Maaliwalas ang property ng mga Blanco. Nasa pinakagitna ng malawak na lote ang dalawang palapag na modernong bahay ng mga ito. Sa harap ng malaking bahay ay malapad na espasyo kung saan dinaraos ang pagtitipon para sa kaarawan ng ina ni Cain. Tila karpet ang luntiang damuhan na parang sadyang inilatag sa ibabaw ng pantay na lupa. Sa isang panig ay makikita ang hugis parihabang pool. Sa poolside ay ang mahabang buffet table na punumpuno ng iba’t ibang klase ng pagkain. Si Nessa ay nakaupo lang sa table kung saan naroroon din ang Pamilya Santana. Tahimik lang siya. Sobrang dami ng bisita ng mga Blanco. Halos kilala lahat ng Papa niya ang mga naroroon. Hindi niya na rin mabilang kung gaano na karaming bisita ang lumapit sa Papa niya at nakipagkamay. Kahit si Nivan ay maraming kakilala. Ganoo

