3 YEARS LATER…
NAPATIGIL si Shea sa pagtipa sa keyboard na nasa harap nang maramdaman na may lumapit sa working table niya. Napatingala siya at nakita ang isa sa mga empleyado ng kompanyang pinag-ta-trabahuhan niya. Nagta-trabaho siya bilang sekretarya ng may-ari ng kompanyang Global Wiring Controls dito sa Davao. Simula nang matapos ang operasyon at rehabilitation ng kapatid niyang si John ay napagpasyahan niyang lumipat na lamang sa Davao at doon na magbagong-buhay. Dito sila nakatira noon at dito na rin siya lumaki kaya mas pinili niyang dito lumipat. Dahil din doon ay nagagawa na nilang dalawin ang puntod ng kanyang ama sa lugar na ito. Laking pasasalamat niya dahil nagawa niyang makahanap ng trabaho sa loob lamang ng ilang linggo – iyon nga ay ang pagiging isang sekretarya.
Maganda naman ang kita niya dito kaya nagagawa niya nang makapag-rent ng maayos-ayos na apartment at patuloy na pag-aralin ang mga kapatid. Ginawa niya ang lahat para mabigyan ng komportableng buhay ang pamilya at masaya na siya na makitang maayos ang kalagayan ng mga ito. Maging ang tiyahin niyang si Mama Annie ay maayos na rin ang buhay sa Maynila, madalas kasi ay tumatawag ito sa kanila para mangumusta. Sa pagkakaalam niya ay may bago na itong itinayong negosyo mula sa perang ibinigay niya noon.
“May kailangan ka ba?” tanong niya sa empleyadong lumapit sa kanya.
May iniabot ito sa kanyang isang folder. “Pakibigay naman nito kay boss,” anito. “Weekly report iyan ng IT department.”
Kinuha niya iyon at ipinatong sa mesa niya. “Ibibigay ko ito kapag dumating na siya. Nasa luncheon meeting pa kasi si Tom,” tukoy niya sa boss ng kompanya nilang si Tom De la Cruz. He was also her boyfriend, mahigit isang taon na simula nang pumasok sila sa isang relasyon.
Dito niya si Tom nakilala sa Davao noong mag-apply siya ng trabaho sa kompanya nito. Nang magsimula siya ng trabaho dito sa kompanyang ito ay hindi nito itinago ang interes nito sa kanya at kaagad na siyang niligawan. Mahigit isang taon din itong nanligaw sa kanya bago niya ito sinagot. Hindi dahil sa gusto niya ito, kundi dahil naaawa na rin siya dito at nape-pressure siya sa mga taong nag-uudyok sa kanya na sagutin ito. At siyempre, dahil na rin sa malaki ang naitulong nito sa kanya. Kung hindi siya nito tinanggap sa trabahong ito at tinulungan sa mga bagay-bagay na hindi niya alam ay baka hanggang ngayon ay nagtitiis pa rin siya sa mga trabahong mababa lang ang kita.
“Nakapag-tanghalian ka na ba?” narinig niyang tanong ng empleyadong nasa harap.
Muli siyang tumingin dito at bahagyang ngumiti. “Mamaya na siguro,” tugon niya.
Napailing ito. “Napaka-seryoso mo talaga sa trabaho simula pa nang dumating ka dito,” ngumiti ito. “Gusto mo bang dalhan na lang kita nang makakain dito?”
“Huwag na,” tanggi niya at sumulyap sa mga folders na nakapatong sa ibabaw ng mesa. “Marami pa akong dapat tapusin. Salamat na lang.”
Magsasalita pa sana ito pero hindi na nito naituloy nang marinig nila ang pagtawag sa pangalan niya. Napatingin sila sa unahan at nakita ang paglapit ni Tom, madilim ang mukha nito. Agad na bumati ang empleyadong nasa harap niya sa lalaki.
Tiningnan ito ng masama ni Tom. “Bumalik ka na sa trabaho mo,” utos nito.
Mabilis namang sumunod ang empleyado at nagpaalam sa kanila. Pagkaalis nito ay ibinaling ni Tom ang tingin sa kanya. Napasulyap pa siya sa bouquet ng roses na dala nito. “Mag-usap tayo,” sabi nito bago tuloy-tuloy na tumungo sa loob ng opisina nito.
Humugot muna siya ng malalim na hininga at inabot ang folder na ibinigay ng empleyadong iyon sa kanya kanina. Tumayo na siya at kinakabahang sumunod sa opisina ni Tom. Pagkapasok niya sa loob ay nakita niyang nakatayo ito sa harap ng office table nito.
Lumakad siya palapit dito. “I-Ito daw ‘yong—”
Napatigil siya nang harapin siya nito, may pagkainis sa mukha nito. “Anong pinag-uusapan niyo ng empleyadong iyon?!” marahas na tanong nito. “Hindi ba sinabi kong huwag kang lapit ng lapit sa ibang lalaki, Shea?”
“T-Tom, ano ba? Nagseselos ka na naman ba? Wala kaming ginagawang masama,” ipinakita niya dito ang hawak na folder. “Gusto niya lang ipabigay ito sa’yo. Reports ito ng IT department.”
Kinuha ang hawak niyang folder. Ilang beses itong bumuntong-hininga para kalmahin ang sarili. “Pasensiya ka na, Shea,” paghingi nito ng paumanhin. “Napakarami ko lang iniintindi sa trabaho. At saka alam mo namang mahal na mahal kita kaya ayokong makita kang nilalapitan ng ibang mga lalaki. Pino-protektahan ko lang ang mga pag-aari ko.”
Iniiwas niya ang tingin dito. Mabuting tao si Tom subalit ang hindi niya gusto sa ugali nito ay may pagka-seloso ito. Iniabot nito sa kanya ang hawak na bouquet ng mga pulang rosas. Tinanggap niya iyon at nagpasalamat dito. Maalalahanin rin ito at mapagbigay. Halos araw-araw ay may dala ito para sa kanya kahit na ilang beses niya nang sinasabing hindi na kailangan iyon. Maunawain din itong tao, lalo na sa mga empleyado nito.
Medyo naninibago lang siya dito nitong nakaraang mga araw dahil parang napapadalas at napapabilis na ang pag-init ng ulo nito sa hindi malamang dahilan. Gusto man niyang tanungin kung may pino-problema ito ay hindi niya magawa. Gusto niya rin naman itong bigyan ng privacy sa ilang mga bagay patungkol sa buhay nito.
Naramdaman niya ang paglapit nito sa kanya at ang paghaplos nito sa buhok niya. Gusto niyang umatras subalit pinigilan niya ang sarili. Hindi niya alam kung bakit sa loob ng mahabang panahong nakasama niya ito ay hindi pa rin siya masanay-sanay sa presensiya nito.
“Ibibigay ko ang lahat para sa’yo, Shea, alam mo ‘yon,” sabi pa nito. “Ikaw lang ang babaeng minahal ko ng ganito. Pasensiya ka na kung nagalit agad ako, pasensiya ka na rin kung hindi na kita masyadong naaayang lumabas. May mga importanteng bagay lang akong inaasikaso.”
“A-Ayos lang ‘yon,” mahinang wika ni Shea nang hindi tumitingin dito.
Malawak na ngumiti si Tom at aktong hahalikan siya pero iniiwas niya ang mukha dito. “Marami pa akong kailangang asikasuhin sa mga pinapagawa mo,” pagpapaalam niya. “Tawagin mo na lang ako kung may ipapagawa ka pa,” pagkasabi niyon ay tumalikod na siya at humakbang palabas.
Napatigil siya nang muli siya nitong tawagin. Sapilitan niyang nilingon ito, nakaupo na ito sa swivel chair nito at may hawak na isang itim na folder. “Kailangan kong i-discuss sa’yo ang napag-usapan namin sa luncheon meeting kanina,” sabi nito. “Maupo ka muna,” tiningnan nito ang silyang nasa harap ng desk nito.
Sumunod naman siya dito.
“Napag-usapan namin ng mga board members na kailangan magdagdag ng product lines ng kompanya para sa taong ito. Nagpa-plano rin kami ng expansion sa iba’t ibang lugar, maging sa ibang bansa pero hindi ganoon kadali iyon,” bahagya nitong niluwagan ang pagkakatali ng necktie sa leeg nito. “K-Kailangan natin ng pondo para doon.”
Kumunot ang noo niya nang mapansin na parang balisa ito. Pinagpapawisan pa ito kahit na malamig naman ang buong kuwarto. “May problema ba doon?” naisipan niyang itanong.
“W-Wala naman,” tugon nito. “K-Kakailanganin lang natin ng mga investors,” bumuntong-hininga ito at tumingin sa kanya. “At may isang interesadong investor na iminungkahi ng mga board members. Kailangan nating maipakita sa kanya ang lahat ng kagandahan sa kompanyang ito, kailangan nating makuha ang tiwala niya para mag-invest siya sa kompanya,” iniabot nito sa kanya ang hawak nitong itim na folder. “Narito ang listahan ng ilan sa mga investors na maaari nating lapitan, nasa pinaka-una diyan ang tinutukoy kong suggestion ng mga board members. Pag-aralan mong mabuti ang tungkol sa kanila at gusto kong ikaw ang humawak sa trabahong iyan.”
Nagulat siya sa sinabi nito. “Ako? P-Pero napakalaking bagay nito, bakit—”
“Ikaw lang ang pinagkakatiwalaan ko sa bagay na iyan, Shea,” putol nito sa sinasabi niya. “Hindi ko rin magagawa iyan dahil napakarami kong kailangang asikasuhin. Set meetings with that investor, isalaysay mo sa kanya ang lahat ng magiging advantages niya sa pag-invest sa Global Wiring Controls.”
Wala naman siyang magagawa kundi ang sundin ito kaya tumango na lang siya. Sana lang ay mapapayag niya ang investor o mga investors na ito na mag-invest sa kompanya.
“Gusto mo bang mag-dinner date mamaya?” narinig pa niyang pagyayaya ni Tom.
Napatingin siya dito. Akala niya ba marami itong kailangang asikasuhin? “K-Kailangan kong umuwi kaagad sa bahay,” pagdadahilan niya. “At saka marami pa akong reports na kailangang i-summarize. Sa susunod na lang siguro,” iyon lang at magalang na siyang nagpaalam dito.
Pagkalabas niya ng opisina ay hinang-hina siyang napaupo sa sariling swivel chair at pabagsak na ipinatong sa mesa ang hawak na folder. Isinandal niya ang ulo sa headrest ng upuan at ipinikit ang mga mata. Minasahe niya ang noo. She felt so tired all of a sudden. Siguro dahil na rin sa mga tambak na trabahong ginagawa niya at dahil hindi pa siya nanananghalian. Mapapagalitan na naman siya ng ina niya kapag nalaman ito.