LUMIPAS ang buong maghapon nang hindi nila namamalayan. Parang hindi sila nakaramdam ng pagod. Nang pumatak ang orasan ng alas-singko ng hapon ay muling nagbigay ng maikling pananalita si Kapitana Elsa.
"Tapos na tayo para sa unang araw ng ating gawain. Maaari na po kayong umuwi at magkita-kita na lang tayo ulit bukas. Palakpakan po ninyo ang inyong mga sarili."
Nagpalakpakan naman ang lahat. Pagkatapos ay isa-isa na silang nag-alisan sa covered court para magsiuwi na.
Muling lumapit si Kathy kay Cheska. Kasama nito ang iba pang mga volunteer na nakasabay niyang mananghalian kanina. "Ms. Cheska, uuwi na kami. Babalik na lang kami bukas," paalam nito.
"Maraming salamat sa inyong lahat. Malapit lang ba ang mga bahay n'yo rito?"
"Karamihan sa amin, walking distance lang. Iyong iba sasakay lang ng jeep o tricycle," sagot ni Kathy.
"Mag-iingat kayo..."
Tumango si Kathy. "Kayo rin po, Ms. Cheska. Mauuna na po kami." Kumaway pa sa kanya ang mga volunteer bago tuluyang umalis.
Hinanap ng mga mata ni Cheska si Jerimie. Ewan kung bakit naisipan niyang sundan ng tingin si Kapitana Elsa. Parang naramdaman niyang makikita niya si Jerimie sa pagsunod niya ng tingin sa babaeng ito.
Hindi nga siya nagkamali. Nakita niya si Kapitana Elsa na lumapit sa isang tumpok ng mga tao at naroon din si Jerimie na nakikipag-usap sa ilang kalalakihan na tingin niya'y may mga katungkulan din sa barangay kung pagbabasehan ang kulay asul na vest na suot ng mga ito.
As expected, si Jerimie nga ang pinuntahan doon ng kapitana dahil ilang saglit lang ay magkasamang umalis doon ang dalawa at naglakad papalapit sa kinaroroonan niya.
"Ihahatid ko na kayo sa bahay sa tutuluyan n'yo habang nandito kayo sa barangay namin," sabi ni Elsa nang makalapit sa kanya.
"Ready na ako," sagot niya. "Tara na?" Nakita niya si Jerimie sa likuran ni Kapitana na nakatingin lang din sa kanya.
Sabay na silang naglakad papunta sa nakaparadang sasakyan. Katulad kaninang umaga, nasa bandang likuran ulit si Cheska dahil inokupa na naman ni Elsa ang upuan sa tabi ni Jerimie.
"Same way lang ng dinaanan natin kaninang umaga. Halos katabi lang ng barangay hall iyong bahay," ani Elsa. "Bahay iyon ng kapatid kong nasa America na. Wala namang nakatira kaya doon na muna kayo. Don't worry, alaga naman sa linis ang bahay na iyon."
Hindi sumagot si Jerimie na abala sa pagmamaneho. Si Cheska naman ay sinadyang pumikit para iparating sa mga kasama na pagod siya at mas gustong umidlip.
Ilang sandali lang ay narating nila ang bahay. Dalawang palapag ito na katamtaman lang ang laki. Ang harapan ng bahay ay may nakapalibot na mga puno ng bulaklak na rosal na alaga rin sa putol kaya naman pantay-pantay ang pagkakatubo ng mga ito na nagsisilbi na ring bakod sa paligid ng bahay.
Bumaba sila sa sasakyan. Binitbit ni Cheska ang dala niyang bag, si Jerimie naman ay ganoon din.
Lihim na humanga si Cheska nang makapasok sa loob ng bahay na simple pero elegante ang kaayusan.
"Kahit wala ang kapatid ko at ang pamilya niya rito, sinisiguro niyang maayos ang bahay. Kaya kung anu-anong furniture ang pinabili niya para ilagay dito. Magbabakasyon sila next year kaya inaasahan niyang mas bongga na ang bahay na dadatnan niya. Kaya I make sure na hindi siya madi-disappoint kapag nakita niya ang mga nabago sa bahay nila," masayang kuwento ni Elsa.
"Maganda nga. Hindi ko ine-expect na ganito kaganda at kalaki ang loob ng kabahayan," sagot ni Jerimie.
"May isang kuwarto rito sa ibaba. At may dalawa naman sa itaas para sa inyo. Maayos na ang kama, napalitan na ang bedsheet at nandoon na rin ang mga bagong unan at kumot."
"Maraming salamat, Elsa." Bukal sa loob ang sinabi ni Cheska. Kahit nakakaramdam siya ng konting pagkainis sa babaeng ito ay hindi naman niya puwedeng balewalain na lang ang pag-aasikaso nito sa kanila.
"Walang anuman. Diyan lang sa tapat ang bahay ko. Kapag may kailangan kayo, puntahan n'yo na lang ako. May mga gamit sa pagluluto sa kusina. Puwede ninyong gamitin kung may gusto kayong lutuin." Dumukot ito sa bulsa ng suot na pantalon at iniabot kay Jerimie. "Eto ng susi ng bahay. Kayo na muna ang bahala rito."
"Thank you," sabi ni Jerimie.
"Aalis na ako."
Ibinaba ni Jerimie ang dalang bag sa sofa at inihatid niya hanggang sa makalabas ng pintuan si Elsa. Pagbalik niya sa loob ay kaagad na umakyat sa ikalawang palapag ng bahay si Cheska.
"Hintayin mo naman ako," sabi ni Jerimie na mabilis na dinampot ang dalang bag at humabol pa sa kanya.
Pumasok si Cheska sa unang kuwartong nasa kanang bahagi pag-akyat ng hagdan. No choice si Jerimie kundi okupahin ang kuwartong hindi napili ni Cheska.
Siniguro ni Cheska na naka-lock ang pinto ng kuwarto bago siya humilata sa kama. At saka siya nakadama ng pagod. Parang ang sarap matulog.
Hindi na niya nakayanan ang antok at pagod at agad siyang nakaidlip. Nagising na lang siya sa mga katok sa pinto.
Agad siyang bumangon at binuksan ang pinto.
"O, bakit?" tanong niya kay Jerimie na nabungaran niya sa kabas ng pinto.
"Kakain na tayo?"
"Ha? Anong oras na ba?"
"Alas-siete na. Sabi ko na nga ba at nakatulog ka. Nakapagluto na ako, kaya halika na para makakain na tayo."
"Sige, susunod na ako."
"Bilisan mo, ha?" sabi nito bago binaybay ang hagdan pababa ng bahay.
Nagsuklay lang siya ng buhok at itinali ito at saka siya sumunod kay Jerimie sa kusina. Narinig niyang may kumakatok sa main door at nagmamadaling pinuntahan ni Jerimie para buksan ang pinto. Nakita niya si Elsa na dumating na may dalang food bowl.
"Jerimie nagdala ako ng pagkaing Ilokano para matikman n'yo. Insarabasab ang tawag namin dito. Masarap ito."
"Wow! Ikaw ang nagluto?"
"Ako ang nagtimpla ng spices, pero ipinaihaw ko sa kasama namin sa bahay," buong pagmamalaking sabi ni Elsa. "Kumain ka, ha? Para malaman mong masarap akong magluto."
Napangiti si Jerimie. "Dito ka na kumain," anyaya niya rito.
"Huwag na. Kakain na rin kami. Dinala ko lang iyan dito para matikman n'yo."
"Magdala ka na lang ng niluto kong ulam. Pasok ka muna at kukuha ako."
Pumasok si Elsa at sumunod kay Jerimie hanggang sa kusina kung saan naroon na si Cheska.
Nagsandok ng niluto niyang ulam si Jerimie.
"Nakahain na pala ang hapunan ninyo. Sakto pala ang dating ko."
Nginitian ni Cheska si Kapitana pero 'di na siya sumagot.
"Eto, tikman n'yo ang niluto ko." Iniabot ni Jerimie kay Elsa ang plato na may lamang ulam.
"Mukhang masarap, ah!"
"Bistek tagalog..."
"Sige, salamat dito. Aalis na ako para makakain na kayo." Muling pinakawalan ni Elsa ang pamatay niyang ngiti. Inihatid pa siya ni Jerimie hanggang sa pintuan at saka bumalik sa kusina.
"Kain na tayo, gutom na ako." Dumiretso siya sa lababo para maghugas ng kamay at saka siya umupo sa tapat ng inuupuan ni Cheska.
"Saan ka kumuha ng niluto mo?" tanong ni Cheska.
"Pumunta ako sa palengke kanina habang abala kayong lahat. Wala naman kasi akong ginagawa. Hindi mo ako binigyan ng gagawin," paliwanag ni Jerimie.
"Paano kita bibigyan ng gagawin, eh busy ka na?"
"Busy?"
"Sa pakikipagharutan kay Kapitana." Lumabi pa si Cheska.
Natawa si Jerimie. "Grabe ka naman. Hindi naman ako nakikipagharutan sa kanya. She was just being nice."
"Wow! Kaya pala ganoon na lang kung makaabrisiyete sa'yo. Feeling close lang ba?"
"Uuyyy, nagseselos siya..." Mas lalo pang natawa si Jerimie.
"Kapal mo! Bakit ako magseselos sa barangay captain na 'yon? Ano ba kita?"
"Boyfriend, 'di ba?" sabi nito na biglang lumungkot ang itsura. "Nakakalungkot naman, hindi man lang nagseselos ang girlfriend ko kahit may babaeng humaharot sa akin..."
"Hindi kita boyfriend. Role playing lang iyon. At hindi pa nga officially nag-uumpisa," madiin niyang sabi.
"Kumain na nga tayo," Dinampot niya ang mangkok na may ulam at inabot niya kay Cheska. "Eto, o tikman mo ang luto ko. Para alam mo na hindi kita gugutumin 'pag ako ang naging asawa mo."
"Anong sabi mo?" Pinandilatan niya ang lalaki.
"Wala. Sabi ko, tikman mo rin itong ulam na bigay ni Elsa."
"Ayoko nga. Baka mamaya, may gayuma pa 'yan ma-in love pa ako sa Kapitana mo."
"Kapitana ko? Wow, kelan ko pa siya naging pag-aari?"
"Ikaw ang malapit na niyang maging pag-aari. Tingin ko doon, gagawin niya ang lahat mapasakanya ka lang."
Napailing si Jerimie. "Ang advance mong mag-isip."
"Babae rin ako. Alam ko ang mga ganyang galawan. Pustahan pa tayo, type ka ng kapitanang iyon."
"Well, bahala siya kung type niya ako. Basta ang alam ko..." Hindi niya itinuloy ang sasabihin.
"Ano?" Naghihintay ng karugtong si Cheska.
"Wala!" pambibitin nito. "Kumain ka na lang diyan."