CHAPTER 1
"TEH! Walang sinabi ang mga dyowa n'yo sa dyowa ko. Itsura pa lang, panis na agad ang mga boyfriend n'yo!" Katulad nang dati ay bumabangka na naman sa usapan si Kenly, ang bading niyang kaibigan. Tuwing lumalabas silang magkakabarkada, madalas na sagot nito ang kuwento. Pero siyempre, hindi naman magpapatalo ang dalawa pa niyang kaibigan na sina Mariel at Portia. Lalo na pagdating sa payabangan ng boyfriend ang pag-uusapan, asahan mong may kani-kaniyang anekdota ang bawat isa para ipagyabang ang kanilang kasintahan.
"Kung mas guwapo pala ang boyfriend mo kesa sa boyfriend ko, eh bakit nagka-crush ka sa boyfriend ko kahit sinasabi mong masaya ka naman sa dyowa mo?" Hindi talaga magpapatalo si Portia. Sa kanilang apat, ito 'yong tipong laging nasa unahan. Nasanay na kasi itong laging nangunguna sa klase. Katunayan, grumadweyt itong Summa c*m Laude.
"Hoy, Portia Dela Cruz! Hindi naman porke crush ko ang dyowa mo eh, mas guwapo na 'yon sa boyfriend ko. Sa ating lahat, dyowa ko ang pinakaguwapo. Alam mo 'yan, 'di ba Mariel."
"Ewan ko sa'yo. Basta kuntento ako sa boyfriend ko. Hindi lang 'yon basta guwapo, malaki pa. Kitang-kita n'yo naman, sa height pa lang panlaban na. Six-footer! Asahan mo nang malaki pati ibang bahagi ng kanyang katawan, if you know what I mean," pilyang sabi ni Mariel sabay kindat.
Pinamulahan ng mukha si Cheska. Ganito talaga magsalita itong si Mariel, walang preno. Laswa kung laswa. Pero hindi rin talaga magpapatalo si Kenly.
"Bakit, nakita mo na ba? Baka naman binabase mo lang sa height. Hindi iyon ang sukatan para malaman kung dakota ang boylet. Believe me. Iyong isang ex ko, ang laking tao pero mas malaki pa 'yong sa akin 'noh!"
Napahalakhak nang malakas si Portia. "Dapat nakipagpalit siya ng nota sa'yo. Kaya mo ba hiniwalayan iyon ay dahil sa maliit niyang pag-aari?"
"Partly yes," pag-amin ni Kenly. "Nakaka-disappoint kasi. Nakakaloka. Looks can really be deceiving. Iyong inaakala mong daks, duty-free, tax-free pala!"
Napatanga si Cheska. "Anong daks? Anong duty-free, tax-free?"
"Hay naku, Maria Clara saang planeta ka ba nagmula at hindi ka maka-relate sa pinag-uusapan namin? Daks lang 'di mo pa alam. Ibig sabihin no'n, dakota. Malaki. Big. Ganern!" Iminuwestra pa ni Kenly sa pamamagitan ng kamay kung paano ang daks o dakota. "Iyong duty-free naman, siyempre kabaligtaran ng big. Dyutay. Small. Maliit."
"Ahhh," napapatangong usal ni Cheska. "Ganoon pala 'yon."
Tinaasan lang siya ng kilay ni Kenly. "Mag-boyfriend ka na kasi. Para hindi ka naiiwanan ng sibilisasyon."
"Oo nga, beshie. Ang ganda-ganda mo ba't wala kang boyfriend? Tomboyita ka ba?" tanong ni Portia.
"Hindi, ah!" mabilis niyang pagkontra. "Anong magagawa ko kung wala namang nanliligaw sa akin? Ako pa ba ang manliligaw?
Natawa si Mariel. "Eh, kung ganyan pala na hindi ka ligawin, paano ka magkakadyowa?"
"Hindi naman ako atat magkadyowa," depensa niya sabay irap sa mga kaibigan.
"At kelan ka magiging atat, kapag hindi na uso ang dyowa?" pang-aasar ni Mariel.
Sumabad si Portia. "Cheska, kapag hindi mo ginamit 'yan, magsasara 'yan lagot ka! Mas malaking problema 'pag nagsara 'yan," pananakot nito sa kanya.
"At saka mahiya ka naman sa akin, beshie. Kababae mong tao, wala kang boyfriend. Eh, ako nga beki, pero meron. Tinalo pa kita," turan ni Kenly.
"Ako na naman ang nakita n'yo..."
"Mag-boyfriend ka na kasi!" sabay-sabay na sigaw ng tatlo niyang mga kaibigan.
MULA COLLEGE ay magkakilala na sina Cheska Divino, Mariel Palomares, Kenly Salviejo, at Portia Dela Cruz. Pare-pareho sila ng kursong kinuha sa kolehiyo--- Bachelor of Arts in Mass Communication sa Liceo De San Ignacio. Sa kanilang apat, si Cheska ang pinakatahimik. Medyo mahiyain kasi ito lalo na sa mga bagong kakilala. Pero pagtagal ay lumalabas din naman ang taglay nitong kakulitan. Kailangan lang talagang i-push para maipakita ang self-confidence nito. Pero huwag ka, marunong din itong makipagtalo at magtaray kung kinakailangan.
Si Mariel na isang radio DJ ay lista at palaban. Kung titingnan mo ay mukhang napaka-fragile nito pero hindi ito ang tipong magpapatalo nang basta na lang. May mga oras na bulgar din ito kung magsalita lalo na at sila-sila lang ang magkakasama. Pero maliban doon ay mabait itong kaibigan.
Si Portia naman ang pinakamatalino sa grupo. Agad itong natanggap na news anchor sa isang sikat na istasyon ng telebisyon pagka-graduate sa kolehiyo dahil bukod sa angking talino ay may ganda rin itong kaaya-ayang panoorin sa telebisyon.
Ang pinakalukaret sa grupo ay si Kenly na isang social media content producer sa parehong kompanya kung saan nagtratrabaho si Portia. Aminado si Kenly na mula pagkabata ay alam na niyang siya ay bading at hindi niya ito itinago kahit kanino. Maingay at bastos din ang bunganga niya kapag nagbibiruan silang magkakabarkada. Tanggap nila ang bawat isa at masaya sila sa kanilang samahan.
Pero si Cheska ay talaga namang nahuhuli na sa kuwentuhan kapag kasama niya ang mga kaibigan. Maging sa uri ng trabaho ay iniisip niyang siya ay napag-iiwanan na rin. Hindi katulad ng mga kaibigang naging media practitioner, siya ay nagtratrabaho ngayon bilang Project Officer sa isang Non-Governmental Organization. Iniisip niyang magturo nang part time sa kolehiyo sa susunod na taon para sa dagdag na kita. Pero hindi ang dagdag na kita ang talagang pinoproblema niya kundi ang katotohanang sa edad na 25 ay hindi pa siya nagkaka-boyfriend. Sumpa ba ng langit na tumanda siyang dalaga? Sayang naman ang ganda niya. Sa totoo lang, marami talaga ang nagsasabing maganda siya. Kahit nga ang mga barkada niya ay pinupuri ang ganda ng kanyang mukha. Hindi nga ba't noong nasa kolehiyo pa siya ay may lumapit sa kanyang isang talent scout at hinimok siyang mag-artista? Hindi lang talaga niya linya ang pag-arte kaya 'di niya pinatos ang oportunidad.
Pero ngayon ay dapat na siguro niyang gawan ng paraan ang kanyang pagiging loveless. Kailangan na niyang kumilos ngayon.
As in now na!
Isang online dating site ang binuksan niya sa internet at saka nag-register. Nang matapos ilagay ang mga kailangang impormasyon ay nilagay niya ang isang anunsyo sa kanyang profile.
WANTED BOYFRIEND
Qualifications:
25-28 years old
college graduate
may trabaho
tall, daks, and handsome
Send your resume with photos (1 whole body and 1 close up shot) at cheskadivino@gmail.com
I will only reply to shortlisted applicants.
Ang taray! May pagkasupladita ang post. May magkakamali kayang mag-apply?
Meron naman siguro. Bakit mawawalan, eh, inilagay niya kaya ang pinakamaganda niyang litrato. Marami ang nagsasabing photogenic siya. Pero madalas kinokontra niya iyon kasi alam niyang hindi lang siya sa larawan maganda. Kahit sa personal, maganda siya talaga.
Kaso, bakit hindi siya ligawin?
Kahit noong nag-aaral pa siya, wala man lang ni isang nagtangkang ligawan siya. Buti pa nga si Kenly. Kahit bakla iyon, nakatatlong boyfriend 'yon noong nasa college pa sila.
Kahit sina Mariel at Portia, nagka-boyfriend din noong college sila. Bukod tanging siya lang talaga ang napag-iiwanan. Kaya nga madalas sa mga lakad nilang magkabarkada, nagkukunwari na lang siyang may pupuntahang iba o may importanteng gagawin para hindi siya makasama sa lakad nila. Kasi madalas, out of place siya. Siya lang kasi ang walang boyfriend. Siya lang lagi ang walang maikuwento kapag nagpapayabangan na sila tungkol sa lovelife.
Anong ikukuwento niya eh, wala naman talaga.
At ngayong nagtatrabaho na siya, wala pa ring nanliligaw sa kanya. Samantalang si Kenly ay going strong ang relasyon sa isang katrabaho nito sa isang istasyon ng telebisyon. Sina Portia at Mariel ay masaya rin sa kanilang buhay pag-ibig. At gaya ng dati, siya pa rin ang luhaan at walang dyowang maipagmamalaki.
Ano ba? May mali ba sa kanya? May kulang ba? Bakit wala man lang lalaking nakakakita ng kanyang kagandahan?
Totoo nga siguro ang sinasabi nila na nauubos na ang mga lalaki. Lahat ay naging bakla na!
Kapag nagfe-f*******: nga siya, andami niyang nakikitang mga guwapong lalaki na may mga ka-holding hands na guwapo rin.
Nakakaloka! Sila-silang mga guwapo na lang ang nagliligawan at nagiging magkarelasyon. Paano na silang mga anak ni Eba? Sino na lang ang magmamahal sa kanila?
Nagulat siya nang biglang may mag-pop up na message sa laptop niya. May nag-chat!
Hi!
Tiningnan niya ang profile picture ng lalaking nag-chat. Hmm, may itsura.
Pero hindi naman siya nakasisiguro na ito talaga ang itsura ng lalaking nag-chat. Uso pa naman ang mga poser. Iyong mga taong gumagamit ng litrato ng iba para isipin ng kausap nila sa siya nga iyong nasa larawan.
Baka mamaya mukhang sapsap ang lalaking ito, ah!
Hello...
Hinintay niyang sumagot ang lalaking ka-chat niya.
Maganda ka naman, ah. Bakit ka naghahanap ng boyfriend?
Hindi siya agad nakasagot. Anong sasabihin niya?
Trip ko lang. Alam mo 'yun, something new, something exciting.
Hindi ka natatakot na makatagpo ng manloloko rito?
Eh, 'di ba online dating site naman ito? So, everything is risky. Nasa akin na lang iyon kung paano ako mag-iingat.
Okay. I'll be sending an application. If that's you on the photo, you're gorgeous.
Ansabe? Gorgeous daw siya? Binasa niya at tinandaan ang username ng lalaki: MrOnly4U.
Just make sure you meet all the qualifications.