Episode 4.5

645 Words
AGAD na hinarap si Shea ni Mama Annie nang pumunta siya sa bar nito nang gabing iyon. “Shea, kumusta ka na?” tanong ni Mama Annie, nasa mukha ang pag-aalala. “Kumusta ang kapatid mo? Na-operahan na ba siya?” Marahan siyang tumango at pinilit ang sariling ngumiti. “Successful po ang operasyon niya, Mama Annie,” pagbabalita niya dito. “Hindi pa nga lang siya nagigising,” inabot niya ang mga kamay ng babae at hinawakan iyon ng mahigpit. “Maraming maraming salamat sa lahat ng naitulong niyo. Hinding-hindi ko po iyon makakalimutan,” tumulo na ang mga luha sa pisngi niya. Itinaas nito ang isang kamay at hinaplos ang pisngi niya. “Wala iyon, Shea,” anito. “Gusto ko kayong tulungan dahil pamilya kayo ng kapatid ko,” ilang sandali itong huminto. “Maayos lang ba ang… nangyari sa inyo noong lalaking nakasama mo?” tanong pa nito. Natigilan siya. Muli na namang bumuhos sa alaala niya ang nangyari sa kanila ni Spencer kagabi. “O-Opo,” iniiwas niya ang tingin dito para hindi nito mapansin ang kalungkutan at pangungulilang nararamdaman niya ng mga oras na iyon. “Mabuti naman kung ganoon,” sagot nito. Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa kanila bago niya naisipang sabihin dito ang pina-plano niyang pag-alis sa lugar na iyon. “Mama Annie, k-kapag puwede na pong ma-discharge si John ay lilipat na kami sa Davao,” sumulyap siya sa babae. “G-Gusto ko pong magbagong-buhay doon. Malayo dito sa siyudad. Gusto kong bumalik sa lugar ni Itay. B-Baka sakaling maging mas maayos ang buhay namin doon.” Malungkot na napabuntong-hininga si Mama Annie. “Naiintindihan kong nahihirapan ka na sa lugar na ito, naiintindihan ko rin na para sa kapakanan ni John ay mabuting lumayo na nga kayo sa mapanganib na lugar na ito.” Binigyan siya nito ng nakakaunawang ngiti. “Mag-iingat kayo doon, Shea. At huwag kang mahihiyang tawagan ako kung may kailangan ka.” Tumango siya at may iniabot ditong sobre na naglalaman ng pera. “Para po sa inyo ito,” wika niya. Nagulat si Mama Annie at iiling-iling na tumingin sa kanya. “Itago mo ito, Shea. Mas kailangan niyo ito kaysa—” “Hindi po,” putol niya dito. “Sobra po ang ibinigay sa akin ni... ng lalaking nakasama ko at gustong kong mag-abot ng kahit kaunting tulong para sa inyo. Bilang pasasalamat.” May pag-aalangan pa rin sa mukha ni Mama Annie pero tumango na rin ito at niyakap siya ng mahigpit. “Salamat, Shea. Napakabuti mo talagang bata. Alam kong pagpapalain ka ng Diyos dahil sa kabutihan mo,” umiiyak na wika nito. Ginantihan niya ang yakap nito. Nang maglayo sila ay muli siyang nagsalita para humingi ng pabor dito. “M-Mama Annie, m-may gusto po sana akong hinging pabor sa inyo,” nag-aalangang wika niya. Kumunot ang noo nito. “Ano ‘yon?” “K-Kapag po m-may naghanap sa akin sa inyo, h-huwag niyo pong sasabihin kung nasaan ako,” sagot niya. Iniyuko niya ang ulo para hindi nito makita ang lungkot na nasa mga mata niya. Ilang sandaling natahimik si Mama Annie. “Iyon ba ang lalaking nakasama mo? Guguluhin ka ba niya?” Mabilis siyang napailing. “H-Hindi po, p-pero natatakot ako,” kinagat niya ang pang-ibabang labi para pigilan ang pag-iyak. “Natatakot na akong muling humarap sa kanya. H-Hindi ko po alam.” Gulong-gulo na siya. Gusto niyang muling makita si Spencer pero natatakot siya. Natatakot siya sa mga nararamdaman niya. Tumango-tango si Mama Annie, nasa mukha ang pag-unawa. “Kung iyan ang gusto mo, Shea. Hindi ko namang gustong pakialaman ang mga desisyon mo,” ngumiti ito at muling siyang niyakap ng mahigpit. Sobra-sobra talaga ang pasasalamat niya para sa babaeng ito at humihiling siya na pagpalain din ito ng Maykapal para magkaroon ito ng maayos na buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD