CHAPTER 9

1231 Words
"O, bakit wala kang kibo diyan?" tanong ni Jerimie habang nagbibiyahe na sila papuntang La Union. "Huwag mong sabihing hindi ka pa rin maka-move on dahil sa nalaman mong trabaho ko." "Akala mo naman naniniwala ako na company driver ka? Asa!" singhal niya rito na nagpangiti lang sa binata. "Hindi naman kita pinipilit na maniwala," sabi ng lalaki na tuloy lang sa pagmamaneho at hindi tumitingin sa katabi. Binuksan nito ang radio. "Makinig ka na lang ng music para 'di ka mainip sa biyahe." "...And here's a song especially dedicated to my friend, Cheska. Magpakita ka agad sa amin pagbalik mo ng Manila." Nagsimulang tumugtog ang isang pamilyar na awitin. Napatingin sa kanya si Jerimie at huling-huli nito ang pagngiti niya. "Ikaw ba 'yong Cheska na sinabi no'ng DJ?" "Oo. Kaibigan ko 'yan, si Mariel. Classmate ko noong college." "Tiyempo ang pagbukas ko ng radio, narinig mo ang message niya para sa'yo." "Araw-araw namang ginagawa niya 'yan," kaswal niyang sagot. "Nagde-dedicate siya ng kanta sa aming mga kaibigan niya." "So, isa siya sa mga ipakikilala mo sa akin pagkatapos ng project mo sa La Union? Sino pa 'yong iba?" Si Kenly Salviejo at Portia Dela Cruz. Mga kaibigan ko since college." "Portia Dela Cruz? Iyong newscaster?" "Oo. Kilala mo?" "Not personally," nagkibit-balikat ito. "Mga sikat na tao pala ang mga kaibigan mo. Si Kenly, ano naman ang work niya?" "Same station kung saan nagwowork si Portia, pero behind the camera si Kenly." Napatango si Jerimie. "Don' worry, mababait naman sila." "I'm not worried. At all." Mas pinabilis pa niya ang takbo ng kanilang sasakyan. Nasa Pampanga area na sila. "Kain muna tayo, pagdaan natin sa Tarlac." "Ikaw ang bahala." "Mukhang gagabihin na tayo bago makarating sa La Union. Pero okay lang, marami namang puwedeng pagpalipasan ng gabi doon. Ang iniisip ko lang, baka masyado kang mapagod sa biyahe." "Sanay ako. Trabaho ko ito, remember," sagot niya. "Sabagay..." Sinulyapan niya si Cheska. "Kapag gusto mong umidlip, idlip ka lang diyan. Ako na ang bahala rito." Umayos ng pagkakasandal sa upuan si Cheska ang in-enjoy ang magandang musikang tumutugtog sa radyo. Wala siyang balak umidlip, pero hindi niya namalayan na hinihila na siya ng antok. Nagising na lang siya nang marahan siyang tapikin ni Jerimie. "Gising na, nasa Tarlac na tayo. Kain muna tayo. Malayo pa ang ibibiyahe natin," sabi nito sa malamyos na tinig. Bakit ba iba ang dating sa kanya ng boses nito? Kakaiba ito sa nakasanayan na niyang boses nito kapag namimilosopo. Ngayon ay para siyang idinuduyan nito at gusto niyang matulog muli. "Halika na." Bumaba na ng sasakyan si Jerimie at pumunta sa kabilang side upang buksan ang pinto. Inalalayan niya si Cheska habang bumababa ito ng sasakyan. Feeling prinsesa ang babae. "Huwag mo na akong alalayan. Ang lakas maka-Barbie, eh." "Ganoon naman kasi dapat ang boyfriend, 'di ba? Gentleman." Umarko ang kilay niya. Hindi niya alam kung seryoso ba ito o nag-uumpisa na namang mang-asar. "O, bakit? May nasabi ba akong mali?" natatawa niyang sita sa dalaga. "Totoo namang ganito dapat ang gawin ng boyfriend sa girlfriend niya, ah!" "Halika na, andami mong sinasabi." Nagpauna na siyang maglakad. Napakamot na lang sa ulo si Jerimie habang nakasunod sa kanya. Sa isang fast food restaurant sila kumain. Kanin at fried chicken ang inorder nila para may laban sila sa mahaba-haba pang biyahe. Nang matapos kumain ay kaagad silang bumalik sa sasakyan. "Baka gusto mong relyebohan kita diyan," sabi ni Cheska na ang tinutukoy ay ang pagmamaneho. "Marunong kang mag-drive?" "Oo naman. May sasakyan kami sa probinsiya kaya tinuruan na ako ng tatay ko na magmaneho." "Next time na lang. Ako na muna ang bahala sa biyahe natin ngayon. Mag-enjoy ka na lang sa biyahe." ALAS-SIETE ng gabi nang dumating sila sa bayan ng Bacnotan, La Union. Pero kailangan pa nilang bumiyahe papunta sa barangay kung saan sila titira sa loob ng dalawang linggo. Medyo liblib na bahagi ng bayang iyon ang barangay na pupuntahan nila. "Gabi na. Gusto mo bang dito na lang muna tayo magpalipas ng gabi. Maghanap tayo ng hotel. Umalis na lang tayo nang maaga bukas," mungkahi ni Jerimie. "Excuse me! Hindi ako babaemg kaladkarin, 'noh?!" natitilihang sabi niya. "Hindi ako sasama sa'yo sa isang silid na tayo lang dalawa buong magdamag." "At sino naman ang nagsabi sa'yo na magkasama tayo sa isang kuwarto?" salubong ang kilay na tanong nito. "Maraming kuwarto ang hotel, in case you don't know. Puwede tayong kumuha ng tig-isa." Napahiya si Cheska pero hindi siya nagpahalata. "Alam ko. Hindi mo kasi nililinaw." "So, payag ka na?" "Basta siguruhin mong tig-isang kuwarto tayo," nakaismid niyang sabi na ikinangiti naman ni Jerimie. "Anong nakakatawa sa sinabi ko?" singhal niya sa lalaki. "Mas gumaganda ka talaga 'pag ganyang nagsusungit ka at nakaismid. Paano 'yan? Baka ma-in love ako sa'yo nang tuluyan." Hindi nakaimik si Cheska. Pakiramdam niya'y namula ang kanyang mga pisngi. Mabuti na lang at gabi na. Hindi na iyon mapapansin ni Jerimie. "Okay lang ba sa'yo kapag nangyari 'yon?" tanong niya rito. "H-hindi... Hindi ko alam. Basta hangga't maaari, sana mag-stick lang tayo sa pinag-usapan natin." "Wala namang nakalagay sa usapan na bawal ma-in love nang totohanan." "Eh..." "Kaya wala naman sigurong masama kung mahulog ako sa'yo." Tumitig pa sa kanya si Jerimie kaya lalo siyang naging asiwa. "Ayun pala, o may hotel do'n!" Itinuro pa niya ang nakitang hotel sa bandang unahan ng kalsadang dinadaanan nila. "Doon na lang tayo mag-stay. Bilis at kanina ko pa gustong magpahinga. Pagod na ako sa biyahe." Napailing-iling na lang si Jerimie. Pumasok siya sa parking area ng hotel at ipinarada roon ang sasakyan. Pagkatapos ay bumaba siya upang pagbuksan sana ng pinto si Cheska pero nauna na itong magbukas at agad na nakalabas sa sasakyan. "Halika na sa loob!" yaya niya kay Jerimie at nagpauna nang naglakad patungo sa reception area ng hotel. Lumapit siya sa babaing receptionist at kaagad siyang kumuha ng kuwarto. "Good evening! Do you have available two adjacent rooms for me and my friend for an overnight stay?" "Yes, ma'am. Kindly fill out this form." Iniabot nito sa kanya ang isang papel. "Hey, what are you doing?" sita sa kanya ni Jerimie. "Getting rooms for us. Why?" Nag-umpisa na siyang sagutan ang form ng hotel. "I should be doing that. Akina 'yan!" Wala na siyang nagawa nang biglang agawin ni Jerimie ang papel sa kanya. "Give me that pen!" Masama ang loob niyang ibinigay dito ang ballpen. "Arte. Anong difference kung ako ang kukuha ng room? Pareho lang naman ng babayaran. May discount ba 'pag ikaw ang kukuha?" Bumaling si Jerimie sa receptionist. "Miss, may discount ba 'pag pogi?" "Ang kapal!" Pinarinig niya talaga ito sa kasama. "Miss, huwag mong bibigyan ng discount 'yan." "Actually po, since past seven pa lang pasok po kayo sa ten percent discount namin for overnight early birds promo," nakangiting pahayag ng receptionist. "May free dinner na rin pong kasama. Dadalhin na lang po ng staff sa room n'yo few minutes after n'yo mag-check in." "See?" Nakakaloko ang ngiting ibinigay ni Jerimie kay Cheska. Inirapan niya ang lalaki. "Here's the form, miss." Ibinalik niya rito ang papel. "Eto po ang mga susi ng rooms. Enjoy your stay!" Bago nila nilisan ang reception area ay nginitian ni Jerimie nang pagkatamis-tamis ang receptionist. Nakita ni Cheska ang ginawang iyon ni Jerimie at hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit pakiramdam niya ay biglang kumulo ang kanyang dugo.                                
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD