CHAPTER 3

1572 Words
STRESS ANONG oras na nga ba? Ilang oras na nga ba ako sa ospital na ito matapos kuhanan ng dugo, ma-scan at ma-check up ng doktor? Naalala kong bigla si Mama. Naisip kong tawagan siya upang hindi mag-alala. Saktong may orasan sa haligi ng puting kuwarto kung saan ako hinayaang makapagpahinga habang hinihintay ang resulta ng aking laboratory. Alas-onse y medya na? Mahigit isang oras na akong late sa trabaho. May napakaimportanteng meeting pa naman kami ngayon kasama ang boss ko. s**t! "Nurse, saan ako puwedeng makigamit ng phone?" "Paglabas mo Ate ng hallway, kaliwa sa may nurse station,  may phone roon." Kausap ako habang may isinusulat sa log book ang nurse. Tumayo ako sa pagkakaupo sa isang animo'y recliner na silya. Kailangan kong tumawag kay Mama pati na rin sa boss kong malamang ay nag-aalala o nagagalit na sa paghihintay sa akin. Sa hallway ay nakita ko pa ang ibang mga pasyente. Bakit ba kasi nagpumilit pa ang lalaking iyon na pa-check up ako samantalang ni hindi man lang ako nagalusan sa pagkakaatras niya ng sasakyan? Hindi sana ako nandito at nagkakaproblema ng ganito. Ngayon nasaan siya? Hindi man lang nagpaalam at umalis na lang bigla? Ganoon ba siya ka-busy? Ano kaya ang pangalan niya? Babalik pa nga ba siya? Para sa akin? Paano kung hindi? Paano kung nagpakitang-tao lamang siya at kunwari ay handang panagutan ang ginawa niya? Saan ako kukuha ng pambayad sa laboratory ko? Sa doktor? Sa oras na inilagi ko sa ospital na ito? Napabuntonghininga ako. Sana nga magbalik siya. Sa nurse station ay nakita ko agad ang telepono. Kung bakit hindi ko dinala ang cellphone at isang MP4 player lang ang nabitbit ko sa pagtakbo kaninang umaga. Naisip kong importanteng makatawag muna sa boss ko. Pinindot ko ang mga numero at nag-ring ang kabilang linya. Narinig ko ang masayang boses. "Hello!" "Good morning, puwede kay Ms. Mendez? Si Mylah ito," magalang na sambit ko. "Mylah, naku kanina ka pa hinahanap ni Boss. Nasaan ka?" Boses iyon ni Kathy. Katulad ko ring Senior Administrator si Kathy. Mas bata siya sa akin ng mga dalawang taon. Makulit, madaldal at masipag si Kathy. Ang kaibahan nga lang ay mas marami akong tamang project kaysa sa kanya. May tendency kasi siyang maging clumsy sa kanyang trabaho. Madalas ay lumilipad ang isip niya lalo kapag nag-text na ang kanyang boyfriend. Resulta, ako ang nagdadala ng lahat ng trabaho niya. Kaya ngayong araw na ito, importanteng naroon ako sa meeting namin dahil may kliyente kaming bibisita. Isang malaking transaksiyon ang magaganap sakaling pumayag makipag-deal sa amin ang kliyente. Isa ako sa mga nakakaalam ng mga pasikot-sikot at mga detalye na maaaring itanong ng bibisita. Ako ang inaasahan ni Ms Mendez. Back-up ako ng boss ko sa mga mapag-uusapan mamaya. Ako na naman ang nakatakdang mag-present at gumawa ng Multi Media pati na rin ang Spreadsheet Report and Consolidation. "May nangyari kasi. Kay Ms. Mendez ko na lang ipapaliwanag. Nandiyan ba siya?" Umaasa akong maiintindihan ng boss ko ang sitwasyon ko ngayon. Baka puwede akong mag-leave of absence muna tutal naman ay matagal-tagal na rin akong hindi uma-absent. "Mylah where are you? You are supposed to be here by now!" Mahina subalit madiin ang boses sa kabilang linya. Ikinagulat ko iyon, alam kong inagaw ng boss ko ang telepono mula kay Kathy para makausap ako. Halatang galit na ang boss ko na nagpipigil lamang. Paano ko kaya siya makukumbinsi? "Ms. Mendez, may nangyari kasi..." sabi ko na hindi alam kung paano magsisimulang magpaliwanag. "I don't care what your reason is! You know how hard for us to make this meeting with Mr. Murray!" "Ma'm ano po kasi..." Hindi ko pa natatapos ang sasabihin nang muli kong narinig ang boses ng boss ko. "Be here in an hour!" Mahabang tunog ng naputol na linya sa telepono. Napanganga ako at hindi makapaniwala. Ibinaba na ni Ms. Mendez ang telepono. Malinaw ang sinabi niya. Pinapapasok ako sa opisina sa loob ng isang oras. Gusto yata ni Ms. Mendez na gumawa ako ng milagro. Ni hindi man lang niya inalam kung okay ba ako o kung may nangyari sa akin. Dati-rati namang mabait siya sa akin. Istrikto nga lang talaga siya pagdating sa trabaho. Hindi man lang ako pinatapos sa sasabihin ko. Magulo na naman ang isip ko. At higit sa lahat, wala akong dalang perang pan-taxi pabalik ng bahay. O kung babalik pa ako ng bahay, siguradong hindi na ako aabot sa trabaho sa loob ng isang oras. Huminga ako ng malalim. Kailangan kong mag-isip sa mga pagkakataong katulad nito. Ahhh, parang sasakit ang ulo ko sa sobrang demanding ng boss ko. Pero hindi ko rin naman masisisi si Ms Mendez. Ilang araw na naming pinaghahandaan ang presentation na ito. Pindot ulit ako sa telepono ng ospital. Mabuti na lang talaga at magaling ang memorya ko at kabisado ko ang mga mahahalagang numero. Tinawagan ko si Mama. "Hello Ma, si Mylah ito. Pasensiya na tumuloy na po ako sa work... Okay lang po ako... Sorry po... Uwi po akong maaga.... Bye Ma." Marami pang sinasabi at ibinibilin ang nanay ko pero hindi ko na ito in-entertain. Tumatakbo ang oras. Sinusubok ako ng aking boss. Alam kasi niyang for promotion ako at hindi puwedeng hindi ako sumunod at baka maibigay pa ang puwesto kay Kathy. Okay lang naman sana kung si Kathy ang ma-promote. Masipag at kaibigan ko rin naman. Pero sino ang hindi nangangarap na tumaas ang posisyon sa trabaho? Sino ang aayaw sa salary increase? Mabuti pang magpakasubsob na lang ako sa trabaho. Doon ibuhos ang mga alalahanin na pamaya't-mayang sumasagi sa magulong utak ko. Bakasakali kapag na-promote ako, mas mabubuhos sa trabaho ang pag-iisip ko. At mapapadali ang paglimot sa kahapon ko. Six years na ako sa Harmonie Agency. Magsisinungaling ako kung hindi ko aaminin na hinihintay ko ang chance na ito. Mula sa pagiging Clerk na minimum wage, naging Assistant at Senior at sana sa susunod ay pagiging Manager naman. Kailangan kong gumawa ng paraan. Walang lingon-likod na umalis ako ng ospital na iyon. Walang nakapansin sa akin sa dami ng pasyente na labas-pasok sa loob. Pumara agad ako ng taxi gayong alam kong wala akong perang pambayad. Katwiran ko, lakasan na lang ng loob. Bahala na. Hihiram na lang siguro ako ng pera kay Kathy pagdating sa office mamaya. At kung may utang man ako sa ospital na ito, bahala ang lalaking iyon na umayos. Hanapin niya ako. Hindi na niya ako maaabutan. Sa mga sitwasyong akala ko ay okay na, saka naman nadagdagan ang problema ko. Halos isang oras na ako sa highway sakay ng isang taxi. Sobrang traffic na lalong nagpatindi ng kaba sa dibdib ko. Sana umabot ako. Sana umabot ako. Paulit ulit kong usal sa sarili. Bago man lang dumating ang kliyente na ka-meeting namin. Sa dami ng mga buntonghininga ko, nakarating ako sa tapat ng building na pinagtatrabahuhan ko. Anong oras na kaya? Heto na ang pinapraktis ko kanina pa sa isip ko... "Manong, kukunin ko lang po ‘yong pera ko sa loob. Please, hintayin n’yo po ako sandali..." Finger crossed, sana ay makisama ang Manong na Taxi Driver at paniwalaan ako. Sa tuwa ko, tumango lamang ang Manong driver at nag-park pa ng maayos sa gilid ng daan. Nagtatakbo ako papasok ng building. Pinagtitinginan ako ng mga tao sa paligid. May mga kakilala ako na nadaanan ngunit mabilis na kaway lamang ang iginanti ko. Binati ako ng Security Guard pero ngiti lamang din ang naisagot ko. Humihingal akong sumakay ng elevator. 6th Floor. Pagbukas ng elevator, nagtatakbo akong tinulak ang de-salaming pintuan ng opisina. Swerteng si Kathy ang unang tinamaan ng aking paningin. "Kathy, please help me! I need some cash. Babayaran kita bukas!" Humihingal na paglapit ko kay Kathy na agad nanlaki ang mga mata. "Mylah! Anong nangyari sa ‘yo? Ba't ganyan ang hitsura mo? May meeting tayo!" Sunod-sunod na sabi ng nabiglang Kathy na patakbong napalapit sa akin. Pinasadahan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Nakita niya na halos hindi ko nasuklay man lang ang aking buhok. Ramdam ko ang pangangati ng ulo ko. Pawisan ka ba naman habang nagja-jogging sa Pilipinas. Naka maruming t-shirt at jogging pants ako sa halip na corporate attire. Nagtagal pa ang kanyang tingin sa rubber shoes ko na kulay kahel at pareho pang hindi naisintas. Ngayon lang niya ako nakitang ganito. Hindi kaya mawala ang paggalang niya sa akin? "Mamaya ko na ipapaliwanag sa iyo. Kailangan kong bayaran ‘yong taxi sa 'baba. Please, nagmamadali ako..." natataranta kong sabi. "My Gulay naman Mylah, bakit ngayon pa? Sige ako na'ng bahala. Ayusin mo ang sarili mo..." Hindi naiwasan na tingnan akong muli ni Kathy from head to toe. Ibinato niya ang isang itim na blazer na nakasampay sa swivel chair na agad ko namang nasalo. "Bilisan mo!" Nagmamadaling sumakay ng elevator si Kathy pababa upang bayaran ang taxi driver at pinandilatan ako ng mga mata. Thank you, Kathy. Nasambit ko sa sarili na para bang maririnig pa niya ako habang kinakalkal ang drawer sa desk ko. Mabuti na lang at mayroon akong suklay, make-up at lipstick sa aking sariling drawer. Sinuklay ko ang mahaba at itim kong buhok. Saka ko napagdesisyunan na itaas na lamang iyon sa pamamagitan ng tali. Mabilis na pinasadahan ko ng foundation at blush on ang aking mukha. Nagpahid ng manipis na lipstick sa labi. Napangiti ako sa naging resulta. Simple lang ako ngunit marami ang nagsasabi na kakaiba ang aking ganda. Sa maliit na compact mirror ay nakita ko ang malamlam at kulay abong mga mata ko, matangos na ilong, manipis na labi at makinis na pisngi. Isinuot ko ang itim na blazer. At inihanda ang sarili sa susunod na mangyayari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD