CHAPTER 2 - XYRENE RAKETERA

1650 Words
Kinabukasan, sinadya kong agahan nang kaunti ang alis papasok sa eskwelahan. May dala-dala kasi akong mga paninda. Tshirt, blouse, bestida, romper, at mga shorts. Kailangan, maaga nang konti para maialok ko pa ang mga ito sa mga kaklase ko, bago magsimula ang first period. Hindi kasi pwedeng kay Tita Lily na lang namin iaasa lahat ng pangangailangan namin. Bitbit ang shoulder bag sa isang balikat, habang sa kabilang balikat ko naman ang isang malaking eco bag na pinaglalagyan ng mga paninda ko, dahan-dahan kong binabagtas ang kalye namin palabas sa kanto. Expected ko na as usual, malamang, naka-abang na naman sa akin iyung grupo ni Yoseph doon sa kanto, sa construction site ng ginagawang gasolinahan. “Yoseph! Eto na si lablab mo, oh! Naku! Ang daming dala-dala! Kawawa naman!” Malayo pa lang ako ay naririnig ko na ang sigaw ni Reggie. Aba... Mukhang siga-sigaan pa iyong lalaking iyon, eh magkaka-level lang naman silang lahat doon sa construction. Ilang hakbang na lang ako malapit sa ginagawang gasolinahan nang sumulpot si Yoseph sa likuran nila Reggie, Dindo at iba pang trabahador doon sa construction. Nakasando lang ito kaya litaw na litaw ang mga muscles sa mga braso nito, na parang iniimbitahan akong pisilin ang mga iyon. Bagong ligo rin siya, kaya ang linis niyang tingnan. Para bang ang bango-bango, at tila kay-sarap yakapin! Xyrene! Stop! Marahan kong ipinilig ang ulo ko. Ano ba’ng iniisip mo, Xyrene? “Uy, lablab… Tsk! Ayaw ko ng tanan. Kaya naman kitang pakasalan kahit anong oras, kahit saang simbahan, kahit saang panig pa ng mundo,” sabi ni Yoseph nang ilang hakbang na lang ako sa kinatatayuan niya. Inirapan ko ito ng matalim. “Tse!” Pinagsasasabi nitong kahit saang panig ng mundo? Haler! “Mga paninda ko ‘to!” pasuplada kong sabi. “Wow! Ang sipag naman ng lablab ko… lalo tuloy akong nai-in-love sa ‘yo…” sagot naman nito, na may kasama pang paghawak sa dibdib niya sa tapat ng puso niya. Huminto ako sa tapat niya, at saka masungit ko siyang tiningnan. “Ang aga-aga, Yoseph...” “Ang aga pa nga, lablab. Kaya nagtataka ako, at papasok ka na. Gusto mo, ihatid na kita?” nakangiting sagot niya, na para bang wala lang sa kanya ang pagsusungit ko sa kanya. "Never mind. Kaya ko ang sarili ko. Bye!” sagot ko sa kanya, sabay hakbang na palayo. “Sayang, lablab. Wala dito ‘yung sasakyan ko, hatid sana kita,” narinig ko pang pahabol niya sa likuran ko. Hindi ko tuloy mapigilang hindi taasan ng kilay ang narinig ko. Ano naman kaya ang sasakyan niya? Baka kotseng kakarag-karag. O owner-type na jeep. O worse, nagi-imagine lang ang mokong. MAY mangilan-ngilan na rin akong mga kaklase sa kuwarto nang dumating ako. “Xyrene, mukhang may kontrabando ka na namang dala, ah!” bati ni Kaycee, suki ko sa mga paninda ko. “Oo. Puro Bangkok items ‘to. Magaganda. Kuha ka na,” sagot ko sa kanya habang naglalakad ako papunta sa upuan ko. Pagkalapag ko ng mga dala ko ay agad kong inilabas ang mga paninda ko. Nagsilapitan na rin iyung iba pa naming mga kaklase. Hinayaan ko lang silang tumingin at pumili sa nga dala ko. Natuwa naman ako nang nakabenta ako ng limang items. Umaga pa lang ngayon, at mahaba pa ang maghapon. May apat na subjects pa ako na pwedeng pag-alukan ng mga tinda ko. “Uy, Xyrene… akin na ‘to ha. Pero pagdating pa ng allowance ko ang bayad. Okay lang?” Si Kaycee. “Oo naman. Ikaw pa ba? On time ka naman magbayad,” nakangiti kong sagot. “Xyrene, pautang muna ng load, please…” Sabay pa kaming napalingon ni Kaycee kay Gerald na humahangos palapit sa puwesto namin. “Oo ba. Same pa rin ba? Iyung pang-unli call?” tanong ko kay Gerald. “Oo. Paki-load mo na lang agad. Para matawagan ko muna ‘yung syota ko bago dumating si Mam. Kagabi pa ako inaaway, eh…” kakamot-kamot ng ulo na sagot ni Gerald. Napangiti ako, dinampot ko ang phone ko, at saka tumipa dito. “Ano ba kasing ginawa mo, at inaway ka?” “Eh gusto kasi niyang mag-out of town kami, eh wala pa akong budget. Kakatapos lang ng intern natin, di ba? Thank you, eto na ‘yung load. Tawagan ko muna. Thanks.” “Ang demanding naman nung girl! Eh, estudyante pa lang naman ‘yung jowa niya,” komento ni Kaycee. “Kaya ako? Hindi ako magbo-boyfriend ng katulad ko rin na mahirap. Kailangang makapasa siya sa standards ko,” may pagyayabang kong sabi. “At ano naman ‘yang standards na ‘yan?” tanong ni Kaycee. “Guwapo at mayaman!” Sabay kaming napalingon ni Kaycee sa biglang sumulpot na mga kaibigan ko – si Myles at Peachy. “Tama kami, bes, di ba?” tanong ni Peachy. Bahagya akong natawa. Kabisadong-kabisado talaga ako ng mga kaibigan ko. “Iyung dalawa lang na iyun, at paniguradong pasado ka na kay Xyrene!” dagdag pa ni Myles. “Ganun ba? Eh, paano kung mayaman lang, pero hindi naman guwapo?” tanong naman ni Kaycee. “Eh, pwede na rin. Guma-gwapo naman kapag maraming pera,” natatawa kong sagot. “So, pag guwapo lang at walang anda, wis pa rin?” tanong uli ni Kaycee. Sasagutin ko na sana si Kaycee nang biglang lumitaw sa isip ko ang imahe ni Yoseph. Bakit ba bigla kong naisip iyung mokong na ‘yon? “Ekis,” confident kong sagot. “Ay, taray!” nagbibirong sabi ni Kaycee. “Sawa na ako sa hirap, Kaycee. Eto nga ngayon, puro raket na ang ginagawa ko kaliwa’t kanan. Magtinda, mag-load, kulang na nga lang magpataya rin ako ng huweteng, eh. Hindi ba pwedeng makatikim naman ako ng ginhawa balang araw? Saka, ipinangako ko sa sarili ko na iaahon ko sa hirap ang pamilya ko. Iyong responsibilidad ni Tatay na hindi niya nagawa para sa amin, ako na ang tatapos.” “Good luck sa ‘yo. Sana ay matagpuan mo ang ideal man mo na ‘yan. Sabagay, sa ganda mong iyan, hindi naman malayong may magkagusto sa iyo na guwapo at mayaman,” komento ni Kaycee. Napansin namin ang pagkakagulo ng mga kaklase namin sa bandang unahan. Dumating na pala ang prof namin. Dali-daling nagsi-upo na sila Kaycee, Myles at Peachy, habang nagmamadali kong iniligpit iyung mga paninda ko. PAGKABABA ko ng jeep sa kanto namin, muling pumasok sa isip ko si Yoseph. Paniguradong naka-abang na naman ito sa akin, at aasarin na naman ako. Pero nung nasa tapat na ako ng construction site, hanggang sa malapit na akong makalampas ay walang Yoseph na nagpakita o tumawag man lang sa akin. Huminto pa nga ako, at saka pasimpleng lumingon sa kadalasang pinupuwestuhan nila Reggie, at iba pang kasama nila. Pero tahimik ang lugar. Baka natutulog silang lahat. Pero ala-una na ng hapon. Hindi ba kapag ganitong oras ay balik-trabaho na? Bago pa may makakita sa akin ay napagpasyahan kong ituloy na ang paglalakad pauwi sa amin. Pero katakatakang may bigat sa dibdib ko habang palayo ako sa lugar na iyon. "OH! TAPOS ka na pala sa live selling mo, Xyrene. Nagdala si Yoseph ng lugaw kanina. Eh, hindi na kita pinuntahan sa kuwarto mo at alam kong busy ka pa. Tara na dito, amoy pa lang nitong lugaw, mukhang special talaga. May kasama pang Tokwa't Baboy! Di ba favorite mo ‘to?" Kakatapos ko lang nga sa live selling ko ng mga natira ko pang paninda. Nagutom ako kaya nagpunta ako agad dito sa kusina, at ito agad ang ibinungad sa akin ni Nanay. Abala ito sa pagsasandok mula sa isang stainless na kaldero, na sigurado akong hindi naman sa amin. Napakunot ang noo ko. “Asan po si Yoseph?” Tumingin sa akin si Nanay, at saka kumunot ang noo. “Si Yoseph ba ang nasabi ko? Ay, mali. Si Reggie pala ang may dala kanina. Pero padala raw ni Yoseph.” Si Nanay talaga… Nilapitan ko siya at sinilip iyung lugaw sa kaldero. Tama si Nanay, mukhang special ang pagkakaluto. Hindi iyung mukhang nabibili sa karinderya. "O siya. Kumain ka na at susunduin ko lang iyung mga pamangkin mo sa kuwarto," sabi ni Nanay sabay talikod na. Si AJ at MJ, mga anak ng nakababata kong kapatid na si Xenia. Matanda ako ng dalawang taon kay Xenia, pero ni hindi na ito nakapagtapos ng High School dahil nabuntis ng boyfriend niya na si Gary, matanda sa kanya ng isang taon. Huling taon na ni Xenia noon sa High School nang malaman namin na matagal na pala itong hindi pumapasok. Nang sitahin naman ni Nanay, nagtanan naman ang dalawa, at doon lang namin nalaman na buntis na nga ito. Ngayon ay sa amin sila nakatirang mag-anak. Wala naman silang ibang mapupuntahan. Nagtatrabaho si Xenia sa isang pabrika, samantalang tricycle driver naman si Gary, na may ruta sa kabilang kanto lang namin. Kaya walang choice si Nanay kung hindi tumigil sa pagtatrabaho at mag-alaga sa dalawang bata. Iyong pinambili ng tricycle ni Gary ay galing din kay Tita Lily. Sobra-sobrang tulong na ang naibigay sa amin ni Tita Lily, kahit pa ang asawa lang niyang si Uncle Afeim, isang Indonesian, ang may trabaho sa kanilang dalawa. Teacher si Uncle Afeim sa isang kilalang unibersidad sa Indonesia, kaya medyo maganda ang suweldo niya. Hindi rin siya nagdadamot ng pagtulong sa amin nila Nanay, kahit pa hindi naman sobra-sobra ang sinasahod niya. Natutulungan lang siya ni Tita Lily kapag mayroong batang magpapa-tutor doon ng English subject. Kaya minsan malaki ang padala niyang pera sa amin. Kaya nagsusumikap ako na makatapos at makapag-abroad para maiahon ko ang pamilya ko sa hirap. Gusto kong maibigay sa kanila ang lahat ng kaginhawahan na pwede kong ibigay sa kanila. Kahit na ang kapalit ay ang sarili kong kaligayahan. Para lang mabago ang kanilang hinaharap... ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD