Episode 1.2

1282 Words
PASADO alas-sais na ng gabi nang makapag-out si Shea sa trabaho niya sa clothing store. Pinunasan niya ang naglandas na pawis sa kanyang noo at nagpatuloy sa paglalakad. Lalakarin niya na lang papunta sa part-time job niya sa isang fast food chain dahil hindi naman ganoon kalayo iyon. Hindi pa siya kumakain ng tanghalian at hapunan pero hindi niya na inalintana iyon. Kaya niya pa namang tiisin ang gutom, kailangan niyang magtipid para may maipang-baon ang mga kapatid niya sa mga susunod na linggo. Napatigil siya sa paglalakad nang marinig ang pagtunog ng cell phone niyang nasa bulsa ng suot na uniporme. Kinuha niya iyon at kumunot pa ang noo nang makita ang isang hindi naka-rehistrong numero. Kahit nagtataka ay sinagot niya pa rin iyon. Umiiyak na boses ng ina niya ang sumalubong sa kanya. “S-Shea… a-anak…” napahagulhol na ito ng tuluyan. Binalot ng matinding kaba ang puso niya ng mga oras na iyon. “N-Nay, m-may nangyari ba sa inyo? Bakit kayo umiiyak? Kaninong numero ito?” sunod-sunod na tanong niya. “N-Nakitawag lang ako, anak,” hikbi ng ina sa kabilang linya. “Anak… anak, s-si John… a-ang kapatid mo…” Hindi na naman nagawang maituloy ng ina ang sinasabi dahil muli na naman itong napahagulhol. Natutop niya ang bibig para mapigilan ang bibig. Kahit hindi niya pa alam ang nangyari ay sobrang sikip na ng puso niya dahil sa takot at pag-aalala. Tumulo na rin ang mga luha niya at hindi niya na inalintana ang mga taong nasa paligid. Hindi iiyak ng ganito ang ina niya kung walang masamang nangyari. Ilang segundo ang lumipas bago niya muling narinig ang tinig ng ina. “N-Naaksidente ang kapatid mo, Shea,” imporma nito sa nanginginig na tinig. Sinabi nito sa kanya ang pangalan ng isang pam-publikong ospital na kinaroroonan nito. Ipinikit niya ang mga mata at ilang beses na humugot ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili. Hindi siya maaaring manghina ngayon. “H-Hintayin niyo ako diyan, Nay,” iyon lang at tinapos niya na ang tawag. Pinunasan niya ang mga luha sa pisngi at nagmamadaling pumara ng taxi para puntahan ang ospital na tinukoy ng ina. Hindi na niya magagawang maka-diretso sa trabaho. Kailangan niyang agad na mapuntahan ang kapatid at wala na siyang pakialam kung masesante man siya. Nang makarating siya sa ospital ay agad niyang nakita sa waiting area ng lobby ito kasama ang isa niya pang kapatid na si Philip. Lumapit siya sa mga ito na umiiyak pa rin. “N-Nay,” garalgal na tawag niya sa ina. Nag-angat ito ng tingin sa kanya at sinikap na tumayo. “Anak…” muli itong napaupo dahil sa panghihina. Ang kapatid niyang si Philip ay humagulhol na ng iyak. Napatingin siya sa dalawang pulis na malapit sa mga ito. “A-Ano pong nangyari?” tanong niya sa isa sa mga pulis na iyon. “Base sa mga salaysay ng mga nakakita sa aksidente ay nasagasaan ng isang van ang kapatid ninyo habang naglalaro sila sa kalsada,” sagot ng pulis. “Hit and run po ang nangyari. Nakatakas ang nakasagasa sa kanya at pinaghahanap na po namin siya ngayon.” Muntik na siyang mawalan ng malay ng mga oras na iyon. Napahawak siya sa isang silyang naroroon para suportahan ang sarili. Bakit? Bakit nangyayari ang mga bagay na ito? Gusto niyang maglupasay sa sahig at humagulhol ng iyak. Hirap na hirap na ang kalooban niya at animo’y hindi na rin gumagana ang isipan niya. Pinilit niya ang sariling umayos ng tayo nang makita ang paglapit sa kanila ng isang matandang lalaking doktor doon. May hawak itong chart notes sa isang kamay. “Kayo po ba ang pamilya ng pasyenteng si John Andrada?” tanong nito. “Opo,” mabilis na sagot niya. “Kumusta na po ang kapatid ko?” Sumulyap ang doktor sa ina at kapatid niyang naroroon bago ibinalik ang tingin sa kanya. “Maaari ba kitang makausap ng sarilinan, hija?” tanong nito. Tumango siya at tiningnan ang ina at kapatid na patuloy pa rin sa pag-iyak. Bumuntong-hininga muna siya bago sinundan ang doktor patungo sa opisina nito. Pina-upo siya nito sa harap ng mesa nito bago ito naupo sa swivel chair na naroroon. Bumuntong-hininga ang doktor. “Didiretsuhin na kita, hija,” wika nito, nasa mga mata nito ang pag-aalangan. Pakiramdam niya ay pinipiga ang puso niya nang mga oras na iyon. Alam niya, nararamdaman niya na hindi magandang balita ang sasabihin nito. “Kailangang mailipat ng mas malaking ospital ang kapatid mo,” pagpapatuloy ng doktor. “Dahil sa aksidente ay naapektuhan nang sobra ang kanang binti ng pasyente. There’s no other way but to amputate his leg,” napayuko ito. “I’m very sorry, Ms. Andrada. Kahit anong gawin namin ay hindi na talaga mapapakinabangan ang binting iyon at amputation na lang ang tanging magagawa.” Hindi niya na napigilan ang sarili at malakas na napahagulhol ng iyak sa harapan ng doktor. I-a-amputate ang kanang binti ng kapatid niya? Animo’y nawasak ang puso niya nang mga oras na iyon, nawasak din ang lahat ng pangarap niya para sa kapatid. Napakatagal na panahon nang sinasabi ng kapatid niyang si John sa kanya na balang-araw ay nais nitong maging isang tanyag na basketbolista pero ano nang mangyayari dito kung mapuputulan na ito ng binti? Bakit? Bakit kailangang sa kapatid niya pa mangyari ang bagay na ito? Gusto niyang isumpa ang mundong ito dahil sa ginagawa nitong pagpapahirap sa kanya at sa pamilya niya. Wala naman siyang natatandaang ginawang masama, ah? Nagta-trabaho naman siya ng legal at hindi naman siya gumagawa ng kahit na anong krimen. Bakit? Bakit kailangang sila pa ang dumanas ng ganito? Mahabang sandali siyang umiyak ng umiyak, hinayaan lang naman siya ng doktor na naroroon. Nang animo’y maubos na ang mga luha niya ay tumingin siya sa doktor na malungkot na nakatingin sa kanya. Tumikhim ito. “Itatawag ko na sa isang malaki at pribadong ospital ang pagpapalipat ng kapatid mo doon,” sabi nito. “Kailangan niya nang ma-operahan sa lalong madaling panahon.” Napayuko siya. “M-Magkano po ang kailangan p-para ma-operahan na siya?” nanghihinang tanong niya dito. Isa pa iyon. Isa pa iyon sa malaking problemang kailangan niyang dalhin. Alam niya na hindi basta-basta ang halaga ng operasyon na iyon, lalo na at sa pribadong ospital iyon gagawin. Naiintindihan niyang hindi lahat ng doktor ay magagawa ang operasyon na iyon. Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito. “Kailangan mong mag-down ng kahit one-hundred thousand para masimulan na ang operasyon,” tugon nito. “Sa operasyon pa lang iyon, hija. Malaking halaga talaga ang aabutin para sa tuluyang paggaling ng kapatid mo.” Pakiramdam niya ang gumuho na ang buong mundo niya ng mga oras na iyon. One-hundred thousand? Saan siya kukuha ng ganoong kalaking halaga nang basta-basta? At hindi pa iyon ang lahat ng babayaran niya? Isinubsob niya ang mukha sa dalawang kamay at muling napahagulhol. Akala niya ay matitigil na sa pagpatak ang mga luha niya pero hindi pa rin. Patuloy pa rin iyon sa pag-agos na parang rumaragasang dam. Gusto niya nang mawalan ng pag-asa. Gusto niyang sumigaw at sumpain ang sariling buhay. Pero hindi maaari. Kailangan niyang magpatuloy. Kailangan niyang lumaban para sa kaligtasan ng kapatid niya. Kailangan niyang masiguradong mabubuhay ito. Dapat pa nga siyang magpasalamat dahil buhay pa ito, hindi ba? Dapat ay iyon ang isipin niya. Humugot siya ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili. Hindi siya maaaring manghina dahil siya na lang ang masasandalan ng pamilya niya. Kailangan niyang gumawa ng paraan para ma-operahan kaagad ang kapatid niya, kahit na anong paraan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD