CHAPTER 1 - RNJ SERVICE
“A-Anak, ang itay mo, w-wala na. Patay n-na siya . . .” saad ng kaniyang ina habang umiiyak. Napaupo si Jake bigla sa sobrang panghihina. Pakiramdam niya, namatay na rin ang buong katawan. Halos ‘di niya na maigalaw ang sariling katawan.
Hindi na kinaya pa ni Jake ang sakit na nararamdaman niya. Bago siya pumunta sa ospital na kinaroroonan sa kasalukuyan, nakipaghiwalay ang kaniyang kasintahan. Umalis ang minamahal niyang babaeng si Liliana sa hindi niya malamang dahilan. Wala man lang siyang narinig na dahilan o eksplanasyon. Sumunod ay nalaman niyang inatake na naman sa puso ang kaniyang ama at dinala sa ospital. Pangatlo, hindi niya matanggap ang nalaman na patay na ang kaniyang ama.
Kaarawan niya ngunit imbis na kasiyahan ang maging dulot, naging tila magiging isang bangungot ito sa buong buhay niya. Napapaisip siya at napapatanong sa sarili. Paano na lamang siya? Paano ang kaniyang ina na buntis sa kaniyang magiging kapatid? Paano sila?
Dumating ang araw na naipalibing nila ang kaniyang ama. Pero lahat naman ng ginastos nila halos ay utang lamang sa mga kakilala at may kalakihan din ‘yon. Kailangan nilang mabayaran kaya naman napilitang tumigil si Jake sa pag-aaral. Malapit na sana siyang matapos ng grade eight ngunit wala na siyang magagawa.
Kailangang may araw-araw na umalalay sa kaniyang ina dahil maselan ang pagbubuntis nito, dahilan din bakit bawal magtrabaho. Kaya naman siya pikit-matang tumigil sa pag-aaral sapagkat magtatrabaho siya. Tagapaggupit si Jake ng buhok dahil kahit paano may alam siya roon. Kapag may nagpapalaba naman ng mga damit, agad niyang tinatanggap para dagdag din sa kikitain niya.
Ilang buwan lang din ang lumipas ay nanganak ang kaniyang ina sa babaeng kapatid. Pinangalanan nila itong Shane Kailey Diaz. Matapos manganak ng kaniyang ina ay mas kinailangan niyang magpursige sa pagtatrabaho. Tila si Jake na ang tumayong haligi ng tahanan sa mura niyang edad.
Lumipas pa ang sampong taon at twenty-four-year-old na si Jake,ang kapatid naman niyang si Shane ay ten-year-old. Sa susunod na pasukan ay graduate na ito ng elementary. Nang lumaki na ang kaniyang kapatid ay bumalik sa pagiging labandera at tindera ng mga talbos ng kamote ang kanilang ina na si Shanette.
“Ma, aalis na po ako,” paalam ni Jake sa ina para pumasok sa trabaho. Naging barber siya nang eighteen-year-old na sa Leyte Kaka Barber Shop na pagmamay-ari ng isang gay na kilala sa tawag na Mamshi Charla.
“Mag-iingat ka ah? Ito nga pala ang baon mo para ‘di ka magutom sa trabaho,” tugon ng kaniyang ina at nakabalot sa plastic ang kanin at inihaw na isda na nasa loob ng dahon ng saging.
“Ma, sa inyo na lang po iyan. Mas kailangan niyo po iyan. May baon naman po akong pinakuluang saba ng saging. Mabilis naman po ako mabusog dito kaya ito na lang ang aking kakainin,” wika ni Jake at niyakap ang ina.
“Pero anak, mas kailangan mo nga ‘to. Isa pa, puwede naman ako umuwi rito para kumain pagkatapos ng aking mga labada. May lalabhan muli ako na mga damit nila Manang Beth. Alam mo naman, malaki iyon magbigay ng tip sa atin!” sabi pa ng ina at parang tuwang-tuwa nang mabanggit ang salitang ‘tip’.
“Sige na nga po, para ‘di masayang ang pagod niyo para rito. Salamat po!” saad ni Jake dahil ayaw niyang malungkot ito lalo na ito pala pinagkakaabalahan ng ina kanina. Akala niya para kay Shane ang inaasikaso nito, para sa kanilang dalawa pala.
“Oh siya, sige na, baka mahuli ka pa sa trabaho mo.” Napangiti nalang siya at nagmano bago nagpasyang umalis. Ngunit hindi pa nga siya nakakalabas ng bahay ay nahagip ng paningin niya ang ina na parang nananakit ang ulo nito. Kinabahan si Jake nang maalala ang napag-usapan nila ni Clarence noong nakaraan.
Nitong mga nakaraang araw ay laging sumasakit ang ulo ng kanilang ina. Nabanggit niya iyon kay Clarence nang mag-usap sila sa taw
ag lamang dahil nasa syudad na ito at may trabaho roon. Agad siyang lumapit sa ina lalo na nang makita niyang mas dumaing ito.
“Ma! Masakit po ba ulit ang ulo niyo? Magpatingin na po kayo sa doktor! Nag-aalala na po ako sa inyo!” Napataas na ang boses ni Jake sa sobrang pag-aalala.
Parang may nais sabihin ang ina pero mas lumabas ang daing na tanda ng sobrang sakit ng ulo nito. Nasabi sa kaniya ng ina noon na para raw itong binibiyak at pinupukpok. Dahil mas lumala na ang p*******t ng ulo ay napasigaw si Jake. Humingi siya ng tulong para madala sa hospital ang ina.
Ayaw niya na patagalin pa. Gusto niyang malaman kung may sakit ba ang ina o wala? Nagpapasalamat si Jake na may naipon siya at tinulungan pa siya ni Clarence kaya may pera siyang naipambayad sa ospital.
“Doktor, ano po ba talaga ang kalagayan ng mama ko? Nag-aalala na po ako. Pakiramdam ko hindi na talaga ito simpleng p*******t ng ulo lang dahil sa pagod,” ani niya na kinakabahan habang kaharap ang doktor.
“I’m sorry, ngayon pa lang sasabihin ko na sa inyong kakailanganin niyo ng napakalaking pera para magamot ang sakit. Madalas sa ibang bansa nagpapagamot ang iba dahil mas maganda roon ang serbisyo. Mr. Jake Diaz, may brain cancer ang nanay mo,” wika nito na nagpaguho ng kaniyang mundo.
Tila namingi ang mga tainga niya nang marinig ang sinabi ng doktor. Para siyang binuhusan ng malamig na malamig na tubig na may kasamang yelo habang nakatayo sa North Pole. Ang mundo niya parang tumigil sa pag-ikot at tanging naririnig ang malalim niyang paghinga at sobrang bilis na pagtibok ng puso. Tumakas na yata ang kaniyang mga dugo sa katawan sa sobrang pamumutla rin niya.
“N-Nagbibiro lang po k-kayo doktor, ‘di ba? Hindi totoo na m-may sakit ang mama ko, t-tama?” tanong niya sa doktor na parang nakatanga na lang.
“I’m so sorry Mr. Diaz, but I’m telling you the truth,” sagot ng doktor at ipinaliwanag ang tungkol sa sakit na ito. Lugong-lugo na umuwi si Jake kasama ang kaniyang ina. Pagdating sa bahay ay naabutan na nila ang kaniyang kapatid na kagagaling lang din sa eskwelahan.
“Kuya! Mama! Maaga po kayo ngayon kuya!” Pinilit nila Jake na masayang tumugon sa kapatid kahit na ang totoo ay nahihirapan sila. Nahihirapan sila ng ina kung paano ipapaliwanag sa kapatid ang lahat. Sigurado mabibigla ito.
Natapos na silang maghapunan at nakatulog na rin ang kaniyang ina at kapatid subalit hindi pa rin mapakali si Jake. Ginawa niya ay pumunta siyang dalampasigan na malapit-lapit lang sa kanilang tahanan.
Naupo siya roon at pinakatitigan ang alon ng dagat. Isa-isa niyang nilabas lahat ng hinanakit habang umiiyak at nahihirapan na humingang maayos. Ngayon, ang nais lamang ni Jake ay magkaroon ng pera para mapagamot ang ina. Iniisip niya kung paano makakakuha niyon. Bayad na sila sa mga utang noon pero mukhang mapapautang ulit siya. Wala na siyang ibang choice kung hindi mangutang para madagdagan ang maiipon niya.
Sa naisip niya ay alam niyang kulang na kulang pa rin iyon. Lumipas ang ilang minuto at malalim na ang gabi. Wala sa sariling napatingala si Jake sa maulap na langit. Tila ang kadiliman sa buong lugar ay nakikiramay sa kaniyang nararamdaman.
“Ayokong muli mangyari ang nangyari noon. Hindi ako makakapayag na muli kaming mangulila ng kapatid ko. Nawalan na ako ng ama. Hindi ako makakapayag na mawala rin sa amin ang aming ina, ang tanging pamilya na lang namin ni Shane ngayon. Ayoko man mangyari muli iyon, pero anong gagawin ko? Paano ako makakahanap ng napakalaking halaga ng pera?” wika pa ni Jake matapos kumalma sa paglalabas ng mga hinanakit.
Napapailing-iling siyang tumayo at nagbabadyang umalis na pero may biglang sumitsit. Saka lamang siya nilukob ng kilabot lalo na nang maalala ang mga nakakatakot na kuwento ng matatanda noong bata pa siya.
“Natakot ba kita?” tanong ng isang babaeng hindi niya kilala. Lumingon-lingon siya ngunit ‘di niya makita kung nasaan ang babae.
“Hahahaha! Sorry fafa! Mukhang kinilabutan ka sa akin pero huwag ka mag-alala. Hindi naman ako multo ano?! Ang ganda-ganda ko kaya pero pa-mysterious effect muna ako ngayon fafa kaya ‘di mo masisilayan ang kagandahan kong parang dyosa! Pero seryoso, narinig ko lahat ng mga sinabi mo. Nangangailan ka ng napakalaking halaga ng pera, tama ba ako?”
“Oo, tama ka. Tama ang nasagap mong tsismis kung sino ka man. Kung wala ka ng ibang sasabihin aalis na ako. Hindi ko nga kilala kung sino ka. Bakit nga ba sinagot ko tanong mo?” sagot ni Jake.
“Ouch naman fafa! Napaka-beautiful kaya ng voice ko! My beautiful voice . . .” tugon ng babae at kumanta pa sa dulo pero wala naman talaga sa tamang tono.
“Tsk! Makaalis na nga.” Akmang aalis na siya nang magsalita muli ang babae.
“Huwag ka munang umalis kung nangangailangan ka ng malaking pera! Sigurado akong matutulungan ka ng kompanyang pinagtatrabahuhan ko, fafa!” Huminga nang malalim si Jake at sumagot.
“Sino ka ba? At saka, tigilan mo na nga ang pagtawag sa akin ng fafa na ‘yan! Kung budol ka, pakiusap lang tigilan mo ako!” saad niya sa babae. Kung may makakakita at makakarinig siguro kay Jake sa gabing iyon ay baka mapagkamalan siyang nawawala sa katinuan.
“Excuse me?! Grabe ka naman fafa, ang harsh mo! Well, fafa, hindi na importante pang malaman mo ang pangalan ko dahil sigurado akong makikilala mo rin ako kung tatanggapin mo ang offer ko. Kailangan mo ng malaking-malaking pera, ‘di ba? May ibibigay akong card at tawagan mo ang contact number na makikita mo. Goodbye fafa!” wika nito at magsasalita sana siya ulit nang biglang may tumama sa noo niya na isang bagay.
Tatanggalin pa lang sana niya ‘yon nang mahulog na ito. Lumingon-lingon siya at nakita niya nga ang kumikinang-kinang na card. Dahan-dahan niyang pinulot iyon at binasa ang nakasulat.
“RnJ Services?”