Kabanata 3
“Aalis na ako,” sabi ko matapos ang ilang minutong puro kaba ang laman ng dibdib ko.
Hindi ko maintindihan kung bakit ganito ang epekto niya sa akin. Masyado siyang nakakatakot, hindi dahil nananakot siya, kundi dahil sa presensyang dala niya. Matigas ang tindig, sobrang composed, sobrang tahimik… parang isang bagyong hindi mo alam kung kailan sasabog. At bago pa man ako madamay sa init ng ulo niya, kung meron man, kailangan ko nang lumayo.
Hindi ako makahinga nang maayos kapag malapit siya. Parang may mabigat na nakapatong sa dibdib ko. Parang bawat malalim niyang paghinga ay may dalang banta na hindi ko maipaliwanag. At oo, natatakot ako… pero may kung anong kakaibang nangangamot sa loob ko tuwing umiikot ang tingin niya sa paligid, para bang kaya niyang protektahan o sirain ang kahit anong masagi ng mga mata niya.
Hindi siya sumagot. Ni hindi niya ako tiningnan. Ang mga mata niya ay nasa dalampasigan lang, nakatuon sa nag-iisang linya kung saan naghahalo ang buhangin at alon, na para bang may mabigat na iniisip na hindi niya masabi kahit kanino. Na para bang ako, nandito lang, pero hindi kasama sa mundong pinupuntahan ng isip niya.
Tumaas ang kamay ko, kunwari susuntukin ko siya sa braso, isang biro lang sana, isang paraan para mabasag ang tensyong hindi ko alam kung ako lang ba ang nakakaramdam, pero natigilan ako nang bigla siyang lumingon.
Huli na para umatras, nakita niya na. Syempre, kita sa anino naming dalawa.
Binaba ko agad ang kamay ko, napahiya ako dahil agad na nagtagpo ang mga kilay niya. Hindi naman siya nagsalita, pero sapat ang tingin niyang iyon para maunawaan kong mas mabuti nang tumigil ako bago pa ako gumawa ng isa na namang kahihiyan.
Hindi na ako naghintay pa. Tumalikod ako, mabilis ang lakad pabalik sa cabin. Gusto ko lang makalayo, makaiwas, makahinga.
Pagkapasok ko sa loob, agad akong naghanap ng damit. Kailangan ko nang maghanda para sa club na tinutukoy ni Ate Ruby. Binuksan ko ang malaking maleta na pinadala niya, at halos napaungol ako dahil sa pagkabigo.
Halos lahat ng laman nun… Diyos ko… puro maiiksi. Puro makikitid. Puro parang pangrampa sa entablado, hindi pang-bakasyon.
“Ate Ruby, ano ba ‘to…” bulong ko habang hinahawak-hawakan ang mga damit na halos lumalabas na ang kaluluwa ko sa iksi.
May mga damit na halos hanggang hita lang, may top na parang ginawa para sa taong walang ka-hiya-hiya sa katawan, may dress na isang iglap lang siguro ay pwedeng liparin ng hangin at magpakita ng kung anong dapat manatiling pribado.
Pero kailangan. Ito ang kailangan para sa misyon. Para sa trabahong pinadala sa’kin. At kung gusto kong makalapit kay Alistair V. nang hindi nagdududa ang mga kasama niya, kailangan kong isugal ang kaunting dignidad ko para maging makatotohanan.
So huminga ako nang malalim, pinili ko ang hindi pinaka-maiksi pero pinaka-kaya kong dalhin.
Nagbihis ako. Sinipat ang sarili sa salamin.
Napapikit ako at napamura ng wala sa oras. Halos lumabas na ang kaluluwa ko.
Pero kailangan.
Pagharap ko sa salamin, sandali akong napatigil. Nakasuot ako ng gold mini dress na kumikislap sa bawat hinga ko, parang may mga bituin na nakakapit sa tela. Hapít ito sa bewang at balakang ko, kaya kitang-kita ang kurba ng katawan ko.
Pero ang pinakauna kong napansin ay ang malalim na neckline. Sobrang lawak ng pagbagsak ng tela na halos umabot na sa pusod ko, pero ang ganda ng pagkakahulog nito, mapangahas, pero hindi naman bastos. Para bang sinasabing alam ko kung ano ang kaya kong gawin, at hindi ko kailangan humingi ng paumanhin para dito.
Itinaas ko ang phone ko para kumuha ng litrato. Sa bawat anggulo, lalo pang kumikintab ang dress sa ilalim ng ilaw. Yung simpleng bracelet at manipis na singsing ko ay biglang nagmukhang mas mamahalin dahil dito. Kahit na alam kong hindi naman ako ito, hindi ko kaya ang damitang ‘to kapag bumalik na ako sa amin.
Habang tinitingnan ko ang sarili ko, napangiti ako nang bahagya.
Hindi lang ako basta naka-dress ngayong gabi.
Naglagay din ako ng kolorete. Nalaman ko ang paglalagay dahil palagi kong tinitignan si Ate Ruby na mahilig sa makeup. Nagmukha naman akong tao at sinunod ko ang aking buhok na nilugay ko na lang. Kulot ang buhok ko kaya kailangan talagang ayusin iyon.
At sa isang iglap, naramdaman kong bumuo ulit ang kaba sa dibdib ko… hindi dahil sa suot ko. Kung ‘di dahil alam kong kapag nakita niya ako mamaya, si Alistair ang magiging problema ko.
At hindi ko alam kung mas matakot ba ako… o mas ma-excite.
Paglabas ko ng cabin, agad kong naramdaman ang malamig at maalat na simoy ng hangin mula sa dagat. Kumapit iyon sa balat ko, dumulas sa mga hita kong halos walang takip dahil sa suot kong damit, at nagbigay ng kakaibang kilabot na hindi ko alam kung dahil sa lamig… o dahil sa kaba.
Nagdalawang-isip pa ako kung kukuha ba ako ng jacket, pero naalala kong wala naman akong dalang gano’n. Kaya, wala na, bahala na ang universe. Huminga ako nang malalim at tuluyan nang lumabas.
Sakto namang paalis na ako nang mapansin ko ang ilang grupo ng kalalakihang papalabas din ng resort, humahalakhak habang naglalakad. Sa boses pa lang alam na alam ko na kaagad kung sino ang mga nandoon. Kaagad ko silang iniwasan; mas lalo ayaw ko silang makiita ngayon dahil sa suot ko!
Binilisan ko ang lakad, pero hindi gaanong kabilis dahil sa heels na suot ko na parang gustong ipahamak ako. Baka imbis na sa club ko ang punta ko, baka mauna pa akong madapa sa bungin dahil sa ginagawa ko.
Pero huli na ang pag-iwas ko nang marinig kong may tumawag ng pangalan ko mula sa likuran.
“Lily!”
Napakagat ako ng labi bago dahan-dahang lumingon. Lahat sila ay nakaayos nang parang may big event na pupuntahan. Dark shirts, tailored pants, mamahaling relo, lalo si Ali. Kulay itim ang suot niya, simple pero kapansin-pansin, at sa liwanag ng mga ilaw ng resort ay mas lalo siyang nagmukhang delikadong lalaki na hindi mo gugustuhing makasalubong… pero hindi mo rin maiiwasang titigan.
“Good evening, Lily. Where are you going? You dress well tonight,” komento ni Zane habang sinisipat ako mula ulo hanggang paa.
Parang gusto kong magtago bigla. O magtakip. O tumakbo.
Tumikhim ako. “Magsasaya lang… alam mo naman, broken hearted.” sagot ko, may halong tawa pero mas marami ang kaba.
“You’re going to the club, aren’t you?” tanong bigla ni Ali.
Diretso, walang halong pag-aalinlangan. Parang utos. Parang alam niya na kahit hindi ko sabihin. At sa paraan ng pagtingin niya sa akin, isang mabilis, mababa, parang sinusukat ako, parang hindi ako makahinga.
Tipid akong tumango sabay ngiti, pilit pero presentable. “Sige na, mauuna na ako. Bye!”
Agad akong tumalikod at inunahan sila, halos nagmamadali ngunit maingat para hindi ako matuklap ng heels ko. Hindi ko na sila nilingon pa, kahit ramdam ko ang tingin nilang sumusunod sa bawat hakbang ko.
Tinungo ko ang direksyon ng dalampasigan kung saan nagsisimula na ang ingay at ilaw ng mga bars at club. May nag-aalunignag na musika mula sa magkabilang panig, may kulay neon na humahati sa dilim, at may mga taong iba't ibang resort na naglalakad papunta sa parehong lugar.
Ilang sandali pa, nakita ko ang hanay ng bars, mga modern, classy, puro salamin ang dingding, may mga ilaw na umiikot sa paligid, halos parang maliliit na lungsod sa gitna ng isla.
At siyempre, pinili ko yung mukhang pinakamahal. Mukhang pinaka-exclusive. Mukhang “billionaire zone.”
Drink & Haven.
Mas malaki. Mas maliwanag. Mas may mga taong naka-dress at blazer. At kung pupunta man doon si Alistair V. sigurado ako, dito sa pinakamagandang club sa linya.
Paglapit ko, agad akong sinalubong ng guard.
“Free entrance to all women today po, Ma’am,” sabi niya nang magbabayad na sana ako para sa entrance.
Mabuti naman kung gano’n. Mabuti naman at hindi mababawasan ang pera ko, kailangan ko pa ‘yon.
Ngumiti ako sa kanya bago pumasok.
At pagpasok ko, para akong binalot ng isang buong mundo na iba sa tahimik na isla sa labas.
Biglang sumalubong sa akin ang malakas na musika, bawat beat ramdam ko hanggang sa dibdib. Makapal ang usok ng vape at lights, parang naglalakad ako sa ulap na puno ng kulay violet, blue, at pula. Naglalakasan ang tawanan ng mga tao, may sumasayaw sa stage, may nag-iinuman sa gilid, at may mga babaeng nakapila sa bar para sa free shots.
Malalim na rin ang gabi. Sadyang inantay ko talaga ito. Kasi kapag ganitong oras, siguradong narito na ang lahat ng nasa resort, mga turista, mga mayayamang bisita…
…at sana pati siya.
Alistair V.
At sa dami ng tao, sa ingay, sa musika… may bahagyang kabang gumapang sa akin.
Paano kung nandito na pala siya?
Paano kung nakikita na niya pala ako ngayon?
Bigla akong kinalibutan sa mga tanong na nasa isipan ko. Muling sinuyod ng aking mata ang buong pasilidad. Masyadong maraming tao at mukhang lahat ng mga mayayaman ay nasa ikalawang palapag dahil iyon ang VIP area.
“Hi, Miss. Are you alone? Have a drink,” bati ng isang lalaki sa likuran ko.
“Hindi okay lang, magsaya muna kayo.” pagtanggi ko.
Mukhang wala pa naman tama ang lalaking ito dahil maayos pa naman ang galaw at nakakapagsalita pa ng maayos.
“You should taste this martini,” pilit niya pa, iniabot ang cocktail. “This is one of their best drinks here.”
“Go na beh, masarap ‘yan!” ani ng isang babae, mukhang isang grupo silang naroroon.
Ngumiti ako at kinuha iyong cocktail glass at pinagmasdan sila bago ininom iyon. Ramdam ko kaagad ang hagod at init sa lalamunan ko na kaagad kong ikinailing dahil sa tapang. Sunod sunod naman silang naghiyawaan dahil sa ginawa kong pag inom.
“Ito pa! Mas masarap to, Margarita!” sigaw ng isang babae at bigay ang pahabang baso.
Kukunin ko na sana iyon nang may biglang humawak sa kamay ko at hinigit ako papalayo sa grupong iyon. Maging ang mga tao ay nagulat din sa biglaang pag alis ko. Agad akong napatingin sa kung sino man ang humila sa akin, sisigawan ko na sana iyon ngunit natigil na lang ako nang lumingon din siya sa akin.
Si Ali.
Si Ali na laging nakakunot ang noo.
Si Ali na parang galit sa mundo.
Si Ali na dinapuan ko ng pagkain kanina at halos katakutan ko buong araw. At ngayon… siya ang humihila sa akin palayo sa ibang lalaki?
Napalunok ako.
“Ali?” mahina kong sabi, halos hindi ko makilala ang boses ko dahil sa gulat.
Bumagsak ang tingin niya sa kamay ko… na hawak pa rin niya. Mahigpit. Parang ayaw bitawan. Parang may gustong iparating.
At sa unang pagkakataon ngayong gabi… hindi ko alam kung mas dapat ba akong matakot sa kanya, o mas mag-alala sa kung anong gagawin niya kapag hindi ko siya sinunod.