CHAPTER 4

1544 Words
TIWALA SIGURADONG nasa conference room na ang lahat. Nararamdaman ko ang ingay ng mga yapak sa tahimik naming opisina. Sabi ni Miss Mendez ay darating ang matataas na empleyado ng Harmonie Agency. Mga director at board members ng kumpanya. Dati-rati naman na kami-kami lamang ang uma-attend ng mga meeting na ganito. Pero sabi nga ni Ms Mendez, this is different. This is very important. And we have to impress the client to whichever way we can. Malamang na nag-aalala na ang may edad naming VP. Importanteng naroon ako as Senior Admin dahil sa loob ng anim na taon, kabisado ko na ang pasikot-sikot sa administration. Ito ang meeting na magbibigay sa amin ng pagkakataon na makilala sa mas mataas na sirkulasyon. Hindi ko masisisi si Ms Mendez kung gayon na lamang ang pagnanais niyang makuha ang deal na ito. Kapag nakuha namin ang loob at tiwala ng kliyente, siguradong tataas ang kita ng kumpanya na pag-aari ng pamilya ng boss ko, ng ama ni Ms. Mendez na nagpundar nitong Harmonie. Mas binilisan ko ang pag-aayos sa sarili. Tinungo ko pa kasi ang comfort room. Pinatuyo ko sa pamamagitan ng hand dryer ang basang t-shirt ko. Cologne lang ang nakita ko sa ilalim ng aking drawer kanina at halos ipaligo ko na ito sa aking katawan. Pinagmasdan kong muli mula sa salamin ang aking mukha. Puting panyo lamang ang ginamit kong pantali ng buhok. Magmumukha na siguro akong kagalang-galang sa ayos ko ngayon kaysa kanina. Pinasadahan ko ng tingin ang aking suot na blazer na tumatakip sa may karumihan kong t-shirt na suot. Napailing ako. Sana lang ay hindi kinain ng mga pangyayari kanina ang oras ko. Sana ay mas nakapaghanda ako. To think na naisip ko pang um-absent. Mabilis akong lumabas ng banyo. Naglakad ako patungo sa aking mesa. "Mylah, bilisan mo! Nandoon na silang lahat," sabi ni Riza na kasamahan ko sa work na nakadestino malapit sa aking mesa. "Oo, ito na nga nagmamadali na. Nandiyan na ba ‘yong kliyente?" tanong ko. Kinuha ko ang aking laptop sa ibabaw ng aking mesa. Tahimik na ang cubicle ng mga kasama sa meeting. Patunay na naroroon na sila sa conference room. "Si Mr. Murray? Oo kanina pa siya nariyan sa loob. Magugulat ka 'pag nakita mo ang Chief Business Officer ng TSB." Bahagyang napatili sa kanyang kinauupuan. Kumunot ang noo ko. Hindi ko siya maintindihan. Marahil ay napansin niya ang reaksiyon ko kaya't nagpaliwanag. "Akala natin ay matandang business man na naman, 'di ba? Well for your information, malayong-malayo siya sa inakala nating lahat!" Parang kinikilig ito at hindi ko na naiwasan ang mangiti sa kanya. "So he's a bachelor," nawika ko. Sa hitsura at akto niya kasi, halos sigurado na ako kung bakit. Dahil base sa mga ikinikilos niya, alam ko na kung ano ang gusto niyang sabihin. Kumuha ako ng ballpen at notepad mula sa aking drawer. "Correct ka riyan! At hindi lang bachelor. An eligible bachelor!" Nanlalaki pa ang mga mata niya nang sabihin iyon. Gusto lamang niyang sabihin na ang bisita namin ay professional, unmarried man at perfect future husband material. Napangiti ako sa naisip. Mayroon pa ba talagang perfect future husband material? Malabo iyon sa panahon ngayon. Kita mo na lang ang tatay na mayroon ako. Mukhang perfect. Mukhang walang problema. Napakabait sa amin ni Mama. Ngunit ang totoo ay nagkukunwari lamang na perpekto. Saang lupalop ng mundo ka makakakita ng lalaking matino? Kung mayroon man, baka iyong mga nasa loob ng simbahan. "Kung wala pa siyang girlfriend, mag-a-apply ako. Para siyang god of handsomeness and desire. Parang bumaba si Adonis mula sa langit!" Nakatingin si Riza sa kisame na tila nangangarap ng gising. "Bakit mo naman nasabi iyan?" tanong ko sa kanya habang sinasaksak ang mouse sa laptop Pinandilatan ako ni Riza. "Hoy, Mylah, binabalaan kita, ha. Huwag kang magkakagusto sa kanya." Natawa ako sa inakto niya. Parang nobyo na niya ang tinutukoy niya kung makapagselos siya. "Don't worry, Riza. Sa iyo na siya! Hindi ako nabubulag sa panlabas na anyo ng lalaki." Niyakap ko ang laptop. Ganito naman talaga si Riza. Basta guwapo, at mayaman, madaling nagkakagusto. "Talaga? Hindi ka magkakagusto sa matangkad, mestiso, ma-muscle at guwapong lalaki? Baka kainin mo'ng sinasabi mo, Mylah," umiiling niyang sabi. Nagmadali na lang ako sa pagkilos. Hindi ko na siya sinagot. Bachelor man iyan o may asawa, guwapo o kalbo, maitim o mestiso, tingin ko sa lahat ng lalaki ay may itinatagong puwing sa pagkatao. Kapag kaharap mo, akala mo kung sinong mabait at mapagkakatiwalaan mo. Pero nasa loob naman ang mga kulo. Mahirap nang makakilala ng mga totoo sa mundong ito. Huminga muna ako ng malalim bago ibinukas ang saradong pinto ng kuwartong pagdarausan ng pulong. Pinihit ko ng marahan ang lock nito. Napatingin ang marami sa aking pagpasok sa loob ng silid. Tsk. Nagsisimula na. Nakapatay na ang ilaw at tanging liwanag na nanggagaling sa overhead projector at multi-media ang nakasindi. Nakaistorbo pa yata ako. Nakita ko kaagad si Kathy na nakadako ang paningin sa isang direksiyon. Biglang kumabog ang aking dibdib. Pakiramdam ko ay matutunaw ako sa aking kinatatayuan. Mga direktor at board members ng Harmonie ang naririto ngayon. Humigpit ang pagkakahawak ko sa aking dalang laptop. Napasinghap ako nang hatakin ako ni Ms. Mendez at agad na pinatayo sa harap. Nakangiti man ang babaeng VP ay tila may pagbabanta naman ang mga tingin niya sa akin. Humugot muna ako ng malalim na hininga. Kabisado ko naman na ang mga sasabihin ko dahil ilang beses ko na itong ginagawa. Yun nga lang, ngayon lang ako na-late ng ganito. Tuwing may presentation kami, ako ang pinaka-maaga sa lahat samantalang ngayon ay ako ang pinaka-huli. Pinaka-maganda sa lahat samantalang ngayon ay naka-jogging pants pa rin ako at natatakpan lamang ng blazer ni Kathy ang maruming t-shirt na suot ko. Pinaka-confident samantalang hiyang-hiya ako ngayon sa lahat. Kung kailan naman na importante ang aming bisita ay saka naman ako napasok sa gusot. Pero kaya ko 'to. Marami na akong pinagdaanan sa buhay na nakakahiya. Ito pa ba ang katatakutan ko? Huminga muna ako ng malalim. "Good day everyone. I'm Mylah Cortez, Senior Admin of Harmonie Agency..." Bumati muna ako upang maibsan ang tensiyon. Gusto kong mahalata nilang lahat na confident pa rin ang boses ko. Naisip kong pasukan ng isang maikli at simpleng joke ang aking panimula. Ewan ko, pero wala na talaga akong ibang maisip. "I was abducted by aliens..." seryosong sabi ko. Hindi ko alam kung saan ko napulot ang joke na ito pero sana ay umubra. Matama namang nakikinig ang lahat. May mga napakunot-noo. "After being transported to the mother ship, the aliens decided not to suck out my brains..." Nagpakawala ako ng malalim na buntonghininga. "So, they sent me back home. And that's why I'm still here! Sorry, I'm late." Sa aking pasasalamat ay nagtawanan ang marami. Ang ilan ay nakangiting umiiling-iling at ang ilan ay napasandal sa kani-kanilang swivel chair. Tanda na nakuha ko ang loob ng lahat, na nawala ang tila tensiyon na kanina ay namamayani sa loob ng bulwagan. Maliban sa isang pamilyar na mukha na noon ko lamang napansin na nakatitig sa akin. Seryoso. Walang makikitang ekspresyon sa mukha gayong napangiti ko ang board sa simpleng joke na iyon. At napalunok ako. Bumilis ang pintig ng aking puso nang magtama ang aming paningin. Kinurap-kurap ko ang aking mga mata. Nagbabakasakaling mali ang nakikita ko. Hindi ko alam kung malinaw ba o naging malabo na ang paningin ko? Hindi ba nagsisinungaling ang aking mga mata? Sa isang sulok, sa tabi ng karamihan ay nakaupo ang isang lalaki. Kung pagmamasdan mo siya, he will stand out among the others. Hindi mo aakalain na may mataas siyang posisyon. Napakabata pa niya para maging CBO. Matamang nakatitig sa akin ang kulay tsokolate na mga matang iyon. Pakiramdam ko ay naubos ang dugo sa aking mukha. Nanuyo rin ang aking lalamunan at nanlamig ang aking mga kamay. Nakita kong muli ang mahabang pilikmata niya. Ang maamong mata na itinatago ng nakakunot na noo. Ang matangos niyang ilong at makinis na mukha. Ang clean cut niyang buhok. Iyon pa rin ang suot niya, nakasuot ng mahabang manggas na pulang polo at itim na slacks. Ang kaibahan lamang, may suot na siyang itim na suit at kurbatang kulay asul. Napatingin ang lahat sa tinitingnan ko. Halos hindi kumukurap ang mga mata na nakatitig sa akin. Bumalik ang tingin ng marami sa akin na bahagyang nakabuka ang bibig na nakatingin sa Chief Business Officer ng 'The Simple Buffet'. Ang kumpanyang gusto naming abutin. Siya pala. Ang matangkad, mestiso, ma-muscle at guwapong lalaking tinutukoy ni Riza kanina. Siya ang Adonis na bumaba mula sa langit. Siya ang importanteng taong pinaghahandaan namin ng ilang linggo. Muli, ang lahat ay napadako ang mga mata sa seryosong bisita na nakatingin pa rin sa akin habang nilalaro at pinaiikot ang ballpen sa mga daliri niya. Sumulyap muli ang lahat sa akin. Shit ano ba ang gagawin ko? Ano ang dapat kong sabihin? Nanuyo ang lalamunan ko. Nauumid ang dila ko. At inaamin ko, lahat ng sinabi ni Riza ay totoo. Kahit saang anggulo tingnan, ang taong matamang nakatingin sa akin ngayon ay simbolo ng isang lalaking pagkakaguluhan ng maraming babae. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Napakaliit naman ng mundo upang dito ko muling makita ang lalaking bumuhat sa akin kaninang umaga. Nagsakay sa akin sa kotse niya. Dinala ako sa ospital at iniwan. Ang lalaking muntik na akong masagasaan. Sa dinami-dami ng magiging kliyente, siya pa? Siya si Mr. Murray!  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD