga lang kompleto hanggang ngayon ang imahe ng lalaki dahil hindi pa rin niya nakikita ang mukha niyon. Lalo tuloy siyang na-curious sa kanyang kapitbahay. Ang bagay na iyon pa lang ang kaya niyang ikuwento kay Clarice, hindi ang tungkol sa artificial insemination na ginawa niya. Nasa mall sila nang mga sandaling iyon. “Oo nga,” sagot niya. “Whew! Kailangang makita ko ang fafa na `yan, girl. Dahil kung sa bibig ni Margaux Santillan nagmula ang salitang ‘hunk’ ay siguradong hunk nga iyan.” Natawa siya. Alam nito na pihikan siya pagdating sa mga lalaki. “Katawan lang niya ang nakita ko, okay? Hindi ko nasilayan man lang ang face niya kung may ‘value’ ba. Malay ko ba kung hanggang katawan lang iyon at walang mukhang maihaharap.” “Hay naku, malakas ang kutob ko na guwapo siya, girl! Mag-i-sleepover ako mamaya sa bahay mo, ha? Para mabistahan ko `yang fafa na `yan. Baka siya na pala ang inilaan ng Diyos para sa akin,” excited na wika ni Clarice. Napangiti si Margaux. Para siyang kiniliti nang maisip uli niya ang lalaki. Iyon ang unang pagkakataon na may lalaking nakakuha sa atensiyon niya.   “ANO, WALA pa ba?” natatawang tanong ni Margaux kay Clarice. Pumunta nga ito sa bahay niya nang gabing iyon at kanina pa nanghahaba ang leeg nito sa pagtanaw sa kabilang bahay. Nasisiguro naman nila na may tao roon dahil nakabukas ang ilaw ng bahay at nasa harap din ng bahay ang kotse. Nakapatay ang ilaw sa silid niya para walang makakita sa ginagawa nilang panunubok sa kabilang bahay. Gayunman ay may sapat na liwanag doon dahil sa tanglaw ng bilog na buwan na tumatagos sa bintana ng silid niya. Nakasimangot na sumampa sa kama si Clarice habang hinihimas ang leeg nito. “Wala, eh. Dapat pala araw ako pumunta rito at hindi gabi. Teka, sigurado ka ba na may hunk talaga diyan sa kabila? Hindi kaya guniguni mo lang iyon?” Natawa si Margaux. “Malinaw pa naman ang mga mata ko at matino ang pag-iisip ko kaya malabong bunga lamang siya ng imagination ko. At saka paano mo ipaliliwanag na may ilaw sa kabilang bahay?” “Multo?” Natawa uli siya. “Sira! Ewan ko na lang kung masabi mo pang multo siya oras na makita mo ang katawan niya.” “Teka, may naisip ako. May cheesecake ka pa, `di ba?” Pinandilatan niya si Clarice. “Don’t tell me, gutom ka na naman?” Ito lamang yata ang babaeng kilala niya na sobrang hilig sa pagkain pero hindi tumataba. Kahit ano ang kainin nito, hindi nasisira ang figure nito. “Hoy, nakaka-offend `yang pandidilat mo, ha,” nakasimangot na wika nito. “Kahit matakaw ako, sexy pa rin ako. Saka hindi naman ako ang kakain ng cheesecake, eh.” “Eh, ano ang gagawin mo sa cheesecake?” “Naisip ko na puwede nating dalhan ng cheesecake ang bago mong kapitbahay. Parang pang-welcome sa kanya, gano’n.” “Ako ang bago rito sa neighborhood kaya ako ang dapat nilang i-welcome.” “Eh, di ikaw ang magbago ng tradisyon at ikaw na ang—” Nabitin sa hangin ang sinasabi nito. Siya man ay biglang napatingin dito. Nakarinig kasi sila ng ingay ng tila nabulabog na tubig. Tila may kung sinong nag-dive sa pool. “Oh, my God, naiisip mo ba ang naiisip ko?” tanong ni Clarice. “Sa palagay ko,” natatawang sagot ni Margaux. Halos sabay silang bumaba ng kama at nagtungo sa tabi ng bintana. Pamilyar na siya sa disenyo ng kabilang bahay kaya alam niyang may indoor swimming pool sa second floor na nagkataong halos katapat lang ng kuwarto niya. “Ready?” pabulong na tanong niya sa kaibigan nang makapuwesto sila sa likod ng kurtina. Hawak na niya ang isang bahagi ng kurtina at iaangat na lang iyon nang bahagya para makasilip sila. Nang tumango ito ay dahan-dahan niyang iniangat ang kurtina. “Oh, my God!” bulalas nito sa tanawing bumulaga sa kanila. Siya man ay napanganga rin. Hayun ang kapitbahay niya at suwabeng lumalangoy sa pool. Sa tulong ng liwanag ng buwan ay nakita nila ang makisig na pangangatawan nito na talaga namang makapigil-hininga. Muli ay nasilayan niya ang malapad nitong mga balikat, ang dibdib na tila inililok ng dalubhasang mga kamay, at ang matitipunong braso na batid niyang kayang-kayang magtanggol at pumrotekta. Tanging swimming trunks ang suot ng lalaki kaya naman hantad na hantad sa kanila ni Clarice ang kakisigan nito. He swam like he was the king of the water. Tiyak ang bawat kampay ng mga kamay nito sa malawak na tubig. Suddenly, she wanted to grab a camera so she could capture that wonderful and mesmerizing scene. “Pahiram ng panyo, bilis!” ani Clarice nang kalabitin siya nito. “B-bakit?” naguguluhang tanong niya rito habang nakatutok pa rin ang mga mata niya sa kabilang bahay. Ewan niya kung bakit tumatambol nang ganoon ang dibdib niya. Napakalakas ng dating ng lalaki at kay hirap alisin ng tingin niya rito. “I’m drooling, kailangan ko ng pamunas. Ang hot niya, Margaux! Sobra!” sabi ni Clarice. Napapalatak siya nang mahina. Sang-ayon siya sa sinabi ng kaibigan niya dahil talagang super hot ng kapitbahay niya. Muli silang sumilip sa bintana. Ganoon na lang ang panlulumo nila ni Clarice nang makitang wala nang tao sa pool sa kabilang bahay. “Nakita mo ba ang mukha niya?” tanong ni Clarice. “Hindi pa rin, eh. Ikaw ba?” Kahit kasi anong aninag ang gawin niya ay hindi talaga niya mabistahan ang mukha ng lalaki. Kapag nakikita niya ito, tuwina ay nakatalikod, nakayuko, o kaya ay nakaanggulo ito na hindi talaga makikita ang mukha nito. Bigla tuloy pumasok sa isip niya ang taxi driver na hindi rin niya nakita ang mukha. “Hindi ko rin nakita, eh,” dismayadong wika ni Clarice. “Malamang na hindi ako makakatulog nito. Kailangang makilala ko siya.” “Para kang timang!” pambubuska niya rito pero ang totoo ay nakapagkit pa rin sa isip niya ang eksena kanina sa swimming pool. Sa tingin niya ay hindi iyon basta-basta mawawala sa gunita niya. Hindi iyon ang unang pagkakataon na nakakita siya ng mala-Adonis na katawan ng lalaki, pero iyon ang unang pagkakataon na natawag ang pansin niya. “Actually, naisip ko na mas bagay talaga kayo ni Mr. We-Don’t-Know-Who-He-Is. Napakakisig niya at ikaw naman ay napaka-sexy. Perfect pair kayo, Margaux.” “Perfect? Hoy, hindi ako nadadala sa kakisigan lang ng lalaki,” nakaingos na sabi niya sa kaibigan. Wala sa listahan niya ang ma-involve sa isang lalaki. Sa ngayon, mas gusto muna niyang pagtuunan ng pansin ang “proyekto” niya.   MABILIS na bumaba ng kotse si Margaux. Unang araw ng pagpasok niya sa St. Anthony’s. Noong nakaraang linggo ay naayos na niya ang schedule niya. Nakita niya si Clarice na nakaupo sa isang bench. Malamang na hinihintay siya nito dahil pareho sila ng schedule ng classes sa araw na iyon. Nakipagbeso siya rito nang makalapit. “Anong meron?” nagtatakang tanong niya. Inginuso niya kay Clarice ang gawi ng gusaling kinaroroonan nila na tila may nagkakagulong mga estudyante. Ngumiti ito nang malawak. “F6.” “Anong F6?” “Parang `yong grupong F4 sa isang Korean drama.” Napatango siya kahit naguguluhan pa rin. Ano naman ang kaugnayan ng palabas na iyon sa F6 na sinasabi ni Clarice? Inginuso nito ang lugar na ngayon ay tila lalo pang dumami ang mga nakapalibot na babae. “May sariling version ng all-male group na iyon ang St. Anthony’s; anim ang miyembro niyon. Lahat sila ay anak ng mga kilalang tao sa bansa. At lahat sila ay guwapo, girl! Laging makulay ang St. Anthony’s dahil sa anim na hunks na iyon,” nangingislap ang mga matang wika nito. “Ang ibig mong sabihin, anim na lalaki ang dahilan ng kaguluhan doon?” napapantastikuhang tanong niya. Hindi ba at prominenteng eskuwelahan ang St. Anthony’s? Bakit may mga estudyanteng babae roon na animo ay mga tambay sa kanto kung makatili? Tumango si Clarice, abot hanggang tainga ang ngiti. “Itanong mo sa akin kung sino sila, bilis!” Hindi siya interesadong malaman kung sino ang mga lalaking iyon. Ano naman ang mapapala niya? Hindi na siya high school para kiligin sa isang grupo ng nagguguwapuhang lalaki. Pero dahil nakabakas ang excitement sa mukha ng kaibigan niya ay nagtanong na rin siya. “Sino ba sila?” Lalong lumapad ang ngiti nito. “You’re not going to believe this. They’re Randall Clark, Arthur Franz de Luna, James Red Montecillo, Mikael Henric Villamor, Lance Pierro Alvarez, and last but definitely not the least—” “Sandali!” putol niya rito, “Randall Clark? Siya ba ang nag-iisang anak ni Senator Clark?” excited na tanong niya. Marami na siyang narinig tungkol sa nasabing senador at hinahangaan niya ito dahil doon. Ang alam niya ay sa ibang bansa naglalagi ang batang Clark. “Walang iba,” wika ni Clarice. “Suki ka ng de Luna Airlines, `di ba? Si Arthur Franz ang solong tagapagmana niyon! Habang si Lance Pierro naman ang tagapagmana ng Alvarez Group of Companies. Hindi rin matatawaran ang yaman ng mga Montecillo. Pagmamay-ari naman ng pamilya ni Mikael Henric ang Villamor Brodcasting Network.” “What?!” hindi makapaniwalang bulalas niya. Kilala niya ang mga angkan na iyon at maging ng buong Pilipinas. Palaging kasama ang mga ito sa listahan ng most influential and powerful families. “Magkakaibigan sila? Binibiro mo lang ako, `di ba?” Natawa ito sa reaksiyon niya. “Ang alam ko magkakakilala na sila bago pa man sila nag-aral sa St. Anthony’s, pero dito na talaga sa school nabuo ang grupo nila. Pero hindi na issue dito ang pangalan nila. Ang totoong pinagkakaguluhan sa grupo nila ay ang kaguwapuhan ng bawat isa! Walang itulak-kabigin sa kanila kung hitsura ang pag-uusapan. Heto ang exciting, girl. Wala pa ni isang litratong lumabas ng sino man sa anim na nakahubad o shirtless man lang? They’re always properly dressed in their photos. Pero hindi mo na kailangan pang makita ang hubad na katawan nila. Just look at them and you’ll drool, big time! Graduating students na silang lahat kaya siguradong mas makulay ang school year na ito.” Walang maapuhap na salita si Margaux; halos nakikini-kinita na niya ang pagkakagulo ng kababaihan sa eskuwelahan araw-araw. “S-sino nga pala ang isa pang kaibigan nila?” tanong niya nang maalalang pinutol niya sa pagsasalita ang kaibigan kanina. Lumawak ang ngiti nito. “He’s the group’s Mr. Brain! Napakatalino niya, Margaux. Triple treat siya, kumbaga—matalino, mayaman, at guwapo. A perfect Prince Charming.” Hindi niya alam kung bakit, pero tumahip ang dibdib niya at hindi na siya makapaghintay na malaman kung sino ang lalaking iyon. “S-sino nga?” “Ang guwapo niya, sobra! I mean, lahat sila guwapo—” “Sino nga `yong isa pa nilang kaibigan?” naiinip niyang tanong. “Miguel Robert Lagdameo. Sila ang may-ari ng Lagdameo Holdings.” Tila iyon bomba na sumabog sa harap niya. Miguel Robert Lagdameo—ang terorista ng kabataan niya na si Miro, ang mapang-asar niyang kababata. “Margaux, namumutla ka…” Dapat lang talagang mamutla siya, dahil si Miro Lagdameo ang taong hindi na niya nais pang masalubong kahit saang kalsada. Ang akala niya, pagkatapos ng nangyari sa kanila noong gabi ng seniors’ ball ay mag-iiba na ang takbo ng samahan nila. Akala niya ay makakaligtas na siya sa mga kalokohan nito, iyon pala ay isang araw lang ang ibibigay nito sa kanyang katahimikan dahil bumalik na naman ito sa dating ugali nito. Lalo pa ngang lumala ang pang-iinis at pang-aasar nito sa kanya hanggang sa tuluyan siyang mapikon dito. Siya na ang umiwas dito at lumiliko ng daan tuwing makikita niya ito. Ngunit sadya yatang kaligayahan na nito ang galitin siya.        
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD