Chapter 2

1582 Words
“Siguro naman ay puwede na kitang dalhin sa bahay, Anikka,” tanong ng kasintahang si Jude nang sunduin siya nito sa school isang hapon. Isang taon na rin naman mula ng sagutin niya ito matapos ang walong buwang panliligaw. Pero tila hindi pa siya handa para mapunta ang relasyon nila sa mas seryosong estado lalo at marami pa siyang lihim na hindi naipagtatapat dito. Ngayong araw din ang dating ng Papa niya para daw sa isang mahalang bagay na dapat nilang pag-usapan. “Hindi ako puwede ngayon, Jude. Next time na lang,” pagdadahilan niya. “Lagi ka na lang nagdadahilan. Hindi ka ba seryoso sa relasyon natin?” tila may himutok namang wika nito. Biglang sumakit ang ulo niya sa usapan nila. Kung tutuusin ay mabait naman si Jude at maginoo. Ni minsan ay hindi siya nito pinilit na lumagpas sila ng higit sa halikan. Isa itong call center agent at bente singko anyos na. “Nasa bahay na si Papa ngayon at naghihintay na sa akin,” isa pa niyang pagdadahilan. “I-set na lang natin sa ibang araw.” “Gusto na kitang yayain ng kasal, Nikka. Tapos ka naman na ng college.” Mabilis siyang napatitig dito bago mabilis ding tumingin sa labas ng salamin ng kotse nang makitang nakatitig sa kanya ang kasintahan. Ni hindi pa siya handa na ipakilala siya sa mga magulang nito’y lalo pa ang makasal dito. Ni hindi pa niya nararanasan ang magtrabaho at magkaroon ng career sa pinili niyang kursong AB in Mass Communication. Marami pa siyang gustong gawin sa buhay. Isang malalim na buntinghininga ang pinakawalan niya habang nakatingin pa rin sa dinadaanan nila. Nang marating ang bahay nila ay nakita niya ang sasakyan ng ama sa harap ng gate. Naroon ang Papa niya sa labas kausap ang Nanay Lucila niya na tila ba hinihintay lang siyang dumating. Agad siyang nagpaalam kay Jude at humalik sa pisngi nito pero sa halip ay humarap pa ang binata para sa labi siya nito mahagkan. Agad siyang lumayo sa takot na makita iyon ng ama. “Hindi mo ba ako ipakikilala sa Papa mo?” tanong nito na tila naghihintay ng magandang sagot. Dumilim ang mukha nito nang hindi siya nakapagsalita. “H-hindi ko pa kasi nasasabi na—" “Goodnight,” wika nito nang hindi tumitingin sa kanya at hindi na tinapos ang sasabihin niya. Tahimik naman siyang bumaba sa sasakyan nito at mabilis na pumasok sa gate. Hindi niya gustong makipagtalo kay Jude sa ngayon. “Nariyan na pala si Anikka,” wika ng Nanay Lucila niya at agad namang lumingon ang ama at sumalubong nang makita siya. “Hi, Pa!” Humalik siya sa pisngi nito at ngumiti. “Mabuti at nariyan ka na. May mahalagang bagay tayong pag-uusapan,” wika nito na sumabay sa kanya papasok sa bahay. Maliit lang ang bahay nilang iyon na may tatlong maliit lang na kwarto. Inilapag niya ang bag sa study table. Ang ama ay nanatili lang nakatayo sa pinto at nakapamulsa ang mga kamay. “It’s time for you to go back, Ana. I will give you an hour to pack your things.” “A-ano ho?” gulat niyang tanong sa ama. Alam niyang sa Camarines Norte sila nakatira dati dahil walong taon na siya noong lisanin nila ang lugar na iyon at nagkaroon pa ng aksidente kung saan namatay ang totoong anak ng Nanay Lucila niya na si Anikka. Masyado pa siyang bata para maintindihan ang mga bagay-bagay noong mga panahon na iyon tulad ng kung bakit kailangan niyang sumama sa isang babaeng hindi niya kilala at palitan ang totoo niyang katauhan. “Nakapagtapos ka nang kolehiyo, Ana,” wika ng ama. Kapag tinatawag siya sa ganoong pangalan ay tila estranghero na sa kanya dahil kinalakihan niyang gamit ang Anikka. Bagama’t sa eskwelahan ay ipinagamit sa kanya ang totoo niyang pangalan – ang Anastacia Mondragon. “Okay naman ho ako dito, ‘Pa,” wika niya habang hinuhubad ang sneakers. “Kailangan mo nang harapin ang totoo mong buhay. Kailangan mo nang pag-aralan ang pasikot-sikot ng negosyo natin pati na rin ang pamamahala ng rancho. I’m sorry, Anak, pero ikaw lang ang puwede kong asahan dahil ikaw lang ang kaisa-isa naming anak ng Mama mo,” tuloy-tuloy na wika ng ama. Sandaling gumuhit sa balintataw niya ang malawak na lupaing sakop ng Rancho Mondragon pati na ang ilang kumpanyang itinatag ng Lola niya. Mumunting alaala na hindi na rin gaanong malinaw. Masaya na siya dito sa Nueva Ecija. Tiyak naman na wala na ang mga yaya niya noon na palagi niyang kalaro. Kung mayroon man siyang mababalikan roon bukod sa Papa niya ay ang inang si Diana. Na hindi niya alam kung bakit iilang beses lang dumalaw sa kanya sa Nueva Ecija gayung buwan-buwan na umuuwi ang Papa niya para dalawin siya. “Hindi ba’t nanganib ang mga buhay natin kaya n’yo ako inilayo doon? Bakit kailangan ko pang bumalik?” Unti-unting umaahon ang kaba sa dibdib niya sa hindi niya malamang kadahilanan. Siguro ay dahil hindi na siya pamilyar sa lugar na iyon. “Because your Uncle Octavio wants to claim half of the ranch, pati na rin ang kita ng Golden Land Mining Corp.” “Kung iyon ang makapagpapatahimik sa kanya bakit hindi n’yo na lang ibigay? Siguro’y may karapatan din naman siya bilang anak ni Lolo,” pangangatwiran pa niya. Ang totoo’y hind niya rin gusto ang ganoon kalaking responsibilidad. Okay na sa kanya ang simpleng buhay dito sa Nueva Ecija. “Kung ganoon lang sana kadali, Ana. Pero kaya ikino-contest ng tiyuhin mo ang mana niya ay dahil kailangan niya ang malaking halaga. Ipagbibili lang niya ang lupang iyon kung sakali. We are suspecting he is a druglord and having that piece of land will make him richer and more powerful. Napakarami nang nasira ang buhay sa lugar natin dahil sa pagkalat ng droga na ‘yan.” “The more na hindi ako dapat bumalik roon, Papa. My life was in danger thirteen years ago, it will be more dangerous now. Hindi n’yo ba ako ideneklarang patay na?” “We never declared you dead, Anastacia!” pagalit na wika ng ama. “Missing, yes. Pero may isang nagpapanggap sa mansyon bilang ikaw.” Napatitig siya sa ama sa kalituhan sa mga sinasabi nito ngayon. “A-ano ho ang ibig n’yong sabihin?” “Five years after that accident at ipinalabas naming hindi ka pa nahahanap ay may dinala si Octavio sa bahay na isang dalagita na halos kasing edad mo. She was claiming she was you. I accepted her because I thought your mother was missing you a lot. At para na rin mawala ang hinala ni Octavio na patuloy pa rin ang paghahanap naming sa ‘yo.” Hindi siya makapaniwala sa mga ipinagtapat ng ama. Hindi rin niya napigilang mapaluha sa kaisipang may ibang umaangkin ng katauhan niya at ito ang kapiling ng totoo niyang mga magulang. Hindi man nagkulang si Lucila sa pagbibigay sa kanya ng atensyon, hindi pa rin nito kayang punuan ang pananabik niya sa totoo niyang pamilya. Kaya ba hindi na siya gaanong dinadalaw ng ina? Ang huling pagkikita nila ay noong graduation pa niya. Ni hindi ito sumama ngayon sa kanya para sunduin siya. “So, ginagamit niya ang pangalan ko?” “No. Hindi ko kailanman ipapagamit sa iba ang pangalan mo at ng Lola mo. She’s simply Ana Mondragon. Kung saan siya nahanap ni Octavio o kung anuman ang rason niya para dalhin ang bata sa amin ay hindi namin alam noon. Pero ngayon ay nagkakaroon na ng linaw ang lahat. Hinala naming anak siya ni Octavio sa ibang babae. Dahil iisa lang ang anak ko, iisa lang ang magiging tagapagmana. Kung sakaling totoo na hindi ka namin mahanap ay si Ana ang magiging tagapagmana ng lahat – which will all be in favor for Octavio.” “At ngayong babalik na ang totoong anak n’yo, ano sa tingin n’yo ang mararamdaman niya?” “Namuhay siya ng masagana, Ana— “ “Anikka, Papa,” sala niya sa pagtawag nito sa kanya bilang Ana. “Let her use that name. Iba na ang katauhan ko ngayon.” “You will always be my Ana,” madamdamin namang wika ng ama ngunit hindi niya pinansin. “Hindi naman siya maghihirap dahil legal namin siyang inampon ng Mama mo lingid sa kaalaman ng lahat.” “Kung gayon ay nanalo pa rin si Uncle Octavio, Papa, kung legal naman pala ang pag-ampon n’yo sa kanya.” “No. Nasa pangalan mo na ang Rancho Mondragon walong taon ka pa lamang. Kung mayroon man siyang makukuha ay ang shares sa kumpanya pero sapat lang para mabuhay siya ng marangya.” Hindi siya kaagad nakahuma. Napakaraming komplikasyon ng nangyaring ito sa buhay nila at may nadadamay pa na ibang tao. “Hindi ko napaghandaan ang lahat ng ito, Papa. Ni hindi ko inaasahan. Gusto ko muna sanang pag-isipan.” “Sooner or later you still have to claim what is yours, Anikka.” “Pero tulad ng sinabi ko, ito na ang buhay na gusto ko. Nag-apply na rin ako ng trabaho dito sa isang local radio station. Nandito ang mga kaibigan ko at may boyfriend na rin ho ako dito,” pagtatapat niya. “No.” Mabilis rin ang pag-iling ng Papa niya. “Kailangan mo nang bumalik. Nakatakda na rin kitang ipakasal sa anak ng isang matalik na kaibigan, Anikka.” “What?!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD