KASALUKUYANG nasa labas ng waiting area ng lobby ng ospital si Shea nang gabing iyon nang makatanggap siya ng tawag mula kay Mama Annie na nagsabing nakahanap na daw ito ng customer na handang magbayad ng halagang kailangan niya para sa isang gabi. Sinabi nitong kailangan niyang pumunta sa bar nito ngayon para maturuan siya ng mga bagay-bagay patungkol sa kailangan niyang gawin at para maipaliwanag din nito ang lahat. Mabilis na siyang tumayo at lumabas ng ospital.
Pagkarating niya sa bar ni Mama Annie ay agad siya nitong hinila papasok sa loob ng isang kuwarto kung saan sila lang ang naroroon. “Mabuti na lang at napilit ko ang customer na ito na magbayad ng ganoong halaga, Shea,” masayang wika sa kanya ni Mama Annie. “Sinabi kong maganda ka naman at makakatulong siya sa ibabayad niya.”
Hindi niya alam pero napuno na ng kaba ang puso niya nang mga oras na iyon. Hindi niya akalaing agad ngang makakahanap ng customer si Mama Annie. Hindi niya inaasahang dadating na talaga ang oras na ito. Nakanganga lang siya sa kinauupuang silya at hindi alam kung ano ang sasabihin o iisipin.
“Shea,” pukaw sa kanya ni Mama Annie. “Shea, ayos ka lang ba?”
Napatingin siya dito. “O-Opo,” wala sa sariling tugon niya. Ayos lang ba talaga siya? Pakiramdam niya ay magpi-freak out na siya ilang sandali lang.
“Bukas ng gabi ang schedule mo sa customer na iyon,” imporma pa ni Mama Annie na mas lalong nakapagpadagdag sa kabang nararamdaman niya.
Nanghihingi ng tulong ang mga mata niyang nakatingin dito. “H-Hindi ko po alam ang gagawin ko, M-Mama Annie. W-Wala akong alam sa—”
“Ssshhh, relax, Shea. Relax,” putol nito sa kanya. “Huwag kang mag-alala, tuturuan kita ng lahat ng kailangan mong gawin,” lumapit ito sa kanya at hinaplos ang buhok niya. “Ako na rin ang bahalang mag-ayos sa’yo, though, hindi mo na naman kailangan ng ayos dahil maganda ka na.”
Napayuko siya. Yes, dapat ngang mag-relax siya. Ginusto niya ang bagay na ito kaya kailangan niyang kalmahin ang sarili. Isang gabi lang ito, hindi na mauulit. Kailangan niya itong gawin para sa kapatid niya. Humugot siya ng malalim na hininga at puno ng katatagan ang mga matang tumingin kay Mama Annie. “Handa na po akong makinig sa inyo,” wika niya.
Napatawa ito at napailing pagkatapos ay sinimulan na nito ang pagpapaliwanag sa kanya ng mga bagay na kailangan niyang malaman para sa gabing pagsasaluhan nila ng isang estranghero.