HINDI napigilan ni Shea ang paghanga sa kagandahan ng resort na iyon sa Samal Island nang makababa sila ng Ferry boat na sinakyan nila nang halos isang oras din patungo sa lugar na ito. The resort was just as mesmerizing as it was in photos she saw on the internet. There was a hit of freshness with lush greenery because of the different kinds of tropical trees surrounding the whole resort. Napakalinis din ng dagat at buhanginan.
Kung napahanga siya sa labas ay mas lalo pa siyang napahanga sa kagandahan ng hotel na tutuluyan nila doon. Ni-rentahan ni Tom ang buong resort kaya sila lang ang naroroon kasama ang mga empleyado ng Global Wiring Controls.
The hotel had a classy interior and exterior design. The lounging area and the lobby were vast and very luxurious. Kitang-kita sa glass wall ng lounging area ang mga sun patios at malaking pool na nasa labas. Pero ang pinaka-hinangaan niya sa disenyo ng hotel na iyon ay ang glass ceiling ng lobby at lounging area. Puwedeng-puwedeng mag-star gazing doon sa gabi at manood naman ng mga ulap sa umaga.
Naglakad siya patungo sa front desk ng lobby para kunin ang susi ng sariling kuwarto doon. Agad namang bumati sa kanya ang attendant at iniabot sa kanya ang susi ng kuwarto niya. Nagpasalamat siya dito at dumiretso na sa elevator. Ang ilan sa mga empleyadong naroroon ay abala pa rin sa pamamasyal pero siya naman ay nais munang magpahinga kahit sandali. Maya-maya niya na siguro lilibutin ang buong resort.
Pagkapasok niya sa loob ng elevator ay sakto namang pumasok din doon ang kaibigan at ka-trabaho niyang si Arianne, dala-dala rin nito ang sarili nitong bagahe. “Anong room mo?” tanong nito.
“Room 405,” tugon niya.
Napailing ito. “Ang layo naman natin, sa room 601 ako,” bahagya itong lumapit sa kanya at bumulong. “May itatanong ako sa’yo. Matagal ko nang gustong itanong pero hindi naman kita makita sa opisina.”
Kumunot ang noo niya. “Ano naman iyon?”
“Sino iyong lalaking kasama mo noong isang linggo? Iyong guwapong, matangkad na maganda ang katawan,” tanong nito.
Napangiti siya at napailing. “Si Spencer? Siya ang investor na nais makuha ni Tom,” sagot niya.
“Bakit kayo magkasama?”
Napatingin siya sa kaibigan. Kahit kailan talaga ay hindi ito makukuntento sa isang tanong lang. “Kasi ako ang inutusan ni Tom na kumausap sa kanya.”
Tumango-tango ito. “Napakabait niya naman at nagagawa ka pang sunduin sa office,” ngumisi pa ito.
“Ewan ko sa’yo,” wika niya na lang at hinintay na magbukas ang elevator sa floor niya. “Dito na ako,” paalam niya pa dito.
Pero sa halip na tantanan siya nito ay sumunod lang ito sa paglabas niya. Hindi makapaniwalang napatingin siya sa kaibigan. “Hindi ka pa ba pupunta sa sarili mong kuwarto?”
Nagkibit-balikat ito. “Gusto ko munang mag-stay sa kuwarto mo at makipag-kuwentuhan,” nakangiting sagot nito.
Napailing na lang siya at napabuntong-hininga. Ano pa bang magagawa niya? Hindi niya na naman ito mai-itulak pabalik sa elevator dahil nagsara na uli iyon. Pagkarating nila sa loob ng kuwarto niya ay agad niyang ipinatong sa mesang naroroon ang mga gamit na dala, si Arianne naman ay agad na dumiretso sa malaking kamang naroroon at naupo.
Hindi ganoon kalaki ang kuwarto pero sapat na para sa dalawang tao, classy din ang pagkaka-disenyo niyon. May sarili rin iyong banyo. Lumapit siya sa kama at naupo rin doon.
“Nasaan nga pala si Sir Tom? Hindi ko siya nakita sa Ferry boat kanina,” muling pagsisimula ni Arianne.
Pabagsak siyang nahiga sa kama. Ngayon niya lang naramdaman ang pagod nang lumapat ang likod niya sa malambot na kamang iyon. “Susunod daw siya, siguro mamayang gabi ay narito na siya. Kailangan na ring masimulan bukas ang event.”
“Nasaan naman iyong Spencer na iyon?”
Napatitig siya sa kisame at malungkot na napabuntong-hininga. “Tumawag siya sa akin kagabi at sinabi niyang susunod din daw siya. May kailangan lang daw siyang asikasuhin.” Hinihiling niya na sana ay hindi mahimigan ni Arianne ang panghihinayang at lungkot sa tinig niya. Ilang araw na rin simula nang huli niyang makita si Spencer at kahit hindi niya aminin ay alam niyang nangungulila ang puso niya para sa lalaki.
“Type mo ang lalaking iyon, ano?” tanong pa ni Arianne na ikinagulat niya.
Mabilis siyang napaupo at napailing. “H-Hindi ‘no,” pagtanggi niya. “A-Ano ba iyang mga itinatanong mo?” inilihis niya ang ulo para hindi nito makita ang pamumula ng mukha niya. Damn, bakit ba kasi napakabilis ng reaksiyon niya kapag ang Spencer na iyon ang usapan?
Narinig niya ang paghagikhik ng tawa ni Arianne. “Aminin mo na,” pamimilit pa nito. “Akala mo ba hindi ko napansin ang ngiti mo noong nakita ko kayo sa lobby ng kompanya? I’ve never seen you smile like that, Shea. Kahit sa harapan ni Tom, hindi mo ginagawa iyon.”
“Nagkakamali ka ng iniisip, Arianne,” humugot siya ng malalim na hininga para kalmahin ang nagwawalang puso. “Tigilan mo na nga ako. Gusto ko nang magpahinga,” pagkasabi niyon ay muli siyang humiga sa kama at mariing ipinikit ang mga mata.
“Mukhang type ka rin naman niya, ah?” walang tigil na tudyo nito. “Hindi ba maganda kung nanakawin mo ang puso niya at nanakawin niya naman ang puso mo?” Arianne giggled. “Bagay na bagay kayo.”
Iminulat niya ang mga mata at tiningnan ito ng masama. “May boyfriend ako, Arianne,” paalala niya dito.
“Ano naman ngayon? Boyfriend palang naman, ah?” umismid pa ito. “Hindi mo rin naman mahal iyang si Sir Tom, bakit ayaw mo pang hiwalayan?”
Inilipat niya ang tingin sa kisame. “Walang ginagawang masama si Tom para hiwalayan ko ng ganoon-ganoon na lang at hindi ko alam kung ano ang gagawin niya kapag nalaman niyang makikipag-hiwalay ako sa kanya dahil sa isang lalaki.” Huli na para mabawi niya ang mga salita niya. Pagbalik niya ng tingin kay Arianne ay nakikita niya na ang malawak na pagngisi nito.
“Inamin mo lang na isang lalaki nga ang maaaring dahilan ng pakikipag-hiwalay mo kay Sir Tom,” tuwang-tuwang sabi nito. “At sigurado akong si Spencer ang lalaking iyon,” kinikilig pa itong tumawa.
Marahas siyang napabuntong-hininga at tinalikuran na ito. Kailan ba titigil itong kaibigan niya sa panunudyo sa kanya? At bakit ba hindi niya na mapigilan ang sarili sa pagsasabi ng mga nararamdaman niya? Naiinis siyang napapikit ng mariin. Tama, itutulog niya na lang ito, baka maya-maya ay umayos na ang daloy ng isipan niya.