ILANG beses na humugot ng malalim na hininga si Shea bago tuluyang ini-hakbang ang mga paa papasok sa loob ng isang geisha bar na iyon sa Cubao. Alas-nuebe pa lang ng umaga kaya hindi pa iyon bukas pero alam niyang naroroon ang may-ari niyon.
“Shea!” Agad siyang napalingon sa pinanggalingan ng tinig na iyon at nakita ang babaeng sadya niya sa lugar na ito. Tumayo mula sa pagkakaupo sa isang bar stool si Mama Annie – iyon ang tawag ng mga tao dito sa babae – at lumapit sa kanya. Isa itong malaking babae na may rollers pa ang buhok. Makapal ang make-up sa mukha nito kahit na ganoong maliwanag pa. Ito ang namumuno sa geisha bar na kinaroroonan niya. Isa itong mamasan, isang big time na mamasan dahil sa pagkaka-alam niya ay may mga customer din itong mayayaman. Tiyahin niya ito sa side ng kanyang ama. Ang totoo ay ito na lang ang nag-iisang kamag-anak nila na kilala niya. “Salamat naman at dumaan ka dito,” pagpapatuloy nito. Hinila siya nito patungo sa mga bar stool na naroroon at pinaupo siya. “Narinig ko ang nangyari sa kapatid mo.”
Malungkot siyang napabuntong-hininga. Gusto na namang mag-umalpas ng mga luha sa mga mata niya subalit nagpigil siya. Inilibot niya na lang ang paningin sa paligid. Mabuti na lang at walang ibang tao sa lugar na iyon. Hangga’t maaari ay ayaw niyang may makaalam na iba patungkol sa dahilan ng pagpunta niya dito.
“Kumusta na siya?” patuloy na pagtatanong ni Mama Annie.
Ibinalik niya ang tingin dito. “K-Kailangan po niyang operahan. K-Kailangan nang putulin ang kanang binti niya,” pumiyok na siya dahil sa paninikip na naman ng dibdib. Sobra-sobra siyang naaawa sa kalagayan ng kapatid, lalo na nang makita niya ito kagabi sa ICU ng ospital. Pero kailangan niyang magpakatatag – iyon ang paulit-ulit niyang ipina-aalala sa sarili. Siya na lang ang aasahan nito kaya kailangan niyang maging matatag.
Napasinghap si Mama Annie at inabot ang isa niyang kamay. “I’m sorry, Shea,” puno ng kalungkutang wika nito.
Tinitigan niya ang tiyahing nasa harap. Kahit ganoon ang trabaho nito ay alam niyang mabuti itong tao. Ito na lang ang mahihingan niya ng tulong. Naging napakabuti nitong kamag-anak sa kanila. Kahit na walang-wala ito noong mga panahon na namatay ang kanyang ama ay tinulungan pa rin sila nito para makaluwas dito sa Maynila. Sa Davao sila noon nakatira noong nabubuhay pa ang kanyang ama dahil doon ito nagta-trabaho.
Parang pangalawang ina niya na rin itong si Mama Annie kaya naging sobrang lapit nito sa kanya. Ni minsan ay hindi ito nag-dalawang isip na tulungan sila kahit na marami rin naman itong pangangailangan.
“M-Mama Annie,” pagsisimula niya sa garalgal na tinig.
Tumingin ito sa kanya at hinintay siyang magpatuloy.
Iniiwas niya ang tingin dito at itinuon sa sahig. “I-Iyon po bang… iyon po bang minsan ninyong ini-alok sa akin noon… p-puwede ko pa po bang… t-tanggapin iyon?” lakas-loob na tanong niya dito. Ang tinutukoy niyang alok nito ay noong minsang makapag-kuwentuhan sila at inalok siya nitong mag-trabaho dito. Ang totoo ay biniro lang siya nito noon patungkol sa bagay na iyon.
Naramdaman niya ang pagkatigil nito. Nang i-angat niya ang tingin dito ay nakita niya ang matinding pagkagulat sa mukha nito. Ilang sandali rin itong hindi nakapagsalita.
Tumikhim ito. “B-Binibiro lang kita ng mga panahong iyon, Shea,” anito. “Sa tingin mo ba, hahayaan kitang mapatulad sa akin at sa mga babaeng nagta-trabaho dito na ibinebenta ang sariling katawan?” napailing ito. “Shea, hindi ko gustong—”
Mahigpit niyang hinawakan ang kamay nito. “K-Kailangan ko po ng pera, Mama Annie,” napaiyak na siya ng tuluyan. “Wala na akong pakialam sa sarili ko. Kailangang ma-operahan agad ang kapatid ko at ito lang ang naisip kong paraan para makakuha ng malaking halaga. P-Parang awa niyo na, ibababa ko na ang sarili ko huwag lang tuluyang mapahamak ang kapatid ko. Mahal na mahal ko siya, sila ng pamilya ko.”
Dumaloy na rin ang luha sa mukha ni Mama Annie, puno ng pagkaawa ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya. Itinaas nito ang isang kamay at hinaplos ang pisngi niya. “Kung may maipapahiram lang ako sa’yo ay hindi mo na kailangang gawin ito sa sarili mo, pero... alam mo namang napakarami ko ring utang, napakarami kong binabayaran para mapanatili ang lugar na ito. Patawarin mo ako, ineng, kung wala akong maitulong sa’yo. Kung nabubuhay lang si Ricardo, hindi na sana ganito ang mangyayari sa’yo,” tukoy nito sa namayapa niyang ama. “Patawarin mo ako.”
Umiling siya. “M-May maitutulong po kayo,” tinitigan niya ang babae. “Alam niyo po kung anong maitutulong ninyo.”
Napapikit ito at napabuntong-hininga. “Sigurado ka ba sa desisyon mo, Shea?” nag-aalalang tanong nito.
“Sigurado po ako,” puno ng katatagang sagot niya. Gagawin niya ang lahat para tuluyang umayos ang kalagayan ng kapatid niya, kahit na kapalit niyon ay ang sarili niya.
Nagmulat ito ng mga mata. “Nasaan na ang nakabangga sa kapatid mo? Hindi ba dapat ay bayaran nila ang ginawa nila?”
Umiling siya. “H-Hindi pa po nila nahuhuli ang nakabangga kay John. Nakita nila ang sasakyan pero wala na ang driver noon. Nagtatago na siguro siya,” nangilid na naman ang mga luha niya. “H-Hindi ko na po inaasahan na mahuhuli ang taong iyon. At hindi ko na rin maghihintay iyon, k-kailangan ng ma-operahan ng kapatid ko.”
Pinakatitigan siya nito na tila binabasa kung ano nga ba ang tunay na nasa puso at isipan niya pagkatapos ay marahan itong tumango. “Magkanong halaga ang kailangan mo?”
“F-Five hundred thousand,” nag-aalangang tugon niya. Iyon ang kailangan niya para sa lahat ng gastusin sa kapatid, kasama na ang iba pang kabayaran para sa paggaling nito. “M-May magbabayad po ba ng ganoon kalaking halaga para sa isang gabi?”
Napaisip ito. “Hindi ako sigurado pero huwag kang mag-alala, gagawin ko ang lahat para humanap ng customer na handang magbayad ng ganoong halaga para sa isang gabi. May ilan rin naman akong mayayamang customer,” tinitigan siya nito. “Gusto ko lang itanong, Shea, kung… birhen ka pa?”
Natigilan siya sa tanong nito. Hindi niya inaasahan iyon kaya hindi niya napigilan ang pamumula ng mukha. Marahan siyang tumango bilang sagot. Wala pa siyang karanasan sa kahit na anong patungkol sa pakikipag-relasyon sa lalaki dahil wala pa naman siyang nakaka-relasyon simula nang ipanganak siya. Wala na siyang oras doon dahil mas importante sa kanya ang pamilya niya.
Napabuntong-hininga si Mama Annie. “Bakit hindi mo na lang gawing milyon ang presyo mo sa sarili mo?” suhestiyon pa nito.
Gulat siyang napatingin dito at marahas na napailing. “H-Hindi ko po magagawa ‘yon. Sapat na ang limang-daang libo sa mga pangangailangan ko.”
“Napakabuti mo talagang bata, Shea,” malungkot na ngumiti si Mama Annie. “Alam kong pagpapalain ka rin ng Diyos sa lahat ng kabutihang nasa puso mo.”
Yumuko na lang siya at hindi na sumagot.
“Tatawagan kita kaagad kapag nakahanap na ako ng customer,” dagdag pa ng babae. “Sana ay makahanap na ako ngayong araw para mapadali na ang operasyon ng kapatid mo.”
Tumango siya. Sana nga. Sana ay mapadali na ang lahat at matapos na ang pagdurusang itong nararamdaman niya.