"Sorry," aniya nang hindi na natiis ni Honey ang katahimikan sa pagitan nila. Hindi siya sanay na ganoon sila. Sa maraming pagkakataon na naroon sila at naghihintay kina Hazelle at Hazenne, nakahilig siya kay Ben, o kaya ay nakakapit siya sa braso nito habang nagkukuwentuhan sila. Bumuntong hininga si Ben. "May period ka na?" kaswal na tanong nito. Tama pala siyang iyon ang iniisip nito kaya bad mood siya. "Meron," pagsisinungaling ni Honey. Kung sasabihin niyang hindi ang period niya ang dahilan ng bad mood, sigurado siyang hahaba pa ang usapan. Baka kung saan pa humantong iyon kaya mas mabuti nang iyon ang isipin nito. "May stock ka pa ng sanitary pads, Ney?" Natawa siya sa tanong nito. Saka lang bumaling si Ben sa kanya. Ilang segundo nitong pinagmasdan ang mukha niya bago ngumiti.

