NAGPASYANG bumalik sa simbahan si Father Fair matapos makapang wala sa bulsa ang kaniyang cellphone. Tatawag sana siya sa opisina upang mag-report na may lead na siya upang matuklasan kung sino ang nasa likod ng mga hinihinalang pagpatay sa mga pari.
Nang sapitin niya ang presbytery ay nasalubong niya si Father David sa hallway.
"Tiyak na masarap ang ating tanghalian, Father Fair," kaagad nitong sabi, malawak ang ngiti. "Nagdala si Allan ng mga isdang first class, order daw ito ni Joenard, iyon ang pagkakaintindi ko sa mga senyas niya."
Ngumiti siya. "Gusto ko ng sinigang sa miso," wika niya na kaagad nitong inayunan. "Sige po, Father David, didiretso na muna ako sa aking silid," tapos ay pagpapaalam niya bago ito nilampasan. Ito naman ay nagpatuloy sa paglakad palabas sa presbytery.
Nang sapitin niya ang kaniyang silid ay kaagad na hinagilap ng kaniyang mga mata ang cellphone, nakita niya iyon sa tabi ng lampshade.
Lumapit siya roon at dinampot iyon. Napakunot ang noo niya at hindi napigil ang sariling sipatin ang kaniyang cellphone, pakiramdam niya ay may kakaiba roon.
Umihip ang sariwang hangin buhat sa balcony kaya napatingin siya sa nakabukas na pintuan. Sandali siyang natigilan at natanong ang sarili, iniwan ba niyang nakabukas iyon?
Tumunog ang message alert tone niya kaya muli niyang ibinalik ang tingin sa cellphone. Binuksan niya iyon at napakunot ang noo nang makitang may apat siyang missed calls. Isa ay kay Landasin at tatlo sa bestfriend niya, halos ilang minuto pa lang ang nakakaraan.
Titingnan sana niya ang mensahe nang tumunog ang kaniyang cellphone, nagdalawang-isip siya kung sasagutin ang tawag nang makita ang pangalan ng kaibigan niya, subalit sa huli ay hindi niya nagawang sagutin ang tawag.
Naikuyom niya ang kamao at halos pigain ang cellphone sa kaniyang palad.
Nasa ganiyang ayos siya nang muling tumunog ang kaniyang cellphone. Nakita niya ang pangalan ni Landasin kaya kaagad niyang sinagot ang tawag nito.
"Hoy, Braganza, nakita mo na ba ang e-mail ko sa iyo?" bungad kaagad ni Landasin sa kaniya. Ang tinutukoy nito ay ang sagot sa email na ipinadala niya rito tungkol sa paghihinala kay Joenard. Ipinadala niya rito ang kuha ng body cam niya nang araw na iabot ng sakristan sa kaniya ang envelope kung saan laman ang larawan niya.
Kahit paano ay nabura ang galit sa dibdib niya. Napangiti siya sa tono ng pananalita ni Landasin, parang tila ba girlfriend na kinu-konpronta siya.
"Hindi pa, pero titingnan ko—"
"Pinadala siya ng bureau," putol nito sa kaniya. "Isa rin siyang undercover agent. 'Ayan, sinabi ko na para hindi ka na maabala pagbuklat ng laptop mo para tingnan ang email ko."
Napaawang ang bibig niya. "Whoa! Nagpadala ang gobyerno ng isang batang intel dito para tapatan ako?" nainsultong tanong pa niya na tinawanan nito.
"Oo, pipitsuging intel," tumatawang sabi nito. "Ito ang unang assignment niya. Ops, huwag kang manginig d'yan, remember, ikaw mismo ang tumanggap ng piece of cake na mission na 'yan imbes na kunin ang high profile case na malapit lang dito sa Maynila."
Nakamot niya ang dulo ng kaniyang kanang kilay. Oo nga naman, para lang matakasan ang kaniyang sitwasyon sa Maynila ay tinanggap niya ang simpleng mission na ito.
"Hindi siguro siya basta-bastang intelligence officer," kapagkuwa'y pag-amin niya. "Tingin ko nga nauna pa siyang nagkaroon ng lead sa investigation kaysa sa akin. Ngayon ay naiintindihan ko na bakit para siyang kabuting bigla na lang sumusulpot sa kung nasaan ako." Napabuntong-hininga siya. "Tatawag ako kay Chief para mag-report at humingi ng tao para sa mabilisang operation mamaya. Kailangan bago pumutok ang araw ay tapos na ang assignment ko rito," dire-diretsong sabi niya.
"Mukhang nagmamadali kang matapos ang assignment mo, samantalang wala ka pang isang buwan diyan, dahil ba kay Joenard o dahil kay misis?" nanunudyong tanong nito.
Napapikit siya sa inis dito dahil sa huling sinabi nito.
"Buwisit!" gigil na gumod niya.
"Ako na ang bahalang magsabi kay Chief, antay lang," mabilis na sabi nito, marahil ay naramdaman ang pagkainis niya.
"Kailangan ko ng tao," pormal na sabi niya. "Dapat naka-posting na sila bago ang eight hundred hour, tatawag ulit ako mamaya para sa location status, salamat." Tinapos niya ang tawag at hindi na hinintay na makapagsalita pa ito.
Ibinulsa niya ang cellphone at hahakbang na sana palabas ng silid upang puntahan si Joenard nang may matapakan siya.
Kaagad niya itong tinunghayan. Napabuntong-hininga siya nang makita ang white envelope na inabot sa kaniya ni Joenard.
Pinulot niya iyon at muling sinuri ang larawang laman. Napakunot ang noo niya nang noon lang mapansin na nasa direksyon ng lighthouse ang kumuha ng larawang ito. At sa background niya ay nahagip ang maliit na isla sa dulong bahagi ng isla Del Recuerdo, ang pribadong isla. Sinuri pa niya ang larawan at naintindihan na malayo ang kinaroroonan ng taong kumuha nito at may mataas na kalidad ng camera.
"s**t!" tiim-bagang na anas niya. Si Yu-jun ang naisip niya. Kilala ang studio nito sa bayan ng Del Recuerdo sa matataas na quality ng larawan. "Hay, buwisit!" inis na sambit niya sa sarili.
Nasa ganiyang ayos siya nang bigla ay may maalala. Gamit mismo ang cellphone ay nag-research siya tungkol sa botelya ng gamot na nakita niya sa bahay ni Yu-jun at natigilan siya nang makita kung paraa saan iyon. Medication iyon para sa isang baliw, kung gayon ay tama ang mga tsismis na sinasabi ni Emily, posibleng baliw nga si Yu-jun.
Nahuhulog siya sa pag-iisip nang marinig ang mga katok sa pinto.
Tumingin siya roon bago inilang hakbang ang pagitan sa pintuan at binuksan iyon.
"Father Fair," bungad ni Father David na mabilis humakbang papasok sa loob ng silid niya, larawan ito ng kaguluhan at pag-aalala. "Inutusan ko ang isa sa mga sakristan na puntahan sa silid si Joenard para tanungin kung ano ang gustong luto sa inorder niyang mga isda, subalit ang sabi nito ay hindi pa raw umuuwi si Joenard mula pa kagabi," halos bulong nito sa kaniya.
Napatitig siya rito, wala ang pagdududa sa mukha nito kagaya ng dati, kun'di pagkabahala.
"Nagpaalam siya sa akin kahapon kagaya ng dati na niyang ginagawa, pero napapaisip ako kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya bumabalik," dagdag pa nito. "Iba ang kutob ko, Father Fair."
Hindi siya nagsalita ngunit malutong na napamura sa isip.
•••
PINAGMASDAN ni Lovely si Yu-jun sa kahimbingan nito. Napakaamo ng mukha ng binata na para bang walang kamangnuhan sa mundo.
Dinala niya ang tingin sa bintana kasabay ang pagtayo at paglapit doon. Hinawi niya ng mas malaki ang kurtina upang mas makapasok ang maliwanag na sikat ng araw.
Napasinghap siya ng tumama sa mukha niya ang preskong hangin na inihatid ng malaking puno sa tapat ng bintana.
Pumihit siya upang i-off ang switch ng ilaw na nakabukas pa rin ng mga oras na iyan. Kasalukuyan niyang pinipindot ang switch nang hindi sinasadyang tinamaan ng kaniyang tingin ang dalawang picture frame na nakapatong sa chest drawer na nasa tabi lang ng pintuan.
Napaisip siya kung bakit nakataub ang mga iyon, kaya marahil ay hindi niya kaagad napansin kahit ilang oras na siyang naroon.
Dinampot niya ang isa sa picture frame at napaawang ang bibig niya nang makita ang sarili. Ito ang larawan niya na panakaw na kinuha ni Yu-jun noong unang araw na magkita sila sa lighthouse. Edited iyon at nagawang itabi sa larawan nito. Gusto niya itong sitahin pero pinigil niya ang sarili.
Ibinaba niya ang picture frame at dinampot ang isa. Awtomatikong nanlamig ang buong katawan niya at natuog sa kinatatayuan nang makita ang mukha ng babaeng nasa larawan.
"Lovely?" tawag ni Hanna na siyang nagpapitlag sa kaniya at muntik pang maihagis ang picture frame na hawak.
Lumingon siya sa kaibigan at nakita niya ang biglaang pagtataka sa mukha nito.
"Bakit parang nagulat ka naman yata? Namumutla ka."
Sinikap niyang ngumiti. "Bigla ka kaseng sumusulpot."
Hindi nito pinansin ang sinabi niya. Lumakad ito palapit sa bedside table at inilapag doon ang dala nitong food tray kung saan nakalagay ang umuusok na sabaw.
"Bilis naman niyang nakatulog," puna nito kay Yu-jun habang nakatitig dito.
"Natagalan ka lang," nakabawi nang sabi niya bagama't nanatili sa kinatatayuan.
"Sa bahay kase ako nagluto, eh wala namang stock na pagkain ang lalaking iyan eh," napailing na reklamo nito.
"Hindi kita napansing lumabas."
"Masyado ka kaseng busy kay Yu-jun eh," umismid pa kunwari nitong sabi at hindi sinasadyang napatingin sa picture frame na una niyang dinampot kanina.
Lumapit ito sa kinatatayuan niya. "Hindi ito nakakatuwa ha," kunwa'y nagseselos na wika nito at akmang hahawakan ang picture frame pero pinigilan niya ito saka ipinakita ang larawan ng babae sa picture frame na hawak niya.
Pinagmasdan niya ang kaibigan habang nakatitig ito sa larawan ng babae, inaasahan niya na iba ang magiging reaksyon nito subalit nanatiling normal ang anyo nito.
"Kilala mo s'ya?" tanong niya kay Hanna.
"Syempre naman, bakit?"
"Sino s'ya?" tanong ulit niya imbes na sagutin ang tanong nito.
"Akala mo girlfriend ni Yu-jun, noh?" may panunudyo sa tono nito. "Siya si Yuna, bunsong kapatid ni Yu-jun. Hindi lang talaga sila magkamukha dahil kamukha ng Mom nila si Yuna, pinay na pinay, 'di ba?"
Nahaplos niya ang sariling braso dahil sa kakaibang kilabot na naramdaman bago maluha-luha sa takot na lumingon sa kinahihigaan ni Yu-jun na noon ay nanatili pa ring himbing.
"Gusto ko nang umuwi, Hanna," wika niya habang hindi inaalis ang tingin kay Yu-jun.
"Hah?" tila naguluhang tanong nito sa kaniya. "Bakit bigla naman? 'Di ba, sabi mo pa kanina dapat mapakain pa natin s'ya para makainom ng gamot?"
Dinala niya ang tingin dito. "Hanna," paanas na bigkas niya sa pangalan nito. "Hindi ba sinabi mong wala na rito ang pamilya niya at nag-iisa na lang siya rito?" halos bumulong siya. "Noong nakaraang araw, nakita ko ang babaeng 'yan sa kabila ng isla, at sa tingin ko may kakaiba sa kaniya. Tumalon siya sa—" natigil siya sa pagsasalita nang maramdamang gumalaw ang binata, tiningnan niya ito.
Umungol ito na tila ba nasasaktan. Napatingin siya muli kay Hanna na noon ay shock na nakatitig sa kaniya.
Nagsenyasan sila at nagtulakan palabas sa silid ng binata.
"Totoo ba ang sinabi mo?" tila hindi makapaniwalang tanong ni Hanna nang nasa labas na sila ng silid ni Yu-jun at nagmamadali sa paglakad sa pasilyo patungo sa hagdanan.
"Kailan ba ako hindi nagsabi ng totoo sa iyo pagdating sa mga seryosong bagay, Hanna?"
Hindi ito tumugon hanggang sa makalabas sila sa gate ng bahay ni Yu-jun.
"Kung ganoon, nasaan si Yuna ngayon?" tanong ni Hanna na nagpahinto sa paglakad niya ganoon din ito.
"Hindi ko alam," mariing sabi niya. "Umalis na tayo rito. Pumunta tayo sa pulis o kay...Father Fair," napakagat-labi siya sa huling sinabi. Hindi siya sigurado sa mga lumabas sa bibig niya. 'Ni hindi siya sigurado kung saan ba talaga sila dapat pumunta.
Imbes na magsalita ay may kung ano itong dinukot sa bulsa at nang iabot nito iyon sa kaniya ay noon lang niya nalaman na cellphone niya iyon.
"Naiwan mo ito sa bahay, kanina pa tawag nang tawag si Rain sa iyo, hinahanap ka."
Kaagad niyang kinuha ang cellphone kay Hanna at tiningnan iyon.
"Tingin ko ang dapat nating gawin ay bumalik na sa Maynila ngayong araw mismo," narinig pa niyang sabi ni Hanna pero hindi niya halos narinig dahil sa mensaheng kaagad niyang nabasa nang buksan ang messages niya.
Mensahe iyon galing sa kaniyang asawa, kay Kean. Hihintayin daw siya nito sa lighthouse mamayang alas otso ng gabi.
'Sa lighthouse...' ulit pa niya sa isip.