Chapter 2 - decaf
"Nagkape ka na?" Yan lagi ko tanong sa yo. Bago kumilos papasok sa trabaho kukulitin muna kita. "Yup. Nagkakape yung may gatas. Ikaw decaf kape mo di ba kasi decaffinili" Yan madalas mo pang-asar dahil alam mo nabasted ako.
Yung merienda mo, almusal ko kasi night shift ako. Hindi kita physical na kasama pero para ako may kasabay sa almusal. Hindi ako mahilig sa matamis pero kapag kasabay ka magkape, may tamis akong nalalasahan.
At minsan sa trabaho kausap pa rin kita. Tumatawang mag-isa sa mga kwento mong walang katapusan. Nauubos ang kape pero napupuno ng pagtangi yung puso ko.
Ikaw at ang kape naging routine ko na.
Matapang ka, mainitin ang ulo- dragona sa larong ating pinagsamahan. Madaming inis sa tapang na pinapakita mo pero hindi ako. Lalo ng minsan mo ko ipagtanggol. Ikaw ang babae pero para ako ang may knight and shinning armor nung oras na yun. Yung tapang na nakita ng iba, sweetness ang dating sa kin. Dun sinimulan ipangako na sasamahan kita.
Kapag kausap ka para di nauubos oras... Walang katapusang usapan ng kahit anong sumasagi sa isipan. Nagkakape hanggang madaling araw.
Tumatatak ka na pero di inaamin. Nakatali kamay mo kaya alam kong di pwede.
Mas lalong lumapit sa paglipas ng araw. Unti-unti nabuksan ko ang bintana sa buhay mo. Nasilip ang ikaw na bihira ang nakaka-alam. Gusto na kita pero di mo alam. Gusto na kita pero gaya ng sabi mo hanggang dito lang ako.
Dinadaan sa biro ang nararamdaman. Yung tawa mo at kuminsang inis sinimulan ng hanapin sa bawat araw. Ang mga kwentuhan, tawanan natin ang lalo nagpapalalim sa nararamdaman ko para sa yo. Humihiling sana parehas tayo kahit parang malabo.
Sumubok ng hindi mo nalalaman... Sa bawat lihim na pagsubok hinihiling masuklian. " nakakainis ka .. " minsan sinabi mo pagkatapos ko di makapagtext dahil nasira cp ko. Sa sandali na yun nakakita ng onti pag-asa. Ipinagpatuloy ko hanggang alam ko na tumatatak na ako at yung special na virtual masahe sa yo dun ko nahagod ang puso mo.
Madami na nakakapansin at madami na nagsasabi sa yo pero pilit mo tinatanggi.
" Usap Tayo" yaya ko sa yo ng minsang ka magtampo sa dahilang di ko alam. Sigurado ako ng mga sandali na yun na may puwang na sa puso mo para sa kin. "Matagal na... " ang pag-amin ko sa yo at salamat sa kapeng tinira mo ng madaling araw umamin ka na gusto rin ako.
Naging tayo pero ramdam ko yung alinlangan mo. Hinawakan ko kamay mo at pilit sinisiguro na tama ang pagmamahal natin. Alam kong wala bukas pero sumugal ako. Umasang balang araw aayon din tadhana sa tin. Mahal kita at wala ako pakialam sa mga sandali na yun ano man ang dinidikta ng mundo.
Sa paraang alam ko pinuno kita ng pagmamahal. Gusto isiping di ako nagkukulang. Hinigpitan ang hawak sa kamay mong kumakawala.
Sa mga araw na nakasama ka hiniling na di matapos ang oras. Sa mga araw na nayakap ka at nahagkan, mas lalo kang minahal. Sa mga sandali na yun, naging akin ka. Bawat dampi ng labi at akap, ramdam ko ang init ng pagmamahal. Sa ilang umagang nagising kapiling ka, ibang sigla at pag- asa ang nadadama. Bawat sandali gusto ko sulitin, bawat sandali gusto ko magtagal. Ayaw ko matapos ang mga araw at sandali na yun.
Kahit araw-araw kita ipagtimpla ng kape hindi ako magsasawa. Basta kasama kita.
Sa mga sandali na yun ang dami naiisip na gusto gawin. Gusto ko maglakad hawak ang iyong kamay. Gusto ko kumuha ng larawan nating dalawa. Gusto kita akapin habang nakatanaw sa taal ng paulit- ulit. Gusto ko isigaw na akin ka. Mga sandaling iyon hiniling na habangbuhay na sana.
Mga sandaling nagbigay ng pag-asa ng bukas para sa tin.
Mahal na mahal kita at araw-araw ko pinadama sa yo yun. Higit sa sang milyong beses nasambit sa yo yun. Pilit kong tinatanggal ang alinlangan mo dahil ayaw ko kumawala ka.
Ayoko na sana ng decaffinili.
Yung takot at kaba mo sinabayan ng sakit mo at unti- unti ko ulit nalasahan ang decaffinili ( di ka pinili ).
Nahirapan ako pero di kita sinukuan. Nakahandang samahan ka sa laban pero tinutulak mo ko palayo. Ipinaglalaban kita pero ramdam ko pagsuko mo.
Ilang beses iniiwasang harapin ang katotohanang wala tayong bukas. Hindi ko mabaklas ang tali ng mga kamay mo na pilit kang hinihila palayo sa kin.
Naging tayo pero decaffinili ( di ka pinili) pa rin ang kinahantungan ko. Tuluyan kang nagpahila sa tali ng kamay mo.
Pasensya na kung napagod na akong mamalimos ng pagmamahal mo kaya tumalikod ako at sinuko na ang laban.
Sa pagtahak ko ng bagong landas duon natagpuan ko sya. Muli sumugal at muli nanalo. Naging kami. Lahat ng pinapangarap ko gawin kasama ka unti-unti nyang tinupad.
Sa paglakad hawak ko kamay nya. Ilang daang larawan namin ang nakuha. Natanaw ko ang taal habang nasa bisig ko sya at naisigaw ko sa mundo na akin sya.
Di tulad natin may bukas akong natatanaw.
Unti-unti na nasanay na kapiling sya pero nagbalik ka.
Bitbit mo ang tapang na di ko nakita dati. Tapang na ipaglaban ang nararamdaman mo. Magulo ang isip, di sigurado sa dapat gawin. Andyan na sya pero ayaw ko saktan ka. Ayaw ko isipin mong ang bilis kong bumitaw.
Tinanggap kita. Sinubukang ibalik ang dating tayo. Alam kong ramdam mo na may nag-iba.
Sinubukan ko ng paulit ulit dahil mahal kita pero andyan na siya. Siya na sinamahan ako sa panahong di ko alam ang gagawin dahil nawala ka.
Mahal kita pero ayaw ko sya mawala. Alam ko kailangan ko mamili.
Kaya pagkatapos suklian ang sambit mong pagmamahal. Binigyan kita ng katahimikan. Katahimikang alam kong magdudulot ng sakit ng damdamin. Ayoko sana masaktan ka pero ito ang tama. Ako naman ang bumitaw at sinubukan lumayo.
Pinigil ang sarili basahin mga mensahe mo. Iwinawaksi sa isip ang pag-aalala sa yo. Matapang ka alam ko kaya alam kong kakayanin mo. Minsan mo nang nagawang iwan ako kaya magagawa mo ulit, ang naiisip ko. Magsasawalang kibo na lang sana hanggang mabalitaang ok ka na pero nalaman kong nadurog kita.
Kinausap ka para isara ang pintuan natin pero bumaliktad ang mundo natin ng oras na yun. Ikaw ang ayaw bumitiw. "Mahal na mahal kita " paulit- ulit mong sambit sa kabila ng mga luha at hikbi.
"Bakit?" ang tanong mo.... "Wala tayong bukas" ang sagot ko.
Humiling kang alalayan ka hanggang kaya mo ko bitiwan. Dala ba ng awa o natitirang pagmamahal sa yo o takot na ako maging dahilan para bumalik ang sakit mo. Hindi ko alam.
Pumayag ako sa hiling mo.
Hindi sigurado sa mangyayari pero muling sumabak sa kawalan kasama ka.
Ngayon ikaw ang nagpaparamdam ng pagmamahal. Ikaw ang lagi sumasambit ng pagmamahal sa kin. Ikaw ang may hawak ng kamay ko na nakatali na rin kagaya mo dati. Ikaw ang namamalimos ng oras at panahon. Ikaw ang nakikihati.
Ako ngayon ang dating ikaw. Nililihim at tinatago ang tayo. Nililinis ang anumang bakas natin. Ako ngayon ang may alinlangan. Ako ngayon ang naduduwag.
Alam ko ang sakit na nararamdaman mo. Alam kong nadudurog ka sa kaalamang sya ang kasama ko. Alam kong ramdam mo ang pagkawala ko sa hawak mo. Alam ko ang hirap mo.
Mahal kita pero sya na ang may-ari sa kin.
Pano nga ba kita tuturuang bumitiw? Pano nga ba kita tuturuang tumalikod? Paano ko hindi madudurog ang puso mo? Paano ko tatapusin ang tayo? Paano?
"Tara kape tayo"