KINABUKASAN ay mataas na ang araw nang magising si Lovely. Bumangon siya at pupungas-pungas pa nang lumabas ng silid.
Pagbungad niya sa sala ay napaatras pa siya at ikinurap ang mga mata upang matiyak na hindi siya namamalik-mata.
"Kung ganoon, kilala mo ang anak na babae ni Mang Edmund?" narinig niyang tanong ni Father Fair sa kaibigan niyang si Hanna.
Hindi siya namamalik-mata, naroon nga si Father Fair at kausap ni Hanna.
"Oo, pero matagal ko na s'yang hindi nakikita, kase ilang taon na akong hindi umuuwi rito," tugon naman ng kaibigan niya na para bang bigla ay naging komportable itong kausap ang pari.
"P'wede mo bang sabihin sa akin ang mga ilang bagay tungkol sa kaniya?" tanong ulit ni Father Fair.
Napatitig dito ang kaibigan niya. Inangat ni Father Fair ang likod buhat sa pagkakasandal sa pang-isahang sofa at itinukod ang magkabilang siko sa mga tuhod tapos ay diretsong tumitig kay Hanna.
"Okay naman s'ya, naging kaklase ko s'ya sa primary school. Kaya lang hindi na siya nakaabot sa mid school dahil sa sakit niya. Epileptic kase s'ya."
"Epileptic s'ya?" ulit pa ni Father Fair sa huling sinabi ni Hanna.
"Opo, Pader," tugon kaagad ng tinanong at wala sa loob na napatingin sa kinatatayuan niya. "Gising ka na pala," nakangiting puna nito dahilan para mapatingin sa kaniya si Father Fair.
Tumango lang siya sa kaibigan at tumingin kay Father Fair, huling-huli niya ito sa ginawang paghagod ng tingin sa kabuuan niya. Noon lang niya naalala na kapos sa tela at manipis ang suot niya na ternong pantulog. Halata ang kaniyang n*****s dahil wala siyang suot na bra, litaw ang cleavage, ang tiyan at ang long-legged niya.
Imbes na pagkailang ang maramdaman ay pagmamalaki ang pumuno sa kaniyang dibdib, kitang-kita niya ang pagnanasa na sumilay sa mga mata ni Father Fair, hindi nito iyon naikubli.
Tumayo si Hanna at lumapit sa kaniya. "Lovely, maiwan ko muna kayo ni Father Fair dito, may dadalhin lang ako kay Yu-jun, babalik din ako kaagad," paanas na pagpapaalam ng kaibigan niya pero nakarating pa rin sa pandinig ni Father Fair.
"Sasabay na ako sa paglabas mo, Hanna," wika nito na sinabayan ng pagtayo.
"Naku, Father, mamaya ka na po umalis, babalik naman ako kaagad. Marami pa po akong nais ikuwento sa iyo tungkol sa babaeng tinutukoy mo. Naisip ko lang po kase na baka importante ito at hinahanap na ni Yu-jun." Ipinakita nito ang memo pad na hawak nito.
Napatingin sa bagay na iyon si Father Fair. "O sige," pagpayag nito at muling naupo.
Kaagad na umalis ang kaibigan niya at nang makalabas ito sa pinto ay tiningnan niya si Father Fair na noon ay sinisikap na hindi mapadako sa kaniya ang mga mata.
Lumakad siya patungo sa kusina at mabilis na nag-brew ng coffee. Binalikan niya si pader dala ang dalawang tasa ng kape.
"Kape mo po, Father Fair," mahinang wika niya habang nakayukod at ibinababa ang tasa ng kape sa mesitang nasa harap nito.
"Hindi ka ba talaga marunong mailang sa mahalay na kasuotan?" narinig niyang tanong nito, kaya naman napa-angat siya ng tingin at nakita niya ang matiim nitong titig sa mayayaman niyang dibdib na halos iluwa ng kasuotan niya sa kaniyang pagkakayukod. Bumaba pa ang mga mata nito sa makinis at maputi niyang legs.
Tumuwid siya ng tayo kaya naman inangat nito ang tingin diretso sa kaniyang mukha.
Nabanat ang manipis niyang labi dahil sa pinong ngiti na iginuhit niya roon.
Sinalubong niya ang matiim nitong titig. "Sa tingin ko, Father Fair, mas mahalay ang bagay na tumatakbo r'yan sa isip mo sa mga oras na ito."
Hindi ito nakapagsalita ngunit hindi iniiwas ang mga mata sa kaniya. Nakakapaso ang titig nito at tila tumatagos sa kaloob-looban niya. Napalunok siya kasabay ang biglaang pagbilis ng pulso.
Nasa ganiyang ayos sila nang dumating si Hanna. Kaagad na natuon dito ang atensyon nila dahil humahangos ito at larawan ng pag-alala.
"Love," tawag nito sa kaniya na para bang hindi napansin ang nagaganap sa pagitan nila ni Father Fair. "Nakailang tawag ako sa gate ni Yu-jun pero hindi siya sumasagot. Bukas iyon pati ang pintuan kaya pumasok na lang ako, nakita ko s'ya sa kuwarto niya na nakagulong sa kama, nag-aapoy s'ya sa lagnat."
"Sa tingin ko kaya naman niyang gamutin ang kaniyang sarili," ani Father Fair kaya napatingin siya rito.
"Father, may malala po siyang sugat sa kamay," mabilis na wika ni Hanna.
Napatayo si Father Fair buhat sa kinauupuan. Ibinaba naman niya ang tasa ng kaniyang kape sa mesita at akmang lalakad palapit kay Hanna para samahan ito pabalik kay Yu-jun, subalit iniharang ni Father Fair ang braso nito sa daraanan niya.
Napatingin siya rito at nakita ang inis sa mukha nito.
"Hindi ka p'wedeng lumabas at pumunta kay Yu-jun na ganiyan ang suot," paasik na utos nito. "Bigyan mo naman ng kahihiyan ang asawa mo. Palitan mo ang suot mo kung ayaw mong ako mismo ang gumawa niyon para sa'yo."
Kapwa namilog ang mga mata nila ni Hanna at walang nakakibo sa kanila.
"Hihintayin ka namin ni Hanna sa labas," kapagkuwa'y ani Father Fair at nagpatiuna nang lumakad palabas.
Napasunod siya ng tingin dito habang nalulunod sa hindi maipaliwanag na damdamin.
Tumikhim si Hanna, napailing kasabay ang pagkapilas ng pilyang ngiti sa labi habang nakatitig sa kaniya.
"Sana hinayaan mo na lang na hubaran ka ni pader, tingnan natin kung magawa ka pa niyang bihisan kung makita niya ang kahubaran mo," kinikilig ngunit nakairap na wika nito bago tumalikod at sumunod kay Father Fair sa labas.
___
"HINDI na sana kayo nag-abala," matamlay na wika ni Yu-jun nang makita sila ni Hanna.
Naupo si Lovely sa gilid ng kama at tinangkang hawakan ang kaliwang kamay nito na may benda at nangingitim na ang kulay nang dahil sa natutuyong dugo pero bahagya nitong iniiwas iyon.
"Kumuha ako ng kursong medisina, doktor ang kuya ko at ang aking ama kaya huwag kang mag-alala," paniniyak niya sa binata sa isip na duda ito sa lunas na ibibigay niya.
Tiningnan siya nito pero kaagad ding napatingin sa nakabukas na pinto ng silid nito bago muling tumingin sa kaniya.
"Hindi n'yo na dapat siya isinama," anito sa medyo inis na tono.
Napatingin siya sa pinto at nakita niyang nakatayo roon si Father Fair.
"Saan ko kukunin ang medicine kit?" tanong ng pari kay Yu-jun.
Hindi sumagot ang binata pero tumingin kay Hanna, tumingin naman si Hanna sa kaniya.
"Nasa kusina ang medicine kit, ginamit ko iyon kagabi at nakalimutang bitbitin dito," wika ni Yu-jun habang kay Hanna pa rin nakatingin.
Naunawaan ni Hanna ang ibig sabihin ng binata kaya kumilos ito palabas sa silid, sumunod dito si Father Fair.
"Pakisabi kay Hanna pagbalik niya, umalis na muna siya at isama si Father Fair," baling ng binata sa kaniya nang makaalis ang dalawa.
"Pero—"
"Kung iniisip mo na baka may mangyaring masama sa 'yo rito kasama ako, maniwala ka, hindi ko 'yon kayang gawin sa iyo," putol at paniniyak nito sa kaniya.
Hindi siya nagsalita pero sa isip ay hindi niya nais na maiwan doon kasama ito.
___
"SAAN daw niya nakuha ang sugat niya?" usisa ni Father Fair kay Hanna habang naglalakad sila papunta sa kusina.
Umiling ito. "Hindi ko siya tinanong dahil nakita ko naman na hindi n'ya gustong pag-usapan ang tungkol doon," tugon nito.
Tiningnan niya ito. "Left-handed ba s'ya?"
"Naging magkaklase kami noon sa mid school. Sigurado akong right-handed s'ya."
Tumango lang siya at hindi nagsalita pa.
Nang sapitin nila ang kusina ay iginala niya ang mga mata roon.
Hindi niya inaasahan na ito pala ang bahay ni Yu-jun, ito ang malaking bahay na umagaw sa atensyon niya kagabi kung saan nagmula ang ingay.
"Nasan ang mga kasama niya rito sa bahay?" kapagkuwa'y tanong ulit niya kay Hanna.
"Ang sabi niya, ilang buwan na raw buhat nang umalis ang pamilya niya papuntang Korea, pero bumalik s'ya at piniling manatili dahil dito siya lumaki at nagkaisip."
Napatango lang siya ulit at napatingin sa maliit na box ng medicine kit na nakapatong sa gilid ng kitchen sink. Lumakad siya patungo roon at dinampot iyon subalit natigilan nang may kung anong bagay na nasagi ang paa niya.
Kaagad siyang nagbaba ng tingin at nakita ang maliit na botelya ng kung anong gamot. Natapon pa sa sahig ang ilang piraso niyon dahil sa pagkakasagi ng paa niya.
Kakaiba ang gamot na iyon sa paningin niya at parang noon lang siya nakakita kaya naman kaagad niyang sinaulo ang nakasulat sa botelyang iyon.
"Magkapitbahay pala kayo ni Yu-jun. Pumasyal ako kahapon sa kanila Mang Edmund at napadaan dito," wika niya bago tiningnan ang dalaga. "Narinig mo ba ang ingay kagabi buhat dito?"
"Sa totoo lang po meron." Nagkibit-balikat ito. "Siguro, mayroon siyang pinagdadaanan. Mukhang naglasing siya kagabi at nagwala," sabi pa nito habang nakatingin sa ilang bote ng alak na walang laman sa ibabaw ng kitchen island.
Napatango na lang siya bilang pagsang-ayon dito dahil nga nakita rin niya ang mga bote ng alak doon.
Ipinakita niya ang medicine kit dito. "Nakuha ko na." Lumakad siya at nagpatiuna pabalik sa silid ng binata.
Nang makabalik sila ni Hanna sa silid ay kaagad siyang lumapit kay Lovely at ibinigay ang medicine kit.
"Salamat po, Father Fair, baka po naaabala ka na namin," wika ni Yu-jun.
"Ayos lang, wala naman akong ginagawa ngayong araw. Pero maya-maya aalis na rin ako."
Hindi na ito nagsalita dahil na rin sa sinimulan na ni Lovely na tanggalin ang benda sa kamay nito. Napangiwi ito at bahagya pang nailayo ang kaliwang kamay kay Lovely.
Nauna siyang kumilos kay Hanna, inihanda niya ang bulak at nilagyan iyon ng alcohol para mapadali ang ginagawa ng dalaga.
Nang simulan nitong linisin ang sugat ng binata ay itinuon niya ang mga mata sa sugat nito.
"Malalim ang sugat mo, mabuti na lang at napatigil mo sa pagdurugo," wika ni Lovely habang abala sa sugat ni Yu-jun. "Kaya lang na-infection ka dahil sa hindi mo nalinis ng maayos ang sugat, dahilan kaya ka nilalagnat. Mas maganda siguro kong pumunta ka sa ospital para mas ma-advice ka nila sa agarang lunas ng iyong sugat."
"Akala ko ba nag-aral ka ng medisina kagaya ng sinabi mo kanina? Kung ganoon, kaya mong gawin ng maayos ang mga paraan para gumaling ang aking sugat," sabi naman ni Yu-jun habang nakatitig sa magandang mukha ni Lovely.
Tinitigan niya si Yu-jun at parang hindi niya nagugustuhan ang paraan ng pagtitig nito kay Lovely. Napabuntong-hininga siya at nilingon si Hanna na tahimik lang na nakamasid.
"Aalis na ako, maiwan ko na kayo rito," aniya. "Hanna, samahan mo si Lovely para may makatulong siya sakali mang kailanganin niya."
"Sige po, Father," sang-ayon naman kaagad ni Lovely bago pa makatugon si Hanna. Napatingin siya rito at nakita niya ang pagtutol sa mga mata nito na umalis siya, subalit ganoon pa man ay kumilos siya at iniwan ang mga ito.
Nang makalabas siya sa gate ay huminto siya at nilingon ang bahay ni Yu-jun.
Kanina sa bahay nila Hanna ay nadatnan niyang paalis ito para dalahin kay Yu-jun ang maliit na memo pad. Pero dahil dumating nga siya ay muli itong bumalik sa loob ng bahay at pinatuloy siya. Inilapag ni Hanna ang memo pad na iyon sa mesita at nagtungo sa kusina upang magtimpla ng kape para sa kaniya, dahil doon ay nagkaroon siya ng pagkakataong silipin ang laman ng memo pad.
Tinanong niya si Hanna kanina kung left-handed ba si Yu-jun, sapagkat ang nagsulat sa memo pad na iyon ay left-handed, ibig sabihin, hindi nito pag-aari ang bagay na iyon kagaya ng sabi ni Hanna. At ang sugat nito, may kakaiba siyang napansin doon.
Nagsimula siyang lumakad palayo habang abala ang isip.
"Father?" untag sa kaniya ng pamilyar na tinig at kaagad siyang napatingin sa may-ari nito.
"Oh, Emily, ikaw pala," nakangiting wika niya sabay hinto sa paglakad.
Buhat sa bahay ni Yu-jun ay dinala nito ang tingin sa kaniya. "Nakita po kitang galing sa loob, okay ka lang po ba?"
Bahagyang napakunot ang noo niya dahil sa pagtataka. Kaiba ang tono ng pananalita nito.
"Bakit naman hindi ako magiging okay?"
"Eh, kase po, Father, halos lahat po ng taong nakakakilala kay Yu-jun dito sa bayan ng Del Recuerdo eh iniiwasan na siya, bulong-bulungan po kase na nabaliw na yang si Yu-jun," halos paanas nitong sabi.
"Anong..."
"May pagkakataong naririnig ng mga tao na nagbabasag siya ng gamit d'yan at tila may kaaway, samantalang mag-isa lang naman siyang nakatira r'yan dahil ilang buwan na mula nang umalis ang pamilya nila at lumipat sa Korea."
"Sigurado ka?"
"Opo, marami pong p'wedeng magpatunay."
Natigilan siya at napaisip. "Emily, kung wala kang gagawin baka p'wede tayong maglakad-lakad," kapagkuwa'y sabi niya sa dalaga.
Lumuwang ang ngiti nito. "S'yempre naman po, Father." Napatango pa ito.
"Sa tingin ko, okay naman si Yu-jun at wala akong nakikitang mali sa kaniya," wika ni Father Fair kay Emily habang naglalakad sila patungo sa tabing-dagat.
"Iyon po kase ang palaging sinasabi ng mga kapitbahay niya, Father."
"Bakit tila inaalam mo sa mga kapitbahay niya ang tungkol sa kaniya?" pilyong tanong niya.
Natawa ang dalaga. "Dati po kase Father, isa ako sa tagahanga niya. Pero noong mapabalita na may sira na sa ulo si Yu-jun, kasama ako sa mga na-turned off sa kaniya."
"Hindi ba kalabisan naman 'yon? Dahil lang nagkaroon siya ng problema sa pag-iisip hindi n'yo na s'ya gusto."
Hindi ito umimik.
"Eh, 'asan ba kase ang pamilya n'ya? Bakit nag-iisa na lang s'ya?" tanong niya rito kahit pa nga naitanong na niya iyon kay Hanna kanina.
"Ang alam ko po nasa Korea na. Kasamang umalis si Yu-jun pero hindi ko po alam kung bakit bumalik s'ya."
Magsasalita sana siya nang matigilan dahil sa kasalubong na ilang kadalagahang bumati sa kaniya.
"Tingin ko, lahat ng dalaga rito sa iyo na nakatutok ang mga mata, Father," puna ni Emily nang makalampas na sila sa mga kadalagahang iyon.
"Bakit naman?"
Ngumiti lang ito saka tumingin sa kaniya. Iniiwas naman niya ang tingin dito dahil medyo nailang siya.
Sinapit nila ang tabing-dagat at nakita niya ang mag-amang sila Mang Edmund at Allan na katatapos lang maglinis ng bangka.
"Tinanghali na sila Mang Edmund ah," puna niya habang nakatanaw sa kinaroroonan ng mag-ama.
"Oo nga po," sang-ayon naman ni Emily. "Parang hindi ito karaniwan sa kanila."
Natigilan siya sa huli nitong tinuran. Kapagkuwa'y dinala niya ang tingin dito. "Kilala mo ba ang anak na babae ni Mang Edmund?" tanong niya sa dalaga habang patuloy sila sa paglakad sa dalampasigan.
"Ah, si Arianne, opo. Naging kaklase ko po siya noong high school."
"Parang hindi ko pa s'ya nakikita mula nang dumating ako rito," pagkukunwari niya.
Nang hindi ito sumagot ay nilingon niya ito.
"Bakit, Emily?"
Umiling ito. "Kase po, Father." Napatikhim pa ito. "Si Arianne po kase ay ilang taon nang patay."
Napaangat ang dalawang kilay niya.
"Epileptic po si Arianne at iyon po ang naging sanhi ng kamatayan niya nang minsang atakehin siya at mabagsak ang ulo. Na-comatose s'ya at hindi na nagising pa."
Napatingin siya sa kinaroroonan nang mag-ama kanina pero hindi na niya nakita ang mga ito.
Kung patay na ang anak na babae ni Mang Edmund, sino ang babaeng iniligtas niya sa lighthouse?