One

1088 Words
Years later... HALOS mag-uumaga pa lang kaya madilim pa ang paligid. Mula sa silid niya ay walang tunog na pumasok maliit na banyo nila si Honey para maligo. Alas siyete ang pasok niya sa eskuwela pero sinasadya niyang agahan ang pag-alis. Hindi niya gustong maiwan sa bahay. Sasabay siya sa pag-alis ng kanyang ina. Nagbabahay-bahay ito para magtinda ng isda at gulay. Gusto niya sa kahit saang lugar huwag lang sa bahay na iyon ng stepfather niya. Pumasok si Honey sa banyo at isinara niya ang pinto. Ibinaba ang kurtina at hinanap niya kung may mga bago na namang butas sa dingding. Mula nang lumipat silang mag-ina roon ay hindi na natahimik ang buhay niya. Lagi na ay natatakot siya at kinakabahan. Pakiramdam niya ay laging nakatutok sa kanya ang mga mata ng kinakasama ng ina. Paano namang hindi siya makakaramdam ng ganoon gayong hindi iisang beses niya itong nagisnan na nakatitig sa katawan niya at nakangisi ang stepfather. Lagi rin nitong inaabangan na mapapahiwalay siya sa nanay niya, bagay na hindi naman hinahayaan ni Honey. Sa bawat paglipas ng araw ay mas tumitindi ang takot niya. At kagabi, nagisnan niya itong hinahaplos ang mga binti niya. Salamat na lang at nagising ang ina sa pagtili niya. Inunahan siya ng hayup sa pagpapaliwanag sa nanay niya—ginising raw siya nito dahil nananaginip siya ng masama. Manginig-nginig na nagsumiksik siya sa dingding. Naragdagan ang takot ni Honey. Sinasabi na lang niya sa sarili na malapit na ang graduation. Matatapos na ang paghihirap niya. May biglang kumalabog sa labas. Napasandal siya sa dingding ng banyo. Nilukob na naman siya ng takot. Mayamaya ay nakaramdam siya ng pangangatog ng tuhod. Mariin siyang pumikit at kinapa sa bulsa niya ang patalim. Nang mahawakan niya iyon ay humupa kahit paano ang pakiramdam niya. Maipagtatanggol niya ang sarili gamit iyon. Napatili si Honey nang may malakas na kumalabog sa pinto ng banyo! Iba na ang kasunod na eksenang nakita niya—duguan ang damit at kamay ng nanay niya habang hawak ang matalas na kutsilyo na inaagusan pa ng sariwang dugo. Luhaan ito at nakatitig sa kanya. Tumaas bumaba ang dibdib niya sa naghahalong emosyon. Nag-umpisa siyang manginig. Pagbaling niya sa sahig ay naroon ang stepfather niya, naliligo sa sarili nitong dugo! Ang lakas ng pagsigaw niya... BUMALIKWAS ng bangon si Honey. Nasapo niya ang kanyang dibdib. Hindi pantay ang kanyang paghinga at ramdam niya ang pamumuo ng pawis sa gilid ng noo at sentido. Dinalaw na naman siya ng pamilyar na bangungot. Malalim talaga ang takot na itinatak ng hayup na iyon sa isip niya, kaya kahit ngayong wala na siya sa bahay nila at halos tatlong taon na siyang namumuhay ng tahimik sa piling ni Mamu Pauline, dinadalaw pa rin siya ng bangungot na tinatakasan niya—lalo na kapag nakatulog siyang hindi payapa ang kalooban. Ilang araw na kasi siyang nag-aalala dahil sa pagkaka-ospital ng kanyang Mamu Pauline. Na-dengue ito. Alalang-alala siya lalo na nang kinailangan na nitong salinan ng dugo. Siguro ay na-stuck sa subconscious mind niya ang mga negatibong isipin kaya kahit ngayong maayos na ang Mamu niya at nakalabas na ng ospital ay hindi pa rin tahimik ang kalooban niya. At ang resulta, hayun, masamang panaginip. Napatingin siya sa pinto nang sumalya pabukas iyon. "'Ney?" nag-aalalang pumasok si Benito, na nagiging Benette pagsapit ng gabi— ang mapagpanggap niyang kaibigan na halos apat na buwan na niyang kasama sa apartment. Kaibigan ni Mamu Pauline ang may-ari ng one bedroom house na iyon na ten minutes away lang sa pinapasukan niyang university. Nang malipat sa pangalan ni Mamu ang bahay na hinuhulugan nito sa Cavite ay nagpasya itong doon na manatili. Inilipat rin nito ang parlor. Siya ay naiwan sa Maynila dahil sa pag-aaral niya. Tuwing weekends at holiday ay umuuwi siya sa Cavite. Si Benito ay isang irregular student na naging ka-klase niya sa dalawang subject noong isang taon, sa second semester ng sophomore year niya. Kaagad silang nagkalapit nang ibunyag nito sa kanya ang sekretong pinaka-iingatan—na bading ito. Panatag siya sa mga katulad ni Mamu Pauline kaya pinagkatiwalaan niya agad ito. Nagkalapit sila at naging mabuting magkaibigan. Ngayong unang semester ng junior year niya ay sa dalawang subject pa rin na magkaklase sila, sa magkaibang araw nga lang. Kaya naman, natuwa si Honey nang lumapit si Benito sa kanya at humingi ng tulong. Nakaaway raw nito ang magba-barkadang itinuturing na bad boys sa dormitoryo nito. Nagpatulong ito sa kanya na maghanap ng bagong matutuluyan. Ano ba naman ang laban ng machong bading sa tropa ng mga bad boys? Inalok ni Honey ang apartment niya. Ipinagpaalam niya iyon kay Mamu at nang pumayag ang ina-amahan niya, naglatag siya ng mga kondisyon niya kay Ben—hati sila sa lahat ng nasa bahay, ganoon din sa mga bayarin. Pumayag ang bading. Kaya sa ikalawang buwan ng semester ay magkasama na sila sa bahay. Sa paningin ng lahat ay straight ito, base na rin sa guwapong mukha, magandang posture at well defined na mga muscles na nasa mga tamang lugar. Bronze-skinned ito, long haired na laging nakatali sa likuran, pero ang sa tingin niyang mas pansinin sa mukha nito ay ang magandang mga labi na parang laging nakataas ang sulok, at ang mga mata. Lumapit ito ng diretso sa kama niya, pinagmasdan siya ng ilang segundo bago huminga nang malalim. "Sumigaw ka na naman," umangat ang palad nito at maingat na tinuyo ang namuong pawis niya. Alam niyang nahulaan na nito ang laman ng panaginip niya. Hindi umimik si Honey, isinubsob lang ang noo sa balikat nito. Awtomatikong naramdaman niya ang paghagod ni Benito sa likod niya. Itinaas niya ang mga braso at yumapos sa leeg nito. Gumanti ito ng yakap hanggang sinakop siya ng init na nagmumula sa katawan nito. Ilang segundo lang ay kumalma na ang pintig ng puso niya. Hindi na siya natatakot. Bumalik na rin sa normal ang kanyang paghinga. Sa mga nakalipas na buwan na magkasama sila ay ito na ang naging sandalan niya emotionally. Si Benito ang sumasalo sa lahat ng mga sentiments niya kapag naglalabas siya ng saloobin, at ito ang nakapagbibigay sa kanya ng comfort na kailangang-kailangan niya, tulad ng Mamu Pauline niya noong mga unang araw niya sa poder nito. Noong isang siyang teenager na pilit tinatakbuhan ang isang bangungot. Naikuwento na niya kay Ben lahat ng tungkol sa kanya, kaya naman, alam na alam na nito kung paano siya ita-trato at pakikisamahan. Sobrang ipinagpapasalamat ni Honey na naging kaibigan niya ito. Naalala niya ang una nilang pagtatagpo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD