BIGLAAN
NAG-IBA ako ng paningin. Kung hindi ko idadako sa ibang direksiyon ang aking mga mata ay sari-saring tanong lamang ang papasok sa aking isipan. Tumikhim muna ako para makabawi upang maituloy ko na ang presentation.
Huminga muna ako ng malalim. Nag-iisip kung paano ko itutuloy ng maayos ang presentation ko. Hindi talaga ako makatingin ng diretso sa mga mata ni Mr. Murray. Pakiramdam ko ay nababasa niya ang mga iniisip ko. Pakiramdam ko ay may malaki akong kasalanan at hindi ko siya kayang harapin. At parang nananadya pa dahil hindi niya inaalis ang mga tingin sa akin.
Kung bakit kasi ang mundo ay hindi ko kayang hulaan. Palagi na lang may mga bagay na nangyayari sa buhay ko na biglaan at hindi inaasahan. Katulad ngayon, hindi ko inaasahan ang makita sa loob mismo ng aking pinagtatrabahuhan ang lalaking kanina lamang ay nagpapaikot sa aking isipan.
Alam ko, na malabo na ang promotion ko. Siguradong masesermunan pa ako ni Ms. Mendez mamaya. Bakit ba kasi ako na-late? Bakit ako nahagip ng kotse niya? Bakit ang lalaking ito at ang kliyente naming si Mr. Murray ay iisa? At bakit ba sa tuwing magtatama ang tingin namin ay bigla na lamang akong mag-i-stammer samantalang dati naman akong confident sa aking sarili? Bakit ako nagkakaganito?
Nasulyapan ko si Kathy na nag-aalala ang anyo. Mukhang nahalata niya ang pagka-aligaga ko. Marahil ay ngayon lamang niya ako nakitang nawawala sa focus. Alam niyang mahusay akong empleyado. Masipag ako at marunong makisama. Kung tutuusin, dapat ay matagal na nga akong Manager ng Harmonie. Hindi naman sa pagmamayabang pero ako ang nag-train kay Kathy sa trabaho. Inaasahan na nga niya na magiging boss na niya ako one of these days. Baka mabaligtad pa ang sitwasyon at siya pa ang maging boss ko.
Sinet-aside ko anuman ang mga alalahaning pumapasok sa utak ko. Eh, ano naman kung si Mr. Murray at ang lalaking iniwan ako sa ospital kanina ay iisa? Eh, ano naman kung nakatingin siya sa akin? Hindi ba siya ang may atraso sa akin at hindi ako? Bakit ganito ako kaapekto?
Sinikap kong ayusin ang mga sinasabi ko. Mas inigihan ko pa nga ang mga choice of words at positive reviews. Iniiwasan kong mapadako ang tingin kay Mr Murray. Sa halip, si Ms. Mendez ang pinakatitigan ko. Na para bang humihingi ako sa kanya ng saklolo, ng lakas ng loob. At the end ay nagpalakpakan ang lahat nang tapusin ko ang presentation.
May bakanteng silya malapit sa pinto at parang pagod na pagod ako na napasandal sa upuang iyon na katabi ni Kathy. Tinapik naman niya ako sa balikat na sinulyapan ko. Sa mga mata ay parang may gustong itanong si Kathy sa akin ngunit nagpipigil lamang at nanliliit ang mga tingin.
Nagsalita pa si Mr. Ramuel na isa sa mga direktor ng Harmonie at si Ms. Mendez. Idinedepensa nila ang kumpanya kung bakit ang Harmonie ang dapat mapili sa project na iyon. Halata ang pagiging poised at confident ni Ms Mendez. Siya ang mentor ko at hinahangaan sa trabaho. Alam ko ring inaasahan niya ako sa pagkakataong ito, ngunit tila bumagsak ang expectation niya sa akin. Sa hitsura ko pa lang, alam kong mapapagalitan na ako mamaya.
Kahit ayoko, dahil sa kaba, hiya at kung ano-ano pang damdamin, dumako pa rin ang tingin ko kay Mr. Murray. Nakita kong may isinusulat siya sa isang business pad. Kapansin-pansin na wala man lamang siyang kasama o sekretarya. Naisip ko tuloy kung siya ba talaga ang CBO ng TSB. Kahit saang anggulo tingnan, napakabata pa niya para sa ganoong posisyon. Tingin ko ay matanda lamang siguro siya ng mga ilang taon sa akin.
Ako nga na ang tagal na sa Harmonie ay Senior Admin pa rin hanggang ngayon. Unless anak siya ng may-ari o baka naman malakas lang talaga.
Napatingin ako sa harap ng aking laptop. Iniisip ko kung tama bang ipanalangin ko na tanggapin niya ang aming offer. Ngunit inaasahan na kasi ng marami sa Harmonie na positive ang magiging resulta.
Tumayo si Mr. Murray at halatang naghahanda nang umalis. Tumingin kay Ms. Mendez at nagsalita. "I'll call you after I made a decision," aniyang tiyak ang pananalita. Isinuksok niya ang ballpen sa ilalim ng kanyang itim na suit. May dala siyang attache case na parang isang abogado. Nag-iba ako ng tingin. Makakahinga na ako kapag nakaalis siya. "But I can't promise anything." Narinig ko ang dugtong na sinabi niya ngunit hindi ko na siya nilingon.
Bagsak ang aking balikat at inaayos ko na ang aking mga gamit. Iniisip kong malabo na talaga ang promotion ko. Naririnig ko ang mga boses ng mga tao, kung paano nagpaalam at nagpasalamat si Ms. Mendez kay Mr. Murray, kung paano parang inuuto siya ng mga director, kung paano siya nila imbitahan sa isang dinner o kung ano-ano pang pag-aaya para hindi rito na lang natatapos ang lahat.
Naramdaman kong siniko ako ni Kathy. "Hoy! Ano yon?" Pinandilatan niya ako. "Tinamaan ka ba ng kidlat? Kanina ka pa wala sa sarili ah."
Naihilamos ko ang aking mga kamay sa mukha. Hindi ko na alam kung nakaalis na si Mr Murray dahil napatungo na ako sa aking laptop. "Kathy, batukan mo nga ako? Bakit ba napakamalas ko ngayon?" Nasabunutan ko ang aking sarili.
"Sigurado ka ba sa request mo na iyan?" Aba at mukhang babatukan nga yata ako ng Kathy na ito. Napadiretso ako ng upo.
Nang may biglang humila sa akin. Hawak ang braso ko na napatayo. Natanaw ko pa ang device ko na muntikan nang mahulog sa mesa. Si Kathy na napatayo rin. Napasinghap ako at mabilis na nadala ng kung sino palabas ng pinto.
Mabilis ang lakad namin na parang hindi namin napapansin ang mga nagulantang na empleyado sa paligid. Alam kong naiwang gulat at nagtataka ang mga tao sa conference room. Lahat ng madaanan namin ay napapahinto at napapatingin sa amin. Kitang-kita ko ang panlalaki ng mga mata ni Riza.
Sa bilis ng pangyayari ay hindi ko na magawang sinohin ang naghila sa akin. Muntik pa akong matalisod at madapa. Hindi ko alam kung saan kami papunta at kung ano ang susunod na magaganap. Hanggang sa makita ko ang pintuan ng elevator.
Hawak niya ang braso ko habang ang isang kamay naman niya ay may kausap sa telepono. Kipit niya ang bag niya. Nagmamadali kaming pumasok sa loob at humihingal na pinagmasdan ang taong kumaladkad sa akin.
Nakagat ko ang labi ko nang mapagsino siya. At hindi makapaniwala. Mahigpit ang hawak niya sa braso ko na tila ba ay makakawala ako. Mabilis kaming lumabas ng building at pabagsak na pinapasok ako sa kotse niya. Sa pamilyar na sasakyang iyon na nagpaikot ng utak ko kanina.
Saan na naman ako dadalhin ng Mr. Murray na ito?
"T-Teka saan mo 'ko dadalhin?" natatarantang tanong ko.
Muli ay ang mga tingin niyang parang sinusukat ang pagkatao ko. Hawak niya ang manibela at humihingal na nagsalita.
"What are you doing here?" madiin at dahan-dahang tanong niya. Nagtataka ako sa tono niya ngunit nagawa ko pa ring sumagot.
"Hinila mo 'ko rito, tapos tatanungin mo kung anong ginagawa ko rito?" Nagawa kong lagyan ng sarcasm ang aking boses kahit mabilis pa ang pagkabog ng dibdib ko.
Ano na lang ang iisipin ng mga kasama ko sa trabaho? Bigla na lang niya akong hinila. Puwede ko nga siyang ireklamo ng kidnapping o kahit anong puwedeng ikaso. Heto na naman. Kidnap na naman ang nasa isip ko. Paano magagawang kidnapin ng isang Mr. Murray ang isang kagaya ko lang?
"Ang ibig kong sabihin, bakit ka umalis ng ospital?" Naging malumanay naman ang boses niya.
Biglang hindi ko alam kung paano sasagot. Dumiretso ako ng upo at akmang bubuksan ko ang pintuan ng sasakyan para makalabas. Ngunit mabilis niya akong pinigilan at hinawakan ang aking kamay.
"You're on Official Business with me," aniya.
"Ha? Official Business?" naguguluhang tanong ko. Natataranta dahil hawak niya ang kanang kamay ko.
"Tinawagan ko na ang CEO nin’yo and you'll be on an official business with me for the rest of the day." Saka pa lang niya ako binitiwan. Ini-start niya agad ang kotse.
Official Business with him? CEO? Ano ang gusto niyang sabihin? Na magkakasama kami ng buong araw? Saan? Bakit? At paano napasok ang pangalan ng CEO namin na si Mr Ariel Mendez na ama ng boss kong si Ms Mendez dito?
Makailang buntonghininga ang lumabas sa aking dibdib. Nagulat pa ako nang muntik nang magtama ang mukha namin nang hilahin niya ang seat belt para maisuot sa akin. Parang natulalang napatingin ako sa labas ng bintana matapos niyang maisuot ang seat belt sa katawan ko. Hindi ko alam ngunit para akong napaso.
Umandar ang sasakyan. Napatingin ako ng diretso sa kalsada. Para akong bumubuo ng isang puzzle. Nalilito, naguguluhan kung ano ang dahilan ng mga pagkakataong si Mr Murray ang involve. Naisip ko, puwedeng ibang babae ang nasagi niya ng sasakyan. Puwedeng ibang lalaki ang kliyente ng Harmonie. Kung bakit katabi ko siya ngayon? At kung bakit napakabilis ng t***k ng puso ngayon?
Siya si Mr Murray. Chief Business Officer ng The Simple Buffet. Kahit paulit-ulit kong kumbinsihin ang sarili, mahirap paniwalaan. Pero iyon ang totoo. At kapag napapayag ko siya, na ang Harmonie na ang hahawak ng manpower nila, siguradong magtatatalon sa tuwa ang boss ko. Marahil pati na ang CEOng ama ay purihin din ako. At nangangahulugan iyon ng promotion para sa akin. Kaya, kailangan kong makiharap kay Mr Murray ng tama at maayos.
Nagtataka man kung saan kami patungo, naisip kong huwag nang kumibo. Hindi na muna ako magtatanong. Naghihintay kung saan kami makakarating. Tila napakalayo ng aming binyahe. Nang maramdaman ko na lamang na huminto kami.
Hindi ako makapaniwala. Nais niya akong ibalik dito? Naguluhan ako. Bumaba kami ng kotse niya at parang batang hinila niya ako papasok. Dinala sa isang bakanteng upuan sa admission area. Nasaan kami? Nandito na naman kami sa ospital na pinanggalingan ko kanina.