Episode 1.3

663 Words
TINUYO muna ni Shea ng mga daliri ang mga luha sa mukha bago tumuloy ng lakad patungo sa waiting area sa lobby ng ospital kung saan naroroon ang ina at kapatid niya. Pagkarating niya doon ay akmang tatayo pa ang Nanay Gemma niya pero sinenyasan niya itong manatili na lamang sa pagkakaupo. “Anak, k-kumusta na daw si John?” puno pa rin ng pag-aalalang tanong ng ina. Ilang sandali siyang hindi nagsalita, iniisip kung sasabihin niya ba dito ang balitang natanggap. May sakit sa puso ang ina niya kaya nag-aalinlangan siya, hindi niya gustong pati ito ay mahirapan. Mukhang napansin ng ina niya ang pag-aalangan niya kaya muli itong nagsalita. “Sabihin mo sa akin, anak,” nagma-makaawang wika nito. “Parang awa mo na. Gusto kong malaman kung anong nangyari sa kapatid mo.” Napatingin siya dito at muli na namang namukal ang mga luha sa mga mata niya. Bumuntong-hininga siya at marahang tumango. Tama, kailangan rin nitong malaman ang lahat dahil ito pa rin ang ina nila. Sa nangangatal na tinig ay isinalaysay niya dito ang lahat ng sinabi ng doktor na kausap niya kanina. Mabilis siyang lumapit sa Nanay Gemma niya nang makita ang paghawak nito sa tapat ng puso at ang paghihirap nito sa paghinga. “N-Nay… N-Nay, ayos lang ba kayo?” umiiyak na tanong niya. Dumoble na ang pag-aalala at takot na nararamdaman niya. Ilang beses humugot ng malalim na hininga ang ina niya bago marahang tumango. “A-Ayos lang ako, anak. H-Huwag mo akong alalahanin,” muli na naman itong napaiyak. “Diyos ko, ano bang nangyari sa anak ko?” Napatingin siya sa kapatid na si Philip na umiiyak rin sa katabing silya ng ina niya. Inabot niya ito at niyakap ang mga ito nang mahigpit. “H-Huwag na kayong umiyak,” pagpapatahan niya dito subalit siya man ay patuloy pa rin sa pagluha. “Magiging maayos din ang lagay ni John. Patuloy lang tayong magdasal para sa kanya. H-Hindi dapat tayo sumuko.” Nag-angat ng tingin sa kanya ang ina niya. “P-Pero saan tayo makakakuha ng ganoon kalaking halaga, anak? Kailangan nang ma-operahan ng kapatid mo, ‘di ba? H-Hindi naman natin magagawang hanapin ang nakasagasa sa kanya dahil tinakbuhan na siya.” Napatingin siya dito, nababanaag ang pagdurusa sa mga mata ng pinakamamahal niyang ina. Pinilit niya ang sariling ngumiti para bahagyang pakalmahin ito. “Gagawa po ako ng paraan, Nay. S-Siguro naman ay may magpapautang sa akin ng ganoong halaga,” sagot niya. Ang totoo ay hindi siya siguradong may magpapautang nga sa kanya ng ganoon kalaking halaga. Kailangan niya lang sabihin iyon para huwag nang mag-alala ang ina sa bagay na iyon. Itinaas ng Nanay Gemma niya ang isa nitong kamay at masuyong hinaplos ang pisngi niyang hilam pa rin sa luha. “P-Patawarin mo ako, anak,” hikbi nito. “Patawarin mo ako dahil hindi ko nagawang bantayan at alagaan ng ayos ang mga kapatid mo habang nagpapakahirap ka sa trabaho. Patawarin mo ako.” Marahas niyang ini-iling ang ulo. “Hindi, Nay. Walang dapat sisihin sa lahat ng ito. Wala,” bahagya siyang umagwat sa mga ito at pinunasan ang mga luha sa mukha. “Umuwi na muna kayo sa bahay at magpahinga. A-Ako na muna ang bahala dito. M-Maghahanap rin ako ng makukuhanan ng pera.” “Pero, anak—” “Sige na, ‘Nay,” putol niya sa akmang pagtutol pa ng ina. “Magpahinga na kayong dalawa ni Philip. Tatawagan ko kayo kapag nailipat na ng ospital si John para makapunta kayo doon.” Hindi na naman tumutol ang mga ito at sinunod siya. Inihatid niya ang mga ito hanggang sa sakayan bago siya malungkot na bumalik sa loob ng ospital para subukang makita ang kalagayan ng kapatid. Kanina pa lang ay nakapag-desisyon na siya. Nakapag-desisyon na siyang lumapit sa isang kakilala para makakuha ng pera na maipang-tutustos sa operasyon ng kapatid. Kahit alam niyang mali ang desisyong ito ay kailangan niyang gawin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD