Simula
Kamatayan.
Iyon agad ang unang pumasok sa isip ko nang umapak ako sa sahig ng magarbong barkong ito, isang dambuhalang cruise ship na para bang hindi tumatanggap ng ordinaryong pasahero. Makinis ang sahig, puro salamin ang paligid, at bawat taong makakasalubong ko ay nakaayos na parang may milyon sa bank account. Hindi ako bagay dito. At hindi rin ako dapat narito.
Dalawa lang naman ang posibilidad na naghihintay sa akin: Makakaalis ako ng ligtas sa isla… o hindi na ako makakabalik pa ng buhay sa amin.
Pero kahit anong mangyari, kailangan kong mabuhay. Kailangan kong matapos ang misyong ito, kahit pa hindi naman talaga ito para sa’kin.
Hindi ako dapat kasama sa kahit anong kalokohan na kinasasangkutan nina Ate at ng boyfriend niya. Hindi ako miyembro ng kahit anong organisasyon o kung anumang underground na mundo na ginagalawan nila. Hindi ako marunong manloko, manlinlang, o magpaikot ng tao, pero heto ako ngayon, nakakapit sa pangakong dapat hindi ko tinanggap.
Kung hindi lang ako naipit sa plano nilang dalawa, dapat nasa bahay lang ako ngayon, nag-aalaga ng nakakababatang kapatid namin at namumuhay nang payapa. Pero hindi. Ngayon, may dala akong pangakong hindi ko pwedeng balewalain.
“Here’s your cabin number, ma’am. Enjoy your stay!” sabi ng babae sa reception, sabay abot ng susi at ng maliit na envelope na may naka-emboss na gintong logo ng barko.
Ngumiti ako kahit kinakabahan. “Salamat.”
Humigpit ang hawak ko sa susi habang naglalakad palayo. Ang loob ng barko ay parang hotel na nakalutang sa dagat, mamahaling chandelier, marble floors, at mga taong amoy pera. Pero hindi iyon ang iniisip ko ngayon.
Ang iniisip ko ay ang Isla Dolor.
Isang araw at kalahating biyahe kapag barko. Dalawang oras lang kung eroplano. Pero kahit mas mahal ang cruise na ito kaysa airfare, pinili pa rin nila Ate dahil nandito raw ang target.
At dahil kailangan ko raw matutunan kung paano ito gumalaw, dito pa lang dapat magsimula ang misyon ko.
Hindi ako ang kinausap ni Tatay tungkol sa detalye kay Ate niya iniwan lahat ng detalye. At dahil ayaw ni Ate sa misyong ‘to at gusto niyang sumama sa boyfriend niya, ako ang ginawang panghalili. Ako ang pinadala. Ako ang inutusan. Ako ang itinulak sa mundong hindi ko naman gusto.
Kailangan ko lang hanapin si Alistair V.
Iyon daw ang pangalan ng target. Isang bilyonaryo. Nakakatakot na mayaman, sabi ni Ate. At ang mas nakaka-bad trip? Ni picture, wala man lang silang binigay.
“Bahala ka na,” sabi ni Ate. “Ikaw na ang magdisarte.”
Paano ako maghahanap ng bilyonaryo sa barko na halos lahat mukhang bilyonaryo?
Doon pa lang, gusto ko nang umatras. Pero hindi na pwede. Kailangan ko nang tapusin ito.
Kailangan kong mabuhay. At kailangan kong mahanap si Alistair V, ang lalaking hindi ko man lang alam kung mukhang santo ba o demonyo.
Habang hinahanap ko ang cabin ko, hindi ko mapigilang mamangha sa ganda ng buong pasilidad. Parang nakikita ko lang sa palabas ito dati, gold iyong railings, makintab marble floor, at chandeliers na parang kayang bumili ng sarili nilang isla.
At siyempre… ang mga tao.
Designer gowns, tailored suits, mamahaling alahas.
Napapasulyap ako paminsan-minsan, hindi dahil inggit pero dahil nakakapanibago makita ng malapitan ang ganitong klaseng mundo. May ganito pala talaga, iyong sobrang yayaman na tao na kaya kang bilhin ng salapi nila.
Pero hindi ako tumitig nang diretso. Baka maagaw ko pa ang atensiyon ng mga taong hindi ko kayang tapatan.
Sunod na dumapo ang mata ko sa dalawang kalalakihan makakasalubong ko, ramdam ko kaagad ang talim ng mata no’ng isa dahilan para umiwas ako.
Napayuko ako agad.
Huwag makikititig. Huwag magpapansin.
Buti na lang natagpuan ko rin sa wakas ang cabin na nakalaan sa akin. Pagpasok ko, napanganga ako sa ganda: malinis, moderno, may malaking bintana na tanaw ang asul na dagat. Nandoon na rin ang dalawang maleta na ibinigay ni Ate, mukhang binuksan pa ng staff dahil nakaayos na sa gilid.
Tatlong buwan. ‘Yun ang sabi ni Ate. Tatlong buwan para matapos ko ang mission na hindi dapat sa akin ibinigay at hanggang limang buwan lang din ang itatagal ko para hindi mahalata ni Tatay na hindi si Ate ang nasa misyon.
At kailangan kong kayanin iyon.
Doon ako tuluyang lalala.
Nagsend ako ng message.
To: Ate Ruby
Nakarating na ako sa barko, Ate. Nandito ba talaga si Alistair V?
Gusto ko pang siguraduhin. Ayaw kong may maling lalaking masita ko at mas lalo pa akong mapahamak.
Nag-vibrate ang cellphone na binigay ni Ate.
From: Ate Ruby
Nandiyan. Sigurado kami ni Bobby. Sabi ni Tatay pupunta siya d’yan para sa business trip. Madaming bilyonaryo d’yan kaya matyagan mo nang mabuti. At h’wag kang tatanga-tanga. Baka ikaw pa maisahan d’yan.
Napakagat ako sa labi. Ayoko sana sagutin pero kailangan ko ng impormasyon.
To: Ate Ruby
Pero hindi ko siya kilala, Ate. Kahit picture man lang wala ka binigay.
Sandaling akong natahimik habang naghihintay sa kanyang minsahe.
From: Ate Ruby
Wala din akong picture! Walang binigay si Tatay kasi HINDI mahanap sa internet ang pagmumukha niya. Kahit hacker ng Blue Book, wala. Gawan mo ng paraan. Gamitin mo utak mo.
Napasinghap ako nang mahina.
Okay.
Hindi ko alam mukha niya… habang lahat rito ay mukhang pwede maging bilyonaryo. Hindi na ako nagreply. Humiga ako sandali at napapikit, baka sakaling mawala ang kaba. Hindi ko namalayan nakatulog ako.
Nagising akong gabi na. Malamig ang aircon, at gutom na gutom ako. Naligo agad, nagbihis, pero halos lahat ng damit ni Ate ay pang-akit. Velvet, silk, mini dresses, para sa misyon talaga.
Sa huli, pinili ko ang violet velvet top. Kulang-kulang at sobrang lambot ng tela. V-neck iyon at kita ang cleavage. Hindi ko iyon suot sa normal na buhay ko.
Pero dito…? Mukhang iyon ang pinakanormal.
Buti na lang naka-linen pants ako. Hindi ako sasabak sa gera ng nakalabas ang kaluluwa.
Paglabas ko ng cabin, diretso ako sa restaurant area. Malaki iyon, may live music, puro wine glasses at silver trays. At ang mga pagkain, grilled lobster, truffle pasta, steak, halos hindi ko kilala ang kalahati pero kinuha ko pa rin dahil gutom ako at libre naman.
May bitbit akong tray at naghahanap ng upuan nang biglang tumunog ang lahat ng kubyertos na dala ko. May nabangga ako. Lahat ng pagkain kong pinaghirapan ay nalaglag. Pati ang mashed potatoes, tumapon sa mamahaling suit ng lalaking nabangga ko. Parang sobrang biglaan ng lahat.
“s**t…” bulong ko habang natataranta.
Agad kong tinapik ang mancha, gamit ang kamay ko pa talaga, tanga. Sa sobrang taranta ko ay nagawa ko iyon. Nagulat ang lalaki at mabilis niyang tinapik ang kamay ko. Malakas. Ramdam ko ang sakit.
“Damn it. What are you doing?!” Matigas ang ingles niya.
Malalim ang boses. Galit. Hindi yung galit na pa-arte, yung talagang nagpipigil.
Napahinto ako at napakagat ng labi dahil sa takot. Dumapo ang tingin ko sa kanyang kasuotan na marumi na dahil sa kagagawan ko.
Mamahaling black suit. Umiigting ang panga. Malinis pero may tatlong bahagyang peklat sa kanyang kamay. May nakasilip ding tattoo doon.
May guard na nakatayo sa hindi kalayuan, nakamasid sa amin. At ang mga mata niya ay matalim, nagliliyab na para bang sobrang laki ng kasalanan ko sa kanya. Pero mukhang sanay sa mga taong humihingi ng tawad bago mawala sa mundo.
Matangos ang ilong. Mainit ang presensya. At halatang hindi siya sanay na may nakakabangga sa kanya.Hindi siya ordinaryong lalaki. Hindi siya turista. Hindi siya basta kilalang mayaman.
He looks like a man people fear. A man people follow. A man people don’t cross.
Napalunok ako. Hindi ako makahinga sandali. At ang unang salita kong nasabi?
“Sorry! Hindi ko sinasadya, sobra kasi ang—”
Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Ramdam ko ang galit at pandidiri sa kanyang titig sa akin. At muling bumalik ang tingin niya sa akin, malamig iyon.
“You don’t just touch people’s clothes,” mariin niyang sabi. “But you… you touched mine.”
Isang hakbang siyang lumapit. Hindi malakas. Pero sapat para umatras ako, halos matumba sa kaba.
“Who are you?” bulong niya, mababa, malalim ang timbre. “And why do you look like you don’t belong here?”
Ramdam ko sa dibdib ko ang mabilis na t***k ng puso, parang gusto ko nang sumabog. Marami nang nakatingin sa amin, mga mata ng ibang guest na nakasandal sa mesa, nakatutok sa amin, nagmumukhang eksena sa pelikula. Gusto ko na lang lamunin ng lupa ang sarili ko. Dapat hindi talaga ako ang pinadala nila dito.
“Sorry po… pasensya na po talaga…” Halos bulong ko lang iyon, nanginginig ang boses sa hiya at takot.
“Sorry? Look what you did? You made a mess! You think—”
Ngunit naputol ang galit niyang pagbibitiw nang may dumating na ilang lalaki, lahat naka-tailored suits, hawak ang halos parehong presensya ng kapangyarihan, at halatang kasama niya sa isang negosyo na hindi basta-basta.
“Easy, easy, Ali.” sambit ng isa sa kanila, matino ngunit may autoridad, hinila siya papalayo sa akin nang dahan-dahan.
Halos lumutang sa ere ang kahihiyan ko. Parang lahat ng pagkakamali ko sa mundo ay nakatuon sa eksenang iyon.
“Sorry, Miss. You can go now,” sabi ng lalaki, matino, mahinahon pero may halong babala sa tono.
“Pero…” tinangka kong magpaliwanag, humihingi ng tawad, ramdam ko ang mga tingin sa akin.
“Just go, Miss,” mariin ngunit buo na sinabi niya. Walang pagpipigil, parang hindi lang basta mensahe kundi utos na may bigat.
Habang lumalayo ako, ramdam ko pa rin ang tingin nong Ali sa likuran ko. Hindi niya sinasalita, pero ramdam ko ang titig na parang pinag-aaralan ako, hinahati sa mga bahagi, hinuhusgahan kung karapat-dapat ba akong nandito o hindi.
At sa loob ng dibdib ko… alam ko na hindi iyon basta lalaki lang. Isa siyang bilyonaryo na may hawak ng kapangyarihan. At sa bawat hakbang ko palayo… ramdam ko na, hindi niya malilimutan ang mukha ko.
Ali… o kung sino ka man, sana hindi na magtagpo ulit ang landas natin.